Beginning
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)
13 Nang araw ding iyon ay lumabas si Jesus sa bahay at umupo sa tabi ng dagat.
2 Nagtipun-tipon(B) sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't sumakay siya sa isang bangka at umupo roon samantalang ang lahat ng tao ay nakatayo sa baybayin.
3 At nagsalita siya sa kanila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga, na sinasabi: “Makinig kayo! Isang manghahasik ang humayo upang maghasik.
4 Habang siya'y naghahasik, may mga binhing nahulog sa tabing daan; at dumating ang mga ibon at kinain nila ang mga ito.
5 Ang iba nama'y nahulog sa batuhan na doo'y kakaunti lamang ang lupa; at kaagad silang sumibol yamang hindi malalim ang lupa.
6 Kaya't pagsikat ng araw, ang mga iyon ay natuyo at dahil sa walang ugat ang mga iyon ay tuluyang nalanta.
7 Ang iba ay nahulog sa mga tinikan. Lumaki ang mga tinik at sinakal ang mga iyon.
8 Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa, at namunga. Ang iba ay tig-iisang daan, ang iba ay animnapu, ang iba ay tatlumpu.
9 Ang mga may pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)
10 Lumapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kanya, “Bakit ka nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga?”
11 Sumagot siya at sinabi sa kanila, “Sapagkat sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ipinagkaloob sa kanila.
12 Sapagkat(D) sinumang mayroon ay lalong bibigyan, at magkakaroon siya ng kasaganaan; ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.
13 Dahil dito ay nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat sa kanilang pagtingin ay hindi sila nakakakita, at sa kanilang pakikinig ay hindi sila nakakarinig, at hindi sila nakakaunawa.
14 Natutupad(E) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi:
‘Sa pakikinig kayo'y makakarinig, ngunit kailanma'y hindi makakaunawa,
at sa pagtingin kayo'y titingin, ngunit kailanma'y hindi makakabatid.
15 Sapagkat naging manhid na ang puso ng bayang ito,
at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata;
baka ang kanilang mga mata'y makakita,
at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang puso nila,
at manumbalik sa akin, at sila'y aking pagalingin.’
16 Ngunit(F) mapapalad ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito'y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito'y nakakarinig.
17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, ngunit hindi nila ito narinig.
Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(G)
18 “Pakinggan ninyo ang talinghaga ng manghahasik.
19 Kung ang sinuman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at hindi niya ito inuunawa, darating ang masama at aagawin ang naihasik sa kanyang puso. Ito ang naihasik sa tabing daan.
20 Ang napahasik sa mga batuhan ay iyong nakikinig ng salita, at agad niyang tinatanggap ito na may kagalakan.
21 Gayunma'y hindi siya nagkaugat kundi sandali lamang tumatagal; at kapag dumating ang kapighatian o pag-uusig dahil sa salita ay kaagad siyang natitisod.
22 Ang napahasik sa mga tinikan ay iyong nakikinig ng salita; ngunit ang kabalisahan ng sanlibutan at ang daya ng mga kayamanan ay sumasakal sa salita at iyon ay nagiging walang bunga.
23 Ang napahasik naman sa mabuting lupa, ay iyong nakikinig ng salita at inuunawa ito, na siyang talagang namumunga. Ang isa ay isandaan, ang iba ay animnapu, at ang iba ay tatlumpu.”
Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
24 Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid.
25 Ngunit samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kaaway at naghasik ng mga damo sa triguhan, at umalis.
26 Kaya't nang sumibol ang mga halaman at namunga ay lumitaw rin ang damo.
27 At ang mga alipin ng puno ng sambahayan ay dumating at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, hindi ba't mabuting binhi ang inihasik mo sa iyong bukid? Saan kaya nanggaling ang mga damo?’
28 Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang gumawa nito.’ At sinabi sa kanya ng mga alipin, ‘Ibig mo bang kami'y pumaroon at tipunin ang mga iyon?’
29 Ngunit sinabi niya, ‘Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga damo ay inyong mabunot pati ang trigo.
30 Hayaan ninyong magkasama silang tumubo hanggang sa anihan, at sa panahon ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga damo at pagbigkisin ninyo upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”
Ang Talinghaga tungkol sa Binhi ng Mustasa(H)
31 Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kanyang bukid.
32 Iyon ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit nang tumubo ay siyang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging punungkahoy, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay dumarating at nagpupugad sa kanyang mga sanga.
Ang Talinghaga ng Pampaalsa(I)
33 Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae, at inihalo[a] sa tatlong takal na harina, hanggang sa ang lahat ay malagyan ng pampaalsa.”
Ang Paggamit ni Jesus sa mga Talinghaga(J)
34 Ang lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang sinabi sa kanila na hindi sa pamamagitan ng talinghaga.
35 Ito(K) ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta,[b]
“Bubuksan ko ang aking bibig sa pagsasalita ng mga talinghaga;
isasalaysay ko ang mga natatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.”[c]
Ang Kahulugan ng Talinghaga ng mga Damo sa Triguhan
36 Pagkatapos ay iniwan ni Jesus[d] ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga damo sa bukid.”
37 Sumagot siya at sinabi, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao.
38 Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay ang mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng masama.
39 Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng sanlibutan; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel.
40 Kaya't kung paanong tinitipon ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan.
41 Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang mga gumagawa ng kasamaan;
42 at itatapon nila ang mga ito sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
43 Kung magkagayo'y magliliwanag ang mga matuwid na tulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!
Ang Nakatagong Kayamanan
44 “Ang kaharian ng langit ay tulad sa nakatagong kayamanan sa isang bukid; na natagpuan ng isang tao, at tinabunan niya ito. Sa kanyang kagalakan ay umalis siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon.
Ang Mamahaling Perlas
45 “Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas;
46 at nang makatagpo ng isang mamahaling perlas ay umalis at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon.
Ang Lambat
47 “Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba't ibang uri ng isda.
48 Nang ito ay mapuno, hinila nila ito sa pampang. Umupo sila at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang masasama.
49 Gayon ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan. Lalabas ang mga anghel at kanilang ihihiwalay ang masasama sa matutuwid,
50 at itatapon sila sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
Kayamanang Bago at Luma
51 “Naunawaan ba ninyo ang lahat ng mga bagay na ito?” Sinabi nila sa kanya, “Oo.”
52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya't ang bawat eskriba na sinanay para sa kaharian ng langit ay tulad sa isang puno ng sambahayan na naglalabas mula sa kanyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.”
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(L)
53 Nang matapos na ni Jesus ang mga talinghagang ito, iniwan niya ang pook na iyon.
54 Dumating siya sa sarili niyang bayan at kanyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, anupa't sila'y namangha, at nagsabi, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan at ng ganitong mga gawang makapangyarihan?”
55 Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kanyang ina ay tinatawag na Maria? At ang kanyang mga kapatid ay sina Santiago, Jose, Simon, at Judas?
56 Hindi ba't kasama natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?”
57 At(M) natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang isang propeta ay di nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan at sambahayan.”
58 At hindi siya gumawa roon ng maraming gawang makapangyarihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(N)
14 Nang panahong iyon ay narinig ng tetrarkang[e] si Herodes ang balita tungkol kay Jesus.
2 At sinabi niya sa kanyang mga lingkod, “Ito ay si Juan na Tagapagbautismo na muling binuhay[f] sa mga patay; kaya't nagagawa niya ang mga kababalaghang ito.”
3 Sapagkat(O) dinakip ni Herodes si Juan, iginapos niya ito at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.[g]
4 Sapagkat(P) sinabi ni Juan sa kanya, “Hindi ipinahihintulot sa iyo na angkinin mo siya.”
5 Bagama't ibig niyang ipapatay si Juan, natakot siya sa mga tao sapagkat kanilang itinuturing si Juan[h] na isang propeta.
6 Ngunit nang dumating ang pagdiriwang ng kaarawan ni Herodes, sumayaw sa gitna nila ang anak na babae ni Herodias, at ito ay ikinatuwa ni Herodes.
7 Kaya't siya'y nangako na may sumpa na kanyang ibibigay ang anumang hilingin nito.
8 Sa udyok ng kanyang ina ay sinabi niya, “Ibigay mo sa akin dito sa isang pinggan ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo!”
9 Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang mga sumpa at sa mga panauhin, ipinag-utos niyang ibigay iyon.
10 Nagsugo siya at pinapugutan niya ng ulo si Juan sa bilangguan.
11 Dinala na nasa isang pinggan ang kanyang ulo at ibinigay sa dalaga, at dinala naman nito sa kanyang ina.
12 Dumating ang mga alagad ni Juan,[i] kinuha ang bangkay at inilibing ito. Pagkatapos, sila'y umalis at ibinalita kay Jesus.
Ang Pagpapakain sa Limang Libo(Q)
13 Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya roon na sakay ng isang bangka tungo sa isang ilang na lugar na wala siyang kasama. Nang mabalitaan ito ng maraming tao, naglakad silang sumunod sa kanya mula sa mga bayan.
14 Pagdating niya sa pampang, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila.
15 Nang nagtatakipsilim na, lumapit sa kanya ang mga alagad niya, na nagsasabi, “Ilang na lugar ito, at lumipas na ang maghapon. Papuntahin mo na ang mga tao sa mga nayon upang makabili sila ng kanilang makakain.”
16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na kailangang umalis pa sila; bigyan ninyo sila ng makakain.”
17 At sinabi nila sa kanya, “Mayroon lamang tayong limang tinapay at dalawang isda.”
18 Sinabi niya, “Dalhin ninyo rito sa akin.”
19 Ipinag-utos niya sa maraming tao na umupo sa damuhan. Pagkakuha niya sa limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, binasbasan niya ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa maraming tao.
20 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang mga lumabis na pinagputul-putol na tinapay, at napuno ang labindalawang kaing.
21 At ang mga kumain ay may limang libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(R)
22 Pagkatapos ay pinasakay niya kaagad ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna niya sa kabilang ibayo, habang pinapauwi niya ang maraming tao.
23 Pagkatapos niyang pauwiin ang maraming tao ay umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, siya'y naroong nag-iisa.
24 Ngunit ang bangka ng mga sandaling iyon ay malayong-malayo na sa dalampasigan[j] na hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin.
25 Nang madaling-araw na[k] ay lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat.
26 At nang makita ng mga alagad na siya ay lumalakad sa ibabaw ng dagat, nasindak sila, na nagsasabi, ‘Multo!’ Nagsigawan sila sa takot.
27 Ngunit nagsalita kaagad sa kanila si Jesus, na nagsasabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.”
28 Sumagot sa kanya si Pedro at nagsabi, “Panginoon, kung ikaw iyan, ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig.”
29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Jesus.
30 Ngunit nang mapansin niya ang hangin,[l] natakot siya, at nang siya'y papalubog na ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!”
31 Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya, na sinasabi sa kanya, “O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”
32 Nang makasakay na sila sa bangka, ay huminto na ang hangin.
33 Sinamba siya ng mga nasa bangka, na nagsasabi, “Tunay na ikaw ang Anak ng Diyos.”
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(S)
34 Nang makatawid na sila, dumating sila sa lupain ng Genesaret.
35 Nang makilala siya ng mga tao sa pook na iyon ay nagpakalat sila ng balita sa buong lupain at dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit.
36 Nakiusap sila sa kanya na mahipo man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng humipo nito ay gumaling.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001