Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Lucas 10-11

Isinugo ni Jesus ang Pitumpu

10 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay humirang ng pitumpu,[a] at sila'y sinugong dala-dalawa, na una sa kanya sa bawat bayan at dako na kanyang pupuntahan.

At(A) sinabi niya sa kanila, “Totoong marami ang aanihin, subalit kakaunti ang mga manggagawa. Kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.

Humayo(B) kayo, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat.

Huwag(C) kayong magdadala ng lalagyan ng salapi, o supot, o mga sandalyas, at huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.

Sa alinmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo, ‘Kapayapaan nawa sa bahay na ito.’

At kung doon ay may anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaan ay mananatili sa kanya. Subalit kung wala, ito ay babalik sa inyo.

At(D) manatili kayo sa bahay ring iyon. Kainin at inumin ninyo ang anumang ihain nila, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay.

At sa alinmang bayan kayo pumasok at kayo'y kanilang tanggapin ay kainin ninyo ang anumang inihahain sa inyo.

Pagalingin ninyo ang mga maysakit na naroroon at sabihin ninyo sa kanila, ‘Ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’

10 Subalit(E) sa alinmang bayan kayo pumasok at hindi kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga lansangan nito at inyong sabihin,

11 ‘Maging ang alikabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa ay ipinapagpag namin laban sa inyo; subalit alamin ninyo ito, ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’

12 Sinasabi(F) ko sa inyo, higit pang mapagtitiisan sa araw na iyon ang Sodoma kaysa bayang iyon.

Ang Bayang Hindi Sumampalataya(G)

13 “Kahabag-habag(H) ka Corazin! Kahabag-habag ka, Bethsaida! Sapagkat kung ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo ay ginawa sa Tiro at Sidon, matagal na sana silang nagsisi, na nakaupong may damit-sako at abo.

14 Subalit higit na mapagtitiisan pa sa paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa inyo.

15 At(I) ikaw, Capernaum, itataas ka ba hanggang sa langit? Ikaw ay ibababa sa Hades.

16 “Ang(J) nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil, at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang nagsugo sa akin.”

Ang Pagbabalik ng Pitumpu

17 Bumalik ang pitumpu na may kagalakan na nagsabi, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin sa iyong pangalan!”

18 At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na nahulog na gaya ng kidlat mula sa langit.

19 Tingnan ninyo,(K) binigyan ko kayo ng awtoridad na tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo.

20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo, kundi inyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.”

Nagalak si Jesus(L)

21 Nang oras ding iyon, nagalak siya sa Espiritu Santo[b] at sinabi, “Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong ikinubli ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino at ipinahayag mo ang mga ito sa mga sanggol. Oo, Ama, sapagkat gayon ang nakakalugod sa iyong harapan.

22 Ang(M) lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak, maliban sa Ama, at kung sino ang Ama maliban sa Anak at kaninumang ninanais ng Anak na pagpahayagan niya.”

23 At pagharap niya sa mga alagad ay palihim niyang sinabi, “Mapapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita.

24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig at hindi nila narinig.”

Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano

25 At(N) may isang dalubhasa sa kautusan ang tumindig upang si Jesus[c] ay subukin na nagsasabi, “Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”

26 Sinabi niya sa kanya, “Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang nabasa mo?”

27 At(O) sumagot siya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong lakas mo, at nang buong pag-iisip mo, at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

28 At(P) sinabi niya sa kanya, “Tumpak ang sagot mo, gawin mo ito at mabubuhay ka.”

29 Subalit sa pagnanais niya na ipagmatuwid ang kanyang sarili ay sinabi kay Jesus, “At sino ang aking kapwa?”

30 Sumagot si Jesus, “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem patungo sa Jerico at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, hinubaran siya ng mga ito at binugbog. Pagkatapos ay umalis sila at iniwan siyang halos patay.

31 At nagkataong bumababa sa daang iyon ang isang pari. Nang kanyang makita ito, siya ay dumaan sa kabilang panig.

32 Gayundin ang isang Levita, nang dumating siya sa lugar na iyon at kanyang nakita ang taong iyon, siya ay dumaan sa kabilang panig.

33 Subalit(Q) ang isang Samaritano, sa kanyang paglalakbay ay dumating sa kanyang kinaroroonan; at nang kanyang makita ang taong iyon, siya ay nahabag.

34 Kanyang nilapitan siya at tinalian ang kanyang mga sugat pagkatapos buhusan ng langis at alak. Pagkatapos isakay sa kanyang sariling hayop, siya ay dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan.

35 Nang sumunod na araw, dumukot siya ng dalawang denario at ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi niya, ‘Alagaan mo siya, at sa anumang karagdagan mo pang gastusin ay babayaran kita sa aking pagbabalik.’

36 Ano sa palagay mo, alin sa tatlong ito, ang naging kapwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?”

37 At sinabi niya, “Ang nagpakita ng habag sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, at gayundin ang gawin mo.”

Dinalaw ni Jesus sina Marta at Maria

38 Sa(R) pagpapatuloy nila sa kanilang lakad, pumasok siya sa isang nayon. Isang babaing ang pangalan ay Marta ang tumanggap kay Jesus sa kanyang bahay.

39 At siya'y may isang kapatid na tinatawag na Maria na naupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang salita.

40 Ngunit si Marta ay naaabala sa maraming paglilingkod. Siya'y lumapit sa kanya at sinabi, “Panginoon, wala bang anuman sa iyo na pinabayaan ako ng aking kapatid na maglingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kanya na tulungan ako.”

41 Subalit sumagot ang Panginoon at sinabi sa kanya, “Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay;

42 subalit isang bagay ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi kukunin sa kanya.”

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Panalangin(S)

11 Siya'y nanalangin sa isang lugar at nang siya'y makatapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin, gaya ni Juan na nagturo sa kanyang mga alagad.”

Sinabi niya sa kanila, “Kapag kayo'y nananalangin, inyong sabihin,

‘Ama,[d] sambahin nawa ang pangalan mo.
    Dumating nawa ang kaharian mo.
    Ibigay mo sa amin sa bawat araw ang aming pang-araw-araw na pagkain.
At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan,
    sapagkat pinatatawad naman namin ang bawat nagkakautang sa amin,
at huwag mo kaming dalhin sa tukso.’”

Sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo ang mayroong kaibigan at kayo ay pumunta sa kanya nang hatinggabi at magsabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay;

sapagkat dumating ang isa kong kaibigan mula sa isang paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’

At siyang nasa loob ay sasagot, ‘Huwag mo akong abalahin. Nakasara na ang pinto, nasa higaan na kami ng aking mga anak. Hindi ako makakabangon upang mabigyan ka ng anuman!’

Sinasabi ko sa inyo, bagaman hindi siya bumangon at magbigay sa kanya ng anuman dahil siya ay kanyang kaibigan, ngunit dahil sa kanyang pamimilit siya'y babangon at ibibigay ang anumang kailanganin niya.

At sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo, at kayo'y makakakita; tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan.

10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang humahanap ay nakakatagpo, at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.

11 Mayroon ba sa inyong isang ama, na kung humingi ang kanyang anak ng[e] isda ay ahas ang ibibigay sa halip na isda?

12 O kung siya'y humingi ng itlog, bibigyan kaya niya ng alakdan?

13 Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya?”

Jesus at Beelzebul(T)

14 At noon ay nagpalayas si Jesus[f] ng isang demonyong pipi. Nang makalabas na ang demonyo, ang dating pipi ay nagsalita at namangha ang maraming tao.

15 Subalit(U) sinabi ng ilan sa kanila, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, na pinuno ng mga demonyo.”

16 At(V) ang iba naman upang siya ay subukin ay hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit.

17 Subalit dahil batid niya ang kanilang iniisip ay sinabi niya sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kanyang sarili ay nawawasak at ang bahay na laban sa sarili[g] ay nagigiba.

18 At kung si Satanas ay nahahati rin laban sa kanyang sarili, paanong tatatag ang kanyang kaharian? Sapagkat sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul.

19 At kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa pamamagitan naman nino pinalalayas sila ng inyong mga anak? Kaya't sila ang inyong magiging mga hukom.

20 Ngunit kung sa pamamagitan ng daliri ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, dumating na nga sa inyo ang kaharian ng Diyos.

21 Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahang mabuti ay nagbabantay sa kanyang sariling palasyo, ang kanyang mga ari-arian ay ligtas.

22 Subalit kung may dumating na mas malakas kaysa kanya at siya'y talunin, kukunin nito sa kanya ang lahat ng sandata na kanyang pinagtiwalaan at ipamimigay nito ang mga nasamsam niya.

23 Ang(W) hindi panig sa akin ay laban sa akin at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay nagkakalat.

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(X)

24 “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas sa isang tao, gumagala ito sa mga lugar na walang tubig at humahanap ng mapapagpahingahan; at kapag hindi nakatagpo ay sinasabi nito, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’

25 At pagdating nito ay natagpuan nitong nawalisan at maayos na.

26 Kaya't umaalis siya at nagsasama pa ng pitong espiritu na higit pang masasama kaysa kanya. Sila'y pumapasok at tumitira roon at ang huling kalagayan ng taong iyon ay masahol pa kaysa noong una.”

Ang Tunay na Mapalad

27 Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, isang babaing mula sa maraming tao ang nagsalita sa malakas na tinig at sinabi sa kanya, “Mapalad ang sinapupunang sa iyo'y nagdala at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.”

28 Subalit sinabi niya, “Sa halip, mapalad silang nakikinig sa salita ng Diyos at sinusunod ito.”

Ang Tanda ni Jonas(Y)

29 Nang(Z) dumarami ang nagkakatipong mga tao, nagsimula siyang magsalita, “Ang lahing ito'y isang masamang lahi. Ito'y humahanap ng isang tanda, subalit walang tanda na ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas.

30 Kung(AA) paanong si Jonas ay naging tanda sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao sa lahing ito.

31 Ang(AB) reyna ng Timog ay babangon sa paghuhukom kasama ang mga tao ng lahing ito at kanyang hahatulan sila. Sapagkat siya'y dumating galing sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon, at narito ang isang higit pang dakila kaysa kay Solomon.

32 Ang(AC) mga tao sa Ninive ay babangon sa paghuhukom kasama ng lahing ito at ito'y kanilang hahatulan, sapagkat sila'y nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at narito, ang isang higit pang dakila kaysa kay Jonas.

Ang Liwanag ng Katawan(AD)

33 Walang(AE) sinuman na pagkatapos magsindi ng ilawan ay inilalagay ito sa isang tagong lugar o sa ilalim ng takalan, kundi sa patungan ng ilaw upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.

34 Ang ilawan ng katawan ay ang iyong mata. Kung malusog ang iyong mata, ang buong katawan mo ay punô ng liwanag. Subalit kung ito'y hindi malusog, ang katawan mo ay punô ng kadiliman.

35 Kaya't maging maingat kayo baka ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman.

36 Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay punô ng liwanag at walang bahaging madilim, ito'y mapupuno ng liwanag, gaya ng ilawang may liwanag na nagliliwanag sa iyo.”

Tinuligsa ni Jesus ang mga Fariseo at ang mga Dalubhasa sa Kautusan(AF)

37 Samantalang siya'y nagsasalita, inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya. Kaya't siya'y pumasok at naupo sa hapag-kainan.

38 Ang Fariseo ay nagtaka nang makita si Jesus na hindi muna naghugas bago kumain.

39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Fariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, subalit sa loob kayo'y punô ng kasakiman at kasamaan.

40 Kayong mga hangal, di ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob?

41 Subalit ilimos ninyo ang mga bagay na nasa loob at ang lahat ng mga bagay ay magiging malinis para sa inyo.

42 Subalit(AG) kahabag-habag kayong mga Fariseo! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, ng ruda[h] at ng bawat gulayin, ngunit pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, na hindi pinababayaan ang iba.

43 Kahabag-habag kayong mga Fariseo! Inyong iniibig ang upuang pandangal sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan.

44 Kahabag-habag kayo! Sapagkat kayo'y tulad sa mga libingang walang palatandaan, at di nalalaman ng mga tao na sila'y lumalakad sa ibabaw nito.”

45 Isa sa mga dalubhasa sa kautusan ay sumagot sa kanya, “Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong nilalait.”

46 Subalit sinabi niya, “Kahabag-habag din kayong mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasaning mahihirap dalhin, samantalang hindi man lamang hinahawakan ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasanin.

47 Kahabag-habag kayo! Sapagkat inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, gayong sila'y pinatay ng inyong mga ninuno.

48 Kayo nga'y mga saksi at sumang-ayon sa mga gawa ng inyong mga ninuno, sapagkat pinatay nila ang mga propeta at itinayo ninyo ang kanilang mga libingan.

49 Kaya't sinasabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol, at ang ilan sa kanila ay kanilang papatayin at uusigin,’

50 upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta na dumanak mula pa nang itatag ang sanlibutan;

51 mula(AH) sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito.

52 Kahabag-habag kayong mga dalubhasa sa kautusan, sapagkat kinuha ninyo ang susi ng karunungan. Kayo mismo ay hindi pumasok, at inyong hinadlangan ang mga pumapasok.”

53 Paglabas niya roon, nagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na pag-initan siya nang matindi at pagtatanungin siya tungkol sa maraming bagay,

54 na nag-aabang sa kanya upang hulihin siya sa kanyang sasabihin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001