Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 113

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

113 Purihin si Yahweh!

Dapat na magpuri ang mga alipin,
    ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
    magmula ngayo't magpakailanman,
buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
    ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
    lampas pa sa langit ang pagkadakila.

Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
    na sa kalangitan doon nakaluklok?
Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
    ang lupa at langit kanyang minamasdan.
Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
    kanyang itinataas, kanyang nililingap.
Sa mga prinsipe ay isinasama,
    sa mga prinsipe nitong bayan niya.
Ang babaing baog pinagpapala niya,
    binibigyang anak para lumigaya.

Purihin si Yahweh!

Mga Awit 122

Awit ng Parangal para sa Jerusalem

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

122 Ako ay nagalak nang sabihin nila:
    “Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.”
Sama-sama kami matapos sapitin,
    ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.

Itong Jerusalem ay napakaganda,
    matatag at maayos na lunsod siya.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
    lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,
    pagkat ito'y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
    at trono ng haring hahatol sa tanan.

Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin:
    “Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain.
    Pumayapa nawa ang banal na bayan,
    at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
Alang-alang sa kasama at pamilya ko,
    sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.”
Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
    ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.

1 Samuel 1:20-28

20 Nagbuntis siya at dumating ang araw na siya'y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel[a] ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, “Hiningi ko siya kay Yahweh.”

21 Pagkalipas ng isang taon, si Elkana at ang kanyang sambahayan ay muling nagpunta sa Shilo upang ialay kay Yahweh ang taunang handog at upang tupdin ang kanyang panata. 22 Sinabi ni Ana kay Elkana, “Hindi na muna ako sasama sa inyo ngayon. Hihintayin ko na ang panahong maaari na siyang mahiwalay sa akin. Paglaki niya, dadalhin ko siya sa bahay ni Yahweh at doon na siya titira sa buong buhay niya.”

23 Sinabi ni Elkana, “Gawin mo kung ano ang inaakala mong mabuti. Hintayin mo na siyang lumaki at tulungan ka nawa ni Yahweh upang matupad ang pangako mo sa kanya.”[b] Kaya naiwan si Ana at inalagaan ang kanyang anak.

24 Nang lumaki na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa bahay ni Yahweh sa Shilo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon,[c] limang salop ng harina at alak na nakalagay sa sisidlang balat. 25 Matapos ihandog ang baka, dinala nila kay Eli ang bata. 26 Sinabi ni Ana, “Kung natatandaan ninyo, ako po ang babaing nakita ninyong nakatayo rito noon at nanalangin kay Yahweh. 27 Hiniling ko sa kanya na ako'y pagkalooban ng anak at binigyan nga niya ako. 28 Kaya naman po inihahandog ko siya kay Yahweh upang maglingkod sa kanya habang buhay.”

Pagkatapos nito, sinamba nila si Yahweh.

Roma 8:14-21

14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat(A)(B) hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, “Ama, Ama ko!” 16 Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.

Ang Kaluwalhatiang Sasaatin

18 Para(C) sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw. 19 Sapagkat nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. 20 Nabigo(D) ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag-asa 21 na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.