Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 16-18

Ang Israel sa Elim at sa Ilang ng Sin

16 Sila'y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapulungan ng bayan ng Israel ay dumating sa ilang ng Sin na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabinlimang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila'y umalis sa lupain ng Ehipto.

Nagreklamo ang buong kapulungan ng bayan ng Israel laban kina Moises at Aaron sa ilang.

Sinabi ng mga anak ni Israel sa kanila, “Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Ehipto, nang kami ay maupo sa tabi ng mga palayok ng karne at kumain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagkat kami ay inyong dinala sa ilang na ito upang patayin sa gutom ang buong kapulungang ito.”

Nang(A) magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kayo'y aking pauulanan ng tinapay mula sa langit. Lalabas at mamumulot ang taong-bayan araw-araw ng bahagi sa bawat araw upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ayon sa aking kautusan, o hindi.

Sa ikaanim na araw, kapag sila'y maghahanda ng kanilang dala, iyon ay doble ang dami ng kanilang pinupulot sa araw-araw.”

At sinabi nina Moises at Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, “Pagsapit ng gabi, inyong malalaman na ang Panginoon ang siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto,

at sa kinaumagahan ay inyong makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, sapagkat kanyang naririnig ang inyong mga pagrereklamo laban sa Panginoon. Sapagkat ano kami, na nagrereklamo kayo sa amin?”

Sinabi ni Moises, “Kapag binigyan kayo ng Panginoon sa pagsapit ng gabi ng karneng makakain, at sa kinaumagahan ay ng pagkaing makakabusog, sapagkat naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagrereklamo na inyong sinasabi laban sa kanya, at ano kami? Ang inyong mga pagrereklamo ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.”

Sinabi ni Moises kay Aaron, “Sabihin mo sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, ‘Lumapit kayo sa harap ng Panginoon, sapagkat kanyang narinig ang inyong mga reklamo.’”

10 Pagkatapos magsalita si Aaron sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, sila'y tumingin sa dakong ilang, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap.

11 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

12 “Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel; sabihin mo sa kanila, ‘Pagsapit ng gabi ay kakain kayo ng karne, at kinaumagahan ay magpapakabusog sa tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Diyos.’”

Ang Pugo at Manna ay Ipinagkaloob

13 Nang sumapit na ang gabi, ang mga pugo ay umahon at tinakpan ang kampo at sa kinaumagahan ay nakalatag sa palibot ng kampo ang hamog.

14 Nang pumaitaas na ang hamog, may nakalatag sa ibabaw ng ilang na munting bagay na bilog at kasinliit ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa.

15 Nang(B) makita ito ng mga anak ni Israel ay sinabi nila sa isa't isa, “Ano ito?” Sapagkat hindi nila alam kung ano iyon. At sinabi ni Moises sa kanila, “Ito ang tinapay na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kainin.

16 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, ‘Pumulot ang bawat tao ayon sa kanyang kailangan, isang omer para sa bawat tao ayon sa bilang ng mga tao, na mayroon ang bawat isa sa kanilang mga tolda.’”

17 Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, may namulot nang marami at may kaunti.

18 Subalit(C) nang sukatin nila ito sa omer, ang namulot ng marami ay walang lumabis, at ang namulot ng kaunti ay hindi kinulang; bawat tao ay pumulot ng ayon sa kanyang kailangan.

19 Sinabi ni Moises sa kanila, “Sinuman ay huwag magtira niyon hanggang sa umaga.”

20 Gayunma'y hindi sila nakinig kay Moises; kundi ang iba sa kanila ay nagtira niyon hanggang sa umaga. Inuod at bumaho iyon, at nagalit sa kanila si Moises.

Ang Pamumulot ng Manna

21 Sila'y namumulot tuwing umaga, bawat tao ayon sa kanyang kailangan, ngunit kapag ang araw ay umiinit na, ito ay natutunaw.

22 Nang ikaanim na araw, pumulot sila ng pagkain na doble ang dami, dalawang omer sa bawat isa, at lahat ng pinuno ng kapulungan ay naparoon at sinabi kay Moises.

23 Kanyang(D) sinabi sa kanila, “Ito ang iniutos ng Panginoon, ‘Bukas ay taimtim na pagpapahinga, banal na Sabbath sa Panginoon. Lutuin ninyo ang inyong lulutuin, at pakuluan ninyo ang inyong pakukuluan; at lahat ng lalabis ay itago ninyo, inyong ititira hanggang sa kinabukasan.’”

24 At kanilang itinago hanggang sa kinaumagahan, gaya ng iniutos sa kanila ni Moises; at hindi ito bumaho, at hindi nagkaroon ng uod.

25 Sinabi ni Moises, “Kainin ninyo ito ngayon; sapagkat ngayo'y Sabbath para sa Panginoon, ngayo'y hindi kayo makakakita nito sa parang.

26 Anim na araw kayong mamumulot nito, ngunit sa ikapitong araw na siyang Sabbath, ay hindi magkakaroon nito.”

27 Sa ikapitong araw, lumabas ang iba sa bayan upang mamulot ngunit wala silang natagpuan.

28 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ninyo tatanggihang tuparin ang aking mga utos at ang aking mga batas?

29 Tingnan ninyo, ibinigay sa inyo ng Panginoon ang Sabbath, kaya't kanyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain na para sa dalawang araw; manatili ang bawat tao sa kanyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinuman sa kanyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.”

30 Kaya ang taong-bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw.

31 Iyon(E) ay pinangalanan ng sambahayan ng Israel na manna, at iyon ay tulad ng buto ng kulantro, maputi at ang lasa niyon ay tulad ng manipis na tinapay na may pulot.

32 Sinabi ni Moises, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, ‘Magtabi kayo ng isang omer ng manna na inyong itatago sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang kanilang makita ang tinapay na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y aking ilabas sa lupain ng Ehipto.’”

33 Sinabi(F) ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang palayok at lagyan mo ng isang omer na punô ng manna, at ilagay mo sa harap ng Panginoon upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.”

34 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon inilagay ni Aaron sa harap ng tipan[a] upang ingatan.

35 Ang(G) mga anak ni Israel ay kumain ng manna sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa sila'y dumating sa lupaing matitirahan. Sila'y kumain ng manna hanggang sa sila'y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan.

36 Ang isang omer[b] ay ikasampung bahagi ng isang efa.

Ang Tubig mula sa Bato sa Refidim(H)

17 Ang(I) buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa ilang ng Sin, ayon sa mga lugar na kanilang nilakbay sa utos ng Panginoon, at nagkampo sa Refidim; at walang tubig na mainom ang taong-bayan.

Kaya't ang taong-bayan ay nakipagtalo kay Moises at nagsabi, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.” At sinabi ni Moises sa kanila, “Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? Bakit ninyo sinusubok ang Panginoon?”

Subalit ang taong-bayan ay nauhaw roon at sila ay nagreklamo laban kay Moises at sinabi, “Bakit mo kami inilabas mula sa Ehipto, upang patayin mo sa uhaw, kami, ang aming mga anak, at ang aming kawan?”

Kaya't si Moises ay dumaing sa Panginoon, na nagsasabi, “Anong aking gagawin sa bayang ito? Kulang na lamang ay batuhin nila ako.”

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Dumaan ka sa harap ng taong-bayan, at isama mo ang matatanda ng Israel; at dalhin mo ang tungkod na iyong ipinalo sa ilog, at humayo ka.

Ako'y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong hahampasin ang bato, at bubukalan ito ng tubig, upang ang bayan ay makainom.” At gayon ang ginawa ni Moises sa paningin ng matatanda sa Israel.

Tinawag niya ang pangalan ng dakong iyon na Massah at Meriba, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil kanilang sinubok ang Panginoon, na kanilang sinasabi, “Ang Panginoon ba'y nasa kalagitnaan natin o wala?”

Pakikipaglaban kay Amalek

Nang magkagayo'y dumating si Amalek at nakipaglaban sa Israel sa Refidim.

Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka para sa atin ng mga lalaki, lumabas ka at lumaban kay Amalek. Bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol na hawak ang tungkod ng Diyos sa aking kamay.”

10 Ginawa ni Josue ang sinabi ni Moises sa kanya, at nakipaglaban kay Amalek; at sina Moises, Aaron at Hur ay umakyat sa tuktok ng burol.

11 Kapag itinataas ni Moises ang kanyang kamay ay nananalo ang Israel; at kapag kanyang ibinababa ang kanyang kamay ay nananalo ang Amalek.

12 Subalit ang mga kamay ni Moises ay nangalay, kaya't sila'y kumuha ng isang bato at inilagay sa ibaba, at kanyang inupuan. Inalalayan nina Aaron at Hur ang kanyang mga kamay, ang isa'y sa isang panig, at ang isa'y sa kabilang panig; at ang kanyang mga kamay ay nanatili sa itaas hanggang sa paglubog ng araw.

13 Nilupig ni Josue si Amalek at ang bayan nito sa pamamagitan ng talim ng tabak.

14 Sinabi(J) ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo ito bilang alaala sa isang aklat, at basahin mo ito sa pandinig ni Josue na aking lubusang buburahin ang alaala ni Amalek sa ilalim ng langit.”

15 Nagtayo si Moises ng isang dambana at pinangalanan ito ng, Ang Panginoon ay aking watawat.[c]

16 Kanyang sinabi, “May kamay sa watawat ng Panginoon. Ang Panginoon ay makikipagdigma kay Amalek mula sa isang salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi.”

18 Si Jetro na pari sa Midian, biyenan ni Moises, ay nakabalita ng lahat na ginawa ng Diyos kay Moises at sa Israel na kanyang bayan, kung paanong inilabas ng Panginoon ang Israel sa Ehipto.

Noon(K) ay isinama ni Jetro, na biyenan ni Moises, si Zifora na asawa ni Moises, pagkatapos niyang paalisin siya,

at(L) ang dalawa niyang anak na lalaki. Ang pangalan ng isa'y Gershom (sapagkat sinabi niya, “Ako'y naging manlalakbay sa ibang lupain”),

at ang pangalan ng isa'y Eliezer[d] (sapagkat kanyang sinabi, “Ang Diyos ng aking ama ang aking naging saklolo, at ako'y iniligtas sa tabak ng Faraon”).

Si Jetro, na biyenan ni Moises ay dumating na kasama ang kanyang mga anak at ang kanyang asawa kay Moises sa ilang kung saan siya humimpil sa bundok ng Diyos.

Kanyang ipinasabi kay Moises, “Akong iyong biyenang si Jetro ay naparito sa iyo, kasama ang iyong asawa at ang kanyang dalawang anak na lalaki.”

Si Moises ay lumabas upang salubungin ang kanyang biyenan, at kanyang niyukuran at hinalikan. Sila'y nagtanungan sa isa't isa ng kanilang kalagayan at sila'y pumasok sa tolda.

Isinalaysay ni Moises sa kanyang biyenan ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Ehipcio alang-alang sa Israel, ang lahat ng hirap na kanilang naranasan sa daan, at kung paanong iniligtas sila ng Panginoon.

Ikinagalak ni Jetro ang lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa Israel, na iniligtas sila sa kamay ng mga Ehipcio.

10 At sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo, sa kamay ng mga Ehipcio, at sa kamay ng Faraon.

11 Ngayo'y aking nalalaman na ang Panginoon ay lalong dakila kaysa lahat ng mga diyos sapagkat iniligtas niya ang bayan mula sa kamay ng mga Ehipcio, nang sila'y magpalalo laban sa kanila.”

12 Si Jetro, na biyenan ni Moises ay kumuha ng handog na sinusunog at mga alay para sa Diyos. Si Aaron ay dumating kasama ang lahat ng matatanda sa Israel upang kumain ng tinapay na kasalo ng biyenan ni Moises sa harap ng Diyos.

Pinayuhan ni Jetro si Moises(M)

13 Kinabukasan, si Moises ay naupo bilang hukom ng bayan, at ang taong-bayan ay tumayo sa palibot ni Moises mula sa umaga hanggang sa gabi.

14 Nang makita ng biyenan ni Moises ang lahat ng kanyang ginagawa para sa taong-bayan, ay sinabi niya, “Ano itong ginagawa mo para sa bayan? Bakit nauupo kang mag-isa at ang buong bayan ay nakatayo sa palibot mo mula umaga hanggang sa gabi?”

15 Sinabi ni Moises sa kanyang biyenan, “Sapagkat ang bayan ay lumalapit sa akin upang sumangguni sa Diyos.

16 Kapag sila'y may usapin, lumalapit sila sa akin at aking hinahatulan ang isang tao at ang kanyang kapwa. Aking ipinaaalam sa kanila ang mga batas ng Diyos at ang kanyang mga kautusan.”

17 Sinabi ng biyenan ni Moises sa kanya, “Ang iyong ginagawa ay hindi mabuti.

18 Ikaw at ang mga taong kasama mo ay manghihina sapagkat ang gawain ay totoong napakabigat para sa iyo; hindi mo ito makakayang mag-isa.

19 Ngayon, makinig ka sa akin. Bibigyan kita ng payo, at sumaiyo nawa ang Diyos! Ikaw ang magiging kinatawan ng bayan sa harap ng Diyos, at dalhin mo ang kanilang mga usapin sa Diyos.

20 Ituturo mo sa kanila ang mga batas at ang mga kautusan at ipapaalam mo sa kanila ang daang nararapat nilang lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin.

21 Bukod dito'y pipili ka sa buong bayan ng mga lalaking may kakayahan, gaya ng mga may takot sa Diyos, mga lalaking mapagkakatiwalaan at mga napopoot sa suhol. Ilagay mo ang mga lalaking iyon na mamuno sa kanila, mamuno sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu.

22 Hayaan mong humatol sila sa bayan sa lahat ng panahon; bawat malaking usapin ay dadalhin nila sa iyo, ngunit bawat munting usapin ay sila-sila ang magpapasiya, upang maging mas madali para sa iyo, at magpapasan silang kasama mo.

23 Kapag ginawa mo ang bagay na ito at iyon ang iniuutos sa iyo ng Diyos, ikaw ay makakatagal, at ang buong bayang ito ay uuwing payapa.”

24 Kaya't pinakinggan ni Moises ang kanyang biyenan at ginawa ang lahat ng kanyang sinabi.

25 Pumili si Moises ng mga lalaking may kakayahan sa buong Israel at ginawa niyang pinuno sila sa bayan, mga pinuno ng libu-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu.

26 Humatol sila sa bayan sa lahat ng panahon; ang mabibigat na usapin ay kanilang dinadala kay Moises, subalit bawat munting usapin ay sila-sila ang nagpapasiya.

27 Pinayagan ni Moises na umalis na ang kanyang biyenan at siya'y umuwi sa sariling lupain.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001