Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 107:33-108:13

33 Nagagawa niyang
tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,
maging mga batis
ay nagagawa ring parang lupang tigang.
34 Ang(A) lupang mataba,
kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,
dahilan sa sama
ng mga nilikhang doo'y nananahan.
35 Kahit naman ilang,
nagagawa niyang matabang lupain,
nagiging batisang
sagana sa tubig ang tuyong lupain.
36 Sa lupaing iyon,
ang mga nagugutom doon dinadala,
ipinagtatayo
ng kanilang lunsod at doon titira.
37 Sila'y nagbubukid,
nagtatanim sila ng mga ubasan,
umaani sila
ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
38 Sila'y pinagpala't
lalong pinarami ang kanilang angkan,
at dumarami rin
pati mga baka sa kanilang kawan.

39 Kapag pinahiya
ang bayan ng Diyos at nalupig sila,
ang bansang sumakop
na nagpapahirap at nagpaparusa,
40 sila'y susumbatan
nitong Panginoo't ang kanyang gagawin,
ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain.
41 Ngunit itataas
ang nangagdurusa't laging inaapi,
parang mga kawan,
yaong sambahayan nila ay darami.
42 Nakikita ito
ng mga matuwid kaya nagagalak,
titikom ang bibig
ng mga masama at taong pahamak.

43 Kayong matalino,
ang bagay na ito'y inyong unawain,
pag-ibig ni Yahweh
na di kumukupas ay inyong tanggapin.

Papuri at Panalangin ng Tagumpay(B)

Awit ni David.

108 Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na,
    na magpuri at umawit ng awiting masisigla!
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya!
    O magsigising na nga kayo, mga lira at alpa;
    tumugtog na at hintayin ang liwayway ng umaga.
Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan,
    Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
    nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.

Sa ibabaw ng mga langit, ikaw ay itatanghal,
    at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas,
    upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak;
    dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag.

Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan,
    “Hahatiin ko ang Shekem, bilang tanda ng tagumpay,
    paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan, matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang.
Ang Gilead at Manases, dal'wang dakong ito'y akin,
    magsisilbing helmet ko itong lugar ng Efraim;
    samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan,
    samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
    doon naman sa Filistia, tagumpay ko'y isisigaw.”

10 Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon? Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon?
    Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom?
11 Dahil kami'y itinakwil, hindi mo na pinapansin.
    Kung ikaw ay di kasama, paano ang hukbo namin?
12 O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway,
    pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
    matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.

Mga Awit 33

Awit ng Pagpupuri

33 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
    dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
    kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
    tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
Isang bagong awit, awiting malakas,
    kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!

Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
    at maaasahan ang kanyang ginawa.
Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
    ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.

Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,
    ang araw, ang buwa't talang maririkit;
sa iisang dako, tubig ay tinipon,
    at sa kalaliman ay doon kinulong.

Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!
    Dapat katakutan ng buong nilikha!
Ang buong daigdig, kanyang nilikha,
    sa kanyang salita, lumitaw na kusa.

10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,
    kanyang nababago't winawalang-bisa.
11 Ngunit ang mga panukala ni Yahweh,
    hindi masisira, ito'y mananatili.
12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
    mapalad ang bayang kanyang ibinukod.

13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
    ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
    sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
    walang nalilingid sa kanilang gawa.

16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
    ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
    upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
    di makakapagligtas, lakas nilang taglay.

18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
    sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
    kahit magtaggutom sila'y binubuhay.

20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
    tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
    sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.

22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
    yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!

Isaias 66:1-6

Hahatulan ni Yahweh ang mga Bansa

66 Ito(A) (B) ang sabi ni Yahweh:

“Ang aking trono ay ang kalangitan,
    at ang daigdig ang aking tuntungan.
Anong klaseng bahay ang gagawin mo para sa akin?
    Anong klaseng lugar ang aking titirhan?
Sa lahat ng bagay ako ang maylikha,
    kaya ako ang may-ari ng lahat ng ito.
Ako'y nalulugod sa mga taong nagpapakumbaba at nagsisipagsisi,
    sa mga may takot at sa utos ko'y sumusunod.
Ginagawa ng tao ang kanyang maibigan,
    at matutuwa pang gumawa ng kasamaan.
Para sa kanya ay walang kaibahan ang handog na toro o kaya ay tao;
    ang handog na tupa o patay na aso;
ang handog na pagkaing butil o dugo ng baboy;
    ang pagsusunog ng insenso o ang pagdarasal sa diyus-diyosan.
Natutuwa sila sa nakakahiyang pagsamba.
Dahil dito, ipararanas ko sa kanila
    ang kapahamakang kinatatakutan nila.
Sapagkat nang ako'y tumawag walang tumugon kahit na isa;
    nang ako'y magsalita, walang gustong makinig.
Ginusto pa nila ang sumuway sa akin
    at gumawa ng masama.”

Pakinggan ninyo si Yahweh,
    kayong natatakot at sumusunod sa kanyang salita:
“Kinamumuhian at itinataboy kayo ng inyong sariling kababayan, nang dahil sa akin;
at sinasabi pa nila, ‘Ipakita ni Yahweh ang kanyang kadakilaan at iligtas niya kayo
    para makita namin kayong natutuwa.’
    Ngunit mapapahiya sila sa kanilang sarili.
Pakinggan ninyo at sa lunsod ay nagkakagulo,
    at mayroong ingay na buhat sa Templo!
Iyon ay likha ng pagpaparusa ni Yahweh sa kanyang mga kaaway!

1 Timoteo 6:6-21

Sa katunayan, may malaki ngang pakinabang sa relihiyon kung ang tao'y marunong masiyahan. Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin tayong madadalang anuman pag-alis dito. Kaya, dapat tayong masiyahan kung tayo'y may pagkain at pananamit. Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasama at mga hangal na hangarin na nagtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian.

Mga Tagubilin para kay Timoteo

11 Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, umiwas ka sa mga bagay na ito. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. 12 Ipaglaban mo nang mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo. 13 Iniuutos(A) ko sa iyo, sa harapan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa harapan ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti nang may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. 15 Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen.

17 Ang mayayaman sa materyal na bagay ay utusan mong huwag magmataas at huwag umasa sa kayamanang lumilipas. Sa halip, umasa sila sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan. 18 Utusan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa. 19 Sa gayon, makakapag-impok sila para sa mabuting pundasyon sa hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay.

20 Timoteo, pakaingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang lumalapastangan sa Diyos at ang mga pagtatalo tungkol sa hindi totoong karunungan. 21 Dahil sa kanilang pag-aangking mayroon sila nito, may mga nalihis na sa pananampalataya.

Sumainyo ang kagandahang-loob ng Diyos.

Marcos 12:35-44

Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(A)

35 Habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sinabi niya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? 36 Hindi(B) ba't si David na rin ang nagpahayag ng ganito nang siya'y gabayan ng Espiritu Santo:

“Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    ‘Maupo ka sa kanan ko,
    hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’”

37 Si David na rin ang tumawag sa kanya ng Panginoon; paano siya magiging anak ni David?”

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(C)

Napakaraming tao ang malugod na nakikinig sa kanya. 38 Sa kanyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig magpalakad-lakad na suot ang kanilang mahahabang damit at gustung-gustong binabati nang may paggalang sa mga pamilihan. 39 Ang gusto nila ay ang mga natatanging upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. 40 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, mas mabigat na parusa ang igagawad sa kanila.”

Ang Kaloob ng Biyuda(D)

41 Naupo si Jesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob sa Templo, at pinagmasdan ang mga naghuhulog ng salapi. Napansin niyang maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42 Lumapit naman ang isang biyudang dukha at naghulog ng dalawang salaping tanso. 43 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat. 44 Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng babaing iyon, bagama't siya'y dukha, ay ang buo niyang ikinabubuhay.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.