Beginning
25 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magdala sa akin ng isang handog; tanggapin ninyo ang handog para sa akin mula sa bawat tao na ang puso ay nagkukusang-loob.
3 At ito ang handog na inyong kukunin sa kanila: ginto, pilak, tanso,
4 lanang asul, kulay-ube, pula, at lino at pinong hinabing balahibo ng kambing,
5 mga balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at mga balat ng kambing, at kahoy na akasya,
6 langis sa ilawan, mga pampabango sa langis na pampahid, at sa mabangong insenso;
7 mga batong onix, at mga bato sa efod, at sa pektoral.
8 Igawa nila ako ng isang santuwaryo upang ako'y makapanirahan sa gitna nila.
9 Ayon sa lahat ng aking ipinakita sa iyo, sa anyong huwaran ng tabernakulo at sa anyong huwaran ng lahat ng kasangkapan niyon ay gayon ninyo gagawin.
Ang Kaban ng Tipan(A)
10 “Sila'y gagawa ng isang kabang yari sa kahoy na akasya na may dalawang siko at kalahati ang haba, isang siko't kalahati ang luwang, isang siko't kalahati ang taas.
11 Iyong babalutin ng lantay na ginto; sa loob at sa labas ay iyong babalutin, at igagawa mo ng isang moldeng ginto sa palibot.
12 Bubuo ka ng apat na argolyang ginto para ilagay mo sa apat na paa niyon, dalawang argolya sa isang tagiliran niyon, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran niyon.
13 Gagawa ka ng mga pasanang yari sa kahoy na akasya at iyong babalutin ng ginto.
14 Iyong isusuot ang mga pasanan sa mga argolya na nasa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban sa pamamagitan ng mga ito.
15 Ang mga pasanan ay mananatili sa loob ng mga argolya ng kaban; hindi aalisin doon ang mga ito.
16 Iyong ilalagay sa loob ng kaban ang mga patotoo na aking ibibigay sa iyo.
17 Pagkatapos,(B) gagawa ka ng isang luklukan ng awa na lantay na ginto na may dalawang siko at kalahati ang haba niyon, at isang siko at kalahati ang luwang niyon.
18 At gagawa ka ng dalawang kerubin na ginto; gagawin mo ang mga iyon sa pamamagitan ng pagpitpit, sa dalawang dulo ng luklukan ng awa.
19 Gumawa ka ng isang kerubin sa isang dulo, at ng isang kerubin sa kabilang dulo; sa kaputol ng luklukan ng awa, gagawin mo ang mga kerubin sa dalawang dulo niyon.
20 Ibubuka ng mga kerubin nang paitaas ang kanilang pakpak, na nilililiman ang luklukan ng awa ng kanilang mga pakpak. Sila'y nakaharap sa isa't isa; ang mukha ng kerubin ay nakaharap sa luklukan ng awa.
21 Iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban; at sa loob ng kaban ay iyong ilalagay ang tipan[a] na aking ibibigay sa iyo.
22 Doon ako makikipagtagpo sa iyo, at mula sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng tipan ay ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga utos ko para sa mga anak ni Israel.
Ang Hapag para sa Tinapay na Handog(C)
23 ‘Gagawa ka ng isang hapag na yari sa kahoy na akasya; dalawang siko ang haba, isang siko ang luwang at isang siko at kalahati ang taas.
24 Iyong babalutin ito ng lantay na ginto, at igagawa mo ng isang moldeng ginto sa palibot.
25 Igagawa mo ito ng isang gilid sa palibot na may isang dangkal ang luwang, at igagawa mo ng isang moldeng ginto ang palibot ng gilid niyon.
26 At igagawa mo ng apat na argolyang ginto, at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na sulok na nasa apat na paa niyon.
27 Malalapit sa gilid ang mga argolya, sa daraanan ng mga pasanan, upang madala ang hapag.
28 At gagawin mo ang mga pasanan mula sa kahoy na akasya, at iyong babalutin ng ginto, at ang hapag ay dadalhin sa pamamagitan ng mga iyon.
29 Gagawa ka ng mga pinggan niyon para sa insenso, at ng mga banga at mga mangkok na pagbubuhusan; na iyong gagawing lantay na ginto.
30 At(D) ilalagay mo sa hapag ang tinapay na handog sa harap ko palagi.
Ang Ilawan(E)
31 “Gagawa ka ng isang ilawan na lantay na ginto. Ang paa at tangkay ng ilawan ay yari sa pinitpit na ginto; ang mga sanga, ang mga kopa niyon, at ang mga bulaklak niyon ay isang piraso.
32 At magkakaroon ng anim na sangang lumalabas sa mga tagiliran niyon na kasama nito, tatlong sanga ng ilawan sa isang tagiliran niyon, at tatlong sanga ng ilawan ay sa kabilang tagiliran niyon,
33 tatlong kopa na ginawang tulad ng almendro, bawat isa ay may usbong at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang usbong at isang bulaklak; at gayon sa anim na sangang lumalabas mula sa ilawan.
34 Sa ilawan mismo ay magkakaroon ng apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, kasama ng mga usbong at ng mga bulaklak niyon,
35 at magkakaroon ng isang usbong sa ilalim ng bawat pares ng anim na lumalabas sa ilawan.
36 Ang magiging mga usbong at mga sanga niyon ay iisa, ang kabuuan niyon ay isa lamang putol na yari sa pinitpit na lantay na ginto.
37 Igagawa mo ito ng pitong ilaw, at ang mga ilaw ay sisindihan upang magbigay liwanag sa dakong katapat nito.
38 Ang mga pangsipit at ang patungan ay magiging lantay na ginto.
39 Ito ay gagawin sa isang talentong lantay na ginto pati ng lahat ng kasangkapang ito.
40 At(F) tiyakin mong gawin ang mga iyon ayon sa anyong huwaran ng mga iyon na ipinakita sa iyo sa bundok.
Ang Tabing ng Tabernakulo(G)
26 “Bukod dito'y gagawin mo ang tabernakulo na may sampung tabing ng hinabing pinong lino, at asul, kulay-ube at pula; gagawin mo ang mga iyon na may mga kerubin na mahusay ang pagkakaburda.
2 Ang haba ng bawat tabing ay dalawampu't walong siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; lahat ng tabing ay magkakapareho ang sukat.
3 Limang tabing ang pagkakabit-kabitin sa isa't isa, at ang iba pang limang tabing ay pagkakabit-kabitin sa isa't isa.
4 Gagawa ka ng mga silo na kulay-asul sa gilid ng tabing sa hangganan sa unang pangkat; gayundin, gagawa ka ng mga silo sa gilid ng tabing sa hangganan sa ikalawang pangkat.
5 Limampung silo ang gagawin mo sa isang tabing, limampung silo ang gagawin mo sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pangkat, ang mga silo ay magkakatapat sa isa't isa.
6 Limampung kawit na ginto ang iyong gagawin, at pagkakabitin mo ang mga tabing sa pamamagitan ng mga kawit upang ang tabernakulo ay maging isang buo.
7 “Gagawa ka rin ng mga tabing na balahibo ng kambing bilang tolda sa ibabaw ng tabernakulo; labing-isang tabing ang iyong gagawin.
8 Ang haba ng bawat tabing ay tatlumpung siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; ang labing-isang tabing ay magkakapareho ang sukat.
9 Pagkakabitin mo ang limang tabing, at gayundin ang anim na tabing, at ititiklop mo ang ikaanim na tabing sa harapan ng tolda.
10 Limampung silo ang gagawin mo sa tagiliran ng isang tabing na nasa hangganan ng isang pangkat, at limampung silo ng tabing sa tagiliran ng ikalawang pangkat.
11 “Gagawa ka ng limampung kawit na tanso, at ikakabit mo ang mga kawit sa mga silo at pagkakabitin mo ang tolda upang maging isa.
12 Ang bahaging nalalabi sa mga tabing ng tolda, na siyang kalahati ng tabing na nalalabi ay ilalaylay sa likuran ng tabernakulo.
13 Ang siko sa isang dako at ang siko sa kabilang dako na nalalabi sa haba ng mga tabing ng tolda ay ilalaylay sa mga tagiliran ng tabernakulo, sa dakong ito at sa dakong iyon, upang takpan ito.
14 Gagawa ka ng isang pantakip sa tolda na balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at isang pantakip na balat ng kambing.
Ang Tabla at Biga ng Tabernakulo
15 “Igagawa mo ng mga patayong haligi ang tabernakulo mula sa kahoy na akasya.
16 Sampung siko ang magiging haba ng isang haligi, at isang siko at kalahati ang luwang ng bawat haligi.
17 Magkakaroon ng dalawang mitsa sa bawat haligi na pagkakabit-kabitin; ito ang gagawin mo sa lahat ng mga haligi ng tabernakulo.
18 Gagawin mo ang mga haligi para sa tabernakulo: dalawampung haligi sa gawing timog;
19 at apatnapung patungang pilak upang ilagay sa ilalim ng dalawampung haligi, dalawang patungan sa bawat haligi na ukol sa dalawang mitsa nito, at dalawang patungan sa ilalim ng ibang haligi para sa dalawa nitong mitsa;
20 at para sa ikalawang panig ng tabernakulo, sa gawing hilaga ay dalawampung haligi,
21 at ang apatnapung patungang pilak ng mga ito, dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng kabilang haligi.
22 Sa likod ng tabernakulo, sa gawing kanluran, ay gagawa ka ng anim na haligi.
23 Gagawa ka ng dalawang haligi para sa mga sulok ng tabernakulo sa likod,
24 magkahiwalay ang mga ito sa ibaba, ngunit magkarugtong sa itaas, sa unang argolya; gayon ang gagawin sa dalawa; ang mga ito ay bubuo sa dalawang sulok.
25 At magkakaroon ng walong haligi na ang kanilang mga patungang pilak ay labing-anim na patungan; dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng kabilang haligi.
26 “Gagawa ka ng mga biga ng kahoy na akasya; lima para sa mga haligi ng isang panig ng tabernakulo;
27 at limang biga para sa mga haligi ng kabilang panig ng tabernakulo, at limang biga sa mga haligi ng panig ng tabernakulo sa likod, sa gawing kanluran.
28 Ang gitnang biga ay daraan sa kalagitnaan ng mga haligi mula sa isang dulo hanggang sa kabila.
29 Babalutin mo ng ginto ang mga haligi at gagamitan mo ng ginto ang mga argolya ng mga ito na kakabitan ng mga biga; at babalutin mo ng ginto ang mga biga.
30 At itatayo mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita sa iyo sa bundok.
31 “Gagawa ka ng isang tabing na asul at kulay-ube, at pula at hinabing pinong lino; na may mga kerubin na mahusay na ginawa.
32 Isasabit mo ito sa apat na haliging akasya na balot ng ginto, na may kawit na ginto na nakapatong sa ibabaw ng apat na patungang pilak.
33 Isasabit(H) mo ang tabing sa ilalim ng mga kawit, at iyong ipapasok doon sa loob ng tabing ang kaban ng tipan; at paghihiwalayin ng mga tabing para sa inyo ang dakong banal at ang dakong kabanal-banalan.
34 Ilalagay mo ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban ng tipan,[b] sa dakong kabanal-banalan.
35 Ilalagay mo ang hapag sa labas ng tabing, at ang ilawan ay sa tapat ng hapag sa gawing timog ng tabernakulo at ang hapag ay ilalagay mo sa gawing hilaga.
36 “Igagawa mo ng isang tabing ang pintuan ng tolda, na telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na ginawa ng mambuburda.
37 Igagawa mo ang tabing ng limang haliging akasya at babalutin mo ng ginto. Ang kawit ng mga iyon ay ginto rin, at gagawa ka ng limang patungang tanso para sa mga ito.
Ang Dambana ng mga Handog na Susunugin(I)
27 “Gagawin mo ang dambana na yari sa kahoy na akasya na limang siko ang haba at limang siko ang luwang; ang dambana ay gagawing parisukat at ang taas nito ay tatlong siko.
2 Gagawa ka ng mga sungay para dito sa ibabaw ng apat na sulok niyon; ang mga sungay ay kakabit nito at iyong babalutin ito ng tanso.
3 Igagawa mo ito ng mga lalagyan ng mga abo, ng mga pala, ng mga palanggana, ng mga pantusok at ng mga lalagyan ng apoy; lahat ng mga kasangkapa'y gagawin mong yari sa tanso.
4 Igagawa mo iyon ng isang parilyang tanso na tila lambat ang yari; at ang ibabaw ng nilambat ay igagawa mo ng apat na argolyang tanso sa apat na sulok niyon.
5 At ilalagay mo ito sa ibaba ng gilid ng dambana upang ang lambat ay umabot hanggang sa kalahatian ng dambana.
6 Igagawa mo ng mga pasanan ang dambana, mga pasanang kahoy na akasya at babalutin mo ng tanso.
7 Ang mga pasanan ay isusuot sa mga argolya, upang ang mga pasanan ay malagay sa dalawang tagiliran ng dambana kapag ito'y binubuhat.
8 Gagawin mo ang dambana na may guwang sa gitna sa pamamagitan ng mga tabla. Tulad ng ipinakita sa iyo sa bundok ay gayon ang gagawin nila.
Ang Looban at ang Ilawan(J)
9 “Gagawin mo ang bulwagan ng tabernakulo. Sa gawing timog, ang bulwagan ay magkakaroon ng mga tabing ng hinabing pinong lino na may isang daang siko ang haba sa isang tagiliran;
10 ang dalawampung haligi at ang kanilang mga patungan ay dapat yari sa tanso, ngunit ang kawit ng mga haligi at ang mga baras na sabitan ng mga iyon ay pilak.
11 Gayundin para sa haba nito sa gawing hilaga ay magkakaroon ng mga tabing na isandaang siko ang haba, at ang dalawampung haligi ng mga iyon pati ang mga patungang tanso, ngunit ang mga kawit ng mga haligi at ang mga baras na sabitan ng mga iyon ay pilak.
12 Ang luwang ng bulwagan sa kanluran ay magkakaroon ng mga tabing na may limampung siko, ang haligi ng mga iyon ay sampu at ang mga patungan ng mga iyon ay sampu.
13 Ang luwang ng bulwagan sa gawing silangan ay limampung siko.
14 Ang mga tabing sa isang dako ng pintuan ay labinlimang siko na may tatlong haligi, at tatlong patungan.
15 Sa kabilang panig ang mga tabing ay may labinlimang siko, may tatlong haligi at tatlong patungan.
16 Sa pintuan ng bulwagan ay magkakaroon ng isang tabing na may dalawampung siko, na ang tela ay asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na ginawa ng mambuburda; ang mga haligi ng mga iyon ay apat at ang mga patungan ng mga iyon ay apat.
17 Lahat ng haligi sa palibot ng bulwagan ay pagkakabitin ng mga baras na pilak; ang mga kawit ng mga iyon ay pilak, at ang mga patungan ay tanso.
18 Ang haba ng bulwagan ay isang daang siko, at ang luwang ay limampu, at ang taas ay limang siko, na may hinabing pinong lino, at ang mga patungan ay tanso.
19 Lahat ng mga kasangkapan ng tabernakulo, sa bawat paglilingkod doon, at lahat ng mga tulos niyon, at lahat ng mga tulos ng bulwagan ay tanso.
Ang Ilawan sa Tolda(K)
20 “Iyong iuutos sa mga anak ni Israel na sila'y magdala sa iyo ng dalisay na langis ng binayong olibo para sa ilawan, upang ang ilawan ay palaging may sindi.
21 Sa toldang tipanan, sa labas ng tabing na nasa harap ng kaban ng patotoo ay aayusin iyon ni Aaron at ng kanyang mga anak mula sa hapon hanggang sa umaga sa harapan ng Panginoon. Ito ay magiging batas sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi sa mga anak ni Israel.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001