Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 106

Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel

106 Purihin(A) si Yahweh!

Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
    Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
    na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.

Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
    sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
    kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.

Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
    ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
Ang(B) magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;
    ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,
    bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y[a] nilabanan ka pa.
Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,
    upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
Nang(C) siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula[b] ay natuyong bigla,
    sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,
    iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,
    lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
12 Nang(D) ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,
    sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.

13 Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito'y kaagad nilimot,
    sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos.
14 Habang(E) nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod,
    sa ilang na iyo'y kinalaban nila't sinubok ang Diyos.
15 Ang hiniling nila'y hindi itinanggi, kanilang nakamit,
    ngunit pagkatapos, sila'y dinapuan ng malubhang sakit.

16 Sila(F) ay nagselos kay Moises habang nasa ilang,
    at kay Aaron, ang banal na lingkod na si Yahweh ang humirang.
17 Sa ginawang ito, nagalit ang Diyos, bumuka ang lupa,
    si Datan, Abiram, pati sambahaya'y natabunang bigla.
18 Sa kalagitnaan nila'y itong Diyos, lumikha ng sunog,
    at ang masasamang kasamahan nila ay kanyang tinupok.

19 Sa(G) may Bundok ng Sinai,[c] doon ay naghugis niyong gintong guya,
    matapos mahugis ang ginawa nila'y kanilang sinamba.
20 Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
    sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
21 Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas,
    ang kanyang ginawa doon sa Egipto'y kagila-gilalas.
22 Sa lupaing iyon ang ginawa niya'y tunay na himala.
    Sa Dagat na Pula[d] yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
23 Ang pasya ng Diyos sa ginawa nila'y lipulin pagdaka,
    agad na dumulog kay Yahweh si Moises, namagitan siya,
    at hindi natuloy iyong kapasyahan na lipulin sila.

24 Ang(H) lupang-pangarap na ipinangako'y kusang tinanggihan,
    dahilan sa sila'y hindi naniwala sa pangakong tipan.
25 Sa loob ng tolda ay nagrereklamo at puro pa angal,
    at hindi nila pinakinggan tinig ni Yahweh, Diyos na banal.
26 Sa ginawang iyon, nagalit ang Diyos, siya ay sumumpang
    sila'y lilipulin, mamamatay sa gitna ng ilang.
27 Sila'y(I) ikakalat, dadalhin sa bansa niyong mga Hentil,
    sa lugar na iyon, mamamatay sila sa pagkaalipin.

28 Sila'y(J) nakiisang sa Baal ng Beor ay doon sumamba,
    ang mga pagkain na handog sa patay ang pagkain nila.
29 Sa inasal nila'y nagalit si Yahweh, naging pasya'y ito:
    Dinalhan ng peste, pawang nagkamatay ang maraming tao.
30 Sa galit ni Finehas taong nagkasala ay kanyang pinatay,
    kung kaya nahinto ang salot na iyon na nananalakay.
31 Magmula nga noon, at magpakailanman, di malilimutan
    ang ginawang ito'y di na malilimot nitong kanyang bayan.

32 At(K) itong si Yahweh, kanilang ginalit sa Bukal Meriba,
    nalagay sa gipit itong si Moises dahil sa kanila.
33 Sa ginawa nila ay lubhang nasaktan ang kanyang damdamin,
    dahas ng salitang nagmula sa bibig ay hindi napigil.

34 Di(L) nila nilipol ang lahat ng taong naro'n sa Canaan,
    bagama't ito'y iniutos ni Yahweh na dapat gampanan.
35 Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, bagkus nakisama,
    at maling gawain ng mga pagano ang sinunod nila.
36 Ang diyus-diyosan ang sinamba nila at pinaglingkuran,
    sa ginawang ito, sila ang nagkamit ng kaparusahan.
37 Pati(M) anak nilang babae't lalaki'y inihaing lubos,
    sa diyus-diyosan, mga batang ito ay ginawang handog.
38 Ang(N) pinatay nila'y mga batang musmos, batang walang malay
    para ipanghandog sa diyus-diyosan ng lupang Canaan,
    kaya't ang lupain sa ginawa nila'y pawang nadungisan.
39 Ang sarili nila yaong nadungisan sa gayong ginawa,
    sa Diyos na si Yahweh sila ay nagtaksil at pawang sumamâ.

40 Kaya(O) naman muli, si Yahweh'y nagalit sa mga hinirang,
    siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.
41 Sa bansang kaaway itong bayan niya'y ipinaubaya,
    sila ay nasakop at ang mga Hentil ay siyang namahala.
42 Inalipin sila at pinahirapan ng mga kaaway,
    pinasuko sila't ipinailalim sa kapangyarihan.
43 Hindi na miminsan, marami nang beses iniligtas sila,
    naghimagsik pa rin, kaya naman sila'y lalong nagkasala.
44 Gayunman, hindi rin tinitiis ng Diyos, kapag nananambitan,
    dinirinig niya't sa taglay na hirap kinahahabagan.
45 Dinirinig sila at inaalaala kanyang kasunduan,
    nahahabag siya dahilan sa wagas niyang pagmamahal.
46 Maging ang sumakop sa mga hinirang ay nangahabag din,
    sapagkat si Yahweh ang siyang nag-utos na iyon ang gawin.

47 Iligtas(P) mo kami, O Yahweh, aming Diyos, Panginoon namin,
    saanman naroon ang mga anak mo ay muling tipunin,
upang ang ngalan mo ay pasalamata't aming dakilain.

48 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
    purihin siya, ngayon at magpakailanman!
    Ang lahat ng tao ay magsabing, “Amen!”

    Purihin si Yahweh!

Mga Bilang 22:1-21

Ipinatawag ni Balac si Balaam

22 Nagpatuloy ng paglalakbay ang mga Israelita at nagkampo sila sa kapatagan ng Moab, sa gawing silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico. Ang lahat ng ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo ay hindi lingid kay Haring Balac na anak ni Zippor. Ngunit hindi siya makakilos laban sa mga Israelita sapagkat napakarami ng mga ito. Natakot sa mga Israelita ang mga Moabita sapagkat lubhang napakarami ng mga Israelita. Kaya sinabi nila sa pinuno ng Midian, “Uubusin ng mga taong ito ang mga bayan sa paligid natin, tulad ng pag-ubos ng baka sa sariwang damo.” At nagsugo si Haring Balac kay Balaam na anak ni Beor, sa bayan ng Petor, sa may Ilog Eufrates sa lupain ng mga Amaw. Ganito ang kanyang ipinasabi: “May isang sambayanang dumating buhat sa Egipto. Nasakop na nila ang mga bansa sa paligid namin. Malapit na sila ngayon sa aking lupain. Napakarami nila. Magpunta ka agad dito at sumpain mo sila. Siguro malulupig ko sila pagkatapos mong sumpain sapagkat alam kong pinagpapala ang binabasbasan mo at minamalas naman ang mga isinusumpa mo.”

Nagpunta ang mga pinuno ng Moab at ng Midian kay Balaam na dala ang pambayad para sumpain nito ang Israel. Sinabi nila ang ipinapasabi ni Balac. Ito ang tugon ni Balaam: “Dito na kayo matulog ngayong gabi para masabi ko agad sa inyo ang anumang sasabihin sa akin ni Yahweh.” At doon nga sila natulog.

Itinanong ng Diyos kay Balaam, “Sino ba 'yang mga taong kasama mo?”

10 Sumagot si Balaam, “Mga sugo po ni Haring Balac ng Moab na anak ni Zippor. 11 Gusto niyang sumpain ko ang sambayanang galing sa Egipto sapagkat nasakop na ng mga ito ang halos lahat ng lupain sa paligid. Baka raw po sa ganoong paraan niya maitaboy sa malayo ang mga iyon.”

12 Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Hindi ka dapat sumama sa mga taong iyan. Huwag mong sumpain ang mga taong tinutukoy nila sapagkat pinagpala ko ang mga iyon.”

13 Kinaumagahan, sinabi ni Balaam sa mga panauhin niya, “Umuwi na kayo. Ayaw akong pasamahin ni Yahweh sa inyo.” 14 Umuwi nga ang mga pinuno at sinabi kay Haring Balac na ayaw sumama sa kanila ni Balaam.

15 Kaya't nagsugong muli si Balac ng mas marami at kagalang-galang na mga pinuno kay Balaam. 16 Pagdating doon, sinabi nila, “Ipinapasabi ni Balac na huwag kang mag-atubili sa pagpunta sa kanya. 17 Pagdating mo raw doon, pararangalan ka niyang mabuti at ibibigay sa iyo ang anumang magustuhan mo, sumpain mo lamang ang mga Israelita.”

18 Ang sagot ni Balaam, “Ibigay man sa akin ni Balac ang lahat ng ginto't pilak sa kanyang palasyo, kahit kaunti'y hindi ko maaaring suwayin ang utos sa akin ni Yahweh na aking Diyos. 19 Gayunman, dito na kayo magpalipas ng gabi para malaman natin kung ano pa ang sasabihin sa akin ni Yahweh.”

20 Kinagabihan, lumapit ang Diyos kay Balaam at sinabi sa kanya, “Sumama ka sa kanila ngunit ang ipinapasabi ko lamang sa iyo ang sasabihin mo.”

Ang Anghel at ang Asno ni Balaam

21 Kinabukasan ng umaga, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ni Balac,

Roma 6:12-23

12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang may kamatayan upang hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito. 13 Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan. 14 Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, dahil kayo'y wala na sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ngayon, malaya na ba tayong magkasala dahil wala na tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos?

Hinding-hindi! 16 Hindi ba ninyo alam na kapag nagpasakop kayo sa sinumang inyong sinusunod, kayo'y nagiging alipin nito, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o ang pagsunod sa Diyos na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa katotohanan na nasa aral na ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran. 19 Gumagamit ako ng karaniwang pangungusap dahil sa inyong likas na kahinaan. Kung paanong ipinailalim ninyo noong una ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, isuko ninyo ngayon ang inyong sarili bilang alipin ng katuwiran para sa mga banal na layunin.

20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran. 21 Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon. 22 Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y isang buhay na banal at ang ibinubunga nito'y buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.

Mateo 21:12-22

Nagalit si Jesus(A)

12 Pumasok si Jesus sa Templo at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda at namimili roon. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 13 Sinabi(B) niya, “Sinasabi sa Kasulatan,

‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan.’
    Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”

14 Habang si Jesus ay nasa Templo, lumapit sa kanya ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. 15 Nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa niya at marinig ang mga batang sumisigaw sa loob ng Templo, “Purihin ang Anak ni David!”

16 Sinabi(C) nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?”

“Naririnig ko,” tugon ni Jesus. “Hindi ba ninyo nabasa sa kasulatan: ‘Pinalabas mo sa bibig ng mga sanggol at ng mga pasusuhin ang wagas na papuri’?”

17 Iniwan sila ni Jesus at lumabas siya ng lungsod papuntang Bethania. Doon siya nagpalipas ng gabi.

Sinumpa ang Puno ng Igos(D)

18 Kinaumagahan, nang si Jesus ay pabalik sa lungsod, siya'y nakaramdam ng gutom. 19 Nakita niya ang isang puno ng igos sa tabi ng daan at nilapitan iyon. Wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya dito, “Hindi ka na mamumunga kailanman!” Agad na natuyo ang puno.

20 Nakita ng mga alagad ang nangyari at sila'y namangha. “Paanong natuyo agad ang puno ng igos?” tanong nila.

21 Sumagot(E) si Jesus, “Tandaan ninyo: kung kayo'y maniniwala at hindi mag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos na ito. Hindi lamang iyan, kung sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan, at tumalon ka sa dagat,’ mangyayari ang inyong sinabi. 22 Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung naniniwala kayo.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.