Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 13-15

13 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

“Italaga(A) mo sa akin ang lahat ng mga panganay, anumang nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel, maging sa tao at maging sa hayop ay akin.”

Ang Tuntunin ng Paskuwa ng Tinapay na Walang Pampaalsa

Sinabi ni Moises sa bayan, “Alalahanin ninyo ang araw na ito na lumabas kayo sa Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin; sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas kayo ng Panginoon mula sa dakong ito, walang kakain ng tinapay na may pampaalsa.

Sa araw na ito, na buwan ng Abib, ay lalabas kayo.

Kapag dinala ka na ng Panginoon sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Heveo, at Jebuseo, na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno na ibibigay sa iyo, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, iyong iingatan ang pangingilin na ito.

Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magkakaroon ng isang kapistahan sa Panginoon.

Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin sa loob ng pitong araw; at dapat walang makitang tinapay na may pampaalsa sa iyo ni makakita ng pampaalsa sa iyo, sa lahat ng iyong nasasakupan.

Sasabihin mo sa iyong anak sa araw na iyon, ‘Dahil sa ginawa ng Panginoon sa akin nang ako'y umalis sa Ehipto.’

Iyon ay magsisilbing isang tanda para sa iyo sa ibabaw ng iyong kamay, at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, upang ang kautusan ng Panginoon ay sumaiyong bibig sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay inilabas ka ng Panginoon sa Ehipto.

10 Kaya't ingatan mo ang tuntuning ito sa takdang panahon nito taun-taon.

Ang Pagtatalaga ng Panganay

11 “Kapag dinala ka na ng Panginoon sa lupain ng Cananeo, gaya ng ipinangako sa iyo at sa iyong mga ninuno, at pagkabigay niyon sa iyo,

12 ibubukod(B) mo para sa Panginoon ang lahat ng nagbubukas ng bahay-bata. Lahat ng panganay na lalaki ng iyong mga hayop ay sa Panginoon.

13 Bawat panganay ng asno ay tutubusin mo ng isang kordero;[a] at kung hindi mo tutubusin ito, iyong babaliin ang leeg nito. Lahat ng mga panganay na lalaki sa iyong mga anak ay iyong tutubusin.

14 At kapag nagtanong sa iyo ang iyong anak sa panahong darating, na sasabihin, ‘Ano ito?’ iyong sasabihin sa kanya, ‘Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.

15 Nang magmatigas ang Faraon na hindi kami payagang umalis ay pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, ang panganay ng tao at gayundin ang panganay ng hayop. Kaya't aking inihahandog sa Panginoon ang lahat ng mga lalaki na nagbubukas ng bahay-bata; ngunit lahat ng panganay ng aking anak ay aking tinutubos.’

16 Ito ay magiging tanda sa iyong kamay at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Ehipto.”

17 Nang payagan ng Faraon na umalis ang bayan, hindi sila dinala ng Diyos sa daang patungo sa lupain ng mga Filisteo, bagaman malapit iyon sapagkat sinabi ng Diyos, “Baka ang bayan ay magsisi kapag nakakita ng digmaan at magbalikan sa Ehipto.”

18 Kundi pinatnubayan ng Diyos ang taong-bayan paikot sa daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Pula.[b] Ang mga anak ni Israel ay umahon mula sa lupain ng Ehipto na handa sa pakikipaglaban.

19 Dinala(C) ni Moises ang mga buto ni Jose sapagkat mahigpit niyang pinapanumpa ang mga anak ni Israel, na sinasabi, “Tiyak na bibigyang-pansin kayo ng Diyos, at inyong dadalhin ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo.”

20 Sila'y naglakbay mula sa Sucot at humimpil sa Etam, sa hangganan ng ilang.

21 Ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang tanglawan sila; upang sila'y makapaglakad sa araw at sa gabi.

22 Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi umalis sa unahan ng taong-bayan.

Hinabol Sila ni Faraon

14 Pagkatapos, ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y bumalik at humimpil sa tapat ng Pihahirot, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baal-zefon; sa tapat niyon kayo hihimpil, sa tabi ng dagat.

Sapagkat sasabihin ng Faraon tungkol sa mga anak ni Israel, ‘Nagkabuhul-buhol sila sa lupain; sila'y nakukulong ng ilang.’

Aking papatigasin ang puso ng Faraon, at kanyang hahabulin sila. Ako ay pararangalan sa pamamagitan ng Faraon, at sa lahat ng kanyang hukbo. Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon.” At gayon ang kanilang ginawa.

Nang masabi sa hari ng Ehipto na ang taong-bayan ay tumakas, ang puso ng Faraon at ng kanyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa taong-bayan, at kanilang sinabi, “Ano itong ating ginawa, na ating hinayaang umalis ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran?”

Kaya't inihanda niya ang kanyang karwahe at isinama ang kanyang hukbo.

Siya'y nagdala ng animnaraang piling karwahe, at lahat ng iba pang mga karwahe sa Ehipto, at ng mga mamumuno sa lahat ng mga iyon.

Pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon na hari ng Ehipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, na umalis na may lubos na katapangan.[c]

Hinabol sila ng mga Ehipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karwahe ng Faraon, ng kanyang mga mangangabayo at ng hukbo; at kanilang inabutan sila na nakahimpil sa tabi ng dagat na nasa Pihahirot, sa tapat ng Baal-zefon.

10 Nang ang Faraon ay papalapit na, tumingin sa likuran ang mga anak ni Israel, at nakitang ang mga Ehipcio ay sumusunod sa kanila. Sila'y lubhang natakot, at ang mga anak ni Israel ay tumawag sa Panginoon.

11 Kanilang sinabi kay Moises, “Dahil ba sa walang libingan sa Ehipto, kung kaya dinala mo kami upang mamatay sa ilang? Anong ginawa mo sa amin, at inilabas mo kami sa Ehipto?

12 Hindi ba ito ang sinabi namin sa iyo sa Ehipto, ‘Hayaan mo kaming mag-isa at pabayaan mo kaming makapaglingkod sa mga Ehipcio’? Sapagkat mas mabuti pa sa amin ang maglingkod sa mga Ehipcio kaysa mamatay sa ilang.”

13 Sinabi ni Moises sa bayan, “Huwag kayong matakot, magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na kanyang gagawin sa inyo ngayon; sapagkat ang mga Ehipcio na inyong nakikita ngayon ay hindi na ninyo muling makikita kailanman.

14 Ipaglalaban kayo ng Panginoon at ang dapat lamang ninyong gawin ay manahimik.”

15 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit tumatawag ka sa akin? Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy.

16 Itaas mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo, upang ang mga anak ni Israel ay makaraan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.

17 Aking pagmamatigasin ang puso ng mga Ehipcio upang sundan nila kayo at ako'y magkakaroon ng karangalan kay Faraon at sa buo niyang hukbo, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.

18 Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon, kapag ako ay nakakuha na ng karangalan kay Faraon, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.”

19 Pagkatapos, ang anghel ng Diyos na nasa unahan ng hukbo ng Israel ay umalis at nagtungo sa hulihan nila; at ang haliging ulap ay umalis sa harap nila at nagtungo sa likod nila.

20 Ito ay lumagay sa pagitan ng hukbo ng Ehipto at ng hukbo ng Israel. Mayroong ulap at kadiliman, gayunma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag.

21 Pagkatapos, iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging mula sa silangan sa buong magdamag, at ang dagat ay ginawang tuyong lupa at ang tubig ay nahawi.

22 Ang(D) mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa, ang tubig ay naging isang pader sa kanila, sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.

23 Humabol ang mga Ehipcio at pumasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ng Faraon, ang kanyang mga karwahe, at ang kanyang mga mangangabayo.

24 Sa pagbabantay sa kinaumagahan, tinunghayan ng Panginoon ang hukbo ng mga Ehipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Ehipcio.

25 Kanyang nilagyan ng bara ang gulong[d] ng kanilang mga karwahe kaya't ang mga iyon ay hirap na hirap sa pag-ikot; kaya't sinabi ng mga Ehipcio, “Takbuhan na natin ang Israel, sapagkat ipinaglalaban sila ng Panginoon laban sa mga Ehipcio.”

Ang Hukbo ng mga Ehipcio ay Nalunod

26 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay sa dagat upang ang tubig ay tumabon sa mga Ehipcio, sa kanilang mga karwahe, at sa kanilang mga mangangabayo.”

27 Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at ang dagat ay bumalik sa kanyang dating lalim nang mag-uumaga na. Habang ang mga Ehipcio ay tumatakas, inihagis ng Panginoon ang mga Ehipcio sa gitna ng dagat.

28 Ang tubig ay bumalik at tinakpan ang mga karwahe, ang mga mangangabayo, ang buong hukbo ng Faraon na sumunod sa kanila sa dagat; walang natira kahit isa sa kanila.

29 Subalit ang mga anak ni Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at ang tubig ay naging isang pader sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.

30 Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na iyon mula sa kamay ng mga Ehipcio; at nakita ng Israel ang mga Ehipcio na patay sa dalampasigan.

31 Nakita ng Israel ang dakilang gawa na ginawa ng Panginoon sa mga Ehipcio, at ang taong-bayan ay natakot sa Panginoon at sila'y sumampalataya sa Panginoon at sa kanyang lingkod na si Moises.

Ang Awit ni Moises at ni Miriam

15 Nang(E) magkagayo'y inawit ni Moises at ng mga Israelita ang awit na ito sa Panginoon, na sinasabi,

“Ako'y aawit sa Panginoon, sapagkat siya'y maluwalhating nagtagumpay;
    kanyang inihagis sa dagat ang kabayo at ang doo'y nakasakay.
Ang(F) Panginoon ang aking awit at kalakasan,
    at siya'y naging aking kaligtasan;
Ito ang aking Diyos, at aking pupurihin siya,
    siya'y aking itataas, ang Diyos ng aking ama.
Ang Panginoon ay isang mandirigma.
     Panginoon ang pangalan niya.

“Ang mga karwahe ng Faraon at ang kanyang hukbo sa dagat ay itinapon niya,
    at ang kanyang mga piling pinuno ay inilubog sa Dagat na Pula.
Ang kalaliman ay tumatabon sa kanila;
    sila'y lumubog sa mga kalaliman na parang isang bato.
Ang iyong kanang kamay, O Panginoon ay maluwalhati sa kapangyarihan,
    ang iyong kanang kamay, O Panginoon ang dumudurog sa kaaway.
Sa kadakilaan ng iyong karilagan ay ibinubuwal mo ang bumabangon laban sa iyo;
    Iyong ipinapakita ang iyong matinding galit, at nililipol silang parang dayami.
Sa hihip ng iyong ilong ang tubig ay natipon,
    ang mga agos ay tumayong parang isang bunton;
    Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat.
Sinabi ng kaaway, ‘Aking hahabulin, aking aabutan,
Hahatiin ko ang samsam, ang aking nais sa kanila ay masisiyahan,
aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay.’
10 Ikaw ay humihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng karagatan,
    Sila'y lumubog na parang tingga sa tubig na makapangyarihan.

11 “Sinong tulad mo, O Panginoon, sa mga diyos?
    Sinong gaya mo, dakila sa kabanalan,
    nakakasindak sa maluluwalhating gawa, na gumagawa ng mga kababalaghan?
12 Iniunat mo ang iyong kanang kamay,
    nilamon sila ng lupa.
13 “Iyong pinatnubayan sa iyong wagas na pag-ibig ang iyong tinubos na bayan,
    sa iyong kalakasan ay inihatid mo sila sa banal mong tahanan.
14 Narinig ng mga bansa, at nanginig sila,
    mga sakit ang kumapit sa mga naninirahang taga-Filistia.
15 Kaya't ang mga pinuno ng Edom ay nagimbal;
    sa matatapang sa Moab, ang panginginig sa kanila ay sumakmal,
    at naupos ang lahat ng taga-Canaan.
16 Sindak at panghihilakbot ang sa kanila'y umabot,
    dahil sa kadakilaan ng iyong bisig, sila'y parang batong di makakilos;
hanggang sa makaraan, O Panginoon, ang iyong bayan,
    hanggang ang bayan na iyong binili ay makaraan.
17 Sila'y iyong papapasukin, at sila'y iyong itatanim sa bundok na iyong ari-arian,
    sa dako, O Panginoon, na iyong ginawa upang iyong maging tahanan,
    sa santuwaryo, O Panginoon, na itinatag ng iyong mga kamay.
18 Ang Panginoon ay maghahari magpakailanpaman.”

19 Sapagkat nang ang mga kabayo ng Faraon ay nagtungo pati ang kanyang mga karwahe at pati ng kanyang mga nangangabayo sa dagat, at pinanunumbalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila; subalit lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.

20 Si Miriam na babaing propeta, na kapatid ni Aaron ay humawak ng isang pandereta sa kanyang kamay; at sumunod ang lahat ng mga babae sa kanya, na may mga pandereta at nagsayawan.

21 Sila'y inawitan ni Miriam:

“Umawit kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y maluwalhating nagtagumpay;
nang inihagis niya sa dagat ang kabayo at ang doo'y nakasakay.”

22 Patuloy na pinangunahan ni Moises ang Israel mula sa Dagat na Pula, at sila'y lumabas sa ilang ng Shur; sila'y lumakad ng tatlong araw sa ilang at hindi nakatagpo ng tubig.

Ang Israel sa Mara

23 Nang sila'y dumating sa Mara, hindi nila mainom ang tubig sa Mara, sapagkat ito ay mapait. Kaya't tinawag itong Mara.[e]

24 Nagreklamo ang bayan kay Moises, na sinasabi, “Anong aming iinumin?”

25 Siya'y dumaing sa Panginoon at itinuro sa kanya ng Panginoon ang isang punungkahoy; inihagis niya ito sa tubig, at ang tubig ay tumamis.

Doon, gumawa ang Panginoon[f] para sa kanila ng isang batas at tuntunin. Doon ay sinubok niya sila,

26 na sinasabi, “Kung iyong diringgin ng buong tiyaga ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at iyong gagawin ang matuwid sa kanyang mga mata, at iyong susundin ang kanyang mga utos, at iyong tutuparin ang lahat ng kanyang mga batas, wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Ehipcio; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo.”

27 Sila'y dumating sa Elim, kung saan mayroong labindalawang bukal ng tubig, at pitumpung puno ng palma; at sila'y humimpil doon sa tabi ng tubig.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001