Book of Common Prayer
1 Mula kina (A) Pablo at Timoteo, mga lingkod ni Cristo Jesus, para sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga tagapangasiwa at ang mga tagapaglingkod:[a] 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. 4 Sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat, lagi akong nananalanging may kagalakan, 5 dahil sa inyong pakikibahagi upang maipalaganap ang ebanghelyo, mula nang unang araw hanggang ngayon. 6 Lubos ang aking pagtitiwala na ang Diyos na nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ang tatapos nito hanggang sa araw ni Cristo Jesus. 7 Tama lamang na ganoon ang isipin ko tungkol sa inyong lahat, dahil kayo'y nasa aking puso.[b] Ang dahilan nito'y kayong lahat ay aking mga katuwang sa biyaya ng Diyos maging sa aking pagkakabilanggo, sa pagtatanggol at pagpapatunay sa ebanghelyo. 8 Sapagkat saksi ko ang Diyos, kalakip ang pagmamahal ni Cristo Jesus kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat. 9 Idinadalangin ko na lalo pang sumagana ang inyong pag-ibig kalakip ang kaalaman at malalim na pang-unawa; 10 upang matiyak ninyo kung alin ang pinakamahalagang bagay. Sa gayon, kayo'y maging dalisay at sa inyo'y walang maisusumbat pagsapit ng araw ni Cristo, 11 yamang kayo'y napuno ng bunga ng katuwiran sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, tungo sa kaluwalhatian at karangalan ng Diyos.
40 Naroon (A) din ang ilang kababaihang nagmamasid mula sa malayo. Kabilang sa kanila sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago na nakababata at ni Jose, at si Salome. 41 Sila ang mula pa noon sa Galilea ay sumunod na at naglingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga kababaihan na kasama niyang pumunta sa Jerusalem.
Ang Paglilibing kay Jesus(B)
42 Dumidilim na noon, araw noon ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath, 43 naglakas-loob si Jose na taga-Arimatea na pumunta kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. Siya ay isang iginagalang na kagawad at naghihintay rin ng paghahari ng Diyos. 44 Nabigla si Pilato nang marinig na patay na si Jesus. Ipinatawag niya ang senturyon at itinanong kung patay na nga siya. 45 Nang matiyak niya mula sa senturyon na patay na nga si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. 46 Bumili si Jose[a] ng telang lino at pagkababa sa bangkay ni Jesus, binalot niya ito ng nasabing tela at inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Pagkatapos, iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. 47 Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan inilibing si Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.