Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Marcos 4-5

Ang Talinghaga ng Manghahasik(A)

Siya'y(B) muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't siya'y sumakay sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang lahat ng tao ay nasa dalampasigan.

Sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga at sa kanyang pagtuturo ay sinabi niya sa kanila,

“Makinig kayo. Ang isang manghahasik ay lumabas upang maghasik.

At nangyari, sa kanyang paghahasik, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at nagdatingan ang mga ibon at kinain ito.

Ang iba ay nahulog sa batuhan na doo'y walang maraming lupa. Agad itong sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa.

Nang sumikat ang araw, nainitan ito at dahil sa walang ugat, ito'y natuyo.

Ang iba ay nahulog sa tinikan at lumaki ang mga tinik at sinakal ito, at ito'y hindi namunga.

Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa at namunga, na tumataas, lumalago at namumunga ng tatlumpu, animnapu, at isandaan.”

At sinabi niya, “Ang may taingang pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)

10 Nang siya'y mag-isa na, ang mga nasa palibot niya kasama ang labindalawa ay nagtanong sa kanya tungkol sa mga talinghaga.

11 At sinabi niya sa kanila, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng kaharian ng Diyos, ngunit sa kanilang nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa mga talinghaga;

12 upang(D) kung sa pagtingin ay hindi sila makakita; at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa, baka sila'y magbalik-loob at mapatawad.”

13 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nalalaman ang talinghagang ito? Paano nga ninyo mauunawaan ang lahat ng mga talinghaga?

14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita.

15 Ito ang mga nasa tabi ng daan na nahasikan ng salita. Nang kanilang mapakinggan ito, agad dumating si Satanas at inagaw ang salitang inihasik sa kanila.

16 Gayundin naman ang mga nahasik sa batuhan, nang marinig nila ang salita, agad nila itong tinanggap na may galak;

17 at hindi ito nagkaugat sa kanilang sarili, kundi panandalian lamang. Kaya't nang dumating ang kapighatian o ang mga pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang tumatalikod.[a]

18 Ang iba'y nahasik sa tinikan. Ang mga ito ang nakinig ng salita,

19 ngunit ang mga alalahanin ng sanlibutan, ang pang-akit ng mga kayamanan, at ang mga pagnanasa sa ibang bagay ay pumasok at sinakal ang salita at ito'y hindi nakapamunga.

20 Ang mga ito ang nahasik sa mabuting lupa: narinig nila ang salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”

Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(E)

21 At(F) sinabi niya sa kanila, “Inilalabas ba ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi sa talagang lalagyan ng ilawan?

22 Sapagkat(G) walang bagay na nakatago na hindi ihahayag; o walang nalilihim na hindi ilalantad sa liwanag.

23 Kung ang sinuman ay may taingang ipandirinig, hayaan siyang makinig.”

24 At(H) sinabi niya sa kanila, “Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan: sa panukat na inyong isinusukat, kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay.

25 Sapagkat(I) ang mayroon ay lalo pang bibigyan; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”

Ang Binhing Tumutubo

26 Sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa,

27 at natutulog at bumabangon siya sa gabi at araw. Sumisibol at lumalaki ang binhi na hindi niya nalalaman kung paano.

28 Ang lupa mismo ang nagpapasibol sa halaman,[b] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil.

29 Ngunit(J) kapag hinog na ang bunga, agad niyang kinukuha ang karit, sapagkat dumating na ang pag-aani.”

Ang Butil ng Mustasa(K)

30 Kanyang sinabi, “Sa ano natin maihahambing ang kaharian ng Diyos; o anong talinghaga ang gagamitin natin para dito?

31 Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mustasa na kapag naihasik sa lupa, bagama't siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nasa lupa,

32 ngunit kapag ito'y naihasik ay tumutubo, nagiging mas malaki kaysa lahat ng mga halaman, at nagsasanga ng malalaki, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay nakakagawa ng mga pugad sa lilim nito.”

Ang mga Talinghaga ni Jesus

33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga, sinabi niya sa kanila ang salita, ayon sa kakayahan nilang makinig.

34 At hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa talinghaga ngunit sa kanyang sariling mga alagad ay sarilinan niyang ipinapaliwanag ang lahat ng mga bagay.

Pinatigil ni Jesus ang Unos(L)

35 Nang araw ding iyon, nang sumapit na ang gabi ay sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”

36 Pagkaiwan sa maraming tao, siya'y kanilang isinama sa bangka, ayon sa kanyang kalagayan. At may iba pang mga bangka na kasama niya.

37 At nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka, anupa't ang bangka ay halos napupuno na ng tubig.

38 Ngunit siya'y nasa hulihan ng bangka at natutulog na may inuunan. Siya'y ginising nila, at sinabi sa kanya, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?”

39 Paggising niya ay sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan.

40 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?”

41 Sila'y sinidlan ng malaking takot at sinabi sa isa't isa, “Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”

Pinagaling ni Jesus ang Inaalihan ng Masamang Espiritu(M)

Dumating sila sa kabilang ibayo ng dagat, sa lupain ng mga Geraseno.[c]

Nang bumaba siya sa bangka, isang lalaki na may masamang espiritu ang agad na sumalubong sa kanya mula sa mga libingan.

Siya'y naninirahan sa mga libingan at wala nang makapigil sa kanya kahit na may tanikala.

Sapagkat madalas na siya'y ginagapos ng mga kadena at mga tanikala ngunit nilalagot niya ang mga tanikala, at pinagpuputul-putol ang mga kadena. Walang taong may lakas na makasupil sa kanya.

Sa gabi't araw ay palagi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato.

Nang matanaw niya si Jesus sa malayo, tumakbo siya at si Jesus[d] ay kanyang sinamba.

Siya'y sumigaw ng may malakas na tinig, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Ipinapakiusap ko sa iyo, alang-alang sa Diyos, na huwag mo akong pahirapan.”

Sapagkat sinabi niya sa kanya, “Lumabas ka sa taong iyan, ikaw na masamang espiritu.”

At tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sumagot siya, “Lehiyon[e] ang pangalan ko sapagkat marami kami.”

10 Nagmakaawa siya sa kanya na huwag silang palayasin sa lupain.

11 Noon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa libis ng bundok.

12 Nakiusap sila sa kanya, “Papuntahin mo kami sa mga baboy upang kami ay makapasok sa kanila.”

13 At sila'y kanyang pinahintulutan. Ang mga masamang espiritu ay lumabas at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may bilang na mga dalawang libo ay bumulusok sa matarik na bangin patungong dagat at nalunod sila sa dagat.

14 Ang mga nagpapakain sa kanila ay tumakas at ibinalita sa lunsod at sa mga nayon. Kaya't nagdatingan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari.

15 Lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang inalihan ng mga demonyo na nakaupo roon na may damit at matino ang pag-iisip, ang taong nagkaroon ng isang lehiyon, at sila'y natakot.

16 At sinabi sa kanila ng mga nakakita rito kung anong nangyari sa inalihan ng mga demonyo at sa mga baboy.

17 Sila'y nagpasimulang makiusap kay Jesus[f] na lisanin ang pook nila.

18 Nang sumasakay na siya sa bangka, ang lalaking inalihan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y isama niya.

19 Ngunit tumanggi siya at sinabi sa kanya, “Umuwi ka sa iyong mga kaibigan at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paanong kinaawaan ka niya.”

20 At ang lalaki[g] ay lumisan at nagpasimulang ipahayag sa Decapolis ang lahat ng ginawa ni Jesus para sa kanya; at namangha ang lahat.

Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Isang Babae(N)

21 Nang si Jesus ay muling tumawid sakay ng bangka sa kabilang ibayo, nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao; at siya'y nasa tabi ng dagat.

22 Pagkatapos ay dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita sa kanya, nagpatirapa siya sa kanyang paanan,

23 at nagsumamo sa kanya, na sinasabi, “Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo. Pumaroon ka at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kanya upang siya'y gumaling at mabuhay.”

24 Siya'y sumama sa kanya. Sinundan siya ng napakaraming tao at siya'y siniksik nila.

25 May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,

26 at lubhang naghirap na sa maraming manggagamot. Nagugol na niya ang lahat ng nasa kanya at hindi siya gumaling ni kaunti man, kundi lalo pang lumubha.

27 Narinig niya ang tungkol kay Jesus, lumapit siya sa karamihan sa likuran niya, at hinipo ang kanyang damit.

28 Sapagkat sinasabi niya, “Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.”

29 Kaagad napigil ang kanyang pagdurugo, at kanyang naramdaman sa kanyang katawan na magaling na siya sa malubha niyang sakit.

30 Pagkabatid na may lumabas na kapangyarihan mula sa kanya, bumaling si Jesus sa karamihan at nagsabi, “Sino ang humipo sa aking damit?”

31 Sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, “Nakikita mong sinisiksik ka ng karamihan, at sinasabi mo pang ‘Sino ang humipo sa akin?’”

32 Tumingin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang gumawa niyon.

33 Ngunit ang babae palibhasa'y nalalaman ang nangyari sa kanya ay lumapit na natatakot at nanginginig, nagpatirapa sa harap niya, at sinabi sa kanya ang buong katotohanan.

34 At sinabi ni Jesus sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; umalis kang payapa, at gumaling ka sa sakit mo.”

35 Samantalang nagsasalita pa siya, may mga taong dumating na galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, na nagsasabi, “Namatay na ang anak mong babae. Bakit mo pa inaabala ang Guro?”

36 Ngunit hindi pinansin[h] ni Jesus ang sinabi, at sinabi niya sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”

37 At hindi niya ipinahintulot na may sumunod sa kanya, maliban kina Pedro, Santiago, at Juan na kapatid ni Santiago.

38 Nang makarating sila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, nakita niya ang pagkakagulo, ang mga pagtangis at malakas na iyakan.

39 Pagkapasok niya ay kanyang sinabi sa kanila, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, kundi natutulog lamang.”

40 Siya'y kanilang pinagtawanan, ngunit pinalabas niya ang lahat at isinama niya ang ama at ang ina ng bata at ang kanyang mga kasamahan. Pumasok sila sa kinaroroonan ng bata.

41 Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Talitha cum,”[i] na ang kahulugan ay “Munting batang babae, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”

42 Kaagad bumangon ang batang babae at nagpalakad-lakad (siya'y may labindalawang taon na). Kaagad silang namangha ng ganoon na lamang.

43 Mahigpit niyang ipinag-utos sa kanila na walang dapat makaalam nito; at sinabi niya sa kanila na ang bata[j] ay bigyan ng makakain.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001