Book of Common Prayer
Paanyaya sa Lahat Upang Purihin ang Diyos
148 Purihin si Yahweh!
Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
kayo sa itaas siya'y papurihan.
2 Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,
kasama ang hukbo roong karamihan!
3 Ang araw at buwan, siya ay purihin,
purihin din siya ng mga bituin,
4 mataas na langit, siya ay purihin,
tubig sa itaas, gayon din ang gawin!
5 Siya ang may utos na kayo'y likhain,
kaya ang ngalan niya ay dapat purihin.
6 Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan,
hindi magbabago magpakailanpaman.[a]
7 Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan,
maging dambuhala nitong karagatan.
8 Ulan na may yelo, kidlat pati ulap,
malakas na hangin, sumunod na lahat!
9 Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol.
Mga kabundukan, mataas na burol,
malawak na gubat, mabubungang kahoy;
10 hayop na maamo't mailap na naroon,
maging hayop na gumagapang at mga ibon.
11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,
hari at prinsipe, lahat ng pangulo;
12 babae't lalaki, mga kabataan,
matatandang tao't kaliit-liitan.
13 Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat,
ang kanyang pangala'y pinakamataas;
sa langit at lupa'y maluwalhating ganap.
14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,
kaya pinupuri ng piniling madla,
ang bayang Israel, mahal niyang lubha!
Purihin si Yahweh!
Awit ng Pagpupuri
149 Purihin si Yahweh!
O si Yahweh ay purihin, awitan ng bagong awit,
purihin sa pagtitipon nitong mga tapat sa kanya.
2 Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
dahilan sa iyong hari, ikaw Zion ay matuwa.
3 Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.
4 Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang mga hirang,
sa mga mapagpakumbaba'y tagumpay ang ibibigay.
5 Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
sa kanilang pagdiriwang ay magsaya't mag-awitan.
6 Papuri(A) sa ating Diyos, ipahayag nang malakas,
hawak-hawak ang espadang dobleng-talim at matalas,
7 upang bawat mga bansang nagmalabis ay gantihan,
at bigyan ang mamamayan ng parusang kailangan.
8 Mga hari't maharlika ay kanilang bibihagin,
sa tanikalang bakal, silang lahat ay gagapusin,
9 upang sila ay hatulan sang-ayon sa itinakda.
Ito ang siyang karangalan ng kanyang pinagpala.
Purihin si Yahweh!
Purihin si Yahweh
150 Purihin si Yahweh!
Sa banal na templo, ang Diyos ay awitan,
purihin sa langit ang lakas na taglay!
2 Siya ay purihin sa kanyang ginawa,
siya ay purihin, sapagkat dakila.
3 Purihin sa tugtog ng mga trumpeta,
awitan sa saliw ng alpa at lira!
4 Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin,
mga alpa't plauta, lahat ay tugtugin!
5 Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang,
sa lakas ng tugtog siya'y papurihan.
6 Purihin si Yahweh lahat ng nilalang!
Purihin si Yahweh!
Awit ng Paggunita sa Exodo
114 Ang(A) bayang Israel
sa bansang Egipto'y kanyang
inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan lahat ay lumikas.
2 Magmula na noon
ang lupaing Juda'y naging dakong banal,
at bansang Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.
3 Ang(B) Dagat ng Tambo,
nang ito'y makita, nagbigay ng daan,
magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman.
4 Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.
5 Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan?
Ikaw, Ilog Jordan,
bakit ang tubig mo ay tumigil naman?
6 Kayong mga bundok,
bakit parang kambing na nagsisilundag?
Kayong mga burol,
maliit na tupa'y inyo namang katulad?
7 Ikaw, O daigdig,
sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig,
dapat kang matakot
sapagkat darating ang Diyos ni Jacob,
8 sa(C) malaking bato
nagpabukal siya ng saganang tubig,
at magmula roon
ang tubig na ito ay nagiging batis.
Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos
115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.
2 Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
“Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
3 Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
4 Ginawa(D) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
5 Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
6 di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
7 Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
8 Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
9 Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(E) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.
14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.
16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.
Purihin si Yahweh!
Paglaya Mula sa Babilonia
14 Sinabi pa ni Yahweh,
ang Tagapagligtas, at Banal na Diyos ng Israel:
“Magpapadala ako ng hukbo laban sa Babilonia alang-alang sa iyo.
Gigibain ko ang mga pintuan ng kanyang lunsod
at mauuwi lamang sa iyakan ang kasayahan ng mga tagaroon.
15 Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na Banal,
ang Hari ng Israel na sa iyo'y lumalang!
16 Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na siyang gumawa ng daan sa gitna ng dagat,
upang maging kalsadang tawiran.
17 Siya ang nanguna upang malupig ang isang malaking hukbo.
Nilipol niya ang kanilang mga kabayo.
At ang kanilang mga karwahe'y winasak;
sila'y nabuwal at hindi na nakabangon;
parang isang ilaw na namatay ang dingas.”
18 Ito ang sabi niya:
“Ilibing mo na sa limot, at huwag nang alalahanin pa,
ang mga nangyari noong unang panahon.
19 Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay;
ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita?
Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto,
at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito.
20 Pararangalan ako maging ng mababangis na hayop
gaya ng mga asong-gubat at mga ostrits,
sapagkat nagpabukal ako ng tubig sa disyerto,
upang may mainom ang mga taong hinirang ko.
21 Nilalang ko sila upang maging aking bayan,
upang ako'y kanilang laging papurihan!”
Ang Kasalanan ng Israel
22 Sinabi ni Yahweh,
“Ngunit ikaw, Israel, ang lumimot sa akin;
at ayaw mo na akong sambahin.
23 Hindi ka na nagdadala ng mga tupang sinusunog bilang handog;
hindi mo na ako pinaparangalan sa pamamagitan ng iyong mga hain.
Hindi kita pinilit na maghandog sa akin,
o pinahirapan man sa pagsusunog ng insenso.
24 Hindi mo ako ibinili ng mabangong insenso
o kaya'y hinandugan man lang ng taba ng hayop.
Sa halip ay gumawa ka ng maraming kasalanan,
pinahirapan mo ako sa iyong kasamaan.
25 “Gayunman, ako ang Diyos
na nagpatawad sa iyong mga kasalanan;
hindi ko na aalalahanin pa ang iyong mga kasalanan.
26 Magharap tayo sa hukuman,
patunayan mong ikaw ay may katuwiran.
27 Nagkasala sa akin ang kauna-unahan mong ninuno,
gayon din ang iyong mga pinuno.
28 Ang aking santuwaryo ay nilapastangan ng iyong mga pinuno,[a]
kaya pinabayaan kong mawasak ang Israel,
at mapahiya ang aking bayan.”
Si Yahweh Lamang ang Diyos
44 Sinabi ni Yahweh,
“Ikaw Jacob, na lingkod ko, ako ay pakinggan;
lahi ni Israel, ang pinili kong bayan!
2 Akong si Yahweh ang sa iyo ay lumalang;
tinulungan na kita mula nang ikaw ay isilang.
Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod,
ang bayan kong minamahal.
3 Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa,
sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin.
Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu,
at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain.
4 Sila ay sisibol tulad ng damong sagana sa tubig,
sila'y dadaloy tulad ng halaman sa tabi ng batis.
5 Bawat isa'y magsasabing, ‘Ako ay kay Yahweh.’
Sila ay darating upang makiisa sa Israel.
Itatatak nila sa kanilang mga bisig ang pangalan ni Yahweh,
at sasabihing sila'y kabilang sa bayan ng Diyos.”
17 Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. 18 Hindi nagbabago at hindi nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. 19 Ang(A) pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. 20 Si(B) Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Ang Paring si Melquisedec
7 Ang(C) Melquisedec na ito ay hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at siya ay binasbasan nito. 2 Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya mula sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalang Melquisedec ay “Hari ng Katuwiran”. At dahil siya'y hari din ng Salem, ibig sabihin, siya ay “Hari ng Kapayapaan”. 3 Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina, o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya'y pari magpakailanman.
4 Tingnan ninyo kung gaano kadakila si Melquisedec! Ipinagkaloob sa kanya ni Abraham na ating ninuno ang ikasampung bahagi ng nasamsam niya mula sa labanan. 5 Ayon(D) sa Kautusan, ang mga pari mula sa angkan ni Levi ay inutusang kumuha ng mga ikapu mula sa mga Israelita, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. 6 Si Melquisedec ay hindi kabilang sa lipi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikasampung bahagi mula kay Abraham at pinagpala niya ang taong ito na pinangakuan ng Diyos. 7 Hindi maipagkakaila na ang nagbibigay ng basbas ay mas dakila kaysa kanyang binabasbasan. 8 Ang mga Levita, na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay may kamatayan, ngunit buháy si Melquisedec ayon sa kasulatan. 9 Kaya't masasabi na rin na maging si Levi na tumatanggap ng ikasampung bahagi, ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec.
27 Dumating ang kanyang mga alagad nang sandaling iyon, at nagtaka sila nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ngunit isa man sa kanila'y walang nagtanong sa babae, “Ano ang kailangan ninyo?” Wala ring nagtanong kay Jesus, “Bakit ninyo siya kinakausap?”
28 Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon, 29 “Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Cristo?”
30 Kaya't lumabas ng bayan ang mga tao at nagpunta kay Jesus.
31 Samantala, makailang ulit na sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Rabi, kumain na kayo.”
32 Ngunit sumagot siya, “Ako'y may pagkaing hindi ninyo nalalaman.”
33 Kaya't nagtanung-tanungan ang mga alagad, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”
34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko'y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin.
35 “Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan pa at anihan na’? Sinasabi ko naman sa inyo, masdan ninyo ang mga bukid, hinog na ang trigo at handa nang anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan. Kaya't magkasamang magagalak ang nagtatanim at ang umaani. 37 Dito nagkakatotoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang naghirap dito at kayo naman ang umani ng kanilang pinaghirapan.”
39 Maraming Samaritano sa bayang iyon ang naniwala kay Jesus dahil sa patotoo ng babae, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa.” 40 Kaya't pumunta sila kay Jesus at nakiusap na tumigil muna siya roon, at tumigil nga siya roon sa loob ng dalawang araw.
41 At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. 42 Pagkatapos, sinabi nila sa babae, “Naniniwala kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin siya. Alam na naming siya nga ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.