Book of Common Prayer
Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
2 Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[a]
3 Ang taglay mong poot sa ginawa nila'y iyo nang inalis,
tinalikdan mo na at iyong nilimot ang matinding galit.
4 Panumbalikin mo kami, Diyos ng aming kaligtasan,
ang pagkamuhi sa amin ay iyo nang wakasan.
5 Ang pagkagalit mo at poot sa ami'y wala bang hangganan?
Di na ba lulubag, di ba matatapos ang galit mong iyan?
6 Ibangon mo kami, sana'y ibalik mo ang nawalang lakas,
at kaming lingkod mo ay pupurihin ka na taglay ang galak.
7 Kaya ngayon, Yahweh, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas.
Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas.
8 Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
9 Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.
Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.
87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
2 ang lunsod na ito'y
higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
3 Kaya't iyong dinggin
ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]
4 “Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
5 At tungkol sa Zion,
sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
6 Si Yahweh ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
7 sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
“Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”
Awit ng Pagpapasalamat
136 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
2 Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
3 Ang Panginoon ng mga panginoon ay ating pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
4 Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
5 Itong(B) kalangitan kanyang ginawa nang buong kahusayan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
6 Nilikha(C) ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
7 Siya(D) ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
8 Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
9 At kanyang nilikhang pananglaw kung gabi, bituin at buwan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
10 Ang(E) mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
11 Mula(F) sa Egipto kanyang inilabas ang bayang hinirang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
12 Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
13 Ang(G) Dagat na Pula,[a] kanyang inutusan at nahati naman.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
14 Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
15 Ngunit nilunod niya itong Faraon at hukbong sandatahan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
16 Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
17 Pinagpapatay niya yaong mga haring may kapangyarihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
18 Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
19 Siya(H) ang pumatay sa haring Amoreo, ang haring si Sihon.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
20 Siya(I) rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
21 Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
22 Ipinamahagi niya sa Israel, bayang minamahal.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
23 Di niya nilimot nang tayo'y malupig ng mga kaaway.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
24 Pinalaya tayo, nang tayo'y masakop ng mga kalaban.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
25 Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
26 Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Tinawag ng Diyos si Moises
3 Samantala, habang nagpapastol si Moises ng kawan ng biyenan niyang si Jetro na pari sa Midian, itinawid niya ang kawan sa gawing kanluran ng disyerto at nakarating siya sa Sinai,[a] ang Bundok ng Diyos. 2 Doon,(A) ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kanya na parang apoy na nagmumula sa gitna ng isang mababang punongkahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ang puno ngunit hindi nasusunog. 3 Kaya't nasabi niya sa kanyang sarili, “Nakakapagtaka naman ito! Titingnan ko ngang mabuti kung bakit hindi iyon natutupok gayong nagliliyab.”
4 Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ni Yahweh buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.”
“Ano po iyon?” sagot niya.
5 Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo. 6 Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha sapagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos.
7 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. 8 Kaya't bumabâ ako upang sila'y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay. Ito'y ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. 9 Naririnig ko nga ang pagdaing ng aking bayan at nakikita ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. 10 Kaya't papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayang Israel.”
11 Sumagot si Moises, “Sino po ako para humarap sa Faraon at ilabas ang bayang Israel mula sa Egipto?”
12 “Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. At ito ang magiging katibayan na ako ang nagsugo sa iyo: sa bundok ding ito sasambahin ninyo ako kapag nailabas mo na sa Egipto ang aking bayan,” sabi ng Diyos.
23 Dahil(A) sa pananampalataya, ang mga magulang ni Moises ay hindi natakot na sumuway sa utos ng hari; nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.
24 Dahil(B) sa pananampalataya, tumanggi si Moises, nang siya'y mayroon nang sapat na gulang, na tawagin siyang anak ng prinsesang anak ng hari. 25 Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng mga panandaliang aliw na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas kaysa ang mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakatuon ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap.
27 Pananampalataya din ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto nang hindi natatakot sa galit ng hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakita ang Diyos. 28 Dahil(C) din sa pananampalataya, itinatag niya ang Paskwa at iniutos sa mga Israelita na pahiran ng dugo ang pintuan ng kanilang mga bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa ang kanilang mga panganay.
29 Dahil(D) sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang lumalakad sa tuyong lupa, samantalang nalunod naman ang mga Egipcio nang ang mga ito'y tumawid.
30 Dahil(E) sa pananampalataya ng mga Israelita, gumuho ang pader ng Jerico matapos silang maglakad sa palibot nito nang pitong araw. 31 Dahil(F) sa pananampalataya, si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga ayaw sumunod sa Diyos, sapagkat malugod niyang pinatuloy ang mga espiyang Israelita.
6 Sumagot(A) si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung ako'y kilala ninyo,[a] kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.”
8 Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.”
9 Sumagot si Jesus, “Kay tagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nananatili sa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. 12 Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. 13 At anumang hilingin ninyo sa pangalan ko ay gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14 Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.