Beginning
Mga Minanang Turo(A)
15 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, at sinabi nila,
2 “Bakit lumalabag ang iyong mga alagad sa tradisyon ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain ng tinapay.”
3 Sumagot siya sa kanila at sinabi, “Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?
4 Sapagkat(B) sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina;’ at ‘Ang magsalita ng masama sa ama o sa ina, ay dapat mamatay.’
5 Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang pakikinabangin mo mula sa akin ay ipinagkaloob ko na sa Diyos.’ Ang taong iyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.
6 Kaya, pinawalang-saysay ninyo ang salita[a] ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.
7 Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya,
8 ‘Iginagalang(C) ako ng bayang ito sa kanilang mga labi,
ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
9 At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao.’”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
10 Pinalapit ni Jesus[b] sa kanya ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ito at unawain.
11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang nagpaparumi.”
12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam mo bang nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang pananalitang ito?”
13 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin.
14 Hayaan(E) ninyo sila; sila'y mga bulag na taga-akay.[c] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.”
15 Sumagot naman si Pedro at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.”
16 At sinabi niya, “Pati ba naman kayo'y wala pa ring pang-unawa?
17 Hindi pa ba ninyo nalalaman na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?
18 Ngunit(F) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at siyang nagpaparumi sa tao.
19 Sapagkat nagmumula sa puso ang masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa kasinungalingan, at paglapastangan.
20 Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa tao; ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng mga kamay ay hindi nagpaparumi sa tao.”
Ang Pananalig ng Babaing Cananea(G)
21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa nasasakupan ng Tiro at Sidon.
22 May isang babaing Cananea na mula sa lupaing iyon ang lumabas at nagsimulang sumigaw, “Mahabag ka sa akin, O Panginoon, Anak ni David; ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.”
23 Ngunit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita. Lumapit ang kanyang mga alagad at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, “Paalisin mo siya, sapagkat nagsisisigaw siya at sumusunod sa hulihan natin.”
24 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ako'y hindi sinugo maliban sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.”
25 Ngunit lumapit siya at lumuhod sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”
26 Siya'y sumagot at sinabi, “Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon ito sa mga aso.”
27 Ngunit sinabi niya, “Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon.”
28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “O babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari sa iyo ang sinasabi mo.” At gumaling ang kanyang anak sa oras ding iyon.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Umalis si Jesus doon at dumaan sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon.
30 Lumapit sa kanya ang napakaraming tao na dala ang mga pilay, mga lumpo, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y pinagaling niya.
31 Kaya't namangha ang maraming tao nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, lumalakad ang mga pilay, at nakakita ang mga bulag, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(H)
32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Nahahabag ako sa napakaraming taong ito, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala silang makain; at hindi ko nais na paalisin silang gutom, baka himatayin sila sa daan.”
33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan tayo kukuha sa ilang na lugar ng sapat na tinapay upang mapakain ang ganito karaming tao?”
34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito, at ilang maliliit na isda.”
35 Iniutos niya sa mga tao na umupo sa lupa.
36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; nang siya'y makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao.
37 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang natira sa mga pinagputul-putol at napuno pa ang pitong kaing.
38 Ang mga kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.
39 Pinaalis na niya ang maraming mga tao. Sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa nasasakupan ng Magdala.[d]
Hiningan ng Tanda si Jesus(I)
16 Dumating(J) ang mga Fariseo at ang mga Saduceo, at upang subukin siya, hiniling nila sa kanya na magpakita sa kanila ng isang tanda mula sa langit.
2 Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “[Sa dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon, sapagkat mapula ang langit.’
3 At sa umaga, ‘Magiging maunos ngayon, sapagkat mapula ang langit at nagbabanta.’ Marunong kayong kumilala ng anyo ng langit; ngunit hindi ninyo makilala ang mga tanda ng mga panahon.]
4 Ang(K) isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng tanda, ngunit hindi ito bibigyan ng tanda, maliban sa tanda ni Jonas.” Kanyang iniwan sila at siya ay umalis.
Ang Lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo(L)
5 Nang makarating ang mga alagad sa kabilang ibayo, nakalimutan nilang magdala ng tinapay.
6 Sinabi(M) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.”
7 Nag-usap sila sa isa't isa na nagsasabi, “Hindi kasi tayo nagdala ng tinapay.”
8 Ngunit alam ito ni Jesus kaya't sinabi niya, “O kayong maliliit ang pananampalataya, bakit kayo'y nagtatalo na wala kayong tinapay?
9 Hindi(N) pa ba ninyo nauunawaan o natatandaan ang limang tinapay para sa limang libo at kung ilang kaing ang inyong natipon?
10 O(O) iyong pitong tinapay para sa apat na libo at kung ilang kaing ang inyong natipon?
11 Paanong hindi ninyo naunawaan na ang sinabi ko ay hindi tungkol sa tinapay? Ngunit mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo!”
12 Kaya't naunawaan nila na ang sinabi ni Jesus[e] ay hindi sa pampaalsa ng tinapay mag-ingat kundi sa mga aral ng mga Fariseo at Saduceo.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(P)
13 Nang dumating si Jesus sa nasasakupan ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, na sinasabi, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?”
14 At(Q) sinabi nila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias; at ang iba ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.”
15 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?”
16 Sumagot(R) si Simon Pedro at sinabi, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”
17 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Ama na nasa langit.
18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro,[f] at sa ibabaw ng batong[g] ito ay itatayo ko ang aking iglesya; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya.
19 Ibibigay(S) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.”
20 Pagkatapos ay mahigpit niyang ipinagbilin sa mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.
Ipinahayag ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(T)
21 Mula ng panahong iyon ay pinasimulan ni Jesus na ipaliwanag sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem at magtiis ng maraming bagay sa kamay ng matatanda, ng mga punong pari at mga eskriba. Siya'y papatayin at muling bubuhayin sa ikatlong araw.
22 At inilayo siya ni Pedro at sinimulang pigilan siya, na sinasabi, “Huwag nawang itulot ng Diyos, Panginoon! Hindi kailanman mangyayari ito sa iyo.”
23 Ngunit lumingon siya at sinabi kay Pedro, “Layuan mo ako, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin; sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay ng Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”
24 Pagkatapos(U) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
25 Sapagkat(V) ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[h] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.
26 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mawawala naman ang kanyang buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay?
27 Sapagkat(W) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa.
28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang makita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa kanyang kaharian.”
Nagbagong-anyo si Jesus(X)
17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at si Juan na kanyang kapatid, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok.
2 Nagbagong-anyo siya sa harap nila at nagliwanag ang kanyang mukha na tulad ng araw, at pumuti ang kanyang mga damit na tulad sa ilaw.
3 At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya.
4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti na tayo ay naririto. Kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”
5 Samantalang(Y) (Z) nagsasalita pa siya, biglang naliliman sila ng isang maliwanag na ulap, at may isang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nalulugod. Makinig kayo sa kanya.”
6 Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at sinidlan ng malaking takot.
7 Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan na nagsasabi, “Bumangon kayo at huwag kayong matakot.”
8 Nang tumingin sila sa itaas, wala silang nakitang sinuman, maliban kay Jesus.
9 Nang pababa na sila sa bundok, iniutos ni Jesus sa kanila na nagsasabi, “Huwag ninyong sasabihin kanino man ang pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay.”
10 Tinanong(AA) siya ng kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Bakit kaya sinasabi ng mga eskriba na kailangang dumating muna si Elias?”
11 Sumagot siya, at sinabi, “Totoong darating si Elias at ibabalik ang lahat ng mga bagay.
12 Ngunit(AB) sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, at siya'y hindi nila kinilala kundi ginawa nila sa kanya ang anumang kanilang naibigan. Gayundin naman ang Anak ng Tao ay malapit nang magdusa sa kanila.”
13 Naunawaan nga ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang sinasabi niya sa kanila.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Demonyo(AC)
14 Nang dumating sila sa napakaraming tao, lumapit sa kanya ang isang tao, lumuhod sa harapan niya,
15 at nagsabi, “Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalaki, sapagkat siya'y may epilepsiya at lubhang nahihirapan; sapagkat madalas siyang bumabagsak sa apoy at sa tubig.
16 Dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit siya'y hindi nila mapagaling.
17 Sumagot si Jesus at sinabi, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ko pa kayo makakasama? Gaano katagal akong magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito.”
18 Sinaway ni Jesus ang demonyo at lumabas ito sa bata. Gumaling ang bata nang oras ding iyon.
19 Pagkatapos ay lumapit nang sarilinan ang mga alagad kay Jesus at sinabi nila, “Bakit hindi namin iyon napalayas?”
20 Sinabi(AD) niya sa kanila, “Dahil maliit ang inyong pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito'y lilipat; at sa inyo ay walang hindi maaaring mangyari.
21 [Ngunit ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.]”
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(AE)
22 Habang sila'y nagkakatipon[i] sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang Anak ng Tao ay malapit nang ipagkanulo sa kamay ng mga tao.
23 Siya'y papatayin nila ngunit siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.” At sila'y labis na nalungkot.
Pagbabayad ng Buwis para sa Templo
24 Pagdating(AF) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis na kalahating siklo,[j] at sinabi nila, “Hindi ba nagbabayad ng buwis sa templo ang inyong guro?”
25 Sinabi niya, “Oo, nagbabayad siya.” At nang dumating siya sa bahay, inunahan na siya ni Jesus tungkol dito, na sinasabi, “Ano sa palagay mo, Simon? Kanino naniningil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? Sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?”
26 Kaya't nang sabihin niya, “Sa ibang tao,” ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayo'y hindi na pinagbabayad ang mga anak.
27 Ngunit upang hindi sila matisod sa atin, pumunta ka sa dagat at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang mahuhuli at kapag ibinuka mo ang kanyang bibig, matatagpuan mo ang isang siklo. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, para sa akin at sa iyo.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001