Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:49-72

Pananalig sa Kautusan ni Yahweh

(Zayin)

49 Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,
    pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.
50 Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,
    pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
51 Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,
    ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
52 Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,
    ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
    yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
    ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
    Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
    kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.

Pagtupad sa Kautusan ni Yahweh

(Kheth)

57 Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
    kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
58 Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling,
    sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin.
59 Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,
    ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.
60 Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,
    sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.
61 Mga taong masasama kahit ako ay gapusin,
    ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin.
62 Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,
    sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
63 Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,
    mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
64 Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,
    ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan.

Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh

(Tet)

65 Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
    kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66 Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
    yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
    nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68 kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
    sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
    ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
    ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
    pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
    ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.

Mga Awit 49

Kahangalan ang Magtiwala sa Kayamanan

Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

49 Bawat isa ay makinig, makinig ang sino pa man,
    kahit saan naroroon ay makinig ang nilalang!
Kahit ikaw ay dakila o hamak ang iyong lagay,
    makinig na sama-sama ang mahirap at mayaman.
Itong aking sasabihi'y salitang may karunungan,
    ang isipang ihahayag, mahalagang mga bagay;
Ang pansin ko ay itutuon sa bugtong na kasabihan,
    sa saliw ng aking alpa'y ihahayag ko ang laman.

Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib,
    kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid—
mga taong naghahambog, sa yaman ay nananalig,
    dahilan sa yaman nila'y tumaas ang pag-iisip.
Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos,
    hindi kayang mabayara't tubusin sa kamay ng Diyos.
Ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas;
    gaano man ang halagang hawak niya'y hindi sapat
    upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas
    at sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak.

10 Alam(A) naman niyang lahat ay mamamatay,
    kasama ang marunong, maging mangmang o hangal;
    sa lahing magmamana, yaman nila'y maiiwan.
11 Doon sila mananahan sa libingan kailanpaman,
    kahit sila'y may lupaing pag-aari nilang tunay;
12 maging sikat man ang tao, hinding-hindi maiwasan
    katulad din noong hayop, tiyak siyang mamamatay.

13 Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili,
    at sa kanyang kayamanan ay nanghawak na mabuti: (Selah)[a]
14 Tulad niya'y mga tupa, sa patayan din hahantong,
    itong si Kamatayan ang kanyang magiging pastol.
Ang matuwid, magwawagi kapag sumapit ang umaga,
    laban doon sa kaaway na ang bangkay ay bulok na
    sa daigdig ng mga patay, na malayo sa kanila.
15 Ngunit ako'y ililigtas, hindi ako babayaan,
    aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan. (Selah)[b]

16 Di ka dapat mabagabag, ang tao man ay yumaman,
    lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan;
17 hindi ito madadala kapag siya ay namatay,
    ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan.
18 At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay,
    dahilan sa sinusuob ng papuri't nagtagumpay;
19 katulad ng ninuno niya, siya rin ay mamamatay,
    masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan.
20 Ang tao mang dumakila ay iisa ang hantungan,
    katulad ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay!

Mga Awit 53

Ang Kasamaan ng Tao(A)

Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[a]

53 Sinabi(B) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.

Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.

Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”

Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.

Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!

Josue 8:30-35

Binasa ang Kautusan sa Bundok ng Ebal

30 Nagtayo(A) si Josue ng isang altar sa Bundok ng Ebal para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 31 Mga(B) batong hindi tinapyas ng paet ang ginamit niya sa altar ayon sa bilin ni Moises at nasasaad sa Kautusan. Sa ibabaw ng altar na iyon ay nag-alay sila kay Yahweh ng mga handog na sinusunog at mga handog na pinagsasaluhan. 32 Sa lugar na iyon, sa harapan ng buong Israel, iniukit ni Josue sa mga bato ng altar ang kopya ng Kautusang isinulat ni Moises. 33 Lahat(C) ng Israelita, kasama ang mga matatanda, ang mga pinuno, at ang mga hukom, at pati ang mga dayuhang kasama nila, ay tumayo sa magkabilang panig ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, paharap sa mga paring Levita na may dala niyon. Ang kalahati ng bayan ay tumayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim, at ang kalahati'y sa tapat ng Bundok ng Ebal. Ganito ang utos ni Moises na gagawin nila pagsapit ng panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas. 34 Sa sandaling iyo'y binasa ni Josue ang Kautusan, ang mga pagpapala at ang mga sumpa, ayon sa nasusulat sa aklat ng Kautusan. 35 Isa-isang binasa ni Josue ang mga Kautusan sa lahat ng taong naroon, pati sa mga babae at mga bata, at sa mga dayuhang kasama nila.

Roma 14:13-23

Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala ng Iba

13 Huwag na tayong humatol sa isa't isa. Huwag rin tayong maging dahilan ng pagkatisod o pagkakasala ng ating kapatid. 14 Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang anumang likas na marumi. Ngunit kung ang sinuman ay naniniwalang marumi ang anumang bagay, marumi nga iyon sa kanya. 15 Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay natitisod ang iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipahamak ang taong tinubos ng kamatayan ni Cristo dahil sa iyong kinakain. 16 Pag-ingatan mong ang inaakala mong mabuti ay huwag masamain ng iba. 17 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin; ito ay tungkol sa matuwid na pamumuhay, kapayapaan, at kagalakan na ipinagkakaloob ng Espiritu Santo. 18 Ang naglilingkod kay Cristo nang may ganitong kaisipan ay kinalulugdan ng Diyos at iginagalang ng mga tao. 19 Kaya't lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpalakas sa isa't isa. 20 Huwag ninyong sirain ang ginawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay malinis at maaaring kainin. Ngunit hindi mabuti na magkakasala ang iba dahil sa iyong kinakain. 21 Mabuti ang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang magiging sanhi ng pagkakasala ng iyong kapatid. 22 Ikaw at ang Diyos lamang ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Pinagpala ang taong hindi sinusumbatan ng kanyang budhi kapag ginagawa niya ang mga bagay na pinaniniwalaan niyang tama. 23 Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay nagkakasala, sapagkat hindi siya nagiging tapat sa kanyang paniniwala. Ang paggawa ng anuman na labag sa sariling paniniwala ay kasalanan.

Mateo 26:57-68

Si Jesus sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio(A)

57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong pari; doon nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng bayan. 58 Sumunod si Pedro, ngunit hindi gaanong lumalapit. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong pari, pumasok siya sa bakuran at naupo sa patyo kasama ng mga bantay. Nais niyang makita kung ano ang mangyayari.

59 Samantala, ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio ay naghahanap ng maling paratang laban kay Jesus upang siya'y maipapatay, 60 ngunit wala silang nakita kahit na maraming humarap na sinungaling na saksi laban sa kanya. Sa wakas, may dalawang humarap 61 at(B) nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya daw niyang gibain ang Templo ng Diyos at muli itong itayo sa loob ng tatlong araw.”

62 Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi kay Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang na ito laban sa iyo?” 63 Ngunit hindi umimik si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng pinakapunong pari, “Iniuutos ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.”

64 Sumagot(C) si Jesus, “Kayo na ang nagsabi. At sinasabi ko sa inyo, di na magtatagal at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa alapaap!”

65 Pagkarinig(D) nito, pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at sinabi, “Nilapastangan niya ang Diyos! Hindi na natin kailangan ng mga saksi. Narinig ninyo ngayon ang kanyang paglapastangan! 66 Ano ang pasya ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay!”

67 Dinuraan(E) nila si Jesus sa mukha at pinagsusuntok. Pinagsasampal naman siya ng iba, 68 at kinutya, “Hoy, Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.