Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 70-71

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(A)

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit. Inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

70 Iligtas mo ako ngayon, Yahweh, ako ay iligtas,
    tulungan mo ako, O Diyos, nang di mapahamak!
Mga taong nagtatangkang kumitil sa aking buhay,
    bayaan mong mangalito't mag-ani ng kabiguan;
iyon namang natutuwa sa taglay kong kahirapan,
    bayaan mong mapahiya at magapi ng kalaban.
Sila namang ang layunin ay magtawa at mangutya,
    sa kanilang pagkatalo, bayaan ding mapahiya.

Ang lahat ng lumalapit sa iyo ay magkatuwa,
gayon din ang nagmamahal sa pagtubos mong ginawa,
    at sabihing lagi nila: “O Diyos, ikaw ay dakila!”

Lubos akong naghihirap, tunay na nanghihina,
    lumapit ka sana agad, O Diyos, sana'y lumapit ka;
O aking tagapagligtas, katulong ko sa tuwina,
    huwag mo akong paghintayin, Yahweh, sana'y mahabag ka!

Panalangin ng Isang Matanda Na

71 Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
    huwag mo akong pabayaang mapahiya at malupig.
Tulungan mo po ako sapagkat ikaw ay matuwid,
    ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
Ikaw nawa ang muog ko, aking ligtas na kanlungan,
    matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.

Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban,
    sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
    maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na.
Sa simula at mula pa wala akong inasahang
    sa akin ay mag-iingat, kundi tanging ikaw lamang;
    kaya naman ikaw, Yahweh, pupurihin araw-araw.

Sa marami ang buhay ko ay buhay na mahiwaga,
    malakas kang katulong ko na di nila maunawa;
kaya ako'y nagpupuri, nagpupuri buong araw,
    akin ngayong ihahayag ang taglay mong karangalan.
Ngayong ako'y matanda na huwag mo akong pabayaan,
    katawan ko'y mahina na kaya ako'y huwag iiwan.
10 Ang lahat ng kaaway ko, nais ako ay patayin,
    ang palaging balak nila ay ako ang kalabanin.
11 Ang kanilang sinasabi, ako raw ay iniwanan,
    iniwan na ako ng Diyos, kaya nila sinusundan;
    ako raw ay mabibihag dahil wala nang sanggalang.

12 Panginoon at aking Diyos, huwag mo akong lalayuan,
    lumapit ka sa piling ko't ako ngayon ay tulungan!
13 Nawa silang naghahangad na ako ay salakayin,
    lahat sila ay mawasak, at mabigo ang layunin!
Maging yaong mga taong tanging nais ako'y saktan,
    mapahamak sanang lahat, mag-ani ng kahihiyan.
14 Ako naman, samantala ay patuloy na aasa,
    patuloy na magpupuri, pupurihin ka tuwina.
15 Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
    maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan;
    hindi ko man nalalaman kung paanong ito'y gawin.
16 Pagkat ikaw, Panginoong Yahweh, malakas at makatuwiran,
    ihahayag ko sa madla, katangiang iyo lamang.
17 Mula pa sa pagkabata ako'y iyong tinuruan,
    hanggang ngayo'y hinahayag ang gawa mong kabutihan.
18 Matanda na't puti na ang aking buhok,
    huwag akong iiwanan, ang samo ko sa iyo, O Diyos.
Hayaan mong ihayag ko ang lakas mong tinataglay,
    samahan sa bawat lahing sa daigdig ay lilitaw.

19 Dakila ka, Panginoon, matuwid ka hanggang langit,
    dakila ang ginawa mo at wala kang makaparis.
20 Kahit na nga dinanas ko ang hirap at madlang sakit,
    subalit ang aking lakas ay muli mong ibinalik,
    upang ako'y di tuluyang sa libingan ay mabulid.
21 Tutulungan mo po ako at karangala'y dadagdagan,
    ako'y muli mong aliwin; iahon sa kahirapan.

22 Tutugtugin ko ang alpa't pupurihin kitang tunay,
    pupurihin kita, O Diyos, dahil sa iyong katapatan.
Mga imno ng papuri sa alpa ko'y tutugtugin,
    iuukol ko ang tugtog sa iyo, Banal na Diyos ng Israel.
23 Habang ako'y tumutugtog ay sisigaw na may galak,
    masigla kong aawiting: “Ako'y iyong iniligtas.”
24 Maghapon kong isasaysay, O Diyos, ang iyong katarungan,
    yamang lahat na nagtangka, sa lingkod mo ay nasaktan,
    lahat sila ay nabigo't humantong sa kahihiyan.

Mga Awit 74

Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa

Isang Maskil[a] ni Asaf.

74 Panginoon, bakit kami'y itinakwil habang buhay?
    Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
    itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
    pati ang Zion na iyong dating tirahan.
Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
    Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.

Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
    sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
    magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
    pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
    nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
    kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.

Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
    ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
    hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10 Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
    ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11 Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
    kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.

12 Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
    Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13 Sa(A) lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
    at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14 ikaw(B) na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,[b]
    at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
    ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
    nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
    at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.

18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
    yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19 huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
    sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.

20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
    ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
    bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.

22 Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
    Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
    ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.

Isaias 55

Ang Habag ng Diyos

55 Sinabi(A) ni Yahweh,

“Narito ang tubig, kayong mga nauuhaw.
Ang mga walang salapi ay lumapit din dito,
    bumili kayo ng pagkain at ito'y kainin ninyo!
Bumili kayo ng alak at gatas
    kahit walang salaping pambayad.
Bakit(B) gumugugol kayo ng salapi sa mga bagay na hindi nakakabusog?
    Bakit ninyo inuubos ang perang kinita sa mga bagay na sa inyo ay hindi nagbibigay kasiyahan?
Makinig kayong mabuti sa akin at sundin ang utos ko,
    at matitikman ninyo ang pinakamasasarap na pagkain.
Makinig(C) kayo at lumapit sa akin.
    Sundin ninyo ako at magkakaroon kayo ng buhay!
Isang walang hanggang kasunduan ang gagawin natin;
    pagtitibayin ko ang aking walang hanggang pag-ibig kay David.
Masdan ninyo! Ginawa ko siyang saksi sa mga bansa,
    pinuno at tagapagmana sa mga bayan.
Iyong tatawagin ang mga bansang hindi mo kilala,
    mga bansang hindi ka kilala'y sa iyo pupunta.
Darating sila alang-alang sa iyong Diyos na si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
    sapagkat pinaparangalan ka niya.”

Hanapin mo si Yahweh habang siya'y matatagpuan,
    manalangin ka sa kanya habang siya'y malapit pa.
Dapat nang talikuran ang mga gawain ng taong masama,
    at dapat magbago ng pag-iisip ang taong liko.
Sila'y dapat manumbalik, at lumapit kay Yahweh upang kahabagan;
    at mula sa Diyos, makakamit nila ang kapatawaran.
Ang sabi ni Yahweh,
“Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan,
    ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan.
Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa,
    ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan,
    at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.

10 “Ang(D) ulan at yelo na bumabagsak mula sa langit ay hindi na nagbabalik,
    kundi dinidilig nito ang lupa,
kaya lumalago ang mga halaman at namumunga
    at nagbibigay ng butil na panghasik, at tinapay upang maging pagkain.
11 Gayundin naman ang mga salita na lumalabas sa aking bibig,
    ang mga ito'y hindi babalik sa akin na walang katuturan.
Tutuparin nito ang aking mga balak, at gagawin nito ang aking ninanais.

12 “May galak na lilisanin ninyo ang Babilonia,
    mapayapa kayong aakayin palabas ng lunsod.
Aawit sa tuwa ang mga bundok at mga burol,
    sisigaw sa galak ang mga punongkahoy.
13 Sa halip na mga tinik, kahoy na mayabong ang siyang tutubo;
    sa halip na dawag, mga kakahuyan ay muling darami at magsisilago.
Ang lahat ng ito'y parangal kay Yahweh,
    walang hanggang tanda sa lahat ng kanyang mga ginawa.”

Galacia 5:1-15

Manatili Kayong Malaya

Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!

Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo, kapag nagpatuli kayo, binabaliwala ninyo si Cristo. Binabalaan ko ang lahat ng taong nagpapatuli, tungkulin nilang sumunod sa buong Kautusan. Kayong nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan, inihiwalay ninyo ang inyong sarili kay Cristo at napalayo kayo sa kagandahang-loob ng Diyos. Kami'y umaasa na magiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu. Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi. Ang mahalaga'y ang pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.

Maganda na sana ang inyong pagtakbo. Sino ang humarang sa inyong pagsunod sa katotohanan? Hindi kayo hihikayatin ng ganyan ng Diyos na tumawag sa inyo. Ang(A) sabi nga, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa ng harina.” 10 Naniniwala akong sasang-ayon kayo sa akin sa bagay na ito, dahil sa ating kaugnayan sa Panginoon. At natitiyak kong paparusahan ng Diyos ang sinumang nanggugulo sa inyo.

11 Mga kapatid, kung talagang nangangaral pa ako na kailangan ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig hanggang ngayon? Kung iyo'y totoo, hindi na sana nila ikinagagalit ang aking pangangaral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus. 12 At ang mga nanggugulo sa inyo ay huwag lamang patuli kundi tuluyan na nilang putulan ang sarili nila.

13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat(B) ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayo'y nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mag-ingat kayo at baka tuluyan ninyong sirain ang isa't isa.

Marcos 8:27-9:1

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)

27 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?”

28 Sumagot(B) sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.”

29 “Ngunit(C) kayo naman, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” tanong niya.

Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.”

30 “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.

Unang Pagpapahayag tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(D)

31 Mula noon, itinuro ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Malinaw na sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan. 33 Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.”

34 Pinalapit(E) ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang(F) sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”

Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang dumarating nang may kapangyarihan ang kaharian ng Diyos.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.