Book of Common Prayer
10 At sa mga may asawa ay nagtatagubilin ako, hindi ako, kundi ang Panginoon, na huwag hiwalayan ng babae ang kanyang asawa. 11 Ngunit kung siya'y humiwalay, manatili siyang walang asawa, kung hindi naman ay makipagkasundo siya sa kanyang asawa. At hindi dapat iwan ng lalaki ang kanyang asawa. 12 Ngunit sa iba ay ako mismo ang nagsasabi at hindi ang Panginoon, na kung sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-mananampalataya, at pumapayag itong mamuhay na kasama niya, huwag niya itong hiwalayan. 13 At kung ang babae ay may asawang di-mananampalataya, at pumapayag ang lalaking ito na mamuhay na kasama niya, huwag niyang hiwalayan ang kanyang asawa. 14 Sapagkat ang lalaking di-mananampalataya ay nagiging banal dahil sa kanyang asawa, at ang babaing di-mananampalataya ay nagiging banal dahil sa kanyang asawa. Kung hindi gayon, ang mga anak ninyo ay marurumi, ngunit ngayon sila'y mga banal. 15 Ngunit kung humiwalay ang di-mananampalataya, hayaan siyang humiwalay; ang kapatid na lalaki o ang kapatid na babae ay hindi dapat paalipin sa gayong kalagayan, sapagkat tayo ay tinawag ng Diyos tungo sa kapayapaan. 16 Hindi mo ba nalalaman, babae, na baka ikaw ang magliligtas sa iyong asawa? At hindi mo ba nalalaman, lalaki, na baka ikaw ang magliligtas sa iyong asawa?
Mamuhay ayon sa Pagkatawag ng Diyos
17 Hayaang mamuhay ang bawat isa ayon sa itinakda sa kanya ng Panginoon, at sa kalagayan niya noong tawagin siya ng Diyos. Ganito ang itinatagubilin ko sa lahat ng mga iglesya. 18 Natuli na ba ang sinuman nang siya'y tawagin? Huwag niyang alisin ang mga tanda ng pagtutuli. Hindi pa ba natuli ang sinuman nang siya'y tawagin? Huwag na siyang magpatuli. 19 Walang kabuluhan ang pagiging tuli o hindi tuli; ang mahalaga ay ang pagtupad sa mga utos ng Diyos. 20 Ang bawat isa ay hayaang manatili sa kalagayan nang siya ay tawagin. 21 Isa ka bang alipin nang ikaw ay tawagin? Wala kang dapat alalahanin. Subalit kung magagawa mong maging malaya ay gamitin mo ang pagkakataon. 22 Sapagkat ang tinawag na maging kaisa ng Panginoon nang siya'y alipin ay malaya sa Panginoon, at ang tinawag naman nang siya'y malaya ay alipin ni Cristo. 23 Mahal ang pagkabili sa inyo, kaya huwag kayong maging mga alipin ng mga tao. 24 Mga kapatid, hayaang manatili ang bawat isa sa kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos.
Ang Kayamanan sa Langit(A)
19 “Huwag kayong mag-impok para sa inyong mga sarili ng mga kayamanan dito sa lupa, kung saan ang bukbok at kalawang ay sumisira at kung saan ang mga magnanakaw ay nakapanloloob at nakapagnanakaw. 20 Sa halip ay mag-impok kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan ang bukbok at ang kalawang ay hindi makakapanira at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nakapanloloob at nakapagnanakaw. 21 Sapagkat kung saan nakalagak ang iyong kayamanan, doon din naman malalagak ang iyong puso.
Ang Ilawan ng Katawan(B)
22 “Ang mata ang pinakatanglaw ng katawan. Kaya't kung malusog ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23 Subalit kung masama ang iyong mata, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, napakalaking kadiliman iyan!
Diyos o Kayamanan(C)
24 “Walang taong maaaring maglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang pangalawa, o kaya'y magiging tapat siya sa isa at hindi igagalang ang pangalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa salapi.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.