Beginning
Sina Cain at Abel
4 At nakilala ng lalaki si Eva na kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, “Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ng Panginoon.”
2 Kasunod nito ay ipinanganak niya ang kanyang kapatid na si Abel. Si Abel ay tagapag-alaga ng mga tupa at si Cain ay magbubungkal ng lupa.
3 Sa paglipas ng panahon ay nagdala si Cain ng isang handog sa Panginoon mula sa mga bunga ng lupa.
4 Nagdala(A) rin si Abel ng mga panganay ng kanyang kawan, ang taba ng mga iyon. At pinahalagahan ng Panginoon si Abel at ang kanyang handog,
5 subalit hindi niya pinahalagahan si Cain at ang kanyang handog. Galit na galit si Cain, at nagngitngit[a] ang kanyang mukha.
6 Sinabi ng Panginoon kay Cain, “Bakit ka nagalit at bakit nagngitngit[b] ang iyong mukha?
7 Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, hindi ka ba tatanggapin? At kung hindi ka gumawa ng mabuti, ang kasalanan ang nag-aabang sa pintuan. Ikaw ang nais nito, subalit kailangang madaig mo ito!”
Ang Pagpatay kay Abel
8 Sinabihan(B) ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel, at nangyari nang sila'y nasa parang, tumindig si Cain laban kay Abel na kanyang kapatid, at ito'y kanyang pinatay.
9 At sinabi ng Panginoon kay Cain, “Nasaan si Abel na iyong kapatid?” At sinabi niya, “Aywan ko! Ako ba'y tagapagbantay ng aking kapatid?”
10 Sinabi(C) niya, “Ano ang ginawa mo? Ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa.
11 Ngayo'y sinumpa ka mula sa lupa. Ibinuka ng lupa ang bibig nito upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay.
12 Kapag binungkal mo ang lupa, ito ay di na muling magbibigay sa iyo ng kanyang lakas. Ikaw ay magiging palaboy at pagala-gala sa lupa.”
13 At sinabi ni Cain sa Panginoon, “Ang parusa sa akin ay higit kaysa makakaya ko.
14 Ako ngayo'y itinataboy mo mula sa ibabaw ng lupa, at ako'y maikukubli sa iyong mukha. Ako'y magiging palaboy at pagala-gala, sinumang makakita sa akin ay papatayin ako.”
15 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hindi! Sinumang pumatay kay Cain ay pitong ulit na gagantihan.” At nilagyan ng Panginoon ng isang tanda si Cain upang huwag siyang patayin ng sinumang makakita sa kanya.
16 At umalis si Cain sa harapan ng Panginoon at nanirahan sa lupain ng Nod, sa silangan ng Eden.
Ang mga Naging Anak ni Cain
17 Sumiping[c] si Cain sa kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Enoc. Siya'y nagtayo ng isang lunsod at tinawag ang lunsod ayon sa pangalan ng kanyang anak na si Enoc.
18 Naging anak ni Enoc si Irad; at naging anak ni Irad si Mehujael; at naging anak ni Mehujael si Metusael; at naging anak ni Metusael si Lamec.
19 At si Lamec ay nag-asawa ng dalawa; ang pangalan ng isa'y Ada, at ang pangalan ng ikalawa ay Zilla.
20 Naging anak ni Ada si Jabal. Siya ang ama ng mga naninirahan sa mga tolda at may mga hayop.
21 Ang pangalan ng kanyang kapatid ay Jubal. Siya ang ama ng lahat na tumutugtog ng alpa at plauta.
22 Ipinanganak ni Zilla si Tubal-Cain, ang panday ng lahat na kagamitang patalim na tanso at bakal. At ang kapatid na babae ni Tubal-Cain ay si Naama.
23 At sinabi ni Lamec sa kanyang mga asawa,
“Ada at Zilla, pakinggan ninyo ang aking tinig.
Kayong mga asawa ni Lamec ay makinig sa aking mga salita.
Pumatay ako ng isang tao, dahil sa pagsugat sa akin,
at ng isang binata, dahil sa ako'y sinaktan.
24 Kung pitong ulit ipaghihiganti si Cain,
tunay na si Lamec ay pitumpu't pitong ulit.”
Sina Set at Enos
25 Muling nakilala ni Adan ang kanyang asawa at siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Set; sapagkat kanyang sinabi, “Binigyan ako ng Diyos ng ibang anak na kahalili ni Abel, sapagkat siya'y pinatay ni Cain.”
26 Nagkaanak din si Set ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Enos. Nang panahong iyon ang mga tao ay nagsimulang tumawag sa pangalan ng Panginoon.
Ang mga Naging Anak ni Adan(D)
5 Ito(E) ang aklat ng mga salinlahi ni Adan. Nang lalangin ng Diyos ang tao, siya ay nilalang sa wangis ng Diyos.
2 Lalaki(F) at babae silang nilalang, at sila'y binasbasan at tinawag na Adan ang kanilang pangalan, nang araw na sila'y lalangin.
3 Nabuhay si Adan ng isandaan at tatlumpung taon, at nagkaanak ng isang lalaki na kanyang wangis, ayon sa kanyang larawan, at tinawag ang kanyang pangalan na Set.
4 Ang mga naging araw ni Adan pagkatapos na maipanganak si Set ay walong daang taon; at nagkaanak pa siya ng mga lalaki at mga babae.
5 Ang lahat ng mga araw ng naging buhay ni Adan ay siyamnaraan at tatlumpung taon at siya'y namatay.
6 Nabuhay si Set ng isandaan at limang taon at naging anak niya si Enos.
7 Nabuhay si Set pagkatapos na maipanganak si Enos ng walong daan at pitong taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
8 Ang lahat na naging araw ni Set ay siyamnaraan at labindalawang taon at siya'y namatay.
9 Nabuhay si Enos ng siyamnapung taon at naging anak niya si Kenan.
10 Si Enos ay nabuhay pagkatapos na maipanganak si Kenan ng walong daan at labinlimang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
11 Ang lahat na naging araw ni Enos ay siyamnaraan at limang taon at siya'y namatay.
12 Nabuhay si Kenan ng pitumpung taon at naging anak niya si Mahalalel.
13 Nabuhay si Kenan pagkatapos na maipanganak si Mahalalel ng walong daan at apatnapung taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
14 Ang lahat na naging araw ni Kenan ay siyamnaraan at sampung taon at siya'y namatay.
15 Nabuhay si Mahalalel ng animnapu't limang taon at naging anak niya si Jared.
16 At nabuhay si Mahalalel pagkatapos na maipanganak si Jared ng walong daan at tatlumpung taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
17 Ang lahat na naging araw ni Mahalalel ay walong daan at siyamnapu't limang taon at siya'y namatay.
18 Nabuhay si Jared ng isandaan at animnapu't dalawang taon at naging anak niya si Enoc.
19 Nabuhay si Jared pagkatapos na maipanganak si Enoc ng walong daang taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
20 Ang lahat na naging araw ni Jared ay siyamnaraan at animnapu't dalawang taon at siya'y namatay.
21 Nabuhay si Enoc ng animnapu't limang taon at naging anak niya si Matusalem.
22 Lumakad si Enoc na kasama ng Diyos, pagkatapos na maipanganak si Matusalem ng tatlong daang taon, at nagkaanak pa siya ng mga lalaki at mga babae.
23 At ang lahat na naging araw ni Enoc ay tatlong daan at animnapu't limang taon.
24 Lumakad(G) si Enoc na kasama ng Diyos; at hindi na siya natagpuan sapagkat siya'y kinuha ng Diyos.
25 Nabuhay si Matusalem ng isandaan at walumpu't pitong taon at naging anak niya si Lamec.
26 Nabuhay si Matusalem pagkatapos na maipanganak si Lamec ng pitong daan at walumpu't dalawang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
27 Ang lahat na naging araw ni Matusalem ay siyamnaraan at animnapu't siyam na taon at siya'y namatay.
28 Nabuhay si Lamec ng isandaan at walumpu't dalawang taon at nagkaanak ng isang lalaki.
29 Tinawag niya ang kanyang pangalan na Noe, na sinabi, “Ito ang magbibigay sa atin ng ginhawa mula sa ating gawa at sa pagpapagod ng ating mga kamay, dahil sa lupang sinumpa ng Panginoon.”
30 Nabuhay si Lamec pagkatapos na maipanganak si Noe ng limang daan at siyamnapu't limang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
31 Ang lahat na naging araw ni Lamec ay pitong daan at pitumpu't pitong taon at namatay.
32 Nang si Noe ay may limang daang taon, naging anak niya sina Sem, Ham, at Jafet.
Ang Kasamaan ng Sangkatauhan
6 Nagsimulang(H) dumami ang mga tao sa balat ng lupa at nagkaanak sila ng mga babae.
2 Nakita ng mga anak ng Diyos na magaganda ang mga anak na babae ng mga tao. At sila'y kumuha ng kani-kanilang mga asawa mula sa lahat ng kanilang pinili.
3 At sinabi ng Panginoon, “Ang aking Espiritu ay hindi laging mananatili sa tao, sapagkat siya'y laman. Subalit ang kanyang mga araw ay magiging isandaan at dalawampung taon.”
4 Ang(I) mga higante[d] ay nasa lupa nang mga araw na iyon, at kahit pagkatapos noon. Sila ang naging anak nang makipagtalik ang mga anak ng Diyos sa mga anak na babae ng tao. Ang mga ito ang naging makapangyarihan nang unang panahon, mga bantog na mandirigma.
5 Nakita(J) ng Panginoon na napakasama na ng tao sa lupa, at ang bawat haka ng mga pag-iisip ng kanyang puso ay palagi na lamang masama.
6 Nalungkot ang Panginoon na kanyang nilalang ang tao sa lupa at nalumbay ang kanyang puso.
7 Kaya't sinabi ng Panginoon, “Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa—ang tao, hayop, ang mga gumagapang, at ang mga ibon sa himpapawid, sapagkat ako'y nalulungkot na nilalang ko sila.”
8 Subalit si Noe ay nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Panginoon.
Si Noe at ang Kanyang mga Anak
9 Ito(K) ang mga lahi ni Noe. Si Noe ay lalaking matuwid at walang kapintasan noong kapanahunan niya. Si Noe ay lumakad na kasama ng Diyos.
10 Nagkaanak si Noe ng tatlong lalaki: sina Sem, Ham, at Jafet.
11 At naging masama ang daigdig sa harapan ng Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan.
12 Nakita ng Diyos na ang daigdig ay naging masama sapagkat pinasama ng lahat ng tao ang kanilang gawa sa lupa.
13 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ipinasiya ko nang wakasan ang lahat ng laman sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan nila. Ngayon, sila ay aking lilipuling kasama ng lupa.
14 Gumawa ka ng isang daong na yari sa kahoy na gofer. Gumawa ka ng mga silid sa daong at pahiran mo ito ng alkitran sa loob at labas.
15 Gagawin mo ito sa ganitong paraan: ang haba ng sasakyan ay tatlong daang siko, ang luwang ay limampung siko, at ang taas ay tatlumpung siko.
16 Gagawa ka ng isang bintana sa sasakyan at tapusin mo ito ng isang siko sa dakong itaas. Ilalagay mo ang pintuan ng sasakyan sa kanyang tagiliran. Gagawin mo ito na may una, ikalawa at ikatlong palapag.
17 Ako'y magpapadagsa ng baha ng tubig sa ibabaw ng lupa upang lipulin ang lahat ng laman na may hininga ng buhay sa ilalim ng langit. Ang lahat na nasa lupa ay mamamatay.
18 Ngunit itatatag ko ang aking tipan sa iyo. Ikaw ay sasakay sa daong, ikaw, ang iyong mga anak na lalaki, ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.
19 At sa bawat nabubuhay sa lahat ng laman at magsasakay ka sa loob ng daong ng dalawa sa bawat uri upang maingatan silang buháy na kasama mo. Dapat ay lalaki at babae ang mga ito.
20 Sa mga ibon ayon sa kanilang uri, sa mga hayop ayon sa kanilang uri, sa bawat gumagapang sa lupa ayon sa kanilang uri, dalawa sa bawat uri ang isasama mo upang ang mga iyon ay manatiling buháy.
21 At magbaon ka ng lahat na pagkain at imbakin mo, at magiging pagkain para sa inyo at para sa kanila.”
22 Gayon(L) ang ginawa ni Noe; ginawa niya ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.
Ang Baha
7 At sinabi ng Panginoon kay Noe, “Ikaw at ang iyong buong sambahayan ay sumakay sa daong sapagkat nakita kong ikaw lamang ang matuwid sa harap ko sa lahing ito.
2 Kumuha ka ng tigpipito sa bawat malinis na hayop, lalaki at babae; at dalawa sa mga hayop na hindi malinis, lalaki at babae.
3 Kumuha ka ng tigpipito sa mga ibon sa himpapawid, lalaki at babae; upang panatilihing buháy ang kanilang uri sa ibabaw ng lupa.
4 Sapagkat pagkaraan ng pitong araw, magpapaulan ako sa ibabaw ng lupa ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Aking pupuksain ang lahat ng may buhay na aking nilikha sa balat ng lupa.”
5 At ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon.
6 Si Noe ay animnaraang taon nang ang baha ng tubig ay dumating sa lupa.
7 At(M) sumakay sa daong si Noe at ang kanyang mga anak, ang kanyang asawa, at ang mga asawa ng kanyang mga anak upang umiwas sa tubig ng baha.
8 Sa mga hayop na malinis, at sa mga hayop na hindi malinis, at sa mga ibon at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa,
9 ay dala-dalawa, lalaki at babae, pumasok sa daong kasama ni Noe, ayon sa iniutos ng Diyos kay Noe.
Pagbuhos ng Baha
10 Pagkaraan ng pitong araw, ang tubig ng baha ay umapaw sa lupa.
11 Sa(N) ikaanimnaraang taon ng buhay ni Noe, sa ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nang araw na iyon, umapaw ang lahat ng bukal mula sa malaking kalaliman, at ang mga bintana ng langit ay nabuksan.
12 Umulan sa ibabaw ng lupa sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.
13 Nang araw ding iyon, pumasok sa daong si Noe, sina Sem, Ham, at Jafet na mga anak ni Noe, ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kanyang mga anak na kasama nila,
14 sila, at bawat mailap na hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat maamong hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanilang uri, at bawat ibon ayon sa kanilang uri, lahat ng sari-saring ibon.
15 Sila'y sumakay sa daong, kasama ni Noe, dala-dalawa ang lahat ng hayop na may hininga ng buhay.
16 Ang mga sumakay ay lalaki at babae ng lahat ng laman, pumasok sila gaya ng iniutos sa kanya ng Diyos. At siya'y ikinulong ng Panginoon sa loob.
17 Tumagal ang baha ng apatnapung araw sa ibabaw ng lupa. Lumaki ang tubig at lumutang ang daong, at ito'y tumaas sa ibabaw ng lupa.
18 Dumagsa ang tubig at lumaki nang husto sa ibabaw ng lupa, at lumutang ang daong sa ibabaw ng tubig.
19 At dumagsa ang tubig sa ibabaw ng lupa at inapawan ang lahat ng matataas na mga bundok na nasa silong ng langit.
20 Ang tubig ay umapaw sa mga bundok sa taas na labinlimang siko.
21 At namatay ang lahat ng laman na gumagalaw sa ibabaw ng lupa: ang mga ibon, mga maamong hayop, mga mailap na hayop, bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao.
22 Ang bawat may hininga ng buhay sa kanilang ilong na nasa lupang tuyo ay namatay.
23 Namatay ang bawat may buhay na nasa ibabaw ng lupa: ang tao, hayop, ang mga gumagapang, at ang mga ibon sa himpapawid. Sila'y nalipol sa lupa. Tanging si Noe at ang mga kasama niya sa daong ang nalabi.
24 Tumagal ang tubig sa ibabaw ng lupa ng isandaan at limampung araw.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001