Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Marcos 12-13

Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Katiwala(A)

12 Nagsimula(B) siyang magsalita sa kanila sa mga talinghaga. “Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, binakuran ang paligid nito, humukay ng pisaan ng ubas, nagtayo ng isang tore, pinaupahan iyon sa mga magsasaka, at nagpunta siya sa ibang lupain.

Nang dumating ang kapanahunan, nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka upang kunin sa kanila ang kanyang bahagi mula sa mga bunga ng ubasan.

Ngunit siya'y kanilang sinunggaban, binugbog at pinaalis na walang dala.

Siya'y muling nagsugo sa kanila ng isa pang alipin at ito'y kanilang pinalo sa ulo at nilait.

Nagsugo siya ng isa pa at ito'y kanilang pinatay; gayundin sa marami pang iba. Binugbog ang ilan at ang iba'y pinatay.

Mayroon pa siyang isa, isang minamahal na anak na lalaki. Sa kahuli-hulihan siya'y kanyang isinugo sa kanila na sinasabi, ‘Igagalang nila ang aking anak.’

Ngunit sinabi ng mga magsasakang iyon sa isa't isa, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at magiging atin ang mana.’

At siya'y kanilang sinunggaban, pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan.

Ano kaya ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Siya'y darating at pupuksain ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba.

10 Hindi(C) pa ba ninyo nababasa ang kasulatang ito:

‘Ang batong itinakuwil ng mga nagtayo ng gusali,
    ay siyang naging batong panulukan.

11 Ito'y gawa ng Panginoon,

    at ito'y kagila-gilalas sa ating mga mata?’”

12 Nang kanilang mahalata na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila, pinagsikapan nilang hulihin siya, ngunit sila'y natakot sa maraming tao at siya'y iniwan nila at sila'y umalis.

Ang Pagbabayad ng Buwis(D)

13 Kanila namang sinugo sa kanya ang ilang Fariseo at Herodiano, upang siya'y mahuli nila sa pananalita.

14 At nang sila'y lumapit ay kanilang sinabi sa kanya, “Guro, nalalaman naming ikaw ay tapat at hindi ka nangingimi kaninuman; sapagkat hindi ka nagtatangi ng mga tao, kundi itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Matuwid bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi? Dapat ba kaming magbayad o hindi?”

15 Ngunit dahil alam niya ang kanilang pagkukunwari ay sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako sinusubok? Magdala kayo rito sa akin ng isang denario upang makita ko.”

16 Nagdala nga sila ng isa at sinabi niya sa kanila, “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit?” Sinabi nila sa kanya, “Kay Cesar.”

17 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos.” At sila'y namangha sa kanya.

Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(E)

18 Lumapit(F) sa kanya ang mga Saduceo na nagsasabi na walang muling pagkabuhay at siya'y kanilang tinanong, na sinasabi.

19 “Guro,(G) isinulat para sa amin ni Moises na kung ang kapatid na lalaki ng isang lalaki ay mamatay at may maiwang asawa, at walang maiwang anak, pakakasalan ng kanyang kapatid ang kanyang asawa, at bibigyan ng anak ang kanyang kapatid.

20 May pitong lalaking magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at nang mamatay siya ay walang naiwang anak.

21 Pinakasalan ng pangalawa ang balo at namatay na walang naiwang anak at gayundin naman ang pangatlo.

22 At ang pito ay walang iniwang anak. Sa kahuli-hulihan, ang babae naman ang namatay.

23 Sa muling pagkabuhay, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? Sapagkat siya'y naging asawa ng pito.”

24 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba't ito ang dahilan kaya kayo nagkakamali, hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos?

25 Sapagkat sa pagkabuhay nilang muli mula sa mga patay, hindi na sila mag-aasawa, o pag-aasawahin pa; kundi tulad sila ng mga anghel sa langit.

26 Ngunit(H) tungkol sa mga patay, na sila'y muling bubuhayin, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, tungkol sa mababang punungkahoy, kung paanong sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob?’

27 Hindi siya Diyos ng mga patay, kundi ng mga buhay; maling-mali kayo.”

Ang Pangunahing Utos(I)

28 Lumapit(J) ang isa sa mga eskriba, at narinig niya ang kanilang pagtatalo, at palibhasa'y nalalamang mabuti ang pagkasagot niya sa kanila ay tinanong siya, “Alin ang pangunahing utos sa lahat?”

29 Sumagot(K) si Jesus, “Ang pangunahin ay, ‘Pakinggan mo Israel: Ang Panginoon nating Diyos, ang Panginoon ay iisa.

30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.’

31 Ang(L) pangalawa ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili. Wala nang ibang utos na higit pang dakila sa mga ito.’”

32 Sinabi(M) sa kanya ng eskriba, “Tama ka, Guro; katotohanan ang sinabi mo na siya'y iisa; at wala nang iba maliban sa kanya.

33 Ang(N) siya'y ibigin nang buong puso, buong pagkaunawa, buong lakas, at ibigin ang kapwa niya na gaya ng kanyang sarili, ay higit pa kaysa lahat ng mga handog na sinunog at mga alay.”

34 Nang makita ni Jesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, sinabi niya sa kanya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Pagkatapos noon, wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya ng anuman.

Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(O)

35 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, ay sinabi niya, “Paanong nasasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David?

36 Si(P) David mismo ang nagpahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway
sa ilalim ng iyong mga paa.”’

37 Tinawag din siya ni David na Panginoon; kaya't paano siyang magiging anak ni David?” At ang napakaraming tao ay tuwang-tuwa na nakikinig sa kanya.

Babala Laban sa mga Eskriba(Q)

38 Sinabi niya sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga eskriba, na ibig magpalakad-lakad na may mahahabang damit, at batiin na may paggalang sa mga pamilihan.

39 At ibig nila ang pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan.

40 Sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing balo at bilang pakitang-tao, nananalangin sila ng mahahaba. Ang mga ito'y tatanggap ng lalong malaking kahatulan.”

Ang Pagbibigay ng Babaing Balo(R)

41 Umupo siya sa tapat ng kabang-yaman at minasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi sa kabang-yaman. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga.

42 Dumating ang isang babaing balo at siya'y naghulog ng dalawang kusing na ang halaga'y halos isang pera.

43 Pinalapit niya sa kanya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat nang naghuhulog sa kabang-yaman.

44 Sapagkat silang lahat ay naghulog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit siya sa kanyang kasalatan ay inihulog ang lahat ng nasa kanya, ang kanyang buong kabuhayan.”

Ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(S)

13 Sa paglabas niya sa templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan mo! Pagkalalaking mga bato, at pagkalalaking mga gusali!”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitira ditong isa mang bato sa ibabaw ng kapwa bato na hindi ibabagsak.”

Mga Kaguluhan at Pag-uusig na Darating(T)

Samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang lihim nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres,

“Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang magiging tanda kapag malapit nang maganap ang lahat ng mga bagay na ito?”

Si Jesus ay nagsimulang magsabi sa kanila, “Mag-ingat kayo, na baka mailigaw kayo ng sinuman.

Maraming darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako siya!’ at maililigaw nila ang marami.

Subalit kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan, huwag kayong mabahala. Ang mga bagay na ito'y dapat mangyari ngunit hindi pa iyon ang wakas.

Sapagkat maghihimagsik ang bansa laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian; at lilindol sa iba't ibang dako; magkakaroon ng taggutom. Ang mga ito'y pasimula lamang ng paghihirap.

Ngunit(U) para sa inyong mga sarili, mag-ingat kayo; sapagkat kayo'y ibibigay nila sa mga Sanhedrin at kayo'y hahampasin sa mga sinagoga. Kayo'y tatayo sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila.

10 At kailangan munang maipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng mga bansa.

11 Kapag kayo'y dinala nila sa paglilitis at kayo'y ipinadakip, huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin, ngunit sabihin ninyo ang anumang ipagkaloob sa inyo sa oras na iyon, sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo.

12 Ipagkakanulo ng kapatid sa kamatayan ang kapatid at ng ama ang kanyang anak; at maghihimagsik ang mga anak laban sa mga magulang at sila'y ipapapatay.

13 Kayo(V) nama'y kapopootan ng lahat dahil sa aking pangalan, ngunit ang makapagtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.

Ang Karumaldumal na Paglapastangan(W)

14 “Ngunit(X) kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ng bumabasa), kung magkagayo'y dapat nang tumakas sa mga bundok ang mga nasa Judea.

15 At(Y) ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba, o pumasok upang maglabas ng anuman sa kanyang bahay.

16 Ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal.

17 Kahabag-habag ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso ng mga sanggol sa mga araw na iyon!

18 Subalit ipanalangin ninyo na ito'y huwag nawang mangyari sa taglamig.

19 Sapagkat(Z) sa mga araw na iyon ay magkakaroon ng kapighatian, na ang gayo'y hindi pa nangyari buhat sa pasimula ng paglikha na nilalang ng Diyos hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman.

20 At malibang paikliin ng Panginoon ang mga araw, walang taong[a] makakaligtas, ngunit dahil sa mga hinirang na kanyang pinili, pinaikli niya ang mga araw na iyon.

21 Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o, ‘Tingnan ninyo naroon siya!’ huwag ninyong paniwalaan.

22 Maglilitawan ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung maaari, ang mga hinirang.

23 Ngunit mag-ingat kayo; ipinagpauna ko nang sabihin sa inyo ang lahat ng bagay.

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(AA)

24 “Ngunit(AB) sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag,

25 at(AC) malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa mga langit.

26 Pagkatapos,(AD) makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.

27 Pagkatapos ay susuguin niya ang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa mga dulo ng lupa hanggang sa mga dulo ng langit.

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(AE)

28 “Sa puno nga ng igos ay pag-aralan ninyo ang talinghaga: kapag nananariwa ang kanyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tag-araw.

29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, alam ninyong iyon ay malapit na, nasa mga pintuan na.

30 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.

31 Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(AF)

32 “Ngunit(AG) tungkol sa araw o oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama.

33 Kayo'y mag-ingat, kayo'y magbantay, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang panahon.

34 Tulad(AH) ng isang tao na umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya sa kanyang bahay, at pagkabigay ng tagubilin sa kanyang mga alipin, sa bawat isa ang kanyang gawain, ay inutusan ang tanod sa pinto na magbantay.

35 Kaya't maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa umaga.

36 Baka sa bigla niyang pagdating ay matagpuan niya kayong natutulog.

37 At ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001