Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 117-118

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

117 Purihin(A) si Yahweh!

Dapat na purihin ng lahat ng bansa.
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa!
Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.

Purihin si Yahweh!

Awit ng Pagtatagumpay

118 Purihin(B) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Kayong mga pari
ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

Lahat ng may takot
kay Yahweh, dapat magpahayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Nang ako'y magipit,
ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;
sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
Kung(C) itong si Yahweh
ang aking kasama at laging kapiling,
walang pagkatakot sa aking darating.
Si Yahweh ang siyang
sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,
malulupig sila't aking mamamasdan.
Higit na mabuti
na doon kay Yahweh magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.

10 Sa aking paligid
laging gumagala ang mga kaaway,
winasak ko sila
at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.
11 Kahit saang dako
ako naroroon ay nakapaligid,
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
12 Ang katulad nila
ay mga bubuyog na sumasalakay,
dagliang nasunog, sa apoy nadarang;
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.
13 Sinalakay ako't
halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.
14 Si(D) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.

15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”

17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.

19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.

20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!

21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.

22 Ang(E) (F) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(G) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.

26 Pinagpala(H) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.

28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.

Mga Awit 112-113

Mapalad ang Mabuting Tao

112 Purihin si Yahweh!

Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
    at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
    pati mga angkan ay may pagpapala.
Magiging sagana sa kanyang tahanan,
    pagpapala niya'y walang katapusan.

Ang taong matuwid, may bait at habag,
    kahit sa madilim taglay ay liwanag.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
    kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
    di malilimutan kahit isang saglit.

Masamang balita'y hindi nagigitla,
    matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
Wala siyang takot, hindi nangangamba,
    alam na babagsak ang kaaway niya.
Nagbibigay(A) sa mga nangangailangan,
    pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
    buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
    lumalayas silang mabagsik ang mukha;
    pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

113 Purihin si Yahweh!

Dapat na magpuri ang mga alipin,
    ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
    magmula ngayo't magpakailanman,
buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
    ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
    lampas pa sa langit ang pagkadakila.

Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
    na sa kalangitan doon nakaluklok?
Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
    ang lupa at langit kanyang minamasdan.
Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
    kanyang itinataas, kanyang nililingap.
Sa mga prinsipe ay isinasama,
    sa mga prinsipe nitong bayan niya.
Ang babaing baog pinagpapala niya,
    binibigyang anak para lumigaya.

Purihin si Yahweh!

Isaias 59:15-21

15 Hindi matagpuan ang katotohanan,
    kaya nanganganib ang buhay ng mga tao, na ayaw gumawa ng kasamaan.

Humanda si Yahweh para Iligtas ang Kanyang Bayan

Nang makita ni Yahweh na wala nang katarungan,
    siya ay nalungkot.
16 Nakita(A) niya na wala kahit isang magmalasakit sa mga api.
Dahil dito'y gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan
    upang sila'y iligtas, at siya'y magtatagumpay.
17 Ang(B) suot niya sa dibdib ay baluti ng katuwiran,
    at sa kanyang ulo naman ang helmet ng kaligtasan.
Paghihiganti ang kanyang kasuotan,
    at poot naman ang kanyang balabal.
18 Paparusahan niya ang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa,
    kahit ang nasa malalayong lugar ay kanyang gagantihan.
19 Kaya katatakutan siya ng mga taga-kanluran,
    at dadakilain sa dakong silangan;
darating si Yahweh, tulad ng malakas na agos ng tubig,
    gaya ng ihip ng malakas na hangin.

20 Sinabi(C) ni Yahweh sa kanyang bayan,
“Pupunta ako sa Zion upang tubusin
    ang mga taong mula sa lahi ni Jacob na magsisisi sa kanilang kasalanan.
21 Ito ang aking kasunduan sa inyo,” sabi ni Yahweh.

“Ibinigay ko na ang aking kapangyarihan at mga katuruan upang sumainyo magpakailanman. Mula ngayon ay susundin ninyo ako at tuturuan ang inyong mga anak at salinlahi na sumunod sa akin sa buong panahong darating.”

Pahayag 2:8-17

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Esmirna

“Isulat(A) mo sa anghel ng iglesya sa Esmirna:

“Ito ang sinasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay. Alam ko ang mga kapighatian na dinaranas mo. Alam kong mahirap ka, ngunit ang totoo'y mayaman ka. Nalalaman ko rin ang mga paninirang-puri sa iyo ng mga nagpapanggap na mga Judio; ngunit ang totoo, sila'y mga kampon ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magdurusa kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.

11 “Ang(B) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!

“Ang magtatagumpay ay hindi masasaktan ng pangalawang kamatayan.”

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Pergamo

12 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Pergamo:

“Ito ang sinasabi ng may hawak ng matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. 13 Alam ko kung saan ka nakatira, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin kahit noong si Antipas na tapat kong lingkod ay patayin diyan sa kalagitnaan ninyo sa lugar na tinitirhan ni Satanas. 14 Subalit(C) may ilang bagay na ayaw ko sa iyo: may ilan sa inyo na sumusunod sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balac upang mahikayat ang mga Israelita na magkasala. Kaya't kumain sila ng mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan at nakiapid. 15 May ilan din sa inyong sumusunod sa katuruan ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan! Kung hindi, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon at pupuksain ko ang mga taong iyon sa pamamagitan ng tabak na lumalabas sa aking bibig.

17 “Ang(D) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!

“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong pagkain[a]. Bibigyan ko rin siya ng batong puti na kinasusulatan ng isang bagong pangalan, na walang sinumang nakakaalam maliban sa tatanggap niyon.”

Juan 4:46-54

46 Nagpunta(A) muli si Jesus sa Cana sa Galilea, kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Sa bayan naman ng Capernaum ay may isang pinuno ng pamahalaan. Ang anak niyang lalaki ay may sakit 47 at naghihingalo na. Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito at pinakiusapang pumunta sa Capernaum upang pagalingin ang kanyang anak. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hangga't hindi kayo nakakakita ng mga himala at mga kababalaghan, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.”

49 Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Panginoon, bago mamatay ang aking anak.”

50 Sumagot si Jesus, “Umuwi ka na, hindi mamamatay ang iyong anak.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus, at umuwi na nga siya. 51 Sa daan pa lamang ay sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing gumaling na ang kanyang anak.

52 Tinanong niya ang mga iyon, “Anong oras nang bumuti ang kalagayan niya?”

“Ala-una po kahapon nang siya'y mawalan ng lagnat,” tugon nila.

53 Naalala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi mamamatay ang iyong anak.” Kaya't siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Jesus.

54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling mula sa Judea.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.