Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 26

Panalangin ng Isang Mabuting Tao

Katha ni David.

26 Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala,
    pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa.
Yahweh, ako'y siyasatin mo at subukin,
    hatulan mo ang iniisip at ang aking hangarin.
Pag-ibig mong wagas ang aking patnubay,
    ang iyong katapatan ang lagi kong kaagapay.
Di ako nakikisama sa walang kuwentang tao,
    hindi ako nakikiisa sa mga hipokrito.
Ang nakikisama sa kanila ay aking kinamumuhian,
    at ang makihalo sa kanila'y aking iniiwasan.

Kamay ko'y malinis pagkat ako'y walang kasalanan,
    ako'y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar.
Awit ng pasasalamat ay aking inaawit,
    gawa mong kahanga-hanga, ay aking sinasambit.

Mahal ko, Yahweh, ang Templo mong tahanan,
    sapagkat naroroon ang iyong kaluwalhatian.
Sa parusa ng masasama, huwag mo akong idamay,
    ilayo rin sa parusa ng mahihilig sa pagpatay—
10     mga taong walang magawâ kundi kasamaan,
    at palaging naghihintay na sila ay suhulan.

11 Ngunit para sa akin, gagawin ko ang tama,
    kaya iligtas mo ako at sa akin ay maawa.
12 Ako ay ligtas sa lahat ng kapahamakan;
    pupurihin ko si Yahweh sa gitna ng kapulungan!

Mga Awit 28

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David.

28 Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
    sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
    para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
    kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
    na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
    kung magsalita'y parang mga kaibigan,
    ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
Parusahan(A) mo sila sa kanilang ginagawa,
    pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
    ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
    mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
    at hindi na muling pababangunin.

Si Yahweh ay dapat purihin!
    Dininig niya ang aking mga daing.
Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
    tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
    sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.

Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
    siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
    ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
    tulad ng pastol sa kanyang kawan.

Mga Awit 36

Ang Kasamaan ng Tao

Katha ni David, na lingkod ni Yahweh, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

36 Kasalana'y(A) nangungusap sa puso ng masasama, sa kaibuturan ng puso doon ito nagwiwika;
    tumatanggi sa Diyos at ni takot ito'y wala.
Ang palagay sa sarili, siya'y isang dakila na;
    ang akala'y hindi batid ni Yahweh ang kanyang sala, kaya't kanyang iniisip, hindi siya magdurusa.
Kung mangusap ay masama at ubod nang sinungaling;
    dahop na ang karunungan sa paggawa ng magaling.
Masama ang binabalak samantalang nahihimlay,
    masama rin ang ugali,
    at isa pang kasamaa'y ang laging inaakap ay gawaing mahahalay.

Ang Kabutihan ng Diyos

Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan,
    at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan.
Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan;
    ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan;
ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay.

O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag,
    ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.
Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan;
    doon sila umiinom sa batis ng kabutihan.
Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay,
    ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay.

10 Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig,
    patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid.
11 Ang palalo'y huwag tulutan na ako ay salakayin,
    o ang mga masasamang gusto akong palayasin.

12 Lahat silang masasama'y masdan ninyo at nagupo!
    Sa kanilang binagsakan, hindi sila makatayo.

Mga Awit 39

Pagtatapat ng Taong Nahihirapan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.

39 Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat,
    at hindi ko hahayaang ang dila ko ay madulas;
upang hindi magkasala, ako'y di magsasalita
    habang nakapalibot, silang mga masasama.
Ako'y sadyang nanahimik, wala akong sinasabi,
    hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti;
ngunit lalo pang lumubha paghihirap ng sarili.
    Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko,
habang aking iniisip, lalo akong nalilito;
    nang di ako makatiis, ang sabi ko ay ganito:
“Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay,
    kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay.”

Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay,
    sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan;
ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan. (Selah)[a]
    Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang,
at maging ang gawa niya ay wala ring kasaysayan;
    hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman!

Kung ganoon, Panginoon, nasaan ba ang pag-asa?
    Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita.
Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin sa aking kasalanan;
    ang hangal ay huwag bayaan na ako'y pagtawanan.
Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin,
    pagkat lahat ng dinanas, pawang dulot mo sa akin.
10 Huwag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil;
    sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil.
11 Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit;
    parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig;
tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis! (Selah)[b]

12 Pakinggan mo ako, Yahweh, dinggin ang aking hibik;
    sa daing ko't panalangin, huwag ka sanang manahimik.
Sa iyong piling ay dayuhan, ako'y hindi magtatagal,
    at tulad ng ninuno ko, sa daigdig ay lilisan.
13 Sa ganitong kalagayan, huwag na akong kagalitan, upang muling makalasap kahit konting kasiyahan,
    bago man lang mamayapa't makalimutan ng lahat.

Isaias 44:9-20

Hinamak ang Pagsamba sa Diyus-diyosan

Walang kuwentang tao ang mga gumagawa ng rebulto, at walang kabuluhan ang mga diyus-diyosang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito, kaya sila'y mapapahiya. 10 Walang idudulot na mabuti ang paggawa ng mga rebulto para sambahin. 11 Tandaan ninyo, ang sumasamba sa mga ito ay mapapahiya lamang. Ang mga gumagawa nito'y tao lamang, kaya't magsama-sama man sila at ako'y harapin, sila'y matatakot at mapapahiya rin.

12 Ang panday ay kumukuha ng isang pirasong bakal at inilalagay ito sa apoy. Pagkatapos ay pinupukpok niya ito sa pamamagitan ng kanyang malakas na bisig hanggang sa magkahugis. Sa paggawa nito, siya ay nauuhaw, nagugutom at napapagod.

13 Ang karpintero naman ay kumukuha ng isang pirasong kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyong tao, saka inuukit hanggang sa mayari ang isang magandang imahen. Pagkatapos, ilalagay niya ito sa kanyang bahay. 14 Pumipili siya at pumuputol ng isang matigas na kahoy sa gubat tulad ng sedar, ensina at sipres. Maaari din siyang magtanim ng laurel at ito ay hintaying lumaki habang dinidilig ng ulan. 15 Ang(A) kaputol na kahoy nito ay ginagawang panggatong at ang kaputol naman ay ginagawang diyus-diyosan. Ang isang piraso ay iginagatong para magbigay ng init sa kanya at para igatong sa pagluluto. Ang isang piraso ay ginagawang rebulto para sambahin. 16 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawang panggatong. Dito siya nag-iihaw ng karne at nasisiyahan siyang kumain nito. Kung nadarama niya ang init ng apoy ay nasasabi niya ang ganito: “Salamat at hindi na ako giniginaw!” 17 Ang natirang kahoy ay ginagawa nga niyang diyos na kanyang niluluhuran at sinasamba. Dumadalangin siya sa rebulto, “Iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos!”

18 Ang mga taong gayon ay mga mangmang at hindi inuunawa ang kanilang ginagawa. Tinakpan nila ang kanilang mga mata at sinarhan ang isipan sa katotohanan. 19 Hindi na nila naisip na ang kaputol ng ginawa nilang rebulto ay ginamit na panggatong sa pagluluto ng tinapay at karneng kanilang kinain. Hindi man lamang nila itinanong sa kanilang sarili kung hindi kaya karumal-dumal ang sumamba sa isang pirasong kahoy.

20 Ang mga gumagawa nito'y parang kumakain ng abo.[a] Lubusan na siyang nailigaw ng kanyang maling paniniwala at mahirap nang ituwid. At hindi siya papayag na ang rebultong hawak niya ay hindi mga diyos.

Efeso 4:17-32

Ang Bagong Buhay kay Cristo

17 Sa pangalan ng Panginoon, binabalaan ko kayo: huwag na kayong mamuhay tulad ng mga hindi sumasampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, 18 at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. 19 Sila'y naging alipin ng kahalayan at wala na silang kahihiyan. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan.

20 Hindi ganyan ang natutunan ninyo tungkol kay Cristo. 21 Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutunan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. 22 Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa. 23 Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at(A) ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.

25 Dahil(B) dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26 Kung(C) magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. 30 At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32 Sa(D) halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.

Marcos 3:19-35

19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.

Si Jesus at si Beelzebul(A)

20 Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kamag-anak, pumunta sila roon upang kunin siya dahil maraming nagsasabi na siya'y nasisiraan ng bait.

22 Sinasabi(B) naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!”

23 Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinghaga. Sabi niya, “Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? 24 Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, mawawasak ang kahariang iyon. 25 Kapag naglaban-laban ang mga kaanib ng isang sambahayan, magkakawatak-watak ang sambahayang iyon. 26 Gayundin naman, kapag kinalaban ni Satanas ang kanyang sarili at nagkabaha-bahagi ang kanyang mga kampon, hindi siya magtatagal at iyon na ang kanyang magiging wakas.

27 “Hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas, malibang gapusin muna siya. Kapag siya'y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. 28 Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, 29 ngunit(C) ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat siya ay nagkasala ng walang hanggang kasalanan.” 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya'y sinasapian ng masamang espiritu.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(D)

31 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Tumayo sila sa labas ng bahay at ipinatawag siya. 32 Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid na lalaki [at mga kapatid na babae].[a]

33 “Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. 34 Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Sapagkat ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ang aking mga kapatid at aking ina.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.