Beginning
Binasbasan ni Isaac si Jacob
27 Nang matanda na si Isaac, malabo na ang kanyang mga mata at anupa't hindi na makakita. Tinawag niya si Esau na kanyang panganay at sinabi sa kanya, “Anak ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”
2 At sinabi niya, “Masdan mo, ako'y matanda na at hindi ko nalalaman ang araw ng aking kamatayan.
3 Hinihiling ko na kunin mo ngayon ang iyong mga sandata, ang iyong lalagyan ng pana, at ang iyong busog. Pumunta ka sa parang at ihuli mo ako ng usa.[a]
4 Ipaghanda mo ako ng masarap na pagkain gaya ng aking ibig, at dalhin mo rito sa akin at ako'y makakain, upang ikaw ay mabasbasan ko bago ako mamatay.”
5 Naririnig ni Rebecca ang pagsasalita ni Isaac kay Esau na kanyang anak. Kaya't nang pumunta si Esau sa parang upang manghuli ng usa at magdala nito,
6 ay sinabi ni Rebecca kay Jacob na kanyang anak, “Narinig ko ang iyong ama na nagsasabi kay Esau na iyong kapatid,
7 ‘Dalhan mo ako ng usa, at ipaghanda mo ako ng masarap na pagkain upang ako'y makakain, at ikaw ay aking basbasan sa harap ng Panginoon bago ako mamatay.’
8 Kaya ngayon, anak ko, sundin mo ang aking sinabi, ayon sa iniutos ko sa iyo.
9 Pumaroon ka ngayon sa kawan, at dalhin mo sa akin ang dalawang magandang batang kambing at gagawin kong masarap na pagkain para sa iyong ama, ayon sa kanyang ibig.
10 Dadalhin mo ito sa iyong ama at hayaan mong kumain upang ikaw ay kanyang basbasan bago siya mamatay.”
11 Subalit sinabi ni Jacob kay Rebecca na kanyang ina, “Si Esau na aking kapatid ay taong mabalahibo at ako'y taong makinis.
12 Baka hipuin ako ng aking ama, at ako ay magiging mandaraya sa kanyang paningin; at ang aking matatanggap ay sumpa at hindi pagpapala.”
13 Sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Mapasaakin na ang sumpa sa iyo, anak ko. Sundin mo lamang ang aking sinabi. Umalis ka na at dalhin ang mga iyon sa akin.”
14 Kaya't siya'y umalis at kinuha ang mga ito at dinala sa kanyang ina. Gumawa ang kanyang ina ng masarap na pagkaing gusto ng kanyang ama.
15 Kinuha ni Rebecca ang pinakamagandang damit ng kanyang panganay na anak na si Esau na nasa kanya sa bahay at isinuot kay Jacob na kanyang bunsong anak.
16 At ang mga balat ng mga batang kambing ay ibinalot sa kanyang mga kamay, at sa makinis na bahagi ng kanyang leeg.
Tinanggap ni Jacob ang Pagpapala ni Isaac
17 Ibinigay niya ang masarap na pagkain at ang tinapay na kanyang inihanda kay Jacob na kanyang anak.
18 At siya'y lumapit sa kanyang ama at sinabi, “Ama ko;” at sinabi niya, “Narito ako; sino ka, anak ko?”
19 Sinabi ni Jacob sa kanyang ama, “Ako'y si Esau na iyong panganay; ginawa ko ang ayon sa sinabi mo sa akin. Bumangon ka ngayon, umupo at kumain ka ng aking usa upang ako'y mabasbasan mo.”
20 At sinabi ni Isaac sa kanyang anak, “Ano't napakadali mong nakakuha, anak ko?” At sinabi niya, “Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ang nagbigay sa akin ng tagumpay.”
21 Sinabi ni Isaac kay Jacob, “Anak ko, lumapit ka rito at hahawakan kita, kung ikaw nga ang aking anak na si Esau o hindi.”
22 Lumapit si Jacob kay Isaac na kanyang ama at hinawakan siya at sinabi, “Ang tinig ay tinig ni Jacob, ngunit ang mga kamay ay mga kamay ni Esau.”
23 Hindi niya nakilala si Jacob[b] sapagkat ang kanyang kamay ay kagaya ng mabalahibong mga kamay ng kanyang kapatid na si Esau. Kaya't siya'y binasbasan ni Isaac.[c]
24 At sinabi niya, “Ikaw nga ba ang aking anak na si Esau?” At sinabi ni Jacob,[d] “Ako nga.”
25 Sinabi niya, “Dalhin mo na sa akin upang makakain ako ng usa[e] ng aking anak, upang mabasbasan ka.” Inilapit niya ito sa kanya at kumain siya, at siya'y dinalhan niya ng alak, at siya'y uminom.
26 Sinabi sa kanya ni Isaac na kanyang ama, “Anak ko, lumapit ka ngayon at humalik ka sa akin.”
27 At(A) siya'y lumapit at humalik siya sa kanya at naamoy ng ama ang amoy ng kanyang mga suot. Siya'y binasbasan, at sinabi,
“Ang amoy ng aking anak
ay gaya ng amoy ng isang parang na pinagpala ng Panginoon.
28 Nawa'y bigyan ka ng Diyos ng hamog ng langit,
at ng taba ng lupa,
at ng saganang trigo at alak.
29 Ang(B) mga bayan nawa ay maglingkod sa iyo,
at ang mga bansa ay magsiyukod sa iyo.
Maging panginoon ka nawa ng iyong mga kapatid,
at magsiyukod sa iyo ang mga anak ng iyong ina.
Sumpain nawa ang mga sumusumpa sa iyo,
at maging mapapalad ang mga magpapala sa iyo.”
Humingi si Esau ng Basbas mula kay Isaac
30 Katatapos pa lamang basbasan ni Isaac si Jacob, at bahagya pa lamang nakakaalis si Jacob sa harap ni Isaac na kanyang ama, ay dumating si Esau na kanyang kapatid na galing sa kanyang pangangaso.
31 Naghanda rin siya ng masarap na pagkain at dinala niya sa kanyang ama. Sinabi niya sa kanyang ama, “Bangon na, ama ko, at kumain ka ng usa ng iyong anak upang mabasbasan mo ako.”
32 Sinabi ni Isaac na kanyang ama sa kanya, “Sino ka?” At kanyang sinabi, “Ako ang iyong anak, ang iyong panganay na si Esau.”
33 At nanginig nang husto si Isaac, at sinabi, “Sino nga iyong kumuha ng usa at dinala sa akin, at ako'y kumain noon bago ka dumating, at siya'y aking binasbasan? Kaya't siya'y magiging mapalad!”
34 Nang marinig ni Esau ang mga salita ng kanyang ama ay sumigaw siya nang malakas at umiyak na may kapaitan at sinabi sa kanyang ama, “Basbasan mo rin ako, aking ama.”
35 Ngunit sinabi niya, “Pumarito ang iyong kapatid sa pamamagitan ng pandaraya, at kinuha ang basbas sa iyo.”
36 At(C) kanyang sinabi, “Hindi ba't tumpak na ang pangalan niya ay Jacob? Dalawang ulit niya akong inagawan. Kinuha niya ang aking pagkapanganay at ngayo'y kinuha ang basbas sa akin.” At kanyang sinabi, “Wala ka bang inilaang basbas para sa akin?”
37 Sumagot si Isaac kay Esau. “Ginawa ko na siya bilang panginoon mo, at ibinigay ko sa kanya ang lahat niyang mga kapatid bilang mga lingkod, at binigyan ko siya ng trigo at alak. Ano ngayon ang magagawa ko para sa iyo, anak ko?”
38 Sinabi(D) ni Esau sa kanyang ama, “Wala ka na bang basbas maliban sa isa, ama ko? Basbasan mo rin ako, ama ko.” At sumigaw si Esau at umiyak.
39 Sumagot(E) si Isaac na kanyang ama,
“Tingnan mo, papalayo sa taba ng lupa ang iyong tahanan,
at papalayo sa hamog ng langit sa itaas;
40 mabubuhay(F) ka sa pamamagitan ng iyong tabak
at maglilingkod ka sa iyong kapatid,
at kapag ikaw ay lumaban,
babaliin mo ang kanyang pamatok na nasa iyong leeg.”
Pinapunta si Jacob sa Padan-aram
41 Kaya't kinapootan ni Esau si Jacob dahil sa basbas na ibinigay sa kanya ng kanyang ama. At sinabi ni Esau sa sarili, “Malapit na ang mga araw ng pagluluksa sa aking ama; pagkatapos ay papatayin ko si Jacob na aking kapatid.”
42 Ngunit ang mga salita ni Esau na kanyang panganay ay naibalita kay Rebecca. Kaya't siya'y nagsugo at ipinatawag si Jacob na kanyang bunso at sinabi sa kanya, “Inaaliw ng iyong kapatid na si Esau ang kanyang sarili sa pagpaplanong ikaw ay patayin.
43 Ngayon, anak ko, sundin mo ang aking tinig; bumangon ka at tumakas ka patungo sa aking kapatid na si Laban na nasa Haran.
44 Tumigil ka sa kanya nang ilang araw hanggang sa mapawi ang galit ng iyong kapatid,
45 hanggang sa mapawi ang galit sa iyo ng iyong kapatid at malimutan niya ang ginawa mo sa kanya. Pagkatapos ay magsusugo ako at ipasusundo kita mula roon. Bakit kailangang kapwa kayo mawala sa akin sa isang araw?”
46 At sinabi ni Rebecca kay Isaac, “Ako'y yamot na sa aking buhay, dahil sa mga anak na babae ni Het. Kung si Jacob ay mag-aasawa mula sa mga anak ni Het na gaya ng mga ito mula sa mga anak ng lupain, ano pa ang kabuluhan ng buhay sa akin?”
Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban
28 At tinawag ni Isaac si Jacob, at siya'y binasbasan, pinagbilinan, at sinabi sa kanya, “Huwag kang mag-aasawa sa mga anak ng Canaan.
2 Tumindig ka at pumunta sa Padan-aram, sa bahay ni Betuel na ama ng iyong ina. Mag-asawa ka roon mula sa mga anak ni Laban na kapatid na lalaki ng iyong ina.
3 At nawa'y pagpalain ka ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat, at ikaw ay pasaganain at paramihin, upang ikaw ay maging isang malaking bansa.
4 Nawa'y(G) ibigay niya sa iyo ang pagpapala ni Abraham, sa iyo at sa lahat ng iyong binhi; upang ariin mo ang lupaing iyong pinaglakbayan na ibinigay ng Diyos kay Abraham.”
5 At pinahayo ni Isaac si Jacob at pumunta siya sa Padan-aram, kay Laban na anak ni Betuel na Arameo, na kapatid ni Rebecca, na ina nina Jacob at Esau.
Muling Nag-asawa si Esau
6 Nakita ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob, at siya'y pinapunta sa Padan-aram upang doon mag-asawa; at nang siya'y basbasan ay ipinagbilin sa kanya, “Huwag kang mag-aasawa sa mga anak na babae ng Canaan,”
7 at sinunod ni Jacob ang kanyang ama at ina at pumunta sa Padan-aram.
8 Kaya't nang makita ni Esau na hindi nakakalugod ang mga anak ng Canaan kay Isaac na kanyang ama;
9 pumunta si Esau kay Ismael at kinuhang asawa si Mahalat na kapatid na babae ni Nebayot at anak ni Ismael na anak ni Abraham, bukod pa sa mga asawang mayroon na siya.
Ang Panaginip ni Jacob sa Bethel
10 Umalis si Jacob sa Beer-seba at pumunta sa Haran.
11 Dumating siya sa isang lugar at nagpalipas ng magdamag doon sapagkat lumubog na ang araw. Kumuha siya ng isa sa mga bato sa lugar na iyon at inilagay sa kanyang ulunan, at nahiga roon upang matulog.
12 Siya(H) ay nanaginip na may isang hagdan na nakalagay sa lupa, na ang dulo ay umaabot sa langit, at ang mga anghel ng Diyos ay nagmamanhik-manaog doon.
13 At(I) ang Panginoon ay tumayo sa tabi niya at nagsabi, “Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham na iyong ama, at ang Diyos ni Isaac. Ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi.
14 Ang(J) iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at ikaw ay kakalat sa kanluran, silangan, hilaga, at sa timog at ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan mo at ng iyong binhi.
15 Alamin mo na ako'y kasama mo at iingatan kita saan ka man pumunta, at ibabalik kita sa lupaing ito sapagkat hindi kita iiwan hanggang hindi ko nagagawa ang ipinangako ko sa iyo.”
16 Nagising si Jacob sa kanyang panaginip at sinabi, “Tunay na ang Panginoon ay nasa lugar na ito at hindi ko iyon nalalaman.”
17 Siya'y natakot, at kanyang sinabi, “Kakilakilabot ang lugar na ito! Ito'y walang iba kundi ang bahay ng Diyos, at ito ang pintuan ng langit.”
18 Kinaumagahan, si Jacob ay maagang bumangon at kinuha ang batong kanyang inilagay sa ulunan niya, at kanyang itinayo bilang bantayog at kanyang binuhusan ng langis.
19 Ang ipinangalan niya sa lugar na iyon ay Bethel,[f] subalit ang dating pangalan ng lunsod ay Luz.
20 Si Jacob ay nagpanata na sinasabi, “Kung makakasama ko ang Diyos at ako'y iingatan sa daang ito na aking nilalakaran, at ako'y bibigyan niya ng tinapay na makakain, at damit na maisuot,
21 at ako'y makabalik na payapa sa bahay ng aking ama, kung gayon ang Panginoon ang magiging aking Diyos.
22 Ang batong ito na aking itinayo bilang bantayog ay magiging bahay ng Diyos; at sa lahat ng ibibigay mo sa akin ay ibibigay ko ang ikasampung bahagi sa iyo.”
Dumating si Jacob sa Tahanan ni Laban
29 Nang magkagayo'y nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay, at nagtungo sa lupain ng mga tao sa silangan.
2 Siya'y tumingin at nakakita ng isang balon sa parang. May tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon, sapagkat sa balong iyon pinaiinom ang mga kawan. Ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay napakalaki,
3 at kapag nagkakatipon doon ang lahat ng kawan, iginugulong ng mga pastol ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa kanyang lugar sa ibabaw ng balon.
4 Sinabi sa kanila ni Jacob, “Mga kapatid ko, taga-saan kayo?” At kanilang sinabi, “Taga-Haran kami.”
5 Sinabi niya sa kanila, “Kilala ba ninyo si Laban na anak ni Nahor?” At kanilang sinabi, “Kilala namin siya.”
6 Sinabi niya sa kanila, “Siya ba'y mabuti ang kalagayan?” At kanilang sinabi, “Oo; at narito ang kanyang anak na si Raquel na dumarating kasama ang mga tupa!”
7 Sinabi niya, “Tingnan ninyo, maaga pa, hindi pa oras upang tipunin ang mga hayop; painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pastulin.”
8 Subalit sinabi nila, “Hindi namin magagawa hangga't hindi natitipong lahat ang kawan, at maigulong ang bato mula sa labi ng balon; at saka lamang namin paiinumin ang mga tupa.”
9 Samantalang nakikipag-usap pa siya sa kanila, dumating si Raquel kasama ang mga tupa ng kanyang ama; sapagkat siya ang nag-aalaga ng mga iyon.
10 Nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kanyang ina, at ang mga tupa ni Laban, lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon at pinainom ang kawan ni Laban.
11 Hinagkan ni Jacob si Raquel at umiyak nang malakas.
12 Sinabi ni Jacob kay Raquel na siya'y kamag-anak ni Laban na kanyang ama, at anak siya ni Rebecca. Kaya't tumakbo si Raquel[g] at sinabi sa kanyang ama.
Tinanggap Siya ni Laban
13 Nang marinig ni Laban ang balita ni Jacob na anak ng kanyang kapatid, tumakbo siya upang salubungin si Jacob at ito ay kanyang niyakap, hinagkan, at dinala sa kanyang bahay. Isinalaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito at
14 sinabi sa kanya ni Laban, “Talagang ikaw ay aking buto at aking laman.” At siya'y tumigil doong kasama niya ng isang buwan.
Naglingkod si Jacob para kina Raquel at Lea
15 At sinabi ni Laban kay Jacob, “Hindi ba't ikaw ay aking kamag-anak? Dapat ka bang maglingkod sa akin nang walang upa? Sabihin mo sa akin, ano ang magiging upa mo?”
16 May dalawang anak na babae si Laban; ang pangalan ng panganay ay Lea, at ang bunso ay si Raquel.
17 Ang mga mata ni Lea ay mapupungay;[h] at si Raquel ay magandang kumilos at kahali-halina.
18 Mahal ni Jacob si Raquel; kaya't kanyang sinabi, “Paglilingkuran kita ng pitong taon dahil kay Raquel na iyong anak na bunso.”
19 Sinabi ni Laban, “Mas mabuti na ibigay ko siya sa iyo kaysa ibigay ko siya sa iba; tumira ka sa akin.”
20 At naglingkod si Jacob ng pitong taon dahil kay Raquel, na sa kanya'y naging parang ilang araw dahil sa pag-ibig niya sa kanya.
Naging Asawa ni Jacob si Lea at si Raquel
21 Sinabi ni Jacob kay Laban, “Ibigay mo sa akin ang aking asawa sapagkat naganap na ang aking mga araw at hayaan mong ako'y sumiping sa kanya.”
22 Tinipong lahat ni Laban ang mga tao roon at siya'y gumawa ng isang handaan.
23 Kinagabihan, kanyang kinuha si Lea na kanyang anak at dinala kay Jacob na sumiping naman sa kanya.
24 Ibinigay ni Laban kay Lea ang kanyang alilang babae na si Zilpa upang kanyang maging alila.
25 Kinaumagahan, si Lea pala iyon! At kanyang sinabi kay Laban, “Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba pinaglingkuran kita dahil kay Raquel? Bakit mo ako dinaya?”
26 Sinabi ni Laban, “Hindi ganyan ang kaugalian dito sa aming lupain, na ibinibigay ang bunso bago ang panganay.
27 Tapusin mo ang linggong ito, at ibibigay rin namin sa iyo ang isa, bilang kapalit sa paglilingkod na gagawin mo sa akin na pitong taon pa.”
28 Ganoon ang ginawa ni Jacob, at tinapos niya ang linggo niya, at ibinigay ni Laban sa kanya si Raquel na kanyang anak upang maging asawa niya.
29 Sa kanyang anak na si Raquel ay ibinigay ni Laban bilang alilang babae ang kanyang alilang si Bilha.
30 Kaya't sumiping din si Jacob kay Raquel, at inibig si Raquel nang higit kaysa kay Lea; at naglingkod siya kay Laban ng pitong taon pa.
Mga Naging Anak ni Jacob
31 Nang makita ng Panginoon na si Lea ay kinapootan, binuksan niya ang kanyang bahay-bata; subalit si Raquel ay baog.
32 Naglihi si Lea at nanganak ng isang lalaki, at tinawag niyang Ruben;[i] sapagkat kanyang sinabi, “Sapagkat tiningnan ng Panginoon ang aking kapighatian; kaya't ngayo'y mamahalin ako ng aking asawa.”
33 Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki at sinabi, “Sapagkat narinig ng Panginoon na ako'y kinapopootan, ibinigay rin niya sa akin ito”; at tinawag niyang Simeon.[j]
34 Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, “Ngayo'y makakasama ko na ang aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng tatlong lalaki”; kaya't ang kanyang pangalan ay Levi.[k]
35 At muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, “Ngayo'y pupurihin ko ang Panginoon.” Kaya't tinawag niyang Juda;[l] at hindi na siya nanganak.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001