Beginning
Binasbasan ng Diyos si Jacob sa Bethel
35 Sinabi(A) ng Diyos kay Jacob, “Tumayo ka, umahon ka sa Bethel, at doon ka manirahan. Gumawa ka roon ng isang dambana para sa Diyos na nagpakita sa iyo nang ikaw ay tumatakas mula sa iyong kapatid na si Esau.”
2 Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan, at sa lahat niyang kasama, “Alisin ninyo ang mga banyagang diyos na nasa inyo, at maglinis kayo ng inyong sarili, at palitan ninyo ang inyong mga suot.
3 Tayo'y umahon sa Bethel; at gagawa ako roon ng dambana para sa Diyos na sumagot sa akin sa araw ng aking kabalisahan at naging kasama ko saanman ako nagtungo.”
4 Kaya ibinigay nila kay Jacob ang lahat ng mga banyagang diyos na nasa kanilang kamay at ang mga hikaw na nasa kanilang mga tainga; at itinago iyon ni Jacob sa ilalim ng punong ensina na malapit sa Shekem.
5 Habang sila'y naglalakbay, ang matinding takot sa Diyos ay dumating sa mga bayang nasa palibot nila, at hindi nila hinabol ang mga anak ni Jacob.
6 Dumating si Jacob sa Luz (na siyang Bethel), na nasa lupain ng Canaan, siya at ang lahat ng mga taong kasama niya.
7 Nagtayo siya roon ng isang dambana at tinawag niya ang lugar na iyon na El-bethel; sapagkat ang Diyos ay nagpakita sa kanya roon, nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid.
8 Namatay si Debora na yaya ni Rebecca, at inilibing sa paanan ng Bethel, sa ilalim ng ensina, at ang pangalan nito ay tinawag niyang Allon-bacuth.[a]
9 Muling nagpakita ang Diyos kay Jacob nang siya'y manggaling sa Padan-aram, at siya'y pinagpala.
10 Sinabi(B) ng Diyos sa kanya, “Ang pangalan mo'y Jacob; hindi ka na tatawagin pang Jacob kundi Israel ang magiging pangalan mo.” Kaya siya ay tinawag na Israel.
11 At(C) sinabi ng Diyos sa kanya, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan[b] sa lahat. Ikaw ay lumago at magpakarami; isang bansa at maraming mga bansa ang magmumula sa iyo, at mga hari ay magmumula sa iyo.
12 Ang lupaing ibinigay ko kina Abraham at Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi pagkamatay mo.”
13 At ang Diyos ay pumailanglang mula sa tabi niya kung saan siya ay nakipag-usap sa kanya.
14 Nagtayo(D) si Jacob ng isang haliging batong bantayog kung saan ay nakipag-usap ang Diyos sa kanya. Binuhusan niya ito ng inuming handog at ng langis.
15 Kaya't tinawag ni Jacob na Bethel ang lugar kung saan nakipag-usap sa kanya ang Diyos.
Ang Kamatayan ni Raquel
16 Sila'y naglakbay mula sa Bethel. Nang sila ay may kalayuan pa mula sa Efrata, ay manganganak na si Raquel at siya'y naghihirap sa panganganak.
17 Nang siya'y naghihirap sa panganganak, sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, sapagkat magkakaroon ka ng isa pang anak na lalaki.”
18 Habang siya'y naghihingalo (sapagkat namatay siya), kanyang pinangalanan siyang Benoni;[c] subalit tinawag siyang Benjamin[d] ng kanyang ama.
19 Kaya't namatay si Raquel at inilibing sa daang patungo sa Efrata, na siyang Bethlehem.
20 Nagtayo si Jacob ng isang haligi sa ibabaw ng kanyang libingan na siyang haligi ng libingan ni Raquel hanggang ngayon.
21 Naglakbay pa si Israel at itinayo ang kanyang tolda sa dako pa roon ng tore ng Eder.
Ang mga Anak ni Jacob(E)
22 Samantalang(F) naninirahan si Israel sa lupaing iyon, si Ruben ay humayo at sumiping kay Bilha na asawang-lingkod ng kanyang ama at ito'y nabalitaan ni Israel. Labindalawa nga ang anak na lalaki ni Jacob.
23 Ang mga anak ni Lea: si Ruben na panganay ni Jacob, at sina Simeon, Levi, Juda, Isacar, at si Zebulon.
24 Ang mga anak ni Raquel: sina Jose at si Benjamin;
25 at ang mga anak ni Bilha, na alila ni Raquel: sina Dan at Neftali;
26 at ang mga anak ni Zilpa na alilang babae ni Lea: sina Gad at Aser. Ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa kanya sa Padan-aram.
Ang Kamatayan ni Isaac
27 At(G) pumunta si Jacob kay Isaac na kanyang ama sa Mamre, sa Kiryat-arba (na siyang Hebron), kung saan tumira sina Abraham at Isaac.
28 Ang mga naging araw ni Isaac ay isandaan at walumpung taon.
29 Nalagot ang hininga ni Isaac at namatay; at siya'y naging kasama ng kanyang bayan, matanda na at puspos ng mga araw. Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Esau at Jacob.
Mga Naging Anak ni Esau(H)
36 Ito ang mga lahi ni Esau, na siya ring Edom.
2 Si(I) Esau ay nag-asawa mula sa mga anak ng Canaan; kay Ada na anak ni Elon na Heteo, kay Aholibama, anak ni Ana na anak ni Zibeon na Heveo;
3 kay(J) Basemat na anak ni Ismael, na kapatid ni Nebayot.
4 Ipinanganak ni Ada si Elifaz kay Esau; at ipinanganak ni Basemat si Reuel;
5 at ipinanganak ni Aholibama sina Jeus, Jalam, at Kora. Ito ang mga anak ni Esau, na ipinanganak sa kanya sa lupain ng Canaan.
6 Dinala ni Esau ang kanyang mga asawa, ang kanyang mga anak na lalaki at babae, ang lahat ng tao sa kanyang bahay, ang kanyang hayop, lahat ng kanyang kawan, at ang lahat na kanyang tinipon sa lupain ng Canaan, at pumunta sa isang lupaing malayo sa kanyang kapatid na si Jacob.
7 Sapagkat ang kanilang ari-arian ay totoong napakalaki para sa kanila na manirahang magkasama. Ang lupain na kanilang pinaglakbayan ay hindi sila makayang tustusan dahilan sa kanilang mga hayop.
8 Kaya't nanirahan si Esau sa bundok ng Seir. Si Esau ay si Edom.
9 Ito ang mga lahi ni Esau, na ama ng mga Edomita sa bundok ng Seir.
10 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Esau: si Elifaz, na anak ni Ada na asawa ni Esau, si Reuel na anak ni Basemat, na asawa ni Esau.
11 Ang mga anak ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo, Gatam at Kenaz.
12 Si Timna ay asawang-lingkod ni Elifaz na anak ni Esau; at ipinanganak niya kay Elifaz si Amalek. Ito ang mga anak ni Ada na asawa ni Esau.
13 Ito ang mga anak ni Reuel: sina Nahat, Zera, Shammah, at Mizza. Ito ang mga anak ni Basemat na asawa ni Esau.
14 Ito ang mga anak ni Esau kay Aholibama, na anak ni Ana, na anak ni Zibeon. Ipinanganak niya kay Esau sina Jeus, Jalam at Kora.
15 Ito ang mga pinuno sa mga anak ni Esau: ang mga anak ni Elifaz, na panganay ni Esau; ang mga pinunong sina Teman, Omar, Zefo, Kenaz,
16 Kora, Gatam, at Amalek. Ito ang mga pinunong nagmula kay Elifaz sa lupain ng Edom; ito ang mga anak ni Ada.
17 Ito ang mga anak ni Reuel na anak ni Esau: ang mga pinunong sina Nahat, Zera, Shammah, at Mizza. Ito ang mga pinunong nagmula kay Reuel sa lupain ng Edom; ito ang mga anak ni Basemat na asawa ni Esau.
18 Ito ang mga anak ni Aholibama na asawa ni Esau: ang mga pinunong sina Jeus, Jalam, at Kora. Ito ang mga pinunong nagmula kay Aholibama na anak ni Ana, na asawa ni Esau.
19 Ito ang mga anak ni Esau, (na siyang Edom) at ito ang kanilang mga pinuno.
Mga Anak ni Seir(K)
20 Ito ang mga anak ni Seir na Horeo, na naninirahan sa lupain: sina Lotan, Sobal, Zibeon, at si Ana,
21 sina Dishon, Eser, at Disan. Ito ang mga pinunong nagmula sa mga Horeo, na mga angkan ni Seir sa lupain ng Edom.
22 Ang mga anak ni Lotan ay sina Hori at Heman; at ang kapatid na babae ni Lotan ay si Timna.
23 Ito ang mga anak ni Sobal: sina Alvan, Manahat, Ebal, Zefo, at si Onam.
24 Ito ang mga anak ni Zibeon: sina Aya at Ana. Ito rin si Ana na nakatagpo ng maiinit na bukal sa ilang, habang kanyang inaalagaan ang mga asno ni Zibeon na kanyang ama.
25 Ito ang mga anak ni Ana: sina Dishon at Aholibama, na anak na babae ni Ana.
26 Ito ang mga anak ni Dishon: sina Hemdan, Esban, Itran, at Cheran.
27 Ito ang mga anak ni Eser: sina Bilhan, Zaavan at Acan.
28 Ito ang mga anak ni Disan: sina Uz at Aran.
29 Ito ang mga pinunong nagmula sa mga Horeo: ang mga pinunong sina Lotan, Sobal, Zibeon, at Ana,
30 Dishon, Eser, at Disan. Ito ang mga pinunong nagmula sa mga Horeo ayon sa kanilang mga angkan, sa lupain ng Seir.
Mga Hari ng Edom(L)
31 Ito ang mga hari na nagsipaghari sa lupain ng Edom bago maghari ang sinumang hari sa angkan ni Israel.
32 Si Bela na anak ni Beor ay naghari sa Edom; at ang pangalan ng kanyang bayan ay Dinhaba.
33 Namatay si Bela, at naghari na kapalit niya si Jobab na anak ni Zera, na taga-Bosra.
34 Namatay si Jobab at naghari na kapalit niya si Husam, na taga-lupain ng mga Temanita.
35 Namatay si Husam at naghari na kapalit niya si Adad, na anak ni Badad, na siyang gumapi kay Midian sa parang ni Moab at ang pangalan ng kanyang bayan ay Avith.
36 Namatay si Adad at naghari na kapalit niya si Samla na taga-Masreca.
37 Namatay si Samla at naghari na kapalit niya si Shaul na taga-Rehobot na tabi ng Eufrates.
38 Namatay si Shaul at naghari na kapalit niya si Baal-hanan na anak ni Acbor.
39 Namatay si Baal-hanan na anak ni Acbor at naghari na kapalit niya si Adar; at ang pangalan ng kanyang bayan ay Pau; at ang pangalan ng kanyang asawa ay Mehetabel na anak ni Matred, na anak na babae ni Mezaab.
40 Ito ang mga pangalan ng mga pinunong nagmula kay Esau, ayon sa kanya-kanyang angkan, ayon sa kanya-kanyang lugar, alinsunod sa kanya-kanyang pangalan: ang mga pinunong sina Timna, Alva, Jetet;
41 Aholibama, Ela, Pinon.
42 Kenaz, Teman, Mibzar.
43 Magdiel, at Hiram. Ito ang mga pinuno ni Edom, ayon sa kanya-kanyang tinitirhan sa lupain na kanilang pag-aari. Siya ay si Esau na ama ng mga Edomita.
Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid
37 Nanirahan si Jacob sa lupain kung saan tumira ang kanyang ama, sa lupain ng Canaan.
2 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Jacob: Si Jose, na may labimpitong taong gulang, ay nagpapastol ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid. Siya ay kasama ng mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawa ng kanyang ama; at ibinalita ni Jose sa kanilang ama ang kasamaan nila.
3 Minahal ni Israel si Jose nang higit kaysa lahat niyang anak, sapagkat siya ang anak ng kanyang katandaan at siya'y gumawa ng isang mahabang damit na kanyang suot.[e]
4 Nakita ng kanyang mga kapatid na siya'y minahal ng kanilang ama nang higit kaysa lahat niyang mga kapatid; at siya'y kinapootan nila at hindi sila nakipag-usap nang payapa sa kanya.
5 Minsan ay nanaginip si Jose at nang isalaysay niya ito sa kanyang mga kapatid, lalo pa silang napoot sa kanya.
6 Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan ninyo ngayon itong aking napanaginip.
7 Tayo'y nagtatali ng mga bigkis ng trigo sa bukid, nang tumayo ang aking bigkis at tumindig nang matuwid. At ang inyong mga bigkis ay pumalibot at yumuko sa aking bigkis.”
8 Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, “Maghahari ka ba sa amin o mamamahala sa amin?” At lalo pa silang napoot sa kanya dahil sa kanyang mga panaginip at mga salita.
9 Nagkaroon pa siya ng ibang panaginip at isinalaysay sa kanyang mga kapatid, at sinabi, “Ako'y nagkaroon ng isa pang panaginip: ang araw, ang buwan, at ang labing-isang bituin ay yumuko sa akin.”
10 Subalit nang kanyang isalaysay ito sa kanyang ama at mga kapatid, siya ay pinagalitan ng kanyang ama, at sinabi sa kanya, “Ano itong iyong napanaginip? Tunay bang ako, ang iyong ina, at ang iyong mga kapatid ay yuyukod sa lupa sa harap mo?”
11 At(M) ang kanyang mga kapatid ay nainggit sa kanya, subalit pinag-isipan ng kanyang ama ang bagay na iyon.
Si Jose ay Ipinagbili at Dinala sa Ehipto
12 Umalis ang kanyang mga kapatid upang pastulin ang kawan ng kanilang ama sa Shekem.
13 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi ba nagpapastol ng kawan sa Shekem ang iyong mga kapatid? Halika, at isusugo kita sa kanila.” Sinabi niya sa kanya, “Narito ako.”
14 Sinabi niya sa kanya, “Humayo ka, tingnan mo kung mabuti ang kalagayan ng iyong mga kapatid at ng kawan, at balitaan mo ako.” Siya'y kanyang isinugo mula sa libis ng Hebron, at dumating siya sa Shekem.
15 Nakita siya ng isang tao na gumagala sa parang at siya'y tinanong ng taong iyon, “Anong hinahanap mo?”
16 At sinabi niya, “Hinahanap ko ang aking mga kapatid; hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan sila nagpapastol.”
17 Sinabi ng tao, “Umalis na sila dito, sapagkat narinig kong sinabi nila, ‘Tayo na sa Dotan.’” Sinundan ni Jose ang kanyang mga kapatid, at natagpuan niya sila sa Dotan.
18 Kanilang natanawan siya sa malayo, at bago siya nakalapit sa kanila ay nagsabwatan sila laban sa kanya na siya'y patayin.
19 At sinabi nila sa isa't isa, “Tingnan ninyo, dumarating ang mahilig managinip.
20 Halikayo, patayin natin siya at itapon natin sa isa sa mga balon, at ating sasabihin, ‘Nilapa siya ng isang masamang hayop;’ at tingnan natin kung anong mangyayari sa kanyang mga panaginip.”
21 Subalit nang ito ay narinig ni Ruben, kanyang iniligtas siya sa kanilang mga kamay, at sinabi, “Huwag nating patayin.”[f]
22 Sinabi ni Ruben sa kanila, “Huwag kayong magpadanak ng dugo. Ihulog ninyo siya sa balong ito na nasa ilang, subalit huwag ninyong pagbuhatan ng kamay;” upang siya'y kanyang mailigtas sa kanilang kamay at maibalik sa kanyang ama.
23 Nang dumating si Jose sa kanyang mga kapatid, siya'y kanilang hinubaran ng kanyang mahabang damit na kanyang suot.[g]
24 Kanilang sinunggaban siya at inihulog sa balon. Ang balon ay tuyo at walang lamang tubig.
25 Pagkatapos ay umupo sila upang kumain ng tinapay; at sa pagtingin nila ay nakita nila ang isang pulutong na mga Ismaelita na nanggaling sa Gilead kasama ang kanilang mga kamelyo at may dalang mga pabango, mga mabangong langis, at mga mira na kanilang dadalhin sa Ehipto.
26 At sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid. “Anong ating mapapakinabang kung patayin natin ang ating kapatid, at ilihim ang kanyang dugo?
27 Halikayo, atin siyang ipagbili sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay, sapagkat siya'y ating kapatid, at ating laman.” At pinakinggan siya ng kanyang mga kapatid.
28 Dumaan(N) ang mga mangangalakal na mga Midianita; at kanilang iniahon si Jose sa balon, at siya'y ipinagbili sa mga Ismaelita sa halagang dalawampung pirasong pilak. At dinala nila si Jose sa Ehipto.
29 Nang bumalik si Ruben sa balon at makitang si Jose ay wala na sa balon, kanyang pinunit ang kanyang mga suot.
30 Siya'y nagbalik sa kanyang mga kapatid, at kanyang sinabi, “Wala ang bata; at ako, saan ako pupunta?”
31 Kaya't kanilang kinuha ang mahabang damit[h] ni Jose, at sila'y pumatay ng isang lalaking kambing, at kanilang inilubog ang mahabang damit[i] sa dugo.
32 Kanilang ipinadala ang mahabang damit na kanyang suot sa kanilang ama, at kanilang sinabi, “Ito'y aming natagpuan, kilalanin mo kung ito'y mahabang damit ng iyong anak o hindi.”
33 Nakilala niya ito kaya't kanyang sinabi, “Ito nga ang mahabang damit ng aking anak! Sinakmal siya ng isang mabangis na hayop; tiyak na siya'y nilapa.”
34 Pinunit ni Jacob ang kanyang mga suot, at nilagyan niya ng damit-sako ang kanyang mga balakang, at ipinagluksa ng maraming araw ang kanyang anak.
35 Lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay nagtangkang siya'y aliwin; subalit tumanggi siyang maaliw, at kanyang sinabi, “Lulusong akong tumatangis para sa aking anak hanggang sa Sheol.” At tinangisan siya ng kanyang ama.
36 Samantala, ipinagbili siya ng mga Midianita sa Ehipto kay Potifar, isang pinuno ni Faraon na kapitan ng bantay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001