Book of Common Prayer
Pananalig sa Kautusan ni Yahweh
(Zayin)
49 Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,
pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.
50 Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,
pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
51 Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,
ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
52 Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,
ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.
Pagtupad sa Kautusan ni Yahweh
(Kheth)
57 Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
58 Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling,
sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin.
59 Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,
ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.
60 Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,
sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.
61 Mga taong masasama kahit ako ay gapusin,
ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin.
62 Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,
sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
63 Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,
mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
64 Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,
ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan.
Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh
(Tet)
65 Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66 Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68 kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Kahangalan ang Magtiwala sa Kayamanan
Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
49 Bawat isa ay makinig, makinig ang sino pa man,
kahit saan naroroon ay makinig ang nilalang!
2 Kahit ikaw ay dakila o hamak ang iyong lagay,
makinig na sama-sama ang mahirap at mayaman.
3 Itong aking sasabihi'y salitang may karunungan,
ang isipang ihahayag, mahalagang mga bagay;
4 Ang pansin ko ay itutuon sa bugtong na kasabihan,
sa saliw ng aking alpa'y ihahayag ko ang laman.
5 Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib,
kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid—
6 mga taong naghahambog, sa yaman ay nananalig,
dahilan sa yaman nila'y tumaas ang pag-iisip.
7 Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos,
hindi kayang mabayara't tubusin sa kamay ng Diyos.
8 Ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas;
gaano man ang halagang hawak niya'y hindi sapat
9 upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas
at sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak.
10 Alam(A) naman niyang lahat ay mamamatay,
kasama ang marunong, maging mangmang o hangal;
sa lahing magmamana, yaman nila'y maiiwan.
11 Doon sila mananahan sa libingan kailanpaman,
kahit sila'y may lupaing pag-aari nilang tunay;
12 maging sikat man ang tao, hinding-hindi maiwasan
katulad din noong hayop, tiyak siyang mamamatay.
13 Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili,
at sa kanyang kayamanan ay nanghawak na mabuti: (Selah)[a]
14 Tulad niya'y mga tupa, sa patayan din hahantong,
itong si Kamatayan ang kanyang magiging pastol.
Ang matuwid, magwawagi kapag sumapit ang umaga,
laban doon sa kaaway na ang bangkay ay bulok na
sa daigdig ng mga patay, na malayo sa kanila.
15 Ngunit ako'y ililigtas, hindi ako babayaan,
aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan. (Selah)[b]
16 Di ka dapat mabagabag, ang tao man ay yumaman,
lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan;
17 hindi ito madadala kapag siya ay namatay,
ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan.
18 At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay,
dahilan sa sinusuob ng papuri't nagtagumpay;
19 katulad ng ninuno niya, siya rin ay mamamatay,
masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan.
20 Ang tao mang dumakila ay iisa ang hantungan,
katulad ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay!
Ang Kasamaan ng Tao(A)
Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[a]
53 Sinabi(B) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.
2 Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
3 Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.
4 Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”
5 Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.
6 Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!
Ang Israel ang Tanglaw sa mga Bansa
49 Makinig(A) kayo mga taong naninirahan sa malalayong mga bansa.
Pinili na ako ni Yahweh bago pa isilang, at hinirang niya ako para siya'y paglingkuran.
2 Mga(B) salita ko'y ginawa niyang singtalim ng espada,
siya ang sa aki'y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
na anumang oras ay handang itudla.
3 Sinabi niya sa akin, “Israel, ikaw ay lingkod ko;
sa pamamagitan mo ako'y pupurihin ng mga tao.”
4 Ngunit ang sagot ko, “Ako ay nabigo sa aking pagsisikap,
hindi nagtagumpay gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunma'y ipinapaubaya ko kay Yahweh ang aking kalagayan,
na ako'y kanyang gagantimpalaan sa aking nakayanan.
5 Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ni Yahweh;
pinili niya ako para maging lingkod niya,
upang tipunin ang bayang Israel na nagkawatak-watak.
Binigyan ako ni Yahweh ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat ang aking kalakasan.
6 Sinabi(C) sa akin ni Yahweh:
“Israel na aking lingkod, may mas mahalaga pa akong ipapagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik sa mga Israelitang nalabi,
gagawin din kitang liwanag sa mga bansa
upang ang buong daigdig ay maligtas.”
7 Ganito ang sinabi ni Yahweh, ang Tagapagligtas ng Israel,
sa itinakwil at kinamuhian ng mga bansa
at inalipin ng mga pinuno:
“Makikita ng mga hari ang pagpapalaya sa iyo;
sila'y titindig bilang pagpaparangal sa iyo.
At yuyukod ang mga prinsipe bilang paggalang sa iyo,
sapagkat hinirang ka ni Yahweh, ang banal na Diyos ng Israel.”
Muling Itatayo ang Jerusalem
8 Sinabi(D) pa ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Sa tamang panahon ay tinugon kita,
sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.
Iingatan kita at sa pamamagitan mo
gagawa ako ng kasunduan sa mga tao,
ibabalik kita sa sariling lupain
na ngayon ay wasak na.
9 Palalayain ko ang mga nasa bilangguan
at dadalhin sa liwanag ang mga nasa kadiliman.
Sila'y matutulad sa mga tupang
nanginginain sa masaganang pastulan.
10 Hindi(E) sila magugutom o mauuhaw,
hindi rin sila mabibilad sa matinding hangin at nakakapasong init sa disyerto,
sapagkat papatnubayan sila ng Diyos na nagmamahal sa kanila.
Sila'y gagabayan niya patungo sa bukal ng tubig.
11 Gagawa ako ng daan sa gitna ng kabundukan,
at ako'y maghahanda ng lansangan, upang maging daanan ng aking bayan.
12 Darating ang bayan ko buhat sa malayo,
mula sa hilaga at sa kanluran,
gayon din sa lupain ng Syene sa timog.”
Pinagsabihan ni Pablo si Pedro
11 Subalit nang dumating si Pedro sa Antioquia, harap-harapan ko siyang sinaway sapagkat maling-mali ang kanyang ginagawa. 12 Dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya'y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat na nagnanais na tuliin din ang mga Hentil. 13 At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. 14 Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”
Pinapawalang-sala Dahil sa Pananampalataya
15 Kami nga'y ipinanganak na Judio at hindi makasalanang Hentil. 16 Gayunman,(A) alam naming ang tao'y pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya, at hindi sa pamamagitan ng Kautusan. Sapagkat walang taong pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. 17 Ngunit kung sa pagsisikap naming mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuan kaming makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi! 18 Ngunit kung itinatayo kong muli ang winasak ko na, ipinapakita kong makasalanan nga ako. 19 Ako'y namatay na sa Kautusan sa pamamagitan rin ng Kautusan upang ngayo'y mabuhay para sa Diyos. Ako'y kasama ni Cristo na ipinako sa krus. 20 Kaya hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayon sa katawan ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko tinatanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo!
13 Pinalayas(A) nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(B)
14 Nakarating(C) kay Haring Herodes[a] ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat nakikilala na siya ng maraming tao. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. 15 Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.”
16 Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” 17 Si(D) Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.[b]
21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias[c] at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Naipangako rin niya sa dalaga na ibibigay niya kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihingin.
24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina.
25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.”
26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.
29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.