Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 31

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
    huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
    iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
    matibay na kuta para sa aking kaligtasan.

Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
    ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
    laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
Sa(A) iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
    ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.

Ikaw ay namumuhi sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosang walang halaga,
    ngunit sa iyo, Yahweh, ako umaasa.
Matutuwa ako at magagalak,
    dahil sa pag-ibig mong wagas.
Paghihirap ko'y iyong nakikita,
    alam mo ang aking pagdurusa.
Di mo ako hinayaan sa kamay ng kaaway;
    binigyan pa ng laya sa aking paglalakbay.

O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
    sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
    buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
    dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
    pati mga buto ko'y naaagnas na rin.

11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
    hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
    kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
    parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
    mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
    plano nilang ako ay patayin.

14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
    ikaw ang aking Diyos na dakila!

15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
    iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
    sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
17 Sa iyo, Yahweh, ako'y nananawagan,
    huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan.
Ang masasamang tao ang dapat na mapahiya,
    sa daigdig ng mga patay, tahimik silang bababâ.
18 Patahimikin mo ang mga sinungaling,
    ang mga palalong ang laging layunin,
    ang mga matuwid ay kanilang hamakin.

19 Kay sagana ng mabubuting bagay,
    na laan sa mga sa iyo'y gumagalang.
Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob,
    matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos.
20 Iniingatan mo sila at kinakalinga,
    laban sa balak ng taong masasama;
inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan,
    upang hindi laitin ng mga kaaway.

21 Purihin si Yahweh!
Kahanga-hanga ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin,
    nang ako'y nagigipit at parang lunsod na sasalakayin!
22 Ako ay natakot, labis na nangamba,
    sa pag-aakalang ako'y itinakwil na.
Ngunit dininig mo ang aking dalangin,
    nang ang iyong tulong ay aking hingin.

23 Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan.
Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan,
    ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa kanilang kasalanan.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ang loob,
    kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos.

Mga Awit 35

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David.

35 Ang mga salungat at laban sa akin, O Yahweh, sila ay iyo ngang digmain!
Ang iyong kalasag at sandatang laan,
    kunin mo at ako po ay iyong tulungan.
Dalhin mo ang iyong palakol at sibat,
    at sila'y tugisin hanggang sa mautas.
Sabihin mong ikaw ang Tagapagligtas ng abang lingkod mo, O Diyos na marilag!

Silang nagnanasang ako ay patayin
    ay iyong igupo at iyong hiyain;
at ang nagtatangkang lumaban sa akin,
    hadlangan mo sila at iyong lituhin.
Gawing parang ipa na tangay ng hangin,
    habang tinutugis ng sinugong anghel.
Hayaang magdilim, dumulas ang landas,
    ang anghel ni Yahweh, sa kanila'y wawasak.
Ni walang dahilan, ang hangad sa akin
    ako ay ihulog sa balong malalim, na ginawa nila upang ako'y dakpin.
Hindi nila alam sila'y mawawasak,
    sila'y mahuhulog sa sariling bitag;
    sa hinukay nilang balon, sila'y lalagpak.

Dahilan kay Yahweh, ako'y magagalak;
    sa habag sa akin ako'y iniligtas.
10 Buhat sa puso ko'y aking ihahayag,
    “Tunay ikaw, Yahweh, ay walang katulad!
    Iniingatan mo laban sa malakas, ang mga mahihina't taong mahihirap,
    at sa nang-aapi, sila'y ililigtas.”

11 Ang mga masama'y nagpapatotoo,
    at nagpaparatang ng hindi totoo, sa pagkakasalang walang malay ako.
12 Sa gawang mabuti, ganti ay masama;
    nag-aabang sa akin at nagbabanta.
13 Kapag sila'y may sakit, ang ginagawa ko,
    nagdaramit-luksa at nag-aayuno;
at nananalangin na yuko ang ulo.
14     Para bang ang aking idinadalangin ay isang kapatid na mahal sa akin;
Lumalakad ako na ang pakiramdam,
    wari'y inulila ng ina kong mahal.

15 Nagagalak sila kapag ako'y may dusa;
    sa aking paligid nagtatawanan pa.
Binubugbog ako ng di kakilala,
    halos walang tigil na pagpaparusa.
16 Natutuwa silang ako'y maghinagpis;
    sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit.

17 Hanggang kailan pa kaya, O Yahweh, maghihintay ako sa mahal mong tulong?
    Iligtas mo ako sa ganid na leon;
    sa paglusob nila't mga pagdaluhong.
18 At sa gitna niyong mga kapulungan, ikaw, O Yahweh, pasasalamatan;
    pupurihin kita sa harap ng bayan.

19 Huwag(A) mong tutulutang ang mga kaaway,
    magtawanan sa aking mga kabiguan;
gayon din ang may poot nang walang dahilan,
    magalak sa aking mga kalumbayan.

20 Sila, kung magwika'y totoong mabagsik,
    kasinungalingan ang bigkas ng bibig,
    at ang ginigipit, taong matahimik.
21 Ang paratang nila na isinisigaw:
    “Ang iyong ginawa ay aming namasdan!”
22 Ngunit ikaw, Yahweh, ang nakababatid,
    kaya, Panginoon, huwag kang manahimik;
    ako'y huwag mong iiwan sa paghihinagpis!
23 Ikaw ay gumising, ako'y ipagtanggol,
    iyong ipaglaban ako, Panginoon.
24 O Yahweh, aking Diyos, sadyang matuwid ka, kaya ihayag mong ako'y walang sala;
    huwag mong ipahintulot sa mga kaaway, na sila'y magtawa kung ako'y mamasdan.
25 Huwag mong pabayaang mag-usap-usapan,
    at sabihing: “Aba! Gusto nami'y ganyan!”
Huwag mong itutulot na sabihin nilang:
    “Siya ay nagapi namin sa labanan!”

26 Silang nagagalak sa paghihirap ko,
    lubos mong gapii't bayaang malito;
silang nagpapanggap namang mas mabuti,
    hiyain mo sila't siraan ng puri.
27 Ang nangagsasaya, sa aking paglaya
    bayaang palaging sumigaw sa tuwa;
“Dakila si Yahweh, tunay na dakila;
    sa aking tagumpay, siya'y natutuwa.”

28 Aking ihahayag ang iyong katuwiran,
    sa buong maghapon ay papupurihan!

Josue 4:19-5:1

19 Ika-10 araw ng unang buwan ng taon nang tumawid ng Ilog Jordan ang bayang Israel. Nagkampo sila sa Gilgal na nasa silangan ng Jerico. 20 Doon inilagay ni Josue ang labindalawang bato na ipinakuha niya sa Jordan. 21 Pagkatapos, sinabi niya sa bayang Israel, “Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan, 22 sabihin ninyo sa kanila na lumakad sa tuyong lupa ang bayang Israel nang tumawid sa Ilog Jordan. 23 Sabihin din ninyo na pinatuyo ni Yahweh ang tubig ng Jordan habang kayo'y tumatawid, tulad ng ginawa niya sa Dagat na Pula[a] habang kami'y tumatawid noon. 24 Sa ganitong paraan, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang kapangyarihan ni Yahweh, at pararangalan ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh sa habang panahon.”

Ang Pagtutuli at ang Pagdiriwang ng Paskwa sa Gilgal

Nabalitaan ng mga haring Amoreo na nasa kanluran ng Jordan at ng mga haring Cananeo na nasa baybayin ng Dagat Mediteraneo na pinatuyo ni Yahweh ang Ilog Jordan nang tumawid ang bayang Israel. Dahil dito'y natakot silang lahat, at nasiraan sila ng loob sa pagdating ng mga Israelita.

Josue 5:10-15

10 Samantalang(A) ang mga Israelita ay nasa Gilgal sa kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Paskwa noong kinagabihan ng ikalabing apat na araw ng unang buwan. 11 Kinaumagahan, araw pa rin ng Paskwa, kumain sila ng mga pagkaing inani nila sa lupaing iyon: sinangag na trigo at tinapay na walang pampaalsa. 12 Hindi(B) na muling umulan pa ng manna nang makakain na sila ng mga inani nila sa lupain ng Canaan. Kaya't mula nang taóng iyon, pagkaing inaani na sa Canaan ang kanilang kinakain.

Si Josue at ang Pinuno ng Hukbo ni Yahweh

13 Minsa'y napadako si Josue malapit sa Jerico, nang biglang nagpakita sa kanya ang isang lalaking may hawak na tabak. Nilapitan ito ni Josue at tinanong, “Ikaw ba'y isang kakampi, o isang kaaway?”

14 “Hindi,” sagot ng lalaki. “Ako'y naparito bilang pinuno ng hukbo ni Yahweh.”

Nagpatirapa si Josue at sumamba. Sinabi niya, “Ano po ang ipinag-uutos ni Yahweh sa kanyang alipin?”

15 Sumagot ang pinuno ng hukbo ni Yahweh, “Alisin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat lupang banal ang iyong tinutuntungan.” At ginawa nga ni Josue ang iniutos sa kanya.

Roma 12:9-21

Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. 11 Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin. 13 Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar.

14 Idalangin(A) ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain. 15 Makigalak(B) kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga tumatangis. 16 Magkaisa(C) kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha.[a] Huwag ninyong ipalagay na kayo'y napakarunong.

17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. 18 Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman. 19 Mga(D) minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Sa halip,(E) “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.”[b] 21 Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.

Mateo 26:17-25

Paghahanda sa Pista ng Paskwa(A)

17 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”

18 Sumagot siya, “Puntahan ninyo sa lungsod ang isang tao at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi po ng Guro na sumapit na ang kanyang oras. Siya at ang mga alagad niya'y sa bahay ninyo kakain ng hapunang pampaskwa.’”

19 Sinunod ng mga alagad ang utos ni Jesus, at doo'y inihanda nga nila ang hapunang pampaskwa.

20 Nang gabing iyon, dumulog sa hapag si Jesus, kasama ang Labindalawa.[a] 21 Sinabi ni Jesus habang sila'y kumakain, “Tinitiyak ko sa inyo, ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo!”

22 Nanlumo ang mga alagad, at isa-isang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”

23 Sumagot(B) si Jesus, “Ang kasabay kong nagsawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. 24 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak!”

25 Si Judas na magkakanulo sa kanya ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsabi niyan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.