Book of Common Prayer
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
120 Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing,
dininig niya ako sa aking dalangin.
2 Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang,
Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.
3 Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling,
ano kayang parusa ang inyong kakamtin?
4 Tutudlain kayo ng panang matalim,
at idadarang pa sa may bagang uling.
5 Ako ay kawawa; ako ay dayuhan,
sa Meshec at Kedar, ako ay namuhay.
6 Matagal-tagal ding ako'y nakapisan
ng hindi mahilig sa kapayapaan.
7 Kung kapayapaan ang binabanggit ko,
pakikipagbaka ang laman ng ulo.
Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
2 Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
3 Di niya ako hahayaang mabuwal,
siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
4 Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
hindi natutulog at palaging gising!
5 Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
laging nasa piling, upang magsanggalang.
6 Di ka maaano sa init ng araw,
kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.
7 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
sa mga panganib, ika'y ililigtas.
8 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.
Awit ng Parangal para sa Jerusalem
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
122 Ako ay nagalak nang sabihin nila:
“Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.”
2 Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.
3 Itong Jerusalem ay napakaganda,
matatag at maayos na lunsod siya.
4 Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,
pagkat ito'y utos na dapat gampanan.
5 Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
6 Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin:
“Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain.
7 Pumayapa nawa ang banal na bayan,
at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
8 Alang-alang sa kasama at pamilya ko,
sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.”
9 Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.
Panalangin Upang Kahabagan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
sa luklukang trono mo, O Panginoon.
2 Tulad ko'y aliping ang inaasahan
ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.
3 Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
labis na paghamak aming naranasan.
4 Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.
Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
2 “Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
3 maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
4 Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
5 sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.
6 Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
7 Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
8 Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.
Kaligtasan ng mga Lingkod ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
125 Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala,
kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
2 Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok,
gayon nagtatanggol
sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.
3 Taong masasama
ay di hahayaang laging mamahala,
pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama.
4 Ang mga mabait na tapat sumunod sa iyong kautusan,
sana'y pagpalain mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.
5 Ngunit ang masama, sa kanilang hilig iyong parusahan,
parusahan sila, dahil sa di wasto nilang pamumuhay.
Kapayapaan para sa Israel!
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
2 Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
3 Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!
4 Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
5 Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.
6 Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!
Pagpupuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni Solomon.
127 Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay,
ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan;
maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay,
ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
2 Hindi dapat pakahirap, magpagal sa hanapbuhay;
maaga pa kung bumangon, gabing-gabi kung humimlay,
pagkat pinagpapahinga ni Yahweh ang kanyang mahal.
3 Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak,
ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak.
4 Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan,
ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal.
5 Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan,
hindi siya malulupig, at malayo sa kahihiyan,
kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman.
Ang Anghel at ang Asno ni Balaam
21 Kinabukasan ng umaga, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ni Balac, 22 kasama ang dalawa niyang utusan. Nagalit ang Diyos dahil sa pangyayaring ito kaya't hinadlangan ng anghel ni Yahweh ang daraanan ni Balaam. 23 Nakatayo sa daan ang anghel, hawak ang kanyang tabak. Nang makita ng asno ang anghel, lumihis ito ng daan at nagpunta sa bukirin. Kaya, pinalo ito ni Balaam at pilit na ibinabalik sa daan. 24 Ang anghel naman ni Yahweh ay tumayo sa makitid na daan sa pagitan ng ubasan at ng pader. 25 Nang makita siya ng asno, sumiksik ito sa pader at naipit ang paa ni Balaam. Kaya't muli itong pinalo ni Balaam. 26 Ngunit ang anghel ay humarang muli sa lugar na wala nang malilihisan ang asno. 27 Nang makita na naman siya ng asno, nahiga na lamang ito. Kaya, nagalit si Balaam at muling pinalo ang asno. 28 Ngunit pinagsalita ni Yahweh ang asno. Itinanong nito kay Balaam, “Ano bang kasalanan ko sa iyo? Bakit tatlong beses mo na akong pinapalo?”
29 Sinabi ni Balaam sa asno, “Pinalo kita sapagkat ginagawa mo akong hangal. Kung may tabak lang ako, baka napatay na kita.”
30 Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi ba't ako ay iyong asno at sa simula pa'y ako lang ang sinasakyan mo? Ginawa ko na ba ito sa iyo?”
“Hindi!” sagot ni Balaam.
31 Sa sandaling ito'y ipinakita ni Yahweh kay Balaam ang anghel na nakatayo sa daan at may hawak pa ring tabak. Kaya't nagpatirapa si Balaam. 32 Tinanong siya ng anghel ni Yahweh, “Bakit tatlong beses mo nang pinalo ang iyong asno? Sadyang humaharang ako sa daan sapagkat mali ang binabalak mong gawin. 33 Tuwing makikita ako ng asno mo ay lumilihis ito. Pangatlong beses na niyang ginagawa ito. Kung hindi siya lumihis baka napatay na kita, ngunit siya'y hindi ko sasaktan.”
34 Sinabi ni Balaam sa anghel, “Nagkasala ako. Hindi ko alam na nakatayo kayo sa aking daraanan. Babalik na ako kung hindi ayon sa inyong kalooban ang lakad kong ito.”
35 Sumagot ang anghel, “Huwag ka nang bumalik. Sumama ka sa kanila ngunit ang sinabi ko sa iyo ang sabihin mo sa kanila.” At sumama si Balaam sa mga sugo ni Balac.
Si Balaam at si Balac
36 Nang malaman ni Balac na dumarating si Balaam, sinalubong niya ito sa lunsod ng Ar sa may Ilog Arnon sa may hangganan ng Moab. 37 Sinabi niya kay Balaam, “Kailangang-kailangan kita kaya kita ipinatawag. Bakit ngayon ka lang? Akala mo ba'y hindi kita kayang gantimpalaan?”
38 Sumagot si Balaam, “Naparito nga ako ngunit wala akong maaaring sabihin liban sa ipinapasabi sa akin ng Diyos.”
Wala na sa Ilalim ng Kautusan
7 Mga kapatid, ako'y nagsasalita sa inyo na mga nakakaunawa ng batas. Alam ninyong ang isang tao'y nasasakop lamang ng batas habang siya'y nabubuhay. 2 Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang isang babae ay nasasakop ng kanyang asawa habang nabubuhay ito. Subalit kung mamatay na ang lalaki, malaya na ang babae sa batas na nagtatali sa kanya sa lalaking iyon. 3 Kaya nga, siya'y magkakasala ng pangangalunya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas na iyon, at mag-asawa man siya sa ibang lalaki, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. 4 Gayundin naman mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, at ngayon kayo ay kabilang na sa mga nakipag-isa sa kanya na muling binuhay, upang magbunga tayo ng mabubuting gawa para sa Diyos. 5 Noong tayo'y namumuhay pa ayon sa ating likas na pagkatao, ang ating mga masasamang hilig na pinupukaw ng Kautusan ay nag-uudyok sa mga bahagi ng ating katawan na gumawa ng mga bagay na hahantong sa kamatayan. 6 Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo'y naglilingkod sa Diyos hindi ayon sa lumang batas na nakasulat, kundi ayon sa bagong buhay ng Espiritu.
Ang Kautusan at ang Kasalanan
7 Ang(A) ibig bang sabihin nito'y ang Kautusan ay masama? Hinding-hindi! Kaya lamang, kundi dahil sa Kautusan ay hindi ko sana nalaman kung ano ang kasalanan. Hindi ko sana nalaman kung paano pagnasaan ang pag-aari ng iba kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag mong pagnasaan ang pag-aari ng iba.” 8 Ngunit dahil sa utos, ang loob ko'y pinukaw ng kasalanan sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat walang kasalanan kung walang Kautusan. 9 Noong una, namuhay ako nang walang Kautusan. Subalit nang dumating ang utos, nabuhay ang kasalanan 10 at ako'y namatay. Ang utos na dapat sanang magdulot sa akin ng buhay ay siyang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat(B) kinasangkapan ng kasalanan ang utos upang ako'y dayain, at sa gayon ay napatay nga ako ng kasalanan.
12 Kaya nga, ang Kautusan ay banal, at ang bawat utos ay banal, matuwid at mabuti.
Pag-uusisa tungkol sa Karapatan ni Jesus(A)
23 Pumasok si Jesus sa Templo. Habang siya'y nagtuturo doon, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan, at siya'y tinanong, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang gumawa nito?”
24 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ang tanong ko, saka ko sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 25 Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”
Kaya't sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ 26 Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, baka kung ano ang gawin sa atin ng mga taong-bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam!”
Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak
28 “Ano ang palagay ninyo rito? May isang taong may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho ka roon.’ 29 ‘Ayoko po,’ tugon nito, ngunit nagbago ito ng pasya at nagtrabaho sa ubasan. 30 Lumapit din ang ama sa ikalawa at ganoon din ang kanyang sinabi. At tumugon ito, ‘Opo,’ ngunit hindi naman pumunta sa ubasan. 31 Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?”
“Ang nakatatanda po,” sagot nila.
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyo na makapasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat(B) naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.