Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 68

Pambansang Awit ng Pagtatagumpay

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

68 Magbangon ka, O Diyos, kaaway ay pangalatin,
    at ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling!
Kung paanong yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin;
    at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw,
    sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
Ngunit lahat magagalak, matutuwa ang matuwid;
    sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.

Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan,
    maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;
    ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.

Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
    tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
    ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;
    samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.

Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,
    sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah)[a]
ang(A) lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.
    Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,
    nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,
    lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
    ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.

11 May utos na pinalabas na si Yahweh ang nagbigay,
    ang nagdala ng balita ay babaing karamihan;
12 ang balitang sinasabi: “Nang dahil sa takot, mga hari't hukbo nila'y tumatakas sa labanan!”
    Kaya ang mga babae na ang nagparte ng samsam.
13 Para silang kalapati, nararamtan noong pilak,
    parang gintong kumikinang kapag gumalaw yaong pakpak;
(Bakit mayro'ng sa kulungan ng tupa napasadlak?)
14 Mga haring nagsitakas pagsapit ng Bundok Zalmon,
    ang yelo ay pinapatak ni Yahweh sa dakong iyon.
15 O kay laki niyong bundok, yaong bundok nitong Bashan;
    ito'y bundok na kay raming taluktok na tinataglay.
16 Sa taluktok mong mataas, bakit kinukutya wari
    yaong bundok na maliit na ang Diyos ang pumili?
    Doon siya mananahan upang doon mamalagi.

17 Ang kasama'y libu-libong matitibay na sasakyan,
    galing Sinai, si Yahweh ay darating sa dakong banal.
18 At(B) sa dakong matataas doon siya nagpupunta,
    umaahon siya roon, mga bihag ang kasama;
    kaloob mang nagbubuhat sa tauhang nag-aalsa,
tinatanggap ng Panginoong Yahweh na doon na tumitira.
19 Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas,
    dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)[b]
20 Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
    si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
    Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.

21 Mga ulo ng kaaway ay babasagin ng Diyos,
    kapag sila ay nagpilit sa kanilang gawang buktot.
22 Si Yahweh ang nagsalita: “Ibabalik ko sa iyo kaaway na nasa Bashan;
    hahanguin ko nga sila sa gitna ng karagatan,
23 upang kayo'y magtampisaw sa dugo na bubuhos,
    sa dugo nilang yaon, pati aso ay hihimod.”

24 Mamamasdan ng marami ang lakad mong matagumpay,
    pagpasok ng Diyos kong hari, sa may dako niyang banal.
25 Sa unaha'y umaawit, tumutugtog sa hulihan,
    sa gitna'y nagtatamburin ang babaing karamihan.
26 “Ang Diyos ay papurihan, kung magtipong sama-sama,
    buong lahi ng Israel papurihan ninyo siya!”
27 Yaong lahi ni Benjamin, maliit ma'y nangunguna,
    kasunod ay mga puno at pulutong nitong Juda;
    mga puno ng Zebulun at Neftali'y kasunod na.

28 Sana'y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan,
    ang lakas na ginamit mo noong kami'y isanggalang.
29 Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,
    na pati ang mga hari doo'y naghahandog sa iyo,
30 pagwikaan mo ang hayop, ang mailap na Egipto;
    sabihan ang mga bansang parang torong may bisiro;
    hanggang sila ay sumuko, maghandog ng pilak sa iyo.
Ang lahat ng maibigin sa digmaa'y ikalat mo!
31 Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating,
    ang Etiopia'y[c] daup-palad na sa Diyos dadalangin.

32 Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,
    awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan! (Selah)[d]

33 Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;
    mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw!
34 Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan,
    siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;
    'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
35 Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal,
    siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay
    ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan.

Ang Diyos ay papurihan!

Mga Awit 72

Panalangin para sa Hari

Katha ni Solomon.

72 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
    sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
    at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
    maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
    mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
    at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
    hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.

Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
    bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
    maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.

Nawa(A) kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
    mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
    isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
    Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
    mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.

12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
    lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
    sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
    sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.

15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!
    At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;
    sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,
    kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;
    ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim
    at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.
At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,
    sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.
17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
    manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,
    pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”

18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!

    Amen! Amen!

20 Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse.

Genesis 28:10-22

Nanaginip si Jacob sa Bethel

10 Umalis(A) nga si Jacob sa Beer-seba at nagpunta sa Haran. 11 Inabot siya nang paglubog ng araw sa isang lugar at minabuti niyang doon na magpalipas ng gabi. Isang bato ang inunan niya sa kanyang pagtulog. 12 Nang(B) gabing iyon, siya'y nanaginip. May nakita siyang hagdan na abot sa langit at nagmamanhik-manaog doon ang mga anghel ng Diyos. 13 Walang(C) anu-ano'y nakita niya si Yahweh sa tabi niya. Wika sa kanya, “Ako si Yahweh, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac. Ang lupang ito na iyong hinihigan ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi. 14 Darami(D) sila na parang alikabok sa lupa at lalaganap sila sa apat na sulok ng daigdig. Sa pamamagitan mo at ng iyong lahi ay pagpapalain ang lahat ng bansa.[a] 15 Tandaan mo, susubaybayan kita at ipagtatanggol saan ka man magpunta, at ibabalik kita sa lupaing ito. Hindi kita iiwan hanggang sa matupad ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”

16 Nagising si Jacob at ang sabi, “Hindi ko alam na narito pala si Yahweh! 17 Nakakapangilabot ang lugar na ito! Tiyak na ito ang tahanan ng Diyos at ang pintuan ng kalangitan.”

18 Maagang gumising si Jacob nang umagang iyon. Kinuha niya ang inunang bato at itinayo bilang isang alaala. Binuhusan niya ito ng langis at itinalaga sa Diyos. 19 Tinawag niyang Bethel[b] ang lugar na iyon na dati'y tinatawag na Luz. 20 Nangako si Jacob nang ganito: “O Yahweh, kung ako'y sasamahan ninyo at iingatan sa paglalakbay na ito, pakakainin at dadamitan, 21 at makakabalik na muli sa bahay ng aking ama, kayo po ang aking magiging Diyos. 22 Sasambahin kayo sa lugar na ito na pinagtayuan ko ng batong alaalang ito, at ibabalik ko sa inyo ang ikasampung bahagi ng lahat ng ipinagkakaloob ninyo sa akin.”

Mga Hebreo 11:13-22

13 Silang(A) lahat ay namatay na may pananampalataya. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo at itinuring na natanggap na nila. Kinilala nilang sila'y mga dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. 14 Ipinapakilala ng mga taong nagsasalita ng ganoon, na naghahanap pa sila ng sariling bayan. 15 Kung nasa isip nila ay ang lupaing kanilang pinanggalingan, may pagkakataon pa sana silang makabalik doon. 16 Ngunit ang hinahangad nila'y isang lungsod na higit na mabuti, ang lungsod na nasa langit. Kaya naman hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lungsod.

17 Nang(B) subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos 18 na(C) kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. 19 Naniwala siya na kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinghagang pangungusap, naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.

20 Dahil(D) sa pananampalataya, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap.

21 Dahil(E) sa pananampalataya, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at sumamba sa Diyos.

22 Dahil(F) sa pananampalataya, sinabi ni Jose, nang siya'y malapit nang mamatay, ang tungkol sa pag-alis ng mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang pag-alis.

Juan 10:7-17

Si Jesus ang Mabuting Pastol

Kaya't muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.

11 “Ako(A) ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang upahan ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog. 13 Tumatakas siya, palibhasa'y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako(B) nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin, at papakinggan nila ang aking tinig. Sa gayon, magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.

17 “Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito'y kunin kong muli.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.