Book of Common Prayer
9 Sinabi ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga mapakiapid. 10 Hindi ko tinutukoy ang mga mapakiapid ng sanlibutang ito, o ang mga sakim at mga magnanakaw, o ang mga sumasamba sa diyus-diyosan; kung gayo'y kailangan ninyong lumabas ng daigdig. 11 Ngayon, isinusulat ko sa inyo na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o sakim, o sumasamba sa diyus-diyosan, o mapanlait, o lasenggo, o magnanakaw—ni huwag kayong makisalo sa pagkain sa ganyang uri ng tao. 12 Ano ang karapatan kong humatol sa mga nasa labas? Hindi ba dapat hinahatulan ninyo ang mga nasa loob? 13 At ang Diyos ang hahatol sa mga nasa labas. “Palayasin ninyo mula sa inyo ang masamang tao.”
Tungkol sa Pagsasakdal Laban sa Kapatid
6 Kapag sinuman sa inyo na may usapin laban sa isang kapatid, nangangahas ba siya na magsakdal sa harapan ng mga di-matuwid at hindi sa harapan ng mga hinirang ng Diyos? 2 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? At kung ang sanlibutan ay hahatulan sa pamamagitan ninyo, hindi ba ninyo kayang humatol sa napakaliliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo nalalaman na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya ang mga bagay tungkol sa buhay na ito? 4 Kung kayo'y may mga usaping may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay na ito, itinatalaga ba ninyong hukom ang mga taong hindi naman kinikilala ng iglesya? 5 Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. Wala ba ni isang marunong diyan sa inyo na maaaring magpasya sa usapin ng mga magkakapatid? 6 Sa halip, may kapatid na nagsasakdal laban sa kapatid, at sa harapan pa ng mga hindi mananampalataya! 7 Sa katunayan, ang magkaroon kayo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang pagkatalo para sa inyo. Bakit hindi na lamang ninyo tanggapin na kayo'y apihin? Bakit hindi na lamang kayo magparaya? 8 Ngunit kayo mismo ang nang-aapi at nandaraya at ito'y sa mga kapatid pa naman ninyo!
Ang Turo tungkol sa Paghihiganti(A)
38 “Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo: Huwag ninyong labanan ang masamang tao. Sa halip, kapag sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila. 40 At kung isinakdal ka sa hukuman ng sinuman at nakuha ang iyong damit, hayaan mong makuha rin niya ang iyong balabal. 41 At kung sapilitan kang palakarin ng sinuman ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya. 42 Magbigay ka sa nanghihingi sa iyo, at huwag magdamot sa nanghihiram sa iyo.
Ang Pagmamahal sa Kaaway(B)
43 “Narinig ninyong sinabi, ‘Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang kayo'y maging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama gayundin sa mabubuti, at nagpapadala siya ng ulan sa mga matuwid, gayundin sa mga di-matuwid. 46 Sapagkat kung ang mamahalin ninyo ay iyon lamang nagmamahal sa inyo, ano'ng mapapala ninyo? Hindi ba't ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung sa mga kapatid lamang ninyo kayo bumabati, mayroon ba kayong ginagawang higit kaysa iba? Hindi ba't ganoon din ang ginagawa ng mga Hentil? 48 Kaya't dapat kayong maging ganap tulad ng inyong Amang nasa langit.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.