Book of Common Prayer
Babala Laban sa Pagtatangi ng Tao
2 Mga kapatid ko, dapat ay pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao habang pinanghahawakan ninyo ang pananampalataya sa ating maluwalhating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Halimbawang pumasok sa inyong pagtitipon ang isang taong may gintong singsing at may magandang kasuotan, at dumating din ang isang dukha na gusgusin ang damit, 3 at binigyang-pansin ninyo ang nakadamit nang maganda at sinabi sa kanya, “Narito ang magandang upuan para sa iyo” at sa dukha ay inyo namang sinabi, “Tumayo ka riyan,” o kaya'y, “Diyan ka na lang maupo sa may paanan ko,” 4 hindi ba nagtatangi na kayo at humahatol nang may masamang pag-iisip? 5 Pakinggan ninyo ito, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at magmana ng kahariang kanyang ipinangako sa mga nagmamahal sa kanya? 6 Ngunit hinahamak ninyo ang mga dukha. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa mga hukuman? 7 Hindi ba't sila ang lumalapastangan sa marangal na pangalang itinawag sa inyo? 8 Mabuti (A) ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang marangal na Kautusang mula sa ating Hari ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 9 Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala at ayon sa Kautusan, kayo'y napatunayang suwail kaya't dapat parusahan. 10 Sinumang tumutupad sa buong Kautusan, subalit lumalabag sa isang bahagi nito, ay nagkakasala sa buong Kautusan. 11 Sapagkat (B) ang Diyos na nagsabi, “Huwag kang mangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, lumalabag ka rin sa Kautusan. 12 Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pananalita at gawa, sapagkat hahatulan kayo ayon sa Kautusang nagpapalaya sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ang mga hindi nagpakita ng awa. Ngunit ang habag ay magtatagumpay sa paghatol.
Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(A)
53 Dinala nila si Jesus sa Kataas-taasang Pari at nagkaroon ng pagtitipon doon ang lahat ng mga punong pari, matatandang pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan. 54 Mula sa malayo ay sumunod si Pedro kay Jesus, hanggang sa loob ng patyo ng Kataas-taasang Pari. Naupo siyang kasama ng mga kawal at nagpainit sa tabi ng siga. 55 Naghahanap ng katibayan laban kay Jesus ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang matagpuan. 56 Maraming nagbigay ng maling pahayag tungkol sa kanya, ngunit hindi nagkakatugma ang mga ito. 57 May mga tumayo at nagsabi ng ganitong kasinungalingan, 58 “Narinig (B) naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang templo na hindi gawa ng mga kamay.’ ” 59 Ngunit hindi pa rin nagkakatugma ang mga pahayag nila. 60 Tumayo sa harapan ng kapulungan ang Kataas-taasang Pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot? Ano itong sinasabi nila laban sa iyo?” 61 Subalit nanatiling tahimik si Jesus at hindi sumagot. Tinanong siyang muli ng Kataas-taasang Pari, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?” 62 Sumagot (C) si Jesus, “Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Taong nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan, dumarating na nasa ulap ng himpapawid.” 63 Pinunit ng Kataas-taasang Pari ang kanyang damit at nagsabi, “Kailangan pa ba natin ng saksi? 64 Narinig (D) na ninyo ang paglapastangan! Ano sa palagay ninyo?” At siya'y hinatulan nilang lahat na karapat-dapat siyang mamatay. 65 Sinimulan siyang duraan ng ilan sa mga naroon, piniringan ang kanyang mga mata, at siya'y pinagsusuntok. “Hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo!” sabi nila. Kinuha siya ng mga bantay at pinagsasampal.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.