Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mateo 20-21

Ang mga Manggagawa sa Ubasan

20 “Sapagkat ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na pinuno ng sambahayan, na maagang lumabas sa umaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kanyang ubasan.

Matapos makipagkasundo sa mga manggagawa ng isang denario sa isang araw ay kanyang isinugo sila sa kanyang ubasan.

At paglabas niya nang ikatlong oras,[a] nakita niya ang iba sa pamilihan na nakatayong walang ginagawa.

at sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at anumang nararapat ay ibibigay ko sa inyo.’ At pumunta sila.

Paglabas niyang muli nang malapit na ang ikaanim[b] na oras at ikasiyam,[c] gayundin ang ginawa niya.

At nang malapit na ang ikalabing-isang oras,[d] lumabas siya at nakakita siya ng iba na nakatayo; at sinabi niya sa kanila, ‘Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?’

Sinabi nila sa kanya, ‘Sapagkat walang umuupa sa amin.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’

Nang(A) magdadapit-hapon na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng mga upa mula sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’

Nang lumapit ang mga inupahan nang ikalabing-isang oras,[e] tumanggap ang bawat isa sa kanila ng isang denario.

10 At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y tatanggap sila ng mas malaking halaga; ngunit tumanggap din ang bawat isa sa kanila ng isang denario.

11 At nang tanggapin nila ito ay nagreklamo sila sa pinuno ng sambahayan,

12 na nagsasabi, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga huling ito, at ipinantay mo sila sa amin na nagtiis ng hirap at nakakapasong init sa maghapon.’

13 Ngunit sumagot siya at sinabi sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya; hindi ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denario?

14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Nais kong ibigay sa huling nagtrabaho ang kagaya ng ibinigay ko sa iyo.

15 Ako ba ay hindi pinahihintulutang gumawa ng nais ko sa mga bagay na pag-aari ko? O naiinggit ka ba[f] sapagkat ako'y mabuti?’

16 Kaya't(B) ang huli ay mauuna, at ang una ay mahuhuli.”[g]

Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)

17 Habang umaahon si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila,

18 “Narito, umaahon tayo patungong Jerusalem. Ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba; at kanilang hahatulan siya ng kamatayan.

19 At kanilang ibibigay siya sa mga Hentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus; at siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.”

Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(D)

20 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus[h] ang ina ng mga anak ni Zebedeo, na kasama ang kanyang mga anak na lalaki. Siya'y lumuhod sa kanya at may hiniling na isang bagay sa kanya.

21 At sinabi niya sa kanya, “Ano ang ibig mo?” Sinabi niya sa kanya, “Ipag-utos mo na itong dalawa kong anak ay umupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.”

22 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman? Sinabi nila sa kanya, “Kaya namin.”

23 Sinabi niya sa kanila, “Talagang iinuman ninyo ang aking kopa, ngunit ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob, kundi iyon ay para sa kanila na pinaglalaanan ng aking Ama.”

24 Nang marinig ito ng sampu ay nagalit sila sa dalawang magkapatid.

25 Ngunit(E) tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay nangingibabaw na panginoon sa kanila, at ang mga dakila sa kanila ay gumagamit ng kapangyarihan sa kanila.

26 Hindi(F) maaaring magkagayon sa inyo, kundi ang sinuman sa inyo na nagnanais maging dakila ay kailangang maging lingkod ninyo;

27 at sinuman sa inyo na nagnanais na maging una ay kailangang maging alipin ninyo,

28 kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”

Pinagaling ang Dalawang Bulag(G)

29 Nang sila'y papalabas na sa Jerico, sumunod sa kanya ang napakaraming tao.

30 May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng lansangan. Nang marinig nilang nagdaraan si Jesus, sila'y sumigaw na nagsasabi, “Mahabag[i] ka sa amin, Anak ni David!”

31 Ngunit sinaway sila ng maraming tao upang sila'y tumahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw na nagsasabi, “Mahabag ka sa amin Panginoon, Anak ni David!”

32 Tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, “Anong nais ninyong gawin ko sa inyo?”

33 Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, mabuksan nawa ang mga mata namin.”

34 Dahil sa habag ay hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata. Kaagad, nakakita silang muli at sila'y sumunod sa kanya.

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(H)

21 Nang papalapit na sila sa Jerusalem at makarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, nagsugo si Jesus ng dalawang alagad,

na sinasabi sa kanila, “Pumunta kayo sa kasunod na nayon, at kaagad ninyong matatagpuan ang isang babaing asno na nakatali na may kasamang isang batang asno. Kalagan ninyo sila at dalhin ninyo sa akin.

Kung ang sinuman ay magsabi ng anuman sa inyo, ay sasabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon,’ at kaagad niyang ipapadala sila.”

Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,

“Sabihin(I) ninyo sa anak na babae ng Zion,
Tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo,
    mapagkumbaba, at nakasakay sa isang asno,
    at sa isang batang asno na anak ng babaing asno.”

Pumunta nga ang mga alagad at ginawa ang ayon sa ipinag-utos ni Jesus sa kanila.

Dinala nila ang asno at ang batang asno at inilagay nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga balabal; at inupuan niya ang mga ito.

Ang nakararami sa mga tao ay naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at ang iba'y pumutol ng mga sanga ng mga punungkahoy at inilatag ang mga ito sa daan.

At(J) ang mga napakaraming taong nasa unahan niya at ang mga sumusunod sa kanya ay nagsisigawan, na nagsasabi, “Hosana sa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!”

10 Nang pumasok siya sa Jerusalem, ang buong lunsod ay nagkagulo na nagsasabi, “Sino ba ito?”

11 At sinabi ng maraming tao, “Ito ang propetang si Jesus, na taga-Nazaret ng Galilea.

Nilinis ni Jesus ang Templo(K)

12 Pumasok si Jesus sa templo,[j] at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo, at ibinaligtad niya ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.

13 Sinabi(L) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan,’ ngunit ginagawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”

14 Ang mga bulag at mga pilay ay lumapit sa kanya sa templo at sila'y kanyang pinagaling.

15 Ngunit nang makita ng mga punong pari at mga eskriba ang mga kahanga-hangang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo at nagsasabi, “Hosana sa Anak ni David,” ay nagalit sila.

16 Kaya't(M) sinabi nila sa kanya, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi sa kanila ni Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo kailanman nabasa,

    ‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo
    ay naghanda ka ng papuri para sa iyong sarili?”

Sinumpa ang Puno ng Igos(N)

17 Sila'y kanyang iniwan, at lumabas sa lunsod patungong Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.

18 Kinaumagahan, nang bumalik na siya sa lunsod ay nagutom siya.

19 Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, ito ay kanyang nilapitan at walang natagpuang anuman doon, maliban sa mga dahon lamang. Sinabi niya rito, “Kailanma'y hindi ka na muling magkakaroon ng bunga!” At natuyo kaagad ang puno ng igos.

20 Nang makita ito ng mga alagad ay nagtaka sila, na nagsasabi, “Paanong natuyo kaagad ang puno ng igos?”

21 Sumagot(O) si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at hindi nag-aalinlangan, hindi lamang ninyo magagawa ang nagawa sa puno ng igos, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Maalis ka at mapatapon sa dagat,’ ito ay mangyayari.

22 At anumang bagay na inyong hingin sa panalangin na may pananampalataya ay inyong tatanggapin.”

Pagtuligsa sa Awtoridad ni Jesus(P)

23 Pagpasok niya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatanda ng bayan habang siya'y nagtuturo, at sinabi nila, “Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito, at sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?”

24 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong, at kung sasabihin ninyo sa akin ang sagot ay sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.

25 Ang bautismo ni Juan, saan ba ito nagmula? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?” At nagtalo sila sa isa't isa na nagsasabi, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’

26 Ngunit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ natatakot tayo sa napakaraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na propeta si Juan.”

27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, at sinabi, “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.

Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak

28 “Ano sa palagay ninyo? May isang taong dalawa ang anak. Lumapit siya sa una, at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho.’

29 Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Ayaw ko’; ngunit pagkatapos ay nagbago ang kanyang isip at pumunta rin.

30 Lumapit ang ama[k] sa ikalawa, at gayundin ang sinabi. Sumagot siya at sinabi, ‘Pupunta po ako,’ ngunit hindi pumunta.

31 Alin sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kanyang ama?” Sinabi nila, “Ang una.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mga maniningil ng buwis at ang mga masamang babae ay nauuna sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos.

32 Sapagkat(Q) dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng masasamang babae, at kahit nakita ninyo ay hindi rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.

Ang Talinghaga ng Ubasan at mga Katiwala(R)

33 “Pakinggan(S) ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao na pinuno ng sambahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang toreng bantayan. Ipinagkatiwala niya iyon sa mga magsasaka at nagtungo siya sa ibang lupain.

34 Nang malapit na ang panahon ng pamumunga, sinugo niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang mga bunga nito.

35 Ngunit kinuha ng mga magsasaka ang kanyang mga alipin at binugbog nila ang isa, pinatay ang iba, at pinagbabato ang isa pa.

36 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na mas marami pa sa nauna; at gayundin ang ginawa nila sa kanila.

37 Sa kahuli-huliha'y sinugo niya sa kanila ang kanyang anak na lalaki, na nagsasabi, ‘Igagalang nila ang aking anak.’

38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sinabi nila sa kanilang sarili, ‘Ito ang tagapagmana; halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kanyang mana.’

39 Kaya't kanilang kinuha siya, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay.

40 Kaya't pagdating ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga magsasakang iyon?”

41 Sinabi nila sa kanya, “Dadalhin niya ang mga masasamang taong iyon sa kakilakilabot na kamatayan at ang ubasan ay ipagkakatiwala niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kanya ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.”

42 Sinabi(T) ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa mga kasulatan,

‘Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo
    ang siyang naging ulo ng panulukan;
ito ay mula sa Panginoon,
    at ito'y kamanghamangha sa ating mga mata?’

43 Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Kukunin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng bunga nito.’

[ 44 Ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog, subalit dudurugin nito ang sinumang mabagsakan niya.]”[l]

45 Nang marinig ng mga punong pari at ng mga Fariseo ang kanyang mga talinghaga, nahalata nilang siya'y nagsasalita tungkol sa kanila.

46 Ngunit nang naisin nilang dakpin si Jesus,[m] ay natakot sila sa napakaraming tao, sapagkat itinuring nila na siya'y isang propeta.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001