Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 16-18

Si Hagar at si Ismael

16 Si Sarai na asawa ni Abram ay hindi nagkaanak sa kanya; at siya'y may isang alilang babae na taga-Ehipto, na ang pangalan ay Hagar.

Sinabi ni Sarai kay Abram, “Ako'y hinadlangan ng Panginoon na magkaanak. Sumiping[a] ka sa aking alilang babae; marahil ay magkakaanak ako sa pamamagitan niya.” At pinakinggan ni Abram ang sinabi ni Sarai.

Kaya't pagkaraan ng sampung taong paninirahan ni Abram sa lupain ng Canaan, kinuha ni Sarai na asawa ni Abram si Hagar na taga-Ehipto, na kanyang alila, at ibinigay kay Abram na kanyang asawa upang maging asawa niya.

Siya'y sumiping kay Hagar at naglihi; at nang makita ni Hagar na siya'y naglihi, tiningnan niya na may paghamak ang kanyang panginoong babae.

At sinabi ni Sarai kay Abram, “Mapasaiyo nawa ang kasamaang ginawa sa akin, ibinigay ko ang aking alila sa iyong kandungan; at nang kanyang makita na siya'y naglihi ay hinamak ako sa kanyang paningin. Ang Panginoon ang humatol sa akin at sa iyo.”

Subalit sinabi ni Abram kay Sarai, “Ang iyong alila ay nasa iyong kapangyarihan. Gawin mo sa kanya ang mabuti sa iyong paningin.” Pinagmalupitan siya ni Sarai at si Hagar ay tumakas.

Natagpuan siya ng anghel ng Panginoon sa tabi ng isang bukal sa ilang, sa bukal na nasa daang patungo sa Shur.

At sinabi niya, “Hagar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” At kanyang sinabi, “Ako'y tumatakas kay Sarai na aking panginoon.”

Sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Magbalik ka sa iyong panginoon, at pasakop ka sa kanyang mga kamay.”

10 Sinabi din sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Pararamihin kong lubos ang iyong binhi, at sila'y hindi mabibilang dahil sa karamihan.”

11 At sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Ngayon, ikaw ay nagdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. Ang itatawag mo sa kanyang pangalan ay Ismael, sapagkat pinakinggan ng Panginoon ang iyong dalamhati.”

12 Siya'y magiging isang taong gaya ng mailap na asno, ang kanyang kamay laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay laban sa kanya; at habang nabubuhay ay kalaban ng lahat niyang mga kapatid.

13 Kaya't kanyang pinangalanan ang Panginoon na nagsalita sa kanya, “Ikaw ay Diyos na nakakakita;”[b] sapagkat sinabi niya, “Talaga bang nakita ko ang Diyos at nanatiling buháy pagkatapos na makita siya?”

14 Kaya't pinangalanan ang balong iyon na Balon ng Nabubuhay na Nakakakita sa Akin;[c] ito'y nasa pagitan ng Kadesh at Bered.

15 At(A) nanganak si Hagar ng isang lalaki kay Abram at ang itinawag ni Abram sa kanyang anak na ipinanganak ni Hagar ay Ismael.

16 Si Abram ay walumpu't anim na taon nang ipanganak ni Hagar si Ismael sa kanya.

Pagtutuli ang Tanda ng Tipan

17 Nang si Abram ay siyamnapu't siyam na taon, ang Panginoon ay nagpakita kay Abram, at sa kanya'y nagsabi, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Lumakad ka sa harapan ko, at maging walang kapintasan;

at ako'y makikipagtipan sa iyo at ikaw ay aking labis na pararamihin.”

At nagpatirapa si Abram, at sinabi ng Diyos sa kanya,

“Para sa akin, ito ang aking pakikipagtipan sa iyo: Ikaw ang magiging ama ng maraming bansa.

Ang(B) pangalan mo ay hindi na tatawaging Abram,[d] kundi Abraham ang magiging pangalan mo; sapagkat ikaw ay ginawa kong ama ng maraming bansa.

Ikaw ay gagawin kong mayroong napakaraming anak at magmumula sa iyo ang mga bansa; at magbubuhat sa iyo ang mga hari.

Aking(C) itatatag ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi kahit sa iyong pagkamatay sa buong lahi nila, isang tipang walang hanggan, upang maging Diyos mo at ng iyong binhi.

At(D) ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo ang lupaing kung saan ka ngayon ay isang dayuhan, ang buong lupain ng Canaan bilang pag-aaring walang hanggan; at ako ang magiging Diyos nila.”

Sinabi ng Diyos kay Abraham, “At tungkol sa iyo, iingatan mo ang aking tipan, ikaw at ang iyong binhi pagkamatay mo sa buong lahi nila.

10 Ito(E) ang aking tipan na inyong iingatan, ang tipan natin at ng iyong binhi pagkamatay mo: Ang bawat lalaki sa inyo ay tutuliin.

11 Inyong tutuliin ang balat ng inyong maselang bahagi, at ito ang magiging tanda ng aking tipan sa inyo.

12 Sa inyong buong lahi, bawat lalaking may gulang na walong araw sa inyo ay tutuliin, maging ang aliping ipinanganak sa inyong bahay, o ang binili ng salapi sa sinumang taga-ibang lupa na hindi sa iyong lahi.

13 Ang aliping ipinanganak sa bahay at ang binili ng iyong salapi ay dapat tuliin; at ang aking tipan ay makikita sa iyong laman bilang tipang walang hanggan.

14 Ang sinumang lalaking hindi tuli, na hindi tinuli ang balat ng maselang bahagi ay ititiwalag sa kanyang bayan; sinira niya ang aking tipan.”

Ang Panganganak kay Isaac ay Ipinangako

15 At sinabi ng Diyos kay Abraham, “Tungkol kay Sarai na iyong asawa, huwag siyang tatawaging Sarai, kundi Sara[e] ang magiging pangalan niya.

16 Siya'y aking pagpapalain, at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Siya'y aking pagpapalain, at siya'y magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kanya.”

17 Nang magkagayo'y nagpatirapa at tumawa si Abraham, at sinabi sa kanyang sarili, “Magkakaanak pa kaya ang isang tao na isandaang taong gulang na? Manganak pa kaya si Sara na siyamnapung taong gulang na?”

18 At sinabi ni Abraham sa Diyos, “Bakit hindi na lang si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?”[f]

19 Sinabi ng Diyos, “Hindi! Ang iyong asawang si Sara ay tiyak na magkakaanak sa iyo, at tatawagin mo siya sa pangalang Isaac. Itatatag ko ang aking tipan sa kanya bilang isang walang hanggang tipan, at sa kanyang lahi pagkamatay niya.

20 Tungkol kay Ismael ay narinig kita. Pinagpala ko siya at siya'y gagawin kong mabunga at lubos kong pararamihin. Labindalawang prinsipe ang kanyang magiging anak, at siya'y gagawin kong malaking bansa.

21 Aking itatatag ang aking tipan kay Isaac na ipapanganak sa iyo ni Sara sa panahong ito sa taong darating.”

22 Pagkatapos makipag-usap sa kanya, ang Diyos ay pumaitaas na mula kay Abraham.

23 Ipinagsama ni Abraham si Ismael, na kanyang anak, at ang lahat ng ipinanganak sa kanyang bahay, at ang lahat ng binili niya ng kanyang salapi, ang lahat ng lalaki sa mga kasambahay ni Abraham, at kanyang tinuli ang balat ng maselang bahagi ng kanilang katawan nang araw ding iyon, ayon sa sinabi ng Diyos sa kanya.

24 Si Abraham ay siyamnapu't siyam na taong gulang nang tuliin ang balat ng kanyang maselang bahagi.

25 At si Ismael ay labintatlong taon nang tuliin ang balat ng kanyang maselang bahagi.

26 Nang araw ding iyon ay tinuli si Abraham at si Ismael na kanyang anak.

27 At lahat ng lalaking kasambahay niya, maging ang mga aliping ipinanganak sa bahay niya at ang mga binili ng salapi sa taga-ibang lupain ay tinuling kasama niya.

Ipinangako kay Abraham ang Isang Anak

18 Ang Panginoon ay nagpakita kay Abraham[g] sa may punong ensina ni Mamre habang siya'y nakaupo nang kainitan ang araw sa pintuan ng tolda.

Itinaas(F) niya ang kanyang paningin at nakita ang tatlong lalaki na nakatayo na malapit sa kanya. Nang sila'y kanyang makita, tumakbo siya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumuko siya sa lupa.

At sinabi, “Panginoon ko, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa inyong paningin ay hinihiling ko sa inyo na huwag mong lampasan ang iyong lingkod.

Hayaan mong dalhan ko kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at magpahinga kayo sa lilim ng kahoy.

Kukuha ako ng kaunting tinapay upang makapagpalakas sa inyo, at pagkatapos ay magpatuloy na kayo, yamang kayo'y pumarito sa inyong lingkod.” Kaya't sinabi nila, “Gawin mo ang ayon sa iyong sinabi.”

Si Abraham ay nagmadaling pumunta sa tolda ni Sara, at sinabi, “Dali! Maghanda ka ng tatlong takal ng mainam na harina, masahin mo at gawing mga tinapay.”

At tumakbo si Abraham sa bakahan at kumuha ng isang bata at malusog na baka, at ibinigay sa alipin na nagmamadaling inihanda ito.

Kinuha niya ang mantekilya, gatas, at ang bakang inihanda niya, at inihain sa harapan nila. Siya'y tumayo sa tabi nila sa lilim ng punungkahoy samantalang sila'y kumakain.

At sinabi nila sa kanya, “Nasaan si Sara na iyong asawa?” At sinabi niya “Naroon siya sa tolda.”

10 At(G) sinabi ng isa, “Ako ay tiyak na babalik sa iyo sa tamang panahon, at si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalaki.” Si Sara noon ay nakikinig sa may pintuan ng tolda na nasa likuran niya.

11 Sina Abraham at Sara ay kapwa matanda na at lipas na sa panahon. Si Sara ay hindi na dinadatnan ng tulad ng likas sa mga babae.

12 Nagtawa(H) si Sara sa kanyang sarili, na sinasabi, “Pagkatapos na ako'y tumanda at matanda na rin ang asawa ko, magkakaroon pa ba ako ng kasiyahan?”

13 At sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, ‘Tunay kayang ako'y manganganak, kahit matanda na ako?’”

14 “Mayroon(I) bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon? Sa takdang panahon ay babalik ako sa iyo, sa tamang panahon, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki.”

15 Subalit nagkaila si Sara, na sinasabi, “Hindi ako tumawa,” sapagkat siya'y natakot. Ngunit sinabi ng Panginoon, “Hindi. Ikaw ay talagang tumawa.”

Nakiusap si Abraham para sa Sodoma

16 Tumindig mula roon ang mga lalaki at tumingin sa dakong Sodoma; at sinamahan sila ni Abraham upang ihatid sila sa daan.

17 At sinabi ng Panginoon, “Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin;

18 yamang si Abraham ay magiging isang dakila at makapangyarihang bansa, at ang lahat ng bansa sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan niya?

19 Hindi, sapagkat siya'y aking pinili upang kanyang tagubilinan ang kanyang mga anak at sambahayan pagkamatay niya, na maingatan ang daan ng Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng kabanalan at kahatulan; upang maibigay ng Panginoon kay Abraham ang ipinangako niya sa kanya.”

20 Sinabi ng Panginoon, “Ang sigaw laban sa Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagkat ang kasalanan nila ay napakalubha,

21 at bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga nila ang ayon sa sigaw na dumating sa akin; at kung hindi ay aking malalaman.”

22 At ang mga lalaki ay lumayo mula roon at nagtungo sa Sodoma samantalang si Abraham ay nanatiling nakatayo sa harapan ng Panginoon.

Ang Pamamagitan ni Abraham

23 Lumapit si Abraham at nagsabi, “Ang mga banal ba ay iyong lilipuling kasama ng mga masama?

24 Halimbawang may limampung banal sa loob ng bayan; lilipulin mo ba at di mo patatawarin ang lugar na iyon alang-alang sa limampung banal na nasa loob noon?

25 Malayong gagawa ka ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama, anupa't ang banal ay makatulad sa masama! Malayong mangyari iyan! Di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong mundo?”

26 At sinabi ng Panginoon, “Kung makatagpo ako sa Sodoma ng limampung banal sa loob ng bayan, patatawarin ko ang buong lugar na iyon alang-alang sa kanila.”

27 Sumagot si Abraham, at nagsabi, “Mangangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang.

28 Kung sakaling magkukulang ng lima sa limampung banal, lilipulin mo ba ang buong bayan dahil sa limang kulang?” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin kung makatagpo ako roon ng apatnapu't lima.”

29 At siya'y muling nagsalita sa kanya, at nagsabi, “Halimbawang may matatagpuang apatnapu.” At sinabi niya, “Hindi ko gagawin alang-alang sa apatnapu.”

30 Pagkatapos ay sinabi niya, “O huwag sanang magalit ang Panginoon, at ako'y magsasalita. Kung sakaling may matatagpuan doong tatlumpu.” At sinabi niya, “Hindi ko gagawin kung makakatagpo ako roon ng tatlumpu.”

31 At kanyang sinabi, “Ako'y mangangahas magsalita sa Panginoon. Kung sakaling may matatagpuan doong dalawampu.” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin alang-alang sa dalawampu.”

32 Pagkatapos ay sinabi niya, “O huwag magalit ang Panginoon at magsasalita na lamang akong minsan; kung sakaling may matatagpuan doong sampu.” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin alang-alang sa sampu.”

33 At umalis ang Panginoon pagkatapos na makipag-usap kay Abraham at si Abraham ay nagbalik sa kanyang lugar.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001