Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 105

Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)

105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
    ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
    ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
    ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
    lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
    siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
    ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
    gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.

Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
    sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob.
Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman,
    ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang(B) tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
    at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal;
10 sa(C) harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay,
    para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan.
11 Sinabi ng Diyos, “Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha,
    bilang bahagi mo sa aking pangako na ipapamana.”

12 Nang panahong iyon sila ay iilan, hindi pa marami,
    kaya sa lupaing tinirhan nila'y hindi nanatili.
13 Tulad nila noon ay taong lagalag na palipat-lipat,
    kung saang lupalop, mga kaharian sila napasadlak.
14 Sinuman(D) ay hindi niya tinulutang sila'y alipinin,
    ang haring magtangka na gumawa nito ay pananagutin.
15 Ang sabi ng Diyos di dapat apihin ang kanyang hinirang,
    ang mga propetang mga lingkod niya'y hindi dapat saktan.

16 Sa(E) lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating
    itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
17 Subalit(F) ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,
    tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;
18 mga(G) paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena,
    pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya.
19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh,
    na siyang nangakong siya'y tutubusin.
20 Ang(H) ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya,
    pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
21 Doon(I) sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
    sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.
22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,
    siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.

23 Sa(J) bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta,
    sa lupain ni Ham, ang nunong si Jacob ay doon tumira.
24 Ginawa(K) ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,
    pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
25 Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,
    ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.

26 Saka(L) inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,
    sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
27 Sa bansang Egipto'y maraming himalang ginampanan sila,
    sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.
28 Ang(M) isang ginawa niya'y pinadilim sa buong lupain,
    ang ginawang ito'y hindi inintindi ni hindi pinansin.
29 Ang(N) ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy,
    pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy.
30 Napuno(O) ng mga palakang kay rami ang buong lupain,
    maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.
31 Sa(P) utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot,
    sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.
32 Sa(Q) halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan,
    ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.
33 Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,
    ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.
34 Isang(R) utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,
    langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.
35 Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,
    sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.
36 Ang(S) mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,
    kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.

37 Pagkatapos(T) nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,
    malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,
    pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang(U) naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,
    at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang(V) sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,
    at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa(W) bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,
    pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
    ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.

43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,
    nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
44 Ang(X) mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,
    sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
    yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.

Purihin si Yahweh!

Isaias 65:1-12

Parusa sa Mapanghimagsik

65 Sinabi(A) ni Yahweh: “Nakahanda akong sagutin ang panalangin ng aking bayan,
    ngunit hindi naman sila nananalangin.
Nakahanda akong magpakita sa naghahanap sa akin,
    ngunit hindi naman sila naghahanap.
Sinasabi ko sa bansang ayaw tumawag sa akin,
    ‘Narito ako upang ikaw ay tulungan.’
Buong(B) maghapong nakaunat ang aking mga kamay,
    sa isang bansang mapanghimagsik,
at ginagawa ang lahat ng magustuhan nila.
Sinasadya nilang ako ay galitin,
naghahandog sila sa mga sagradong hardin,
    at nagsusunog ng mga insenso sa mga altar ng pagano.
Pagsapit ng gabi'y nagpupunta sila sa mga puntod at nitso
    upang sangguniin ang kaluluwa ng patay na tao.
Kumakain sila ng karneng-baboy,
    at maruming sabaw ng karneng handog ng pagano.
Ang sabi pa ng isa sa kanila, ‘Lumayo kayo!
    Huwag kayong lalapit sapagkat mas malinis ako sa inyo.’
Ang mga taong ito'y parang usok sa aking ilong,
    tulad ng apoy na nagniningas sa buong maghapon.
Tingnan ninyo! Lahat ay naisulat na sa aking harapan.
    Hindi ako maaaring tumahimik.
Ngunit paparusahan ko ang kanilang mga kasalanan; pagbabayarin ko sila,
    sa kanilang kasalanan at sa kasalanan ng kanilang mga ninuno.
Nagsusunog sila ng insenso sa kabundukan
    at ako'y sinusuway nila sa kaburulan.
Karapat-dapat na parusa ang igagawad ko sa kanilang mga gawa.
Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Ang isang kumpol na ubas ay maaaring gawing alak,
    kaya ang sabi ng mga tao, ‘Huwag ninyo itong sirain,
    sapagkat mayroon itong pagpapala!’
Ganyan din ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod,
    hindi ko sila ganap na wawasakin.
Pagpapalain ko ang mga salinlahi ni Jacob,
    at kay Juda ibibigay ko ang aking mga bundok.
Mananahan doon ang aking mga bayan na naglingkod sa akin.
10 Ako(C) ay sasambahin ng aking mga lingkod, at kanilang pangungunahan ang kanilang mga tupa at baka
    sa pastulan sa kapatagan ng Sharon sa kanluran
    at sa Libis ng Kaguluhan sa gawing silangan.
11 Ngunit kayo na nagtakwil kay Yahweh
    at lumilimot sa aking banal na bundok,
kayo na sumamba kay Gad at Meni, mga diyos ng suwerte at kapalaran;
12 itatakda ko kayong sa espada mamatay,
    ang mga leeg ninyo'y tatagpasin ng palakol.
Sapagkat tinawag ko kayo ngunit hindi kayo sumagot,
    kinausap ko kayo ngunit hindi kayo nakinig.
Ang ginawa ninyo'y pawang kasamaan sa aking paningin,
    pinili ninyo ang hindi nakalulugod sa akin.”

1 Timoteo 4

Mga Huwad na Guro

Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay tatalikuran ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito'y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang kaining may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaunawa ng katotohanan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat ipalagay na masama; sa halip ay dapat tanggaping may pagpapasalamat sapagkat ang mga ito'y nililinis ng salita ng Diyos at ng panalangin.

Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus. At habang itinuturo mo ito, dinudulutan mo rin ang iyong sarili ng pagkaing espirituwal mula sa mga salita ng pananampalataya at sa tunay na aral na sinusunod mo. Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang halaga; sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa maka-Diyos na pamumuhay. Sa pagsasanay ng katawan ay mayroon ding pakinabang, ngunit ang maka-Diyos na pamumuhay ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang para sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating. Totoo ang salitang ito at dapat paniwalaan ng lahat. 10 Dahil dito, nagsisikap tayo[a] at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buháy at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga sumasampalataya.

11 Ituro mo't ipatupad ang lahat ng ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang kamay. 15 Isagawa mo ang mga ito at pag-ukulan mo ng panahon upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Pakaingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Patuloy mong gawin ang mga ito sapagkat sa paggawa mo nito ay maliligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo.

Marcos 12:13-27

Ang Pagbabayad ng Buwis(A)

13 Ilang Pariseo at ilan sa mga tagasunod ni Herodes ang pinapunta kay Jesus upang siluin siya sa kanyang pananalita. 14 Kaya lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, nalalaman po naming kayo'y tapat at walang kinikilingan. Pantay-pantay ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao at itinuturo ninyo ang tunay na kalooban ng Diyos para sa tao. Nais po naming itanong kung labag sa Kautusan ang magbayad ng buwis sa Emperador. Dapat po ba kaming magbayad ng buwis o hindi?”

15 Alam ni Jesus na sila'y nagkukunwari lamang, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ba ninyo ako sinusubok? Bigyan ninyo ako ng isang salaping pilak.[a]

16 At siya nga ay binigyan nila ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Jesus sa kanila.

“Sa Emperador po,” tugon nila.

17 Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”

At sila'y labis na namangha sa kanya.

Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(B)

18 May(C) ilang Saduseo na lumapit kay Jesus upang magtanong. Ang mga ito ay nagtuturo na hindi muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, 19 “Guro,(D) isinulat po ni Moises para sa atin, ‘Kapag namatay ang isang lalaki at naiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid ng lalaki ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ 20 Mayroon pong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, subalit siya'y namatay na walang anak. 21 Pinakasalan ng pangalawang kapatid ang biyuda subalit namatay rin ang lalaki na walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid at silang lahat ay namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha'y ang babae naman ang namatay. 23 [Kapag binuhay na muli ang mga patay][b] sa araw ng muling pagkabuhay, sino po ba sa pitong magkakapatid ang kikilalaning asawa ng babaing iyon, sapagkat silang lahat ay napangasawa niya?”

24 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo dahil hindi ninyo nauunawaan ang itinuturo ng Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos. 25 Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila'y magiging katulad na ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol(E) naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa kasaysayan ng nagliliyab na mababang puno, ang sinabi ng Diyos sa kanya? Ito ang sinabi niya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ 27 Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay; siya ang Diyos ng mga buháy. Talagang maling-mali kayo!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.