Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Lucas 6-7

Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(A)

Isang(B) araw ng Sabbath habang bumabagtas si Jesus[a] sa mga triguhan, ang mga alagad niya ay pumitas ng mga uhay at pagkatapos ligisin sa kanilang mga kamay ay kinain ang mga ito.

Subalit sinabi ng ilan sa mga Fariseo, “Bakit ginagawa ninyo ang hindi ipinahihintulot sa araw ng Sabbath?”

Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David, nang siya at ang mga kasamahan niya ay nagutom?

Siya'y (C) (D) pumasok sa bahay ng Diyos, kinuha at kinain ang tinapay na handog,[b] at binigyan pati ang kanyang mga kasamahan na hindi ipinahihintulot kainin maliban ng mga pari lamang?”

At sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay panginoon ng Sabbath.”

Ang Taong Tuyo ang Kamay(E)

Nang isa pang Sabbath, siya'y pumasok sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaki na tuyo ang kanang kamay.

Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay nagmamatyag sa kanya kung siya'y magpapagaling sa Sabbath upang makakita sila ng maibibintang laban sa kanya.

Subalit alam niya ang kanilang mga iniisip at sinabi niya sa lalaki na tuyo ang kamay, “Halika at tumayo ka sa gitna.” At siya'y tumindig at tumayo.

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Itinatanong ko sa inyo, ipinahihintulot ba sa kautusan na gumawa ng mabuti, o gumawa ng masama kung Sabbath? Magligtas ng buhay o pumuksa nito?”

10 At matapos niyang tingnan silang lahat ay sinabi sa kanya, “Iunat mo ang iyong kamay.” Gayon nga ang ginawa niya at nanumbalik sa dati ang kanyang kamay.

11 Subalit sila'y napuno ng matinding galit at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.

Hinirang ni Jesus ang Labindalawang Apostol(F)

12 Nang mga araw na iyon, siya ay nagtungo sa bundok upang manalangin at ginugol ang buong magdamag sa pananalangin sa Diyos.

13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad at siya'y pumili mula sa kanila ng labindalawa na itinalaga niyang mga apostol:

14 si Simon, na tinawag niyang Pedro, si Andres na kanyang kapatid, si Santiago, si Juan, si Felipe, si Bartolome,

15 si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na tinatawag na Masigasig,[c]

16 at si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.

Si Jesus ay Nagturo at Nanggamot(G)

17 Bumaba siya na kasama nila at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at sa Jerusalem at sa baybayin ng Tiro at Sidon, na pumaroon upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit;

18 at ang mga pinahirapan ng masasamang espiritu ay pinagaling.

19 Pinagsikapan ng lahat na siya'y mahipo, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya at pinagaling niya ang lahat.

Ang Mapapalad at ang mga Kahabag-habag(H)

20 Tumingin siya sa kanyang mga alagad at sinabi,

“Mapapalad kayong mga dukha,
    sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Mapapalad kayong nagugutom ngayon,
    sapagkat kayo'y bubusugin.
Mapapalad kayong tumatangis ngayon
    sapagkat kayo'y tatawa.

22 Mapapalad(I) kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, kung kayo'y layuan at kayo'y alipustain, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masama dahil sa Anak ng Tao.

23 Magalak(J) kayo sa araw na iyon at lumukso kayo sa tuwa, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 “Subalit kahabag-habag kayong mayayaman,
    sapagkat tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.
25 “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
    sapagkat kayo'y magugutom.
    “Kahabag-habag kayong tumatawa ngayon,
    sapagkat kayo'y magluluksa at magsisiiyak.

26 “Kahabag-habag kayo kapag ang lahat ng mga tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.

Pag-ibig sa mga Kaaway(K)

27 “Subalit sinasabi ko sa inyo na mga nakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo,

28 pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo.

29 Sa sinumang sumampal sa iyo sa pisngi, iharap mo naman ang kabila, at sa sinumang umagaw ng iyong balabal, huwag mong ipagkait pati ang iyong tunika.

30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kapag inagaw ng sinuman ang iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin ang mga iyon.

31 Kung(L) ano ang ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.

32 Kung kayo'y umiibig sa mga umiibig sa inyo, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay umiibig sa mga umiibig sa kanila.

33 At kung gumawa kayo ng mabuti sa mga gumagawa sa inyo ng mabuti, ano ang mapapala ninyo? Sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan.

34 Kung kayo'y magpahiram lamang sa mga taong mayroon kayong inaasahang tatanggapin, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay nagpapahiram sa mga makasalanan, upang tanggapin nilang muli ang gayunding halaga.

35 Subalit ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti, magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya'y mabait sa mga di-mapagpasalamat at sa masasama.

36 Maging maawain kayo, gaya ng inyong Ama na maawain.

Paghatol sa Iba(M)

37 “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong humusga at hindi kayo huhusgahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin.

38 Magbigay kayo at iyon ay ibibigay sa inyo—hustong takal, siniksik, niliglig, at umaapaw, ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong ipanukat ay doon din kayo susukatin.

39 Sinabi(N) naman niya sa kanila ang isang talinghaga: “Maaari bang akayin ng bulag ang isa pang bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay?

40 Ang(O) alagad ay hindi nakahihigit sa kanyang guro, subalit ang sinumang ganap na sinanay ay nagiging tulad na ng kanyang guro.

41 Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa iyong sariling mata?

42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid hayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata,’ samantalang hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso na nasa iyong sariling mata, at makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid.

Ang Punungkahoy at ang Bunga Nito(P)

43 “Sapagkat walang mabuting punungkahoy na nagbubunga ng masama, at wala rin namang masamang punungkahoy na mabuti ang bunga.

44 Sapagkat(Q) ang bawat punungkahoy ay nakikilala sa kanyang sariling bunga. Sapagkat ang mga igos ay di naaani mula sa mga tinikan at hindi napipitas ang mga ubas sa dawagan.

45 Ang(R) mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kanyang puso ay nagbubunga ng kabutihan. At ang masamang tao mula sa masamang kayamanan ay nagbubunga ng kasamaan. Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kanyang bibig.

Ang Dalawang Nagtayo ng Bahay(S)

46 “Bakit tinatawag ninyo akong, ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi ninyo ginagawa ang sinasabi ko?

47 Ipapakita ko sa inyo kung ano ang katulad ng bawat lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at ginagawa ang mga ito.

48 Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at inilagay ang pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumating ang isang baha, humampas ang tubig sa bahay na iyon, ngunit hindi ito natinag, sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito.[d]

49 Subalit ang nakikinig at hindi ginagawa ang mga ito ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa na walang pundasyon. Nang ito'y hampasin ng ilog ay kaagad na nagiba at malaki ang pagkasira ng bahay na iyon.”

Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Isang Senturion(T)

Nang matapos na ni Jesus[e] ang kanyang mga salita sa pandinig ng mga tao, pumasok siya sa Capernaum.

May isang senturion[f] doon na may aliping minamahal niya na maysakit at malapit nang mamatay.

Nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, isinugo niya sa kanya ang matatanda sa mga Judio, na nakikiusap sa kanya na pumunta at pagalingin ang kanyang alipin.

Nang dumating sila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya na sinasabi, “Siya ay karapat-dapat na gawan mo nito,

sapagkat mahal niya ang ating bansa at nagtayo siya ng sinagoga para sa atin.”

At si Jesus ay sumama sa kanila. Nang siya'y nasa di-kalayuan sa bahay, nagsugo ang senturion ng mga kaibigan sa kanya na nagsasabi sa kanya, “Panginoon, huwag ka nang mag-abala pa, sapagkat hindi ako karapat-dapat na ikaw ay papasukin sa ilalim ng aking bubungan;

kaya, hindi ko itinuring ang aking sarili na karapat-dapat na lumapit sa iyo. Ngunit sabihin mo ang salita at hayaang gumaling ang aking alipin.

Sapagkat ako man ay taong inilagay sa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal na nasasakupan ko. At sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka’ at siya'y humahayo; at sa isa naman, ‘Halika,’ at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ito'y kanyang ginagawa.”

Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito ay namangha siya sa kanya. Lumingon siya at sinabi sa maraming tao na sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, maging sa Israel ay hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”

10 At nang ang mga sugo ay bumalik na sa bahay, nadatnan nilang magaling na ang alipin.

Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo

11 Kinabukasan[g] siya ay tumuloy sa isang bayan na tinatawag na Nain, kasama ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao.

12 At nang siya'y papalapit na sa pintuan ng bayan, inilalabas ang isang taong namatay. Siya'y nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina na isang balo. Kasama niya ang napakaraming tao mula sa bayan.

13 Nang makita siya ng Panginoon, siya'y nahabag sa balo at sinabi rito, “Huwag kang umiyak.”

14 Siya'y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, ‘Bumangon ka.’”

15 Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay ni Jesus[h] sa kanyang ina.

16 Sinakmal ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang sambayanan.”

17 Ang balitang ito tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng nakapaligid na lupain.

Ang mga Sugo mula kay Juan na Tagapagbautismo(U)

18 Ibinalita sa kanya ng mga alagad ni Juan ang lahat ng mga bagay na ito.

19 Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon na nagsasabi, “Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?”

20 At pagdating ng mga lalaki kay Jesus ay kanilang sinabi, “Sinugo kami sa iyo ni Juan na Tagapagbautismo na nagsasabi, ‘Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?’”

21 Nang oras na iyon ay pinagaling ni Jesus[i] ang marami sa mga sakit, salot at masasamang espiritu, at ang maraming bulag ay binigyan niya ng paningin.

22 At(V) sumagot siya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong nakikita at naririnig: ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga patay ay muling binubuhay, sa mga dukha ay ipinangangaral ang magandang balita.

23 At mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin.”

24 Nang makaalis na ang mga sugo ni Juan ay nagpasimula siyang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan. “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin?

25 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga damit na malambot? Masdan ninyo, ang nagdadamit ng magagara at namumuhay ng marangya ay nasa mga palasyo ng mga hari.

26 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.

27 Ito(W) yaong tungkol sa kanya ay nasusulat,

‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan[j]
na maghahanda ng iyong daan sa iyong harapan.’

28 Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang higit na dakila kay Juan, subalit ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos ay higit na dakila kaysa kanya.”

29 (Nang(X) marinig ito ng buong bayan at ng mga maniningil ng buwis ay kanilang kinilala ang katuwiran ng Diyos, sapagkat sila ay nagpabautismo sa bautismo ni Juan.

30 Subalit tinanggihan ng mga Fariseo at ng mga dalubhasa sa Kautusan ang layunin ng Diyos para sa kanila sa hindi nila pagpapabautismo sa kanya.)

31 “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ng lahing ito at ano ang kanilang katulad?

32 Tulad sila sa mga batang nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa't isa, na sinasabi,

‘Tinutugtugan namin kayo ng plauta at hindi kayo sumayaw;
    tumangis kami at hindi kayo umiyak.’

33 Sapagkat dumating si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, ‘Siya'y may demonyo.’

34 Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom at inyong sinasabi, ‘Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’

35 Kaya't ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng lahat ng kanyang mga anak.”

Si Jesus sa Tahanan ni Simon na Fariseo

36 Isa sa mga Fariseo ay humiling kay Jesus[k] na kumaing kasalo niya, at pagpasok niya sa bahay ng Fariseo siya'y naupo sa hapag.

37 Nang(Y) malaman ng isang babaing makasalanan sa lunsod na siya'y nakaupo sa hapag sa bahay ng Fariseo, nagdala ito ng isang sisidlang alabastro na may pabango.

38 At tumayo siyang umiiyak sa likuran sa may paanan ni Jesus.[l] Pinasimulan niyang basain ang kanyang mga paa ng kanyang mga luha, pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok. Patuloy niyang hinagkan ang mga paa ni Jesus[m] at binuhusan ang mga ito ng pabango.

39 Nang makita ito ng Fariseo na nag-anyaya sa kanya ay sinabi nito sa kanyang sarili, “Kung ang taong ito ay isang propeta, nakilala sana niya kung sino at anong uring babae itong humihipo sa kanya, sapagkat siya'y makasalanan.”

40 At pagsagot ni Jesus ay sinabi niya sa kanya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Guro, sabihin mo.”

41 May dalawang taong nanghiram sa isang taong nagpapautang. Ang isa'y umutang ng limang daang denario[n] at ang isa'y limampu.

42 Nang sila'y walang maibayad, pareho niyang pinatawad sila. Ngayon, alin sa kanila ang higit na magmamahal sa kanya?

43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko ay iyong pinatawad niya ng mas malaki.” At sinabi niya sa kanya, “Tama ang hatol mo.”

44 At pagharap niya sa babae ay sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa, subalit binasa niya ang aking mga paa ng kanyang mga luha at pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok.

45 Hindi mo ako hinalikan, subalit buhat nang ako'y pumasok ay hindi pa siya humihinto ng paghalik sa aking mga paa.

46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa.

47 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang marami niyang kasalanan ay pinatawad na, sapagkat siya ay nagmahal ng malaki. Subalit ang pinatatawad ng kaunti ay nagmamahal nang kaunti.”

48 At sinabi niya sa babae,[o] “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”

49 Pagkatapos, ang mga kasalo niya sa hapag ay nagpasimulang nagsabi sa isa't isa, “Sino ba ito, na nagpapatawad ng mga kasalanan?”

50 At sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001