Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 61-62

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

61 Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin;
    inyo pong pakinggan, ang aking hinaing!
Tumatawag ako dahilan sa lumbay,
    sapagkat malayo ako sa tahanan.

Iligtas mo ako, ako ay ingatan,
    pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan,
    matibay na muog laban sa kaaway.

Sa inyo pong tolda, ako ay payagan na doon tumira habang nabubuhay;
    sa lilim ng iyong bagwis na malakas, ingatan mo ako nang gayo'y maligtas. (Selah)[a]
Lahat kong pangako, O Diyos, iyong alam
    at abâ mong lingkod, tunay na binigyan ng mga pamana na iyong inilaan sa nagpaparangal sa iyong pangalan.

Ang buhay ng hari sana'y pahabain;
    bayaang ang buhay niya'y patagalin!
Paghahari niya sa iyong harapan, sana'y magpatuloy habang nabubuhay;
    kaya naman siya ay iyong lukuban ng iyong pag-ibig na walang kapantay.

At kung magkagayon, kita'y aawitan,
    ako'y maghahandog sa iyo araw-araw.

Pagtitiwala sa Pag-iingat ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.

62 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;
    ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.
Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
    tagapagtanggol ko at aking kalasag;
    akin ang tagumpay sa lahat ng oras!

Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin?
    Tulad ng isang pader siya'y ibagsak, gaya ng bakod siya'y mawawasak.
Nais lamang ninyong siya ay siraan, sa inyong adhikang ibaba ang dangal;
    ang magsinungaling, inyong kasiyahan.
Pangungusap ninyo, kunwa'y pagpapala,
    subalit sa puso'y inyong sinusumpa. (Selah)[b]

Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
    ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
    tagapagtanggol ko at aking kalasag;
    akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang.
    Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
    matibay na muog na aking kanlungan.

Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
    ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
    siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)[c]

Ang taong nilalang ay katulad lamang
    ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
    katumbas na bigat ay hininga lamang.
10 Huwag kang magtiwala sa gawang marahas,
    ni sa panghaharang, umasang uunlad;
kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan
    ang lahat ng ito'y di dapat asahan.

11 Hindi na miminsang aking napakinggan
    na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
12     at(A) di magbabago kanyang pagmamahal.
Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo.

Mga Awit 68

Pambansang Awit ng Pagtatagumpay

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

68 Magbangon ka, O Diyos, kaaway ay pangalatin,
    at ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling!
Kung paanong yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin;
    at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw,
    sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
Ngunit lahat magagalak, matutuwa ang matuwid;
    sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.

Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan,
    maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;
    ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.

Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
    tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
    ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;
    samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.

Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,
    sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah)[a]
ang(A) lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.
    Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,
    nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,
    lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
    ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.

11 May utos na pinalabas na si Yahweh ang nagbigay,
    ang nagdala ng balita ay babaing karamihan;
12 ang balitang sinasabi: “Nang dahil sa takot, mga hari't hukbo nila'y tumatakas sa labanan!”
    Kaya ang mga babae na ang nagparte ng samsam.
13 Para silang kalapati, nararamtan noong pilak,
    parang gintong kumikinang kapag gumalaw yaong pakpak;
(Bakit mayro'ng sa kulungan ng tupa napasadlak?)
14 Mga haring nagsitakas pagsapit ng Bundok Zalmon,
    ang yelo ay pinapatak ni Yahweh sa dakong iyon.
15 O kay laki niyong bundok, yaong bundok nitong Bashan;
    ito'y bundok na kay raming taluktok na tinataglay.
16 Sa taluktok mong mataas, bakit kinukutya wari
    yaong bundok na maliit na ang Diyos ang pumili?
    Doon siya mananahan upang doon mamalagi.

17 Ang kasama'y libu-libong matitibay na sasakyan,
    galing Sinai, si Yahweh ay darating sa dakong banal.
18 At(B) sa dakong matataas doon siya nagpupunta,
    umaahon siya roon, mga bihag ang kasama;
    kaloob mang nagbubuhat sa tauhang nag-aalsa,
tinatanggap ng Panginoong Yahweh na doon na tumitira.
19 Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas,
    dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)[b]
20 Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
    si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
    Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.

21 Mga ulo ng kaaway ay babasagin ng Diyos,
    kapag sila ay nagpilit sa kanilang gawang buktot.
22 Si Yahweh ang nagsalita: “Ibabalik ko sa iyo kaaway na nasa Bashan;
    hahanguin ko nga sila sa gitna ng karagatan,
23 upang kayo'y magtampisaw sa dugo na bubuhos,
    sa dugo nilang yaon, pati aso ay hihimod.”

24 Mamamasdan ng marami ang lakad mong matagumpay,
    pagpasok ng Diyos kong hari, sa may dako niyang banal.
25 Sa unaha'y umaawit, tumutugtog sa hulihan,
    sa gitna'y nagtatamburin ang babaing karamihan.
26 “Ang Diyos ay papurihan, kung magtipong sama-sama,
    buong lahi ng Israel papurihan ninyo siya!”
27 Yaong lahi ni Benjamin, maliit ma'y nangunguna,
    kasunod ay mga puno at pulutong nitong Juda;
    mga puno ng Zebulun at Neftali'y kasunod na.

28 Sana'y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan,
    ang lakas na ginamit mo noong kami'y isanggalang.
29 Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,
    na pati ang mga hari doo'y naghahandog sa iyo,
30 pagwikaan mo ang hayop, ang mailap na Egipto;
    sabihan ang mga bansang parang torong may bisiro;
    hanggang sila ay sumuko, maghandog ng pilak sa iyo.
Ang lahat ng maibigin sa digmaa'y ikalat mo!
31 Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating,
    ang Etiopia'y[c] daup-palad na sa Diyos dadalangin.

32 Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,
    awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan! (Selah)[d]

33 Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;
    mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw!
34 Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan,
    siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;
    'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
35 Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal,
    siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay
    ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan.

Ang Diyos ay papurihan!

Mga Hukom 2:1-5

Nagpunta sa Boquim ang Anghel ni Yahweh

Mula sa Gilgal, nagpunta sa Boquim ang anghel ni Yahweh. Sinabi niya sa mga Israelita, “Inilabas ko kayo sa Egipto at dinala sa lupain na aking ipinangako sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ako sisira sa ating kasunduan. Sinabi(A) ko ring huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon, sa halip ay gibain ninyo ang kanilang mga altar. Ngunit ano ang inyong ginawa? Hindi ninyo ako sinunod! Kaya ngayon, hindi ko sila paaalisin sa lupaing pupuntahan ninyo. Magiging tinik sila sa inyong landas at ang mga diyus-diyosan nila ay magiging mabigat na pagsubok sa inyo.” Matapos sabihin ito ng anghel ni Yahweh, nag-iyakan ang mga Israelita. Kaya, tinawag nilang Boquim[a] ang lugar na iyon, at naghandog sila roon kay Yahweh.

Mga Hukom 2:11-23

Tumigil ang Israel sa Paglilingkod kay Yahweh

11 Ang mga Israelita ay gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh at sumamba sila sa mga Baal. 12 Tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na nagligtas sa kanila sa Egipto. Naglingkod sila at sumamba sa mga diyus-diyosan ng mga bayan sa kanilang paligid. Kaya nagalit sa kanila si Yahweh. 13 Itinakwil nila si Yahweh at naglingkod sa mga Baal at kay Astarot. 14 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel at sila'y hinayaan niyang matalo ng kaaway at samsaman ng ari-arian. 15 Tuwing makikipagdigma sila, hindi na sila tinutulungan ni Yahweh tulad ng kanyang babala. Kaya't wala silang kapanatagan.

16 Dahil dito, ang Israel ay binigyan ni Yahweh ng mga hukom na siyang magliligtas sa kanila sa kamay ng mga mananakop. 17 Ngunit hindi rin nila sinunod ang mga hukom na ito. Tinalikuran ng mga Israelita si Yahweh. Ang katapatan ng kanilang mga ninuno kay Yahweh ay hindi nila pinamarisan. 18 Lahat naman ng hukom na isinugo ni Yahweh ay pinatnubayan niya at iniligtas niya ang Israel sa mga kaaway habang nabubuhay ang hukom. Kinaawaan sila ni Yahweh dahil sa kanilang mga daing bunga ng hirap na dinaranas nila. 19 Ngunit pagkamatay ng hukom, muli na namang sumasamba sa mga diyus-diyosan ang mga Israelita. Higit pa sa kasamaan ng kanilang mga ninuno ang kanilang ginagawa; hindi nila maiwan ang kanilang masasamang gawain at katigasan ng ulo. 20 Kaya, lalong nagalit si Yahweh sa kanila. Sinabi niya, “Sumira ang mga Israelita sa kasunduang ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Dahil sa pagsuway nila sa akin, 21 hindi ko na palalayasin ang natitira pang Cananeo sa lupaing iniwan sa kanila ni Josue nang siya'y namatay. 22 Sa pamamagitan ng mga bansang ito, masusubok ko kung ang Israel ay susunod sa aking mga utos, tulad ng kanilang mga ninuno.” 23 Kaya, hindi agad pinaalis ni Yahweh ang mga tao sa mga lupaing hindi nasakop ng mga Israelita noong buháy pa si Josue.

Roma 16:17-27

Mga Dagdag na Tagubilin

17 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo: mag-ingat kayo sa mga pasimuno ng mga pagkakampi-kampi at sanhi ng pagtalikod dahil sa pagsalungat nila sa aral na tinanggap ninyo. Iwasan ninyo sila. 18 Ang mga taong gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin, kundi sa pansariling hangarin. Inililigaw nila ang mga may mahinang pag-iisip sa pamamagitan ng kaakit-akit at matatamis na pangungusap. 19 Balitang-balita ang inyong pagkamasunurin kay Cristo, at ikinagagalak ko ito. Ngunit nais kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti at walang muwang tungkol sa masama. 20 Ang Diyos ang bukal ng kapayapaan at malapit na niyang pasukuin sa inyo si Satanas.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesus.

21 Binabati(A) kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, gayundin ng mga kababayan kong sina Lucio, Jason at Sosipatro.

22 Akong si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati sa inyo sa pangalan ng Panginoon.

23 Kinukumusta(B) kayo ni Gaius na tinutuluyan ko; sa bahay niya nagtitipon ang buong iglesya. Kinukumusta rin kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lungsod, at ng ating kapatid na si Cuarto. [24 Nawa'y pagpalain kayong lahat ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.][a]

Pangwakas na Pagpupuri

[25 Purihin ang Diyos na makapagpapalakas sa inyo sa pamamagitan ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na ipinapangaral ko. Ang Magandang Balitang iyan ay isang hiwagang naitago sa loob ng mahabang panahon, 26 subalit sa utos ng walang-hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta, upang ang lahat ay sumunod dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya.

27 Sa iisang Diyos, na sa lahat ay ganap ang karunungan—sa kanya iukol ang karangalan magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.][b]

Mateo 27:32-44

Ipinako sa Krus si Jesus(A)

32 Paglabas ng lungsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” 34 Binigyan(B) nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.

35 Nang(C) maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36 naupo sila at siya'y binantayan. 37 Inilagay nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya na may nakasulat na ganito, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” 38 At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.

39 Kinukutya(D) siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40 sinasabi,(E) “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”

41 Kinutya rin siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan.[a] Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang sarili! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43 Nananalig(F) siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”

44 Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.