Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 30-31

Ang Kanyang mga Anak

30 Nang makita ni Raquel na hindi siya nagkakaanak kay Jacob ay nainggit siya sa kanyang kapatid, at sinabi niya kay Jacob, “Bigyan mo ako ng mga anak, at kapag hindi ay mamamatay ako!”

Kaya't nag-alab ang galit ni Jacob laban kay Raquel, at sinabi niya, “Ako ba'y nasa kalagayan ng Diyos, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?”

Sinabi niya, “Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kanya upang siya'y manganak para sa akin[a] at nang magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya.”

Kaya't ibinigay niya ang kanyang alilang si Bilha bilang isang asawa, at sinipingan siya ni Jacob.

Kaya't naglihi si Bilha at nagkaanak kay Jacob ng isang lalaki.

Sinabi ni Raquel, “Hinatulan ako ng Diyos, pinakinggan din ang aking tinig, at binigyan ako ng anak.” Tinawag niya ang kanyang pangalan na Dan.[b]

Muling naglihi si Bilha na alila ni Raquel at ipinanganak ang kanyang ikalawang anak kay Jacob.

Sinabi ni Raquel, “Ako'y nakipagbuno ng matinding pakikipagbuno sa aking kapatid, at ako'y nagtagumpay.” Kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Neftali.[c]

Nang makita ni Lea na siya'y huminto na sa panganganak, kinuha niya si Zilpa na kanyang alila at ibinigay kay Jacob bilang asawa.

10 Kaya't si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalaki kay Jacob.

11 Sinabi ni Lea, “Mabuting kapalaran!” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Gad.[d]

12 Ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea ang kanyang ikalawang anak kay Jacob.

13 At sinabi ni Lea, “Maligaya na ako! Tatawagin akong maligaya ng mga babae.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Aser.[e]

14 Nang panahon ng paggapas ng trigo humayo si Ruben at nakatagpo ng mandragora sa bukid, at dinala ang mga iyon kay Lea na kanyang ina. At sinabi ni Raquel kay Lea, “Sana bigyan mo ako ng ilang mandragora ng iyong anak.”

15 At kanyang sinabi, “Maliit pa bang bagay na kinuha mo ang aking asawa? Ibig mo pa rin bang kunin ang mga mandragora ng aking anak?” Sinabi ni Raquel, “Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi para sa mga mandragora ng iyong anak.”

16 Nang dumating si Jacob mula sa bukid noong hapon, sinalubong siya ni Lea at sinabi sa kanya, “Sa akin ka dapat sumiping sapagkat ikaw ay aking inupahan sa pamamagitan ng mga mandragora ng aking anak.” At sumiping nga siya sa kanya ng gabing iyon.

17 Kaya't pinakinggan ng Diyos si Lea at siya'y naglihi at ipinanganak kay Jacob ang ikalimang anak.

18 Sinabi ni Lea, “Ibinigay sa akin ng Diyos ang aking iniupa, sapagkat ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Isacar.[f]

19 Muling naglihi si Lea at kanyang ipinanganak kay Jacob ang ikaanim na anak.

20 At sinabi ni Lea, “Binigyan ako ng Diyos ng isang mabuting kaloob. Ngayo'y pararangalan ako ng aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng anim na lalaki.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Zebulon.[g]

21 Pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at tinawag ang kanyang pangalan na Dina.

22 Inalala ng Diyos si Raquel, at pinakinggan siya at binuksan ang kanyang bahay-bata.

23 Siya'y naglihi at nanganak ng lalaki at kanyang sinabi, “Inalis ng Diyos sa akin ang aking pagiging kahiyahiya.”

24 At kanyang tinawag ang pangalan niya na Jose,[h] na sinasabi, “Nawa'y dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.”

Nakiusap si Jacob kay Laban

25 Nang maipanganak na ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Hayaan mo na akong umalis upang ako'y makapunta sa aking sariling lugar at sa aking lupain.

26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang dahilan ng paglilingkod ko sa iyo, at hayaan mo akong umalis sapagkat nalalaman mo ang paglilingkod na ibinigay ko sa iyo.”

27 Subalit sinabi sa kanya ni Laban, “Kung ipahihintulot mong sabihin ko, aking natutunan sa pamamagitan ng panghuhula na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo.”

28 At kanyang sinabi, “Sabihin mo sa akin ang iyong upa, at ibibigay ko sa iyo.”

29 Sinabi ni Jacob[i] sa kanya, “Nalalaman mo kung paano akong naglingkod sa iyo, at kung anong naging kalagayan ng iyong mga hayop nang dahil sa akin.

30 Sapagkat kakaunti ang ari-arian mo bago ako dumating, at ito ay dumami nang sagana. Pinagpala ka ng Panginoon saan man ako bumaling; at ngayo'y kailan naman ako maghahanda ng para sa aking sariling bahay?”

31 Sinabi sa kanya, “Anong ibibigay ko sa iyo?” At sinabi ni Jacob, “Huwag mo akong bigyan ng anuman. Kung gagawin mo ang bagay na ito para sa akin, muli kong pakakainin at aalagaan ang iyong kawan.

32 Dadaan ako sa lahat mong kawan ngayon, at aking aalisin doon ang lahat ng tupa na batik-batik at may dungis, at ang bawat maitim na tupa, at ang may dungis at batik-batik sa mga kambing, at sila ang aking magiging upa.

33 Kaya't ang aking katapatan ay sasagot para sa akin sa huli, kapag ikaw ay dumating upang tingnan ang upa mo sa akin. Ang lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa na matatagpuan mo sa akin, ay ituturing mong nakaw.”

34 At sinabi ni Laban, “Mabuti! Mangyari sana ayon sa iyong sinabi.”

35 Subalit nang araw ding iyon, ibinukod ni Laban ang mga lalaking kambing na may batik at dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng tupa na maitim, at pinaalagaan sa kanyang mga anak.

36 Siya'y nagtakda ng agwat na tatlong araw na lakarin sa pagitan niya at ni Jacob, habang pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban.

37 Pagkatapos ay kumuha si Jacob ng mga sariwang sanga ng alamo, almendro, at kastano, at binalatan ng mga batik na mapuputi, at kanyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga.

38 Inilagay niya ang mga sangang kanyang binalatan sa harapan ng kawan, sa mga painuman, na pinupuntahan ng mga kawan upang uminom. At yamang sila'y nagtatalik kapag pumupunta upang uminom,

39 ang mga kawan ay nagsisiping sa harap ng mga sanga kaya't ang kawan ay nagkaanak ng mga may guhit, may batik at may dungis.

40 Ibinukod ni Jacob ang mga tupa at inihaharap ang kawan sa mga may batik, at lahat ng maitim sa kawan ni Laban; kanyang ibinukod ang kanya at hindi isinama sa kawan ni Laban.

41 Sa tuwing magtatalik ang mga mas malalakas sa kawan, inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harapan ng mga kawan, sa mga painuman, upang sila'y magsiping sa gitna ng mga sanga.

42 Subalit kapag ang kawan ay mahina, hindi niya inilalagay ang mga ito, kaya't ang mahihina ay nagiging kay Laban at ang malalakas ay kay Jacob.

43 Kaya't si Jacob[j] ay naging napakayaman at nagkaroon ng malalaking kawan, mga aliping babae at lalaki, mga kamelyo at mga asno.

Tumakas si Jacob kay Laban

31 Narinig ni Jacob ang mga salita ng mga anak ni Laban, na nagsasabi, “Kinuha ni Jacob ang lahat ng sa ating ama. Mula sa ating ama ay tinamo niya ang lahat ng kanyang kayamanan.”

Nakita ni Jacob na ang pagturing sa kanya ni Laban ay hindi na kagaya nang dati.

Kaya't sinabi ng Panginoon kay Jacob, “Bumalik ka sa lupain ng iyong mga ninuno at sa iyong kamag-anak, at ako'y kasama mo.”

Kaya't si Jacob ay nagsugo at tinawag sina Raquel at Lea sa bukid na kinaroroonan ng kanyang kawan,

at sinabi sa kanila, “Nakikita ko na ang pagturing sa akin ng inyong ama ay hindi na gaya nang dati; subalit ang Diyos ng aking ama ay kasama ko.

Nalalaman ninyo na ang aking buong lakas ay ipinaglingkod ko sa inyong ama.

Subalit dinaya ako ng inyong ama at binago ang aking sahod ng sampung ulit subalit hindi siya pinahintulutan ng Diyos na gawan ako ng masama.

Kapag sinabi niya ang ganito, ‘Ang mga may batik ang magiging sahod mo;’ kung magkagayo'y nanganganak ang lahat ng kawan ng mga may batik. At kapag sinabi niya ang ganito, ‘Ang mga may guhit ang magiging sahod mo;’ kung magkagayon, ang lahat ng kawan ay nanganganak ng mga may guhit.

Sa gayon inalis ng Diyos ang mga hayop ng inyong ama, at ibinigay sa akin.

10 Sa panahong ang kawan ay nagtatalik, ako ay nanaginip at nakita ko na ang mga kambing na lalaki na nakipagtalik[k] sa kawan ay may mga guhit, may batik at may dungis.

11 Ang anghel ng Diyos ay nagsalita sa akin sa panaginip, ‘Jacob,’ at sinabi ko, ‘Narito ako.’

12 At kanyang sinabi, ‘Tingnan mo at iyong makikita na ang lahat ng kambing na nakikipagtalik sa kawan ay may guhit, may batik at may dungis; sapagkat nakita ko ang lahat na ginagawa sa iyo ni Laban.

13 Ako(A) ang Diyos ng Bethel na doon mo pinahiran ng langis ang haligi at doon ka gumawa ng panata sa akin. Tumayo ka ngayon, lumabas ka sa lupaing ito, at bumalik ka sa lupain na iyong sinilangan.’”

14 Nagsisagot sina Raquel at Lea, at sinabi sa kanya, “Mayroon pa bang natitirang bahagi at mana para sa amin sa bahay ng aming ama?

15 Hindi ba niya kami itinuring na mga taga-ibang bayan? Sapagkat ipinagbili niya kami at inubos na rin niya ang aming salapi.

16 Lahat ng kayamanang inalis ng Diyos sa aming ama ay para sa amin at para sa aming mga anak. Ngayon nga, gawin mo ang lahat ng sinabi sa iyo ng Diyos.”

17 Nang magkagayo'y tumayo si Jacob, at pinasakay sa mga kamelyo ang kanyang mga anak at asawa.

18 At kanyang dinala ang lahat niyang mga hayop, at ang lahat na pag-aari na kanyang natipon, ang hayop na kanyang natipon sa Padan-aram, upang pumunta sa lupain ng Canaan, kay Isaac na kanyang ama.

19 Si Laban ay humayo upang gupitan ang kanyang mga tupa; at ninakaw naman ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan ng kanyang ama.

20 At dinaya ni Jacob si Laban na Arameo, sapagkat hindi sinabi sa kanya na siya'y tatakas.

21 Kaya't tumakas siya dala ang lahat niyang ari-arian. Siya ay tumawid sa Ilog Eufrates, at pumunta sa maburol na lupain ng Gilead.

Hinabol ni Laban si Jacob

22 Nang ikatlong araw ay nabalitaan ni Laban na tumakas na si Jacob.

23 Kaya't ipinagsama niya ang kanyang mga kamag-anak, at hinabol siya sa loob ng pitong araw hanggang sa kanyang inabutan siya sa bundok ng Gilead.

24 Subalit dumating ang Diyos kay Laban na Arameo sa panaginip sa gabi, at sinabi sa kanya, “Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.”

25 Inabutan ni Laban si Jacob. Naitirik na ni Jacob ang kanyang tolda sa bundok; at si Laban pati ng kanyang mga kamag-anak ay nagtirik din sa bundok ng Gilead.

26 Sinabi ni Laban kay Jacob, “Anong ginawa mo? Dinaya mo ako at dinala ang aking mga anak na babae na parang mga bihag ng tabak?

27 Bakit ka lihim na tumakas at dinaya mo ako at hindi ka nagsabi sa akin? Naihatid sana kita na may pagsasaya at awitan, may tambol at may alpa.

28 Hindi mo man lamang ipinahintulot sa akin na mahalikan ang aking mga anak na lalaki at babae? Ang ginawa mo'y isang kahangalan.

29 Nasa aking kapangyarihan ang gawan kayo ng masama. Ngunit ang Diyos ng inyong ama ay nagsalita sa akin kagabi, na sinasabi, ‘Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.’

30 Kahit kailangan mong umalis sapagkat nasasabik ka na sa bahay ng iyong ama, bakit mo ninakaw ang aking mga diyos?”

31 At sumagot si Jacob kay Laban, “Sapagkat ako'y natakot; iniisip ko na baka kunin mo nang sapilitan sa akin ang iyong mga anak.

32 Ngunit kanino mo man matagpuan ang iyong mga diyos ay hindi mabubuhay. Sa harapan ng ating mga kamag-anak, ituro mo kung anong iyo na nasa akin, at kunin mo iyon.” Hindi nalalaman ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw noon.

33 Kaya pumasok si Laban sa tolda nina Jacob, Lea, at ng dalawang alilang babae, subalit hindi niya natagpuan. Lumabas siya sa tolda ni Lea at pumasok sa tolda ni Raquel.

34 Nakuha nga ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan at inilagay ang mga ito sa mga dala-dalahan ng kamelyo at kanyang inupuan. Hinalughog ni Laban ang buong palibot ng tolda, ngunit hindi niya natagpuan.

35 At sinabi ni Raquel sa kanyang ama, “Huwag magalit ang aking panginoon na ako'y hindi makatayo sa harap mo; sapagkat dinatnan ako ngayon.” Kaya't kanyang hinanap, ngunit hindi natagpuan ang mga diyos ng sambahayan.

Ang Galit na Sagot ni Jacob

36 At si Jacob ay nagalit at nakipagtalo kay Laban. Sinabi ni Jacob kay Laban, “Ano ang aking paglabag at ang aking kasalanan, at habulin mo ako na may pag-iinit?

37 Kahit hinalughog mo ang lahat ng aking kasangkapan, anong natagpuan mong kasangkapan ng iyong bahay? Ilagay mo rito sa harapan ng aking mga kamag-anak at ng iyong mga kamag-anak at hayaan mong magpasiya sila sa ating dalawa.

38 Ako'y kasama mo sa loob ng dalawampung taon; ang iyong mga babaing tupa at ang iyong mga babaing kambing ay hindi nakunan, at hindi ako kumain ng mga tupang lalaki ng iyong kawan.

39 Ang nilapa ng mababangis na hayop ay hindi ko dinala sa iyo; ako mismo ang nagpasan ng pagkawala. Sa aking kamay mo hiningi iyon, maging ninakaw sa araw o sa gabi.

40 Naging ganoon ako; sa araw ay pinahihirapan[l] ako ng init, at sa gabi ay ng lamig; at ako ay nalipasan na ng antok.

41 Nitong dalawampung taon ay nakatira ako sa iyong bahay. Pinaglingkuran kita ng labing-apat na taon dahil sa iyong dalawang anak, at anim na taon dahil sa iyong kawan, at sampung ulit na binago mo ang aking sahod.

42 Kung ang Diyos ng aking ama, ang Diyos ni Abraham, at ang Kinatatakutan ni Isaac ay wala sa aking panig, tiyak na palalayasin mo ako ngayon na walang dala. Nakita ng Diyos ang aking kapighatian, ang aking pagpapagod, at sinaway ka niya kagabi.”

Ang Tipan nina Jacob at Laban

43 Sumagot si Laban kay Jacob, “Ang mga anak na babae ay aking mga anak at ang mga anak ay mga anak ko, at ang mga kawan ay aking mga kawan at ang lahat ng iyong nakikita ay akin. Subalit anong magagawa ko ngayon sa mga anak kong babae, o sa kanilang mga anak na ipinanganak nila?

44 Halika ngayon, gumawa tayo ng isang tipan, ako at ikaw; at hayaang iyon ay maging saksi sa akin at sa iyo.”

45 Kaya't kumuha si Jacob ng isang bato, at iyon ay itinayo bilang isang bantayog.

46 At sinabi ni Jacob sa kanyang mga kamag-anak, “Magtipon kayo ng mga bato,” at kumuha sila ng mga bato at kanilang ginawang isang bunton at sila'y nagkainan doon sa malapit sa bunton.

47 Tinawag ito ni Laban na Jegarsahadutha, subalit tinawag ito ni Jacob na Gilead.[m]

48 Sinabi ni Laban, “Ang buntong ito ay saksi sa akin at sa iyo ngayon.” Kaya't tinawag niya ito sa pangalang Gilead;

49 at ang bantayog ay Mizpa[n] sapagkat sinabi niya, “Bantayan ng Panginoon ako at ikaw, kapag tayo'y hindi magkasama sa isa't isa.

50 Kapag pinahirapan mo ang aking mga anak, o kung mag-asawa ka sa iba bukod sa aking mga anak, kahit wala tayong kasama, alalahanin mo, ang Diyos ay saksi sa akin at sa iyo.”

51 At sinabi ni Laban kay Jacob, “Tingnan mo ang buntong ito at ang haligi na aking inilagay sa gitna natin.

52 Ang buntong ito ay isang saksi, at ang haligi ay isang saksi na hindi ako lalampas sa buntong patungo sa inyo, at hindi ka lalampas sa buntong ito at sa haligi patungo sa akin upang saktan ako.

53 Nawa'y ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Nahor, ang Diyos ng kanilang ama ang humatol sa atin.” At si Jacob ay sumumpa ng ayon sa Kinatatakutan ng kanyang amang si Isaac.

54 At naghandog si Jacob ng handog sa bundok, at tinawag ang kanyang mga kamag-anak upang kumain ng tinapay; at sila'y kumain ng tinapay, at nanatili sa bundok.

55 Kinaumagahan, maagang bumangon si Laban, hinagkan ang kanyang mga anak na lalaki at babae, at binasbasan sila; at umalis siya at bumalik sa kanyang tahanan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001