Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 5-6

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
    ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
    sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
    at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.

Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
    mga maling gawain, di mo pinapayagan.
Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
    mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
    galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.

Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
    makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
    luluhod ako tanda ng aking paggalang.
Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
    dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
    landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.

Ang(A) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
    saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
    pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
    sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
    sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.

11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
    at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
    upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
    at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.

Panalangin sa Panahon ng Bagabag

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]

O(B) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
    o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
    pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
    O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?

Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
    hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
    sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?

Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
    gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
    binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
    halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.

Kayong(C) masasama, ako'y inyong layuan,
    pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
    at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
    sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.

Mga Awit 10-11

Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan

10 O Yahweh, bakit masyado kang malayo?
    Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago?
Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa;
    nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa.

Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin;
    si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim.
Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,”
    sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan.

Ang masasama'y palaging nagtatagumpay;
    ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan,
    palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway.
Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo;
    kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.”
Namumutawi(A) sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya,
    dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita.

Sa mga nayon sila'y nag-aabang,
    upang paslangin ang walang kamalay-malay.
Para silang leon na nasa taguan,
    mga kawawang dukha'y inaabangan,
    hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag,
    at pagkatapos ay kinakaladkad.

10 Dahan-dahan silang gumagapang,
    upang biktimahin ang mga mahihina.
11 Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam!
    Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.”

12 Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan,
    silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan!
13 Bakit hinahayaan ng Diyos na hamakin siya ng masasama,
    na nagsasabing ang parusahan sila'y di raw niya magagawa?

14 Subalit nakikita mo ang hirap at kaapihan,
    at ikaw ay palaging handang dumamay.
Ang mga kapus-palad ay sa iyo lang umaasa,
    sa tuwina'y sumasaklolo ka sa mga ulila.

15 Mga braso ng masasama'y iyong baliin,
    parusahan mo sila't kasamaa'y sugpuin.

16 Naghahari si Yahweh magpakailanpaman,
    mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam.

17 Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak,
    patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
18 Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila,
    upang wala nang taong mananakot ng kapwa.

Pagtitiwala kay Yahweh

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
    kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
    sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
    upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
    kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”

Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
    doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
    walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
    sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
    at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
    sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.

Isaias 40:25-31

25 Kanino ninyo ihahambing ang banal na Diyos?
    Mayroon ba siyang katulad?
26 Tumingala(A) kayo sa langit!
Sino ba ang lumikha ng mga bituin?
    Sino ba ang sa kanila'y nagpapakilos,
    at sino ba ang nagbigay ng kanilang pangalan?
Dahil sa kanyang dakilang kapangyarihan,
    walang nawala sa kanila kahit isa man.

Si Yahweh ang Nagbibigay ng Kalakasan

27 Israel, bakit ka ba nagrereklamo
    na tila hindi pansin ni Yahweh ang kabalisahan mo,
    o hindi inalalayan sa kaapihang naranasan?
28 Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig?
Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos,
    ang siyang lumikha ng buong daigdig?
Hindi siya napapagod;
    sa isipan niya'y walang makakaunawa.
29 Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas.
30 Kahit na ang mga kabataan ay napapagod
    at nanlulupaypay.
31 Ngunit muling lumalakas
    at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh.
Lilipad silang tulad ng mga agila.
    Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod,
    sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.

Efeso 1:15-23

Ang Panalangin ni Pablo

15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Hindi ko nakakalimutang ipanalangin kayo. 17 Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at pagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. 18 Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, 19 at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang dakilang kapangyarihan ding iyon 20 ang(A) muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. 21 Mula roon ay namumuno si Cristo sa lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating. 22 Ipinailalim(B)(C) ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya, 23 na siyang katawan ni Cristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng bagay.

Marcos 1:14-28

Ang Simula ng Pangangaral sa Galilea(A)

14 Nang ibinilanggo si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. 15 Sinabi(B) niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos![a] Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!”

Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(C)

16 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” 18 Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

19 Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.

Pinagaling ang Sinasapian ng Masamang Espiritu(D)

21 Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. 22 Namangha(E) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.

23 Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, 24 “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita! Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”

25 Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!”

26 Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. 27 Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.”

28 Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.