Book of Common Prayer
Awit ng Tagumpay ni David(A)
Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.
18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
ikaw ang aking kalakasan!
2 Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
3 Kay Yahweh ako'y tumatawag,
sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!
4 Ginapos ako ng tali ng kamatayan;
tinabunan ako ng alon ng kapahamakan.
5 Nakapaligid sa akin ang panganib ng kamatayan,
nakaumang sa akin ang bitag ng libingan.
6 Kaya't si Yahweh ay aking tinawag;
sa aking paghihirap, humingi ng habag.
Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig,
pinakinggan niya ang aking paghibik.
7 Ang buong lupa ay nauga at nayanig,
pundasyon ng mga bundok ay nanginig,
sapagkat ang Diyos ay galit na galit!
8 Lumabas ang usok sa kanyang ilong,
mula sa kanyang bibig ay mga baga at apoy.
9 Nahawi ang langit at siya'y bumabâ,
makapal na ulap ang tuntungan niya.
10 Sa isang kerubin siya ay sumakay;
sa papawirin mabilis na naglakbay.
11 Ang kadilima'y ginawa niyang takip,
maitim na ulap na puno ng tubig.
12 Gumuhit ang kidlat sa harapan niya,
at mula sa ulap, bumuhos kaagad
ang maraming butil ng yelo at baga.
13 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
tinig ng Kataas-taasan, agad narinig.
14 Dahil sa mga palaso na kanyang itinudla, ang mga kaaway ay nangalat sa lupa;
nagsala-salabat ang guhit ng kidlat, lahat ay nagulo kaya't nagsitakas.
15 Dahil sa galit mo, O Yahweh,
sa ilong mo galing ang bugso ng hangin;
kaya't ang pusod ng dagat ay nalantad,
mga pundasyon ng lupa ay nahayag.
16 Mula sa kalangitan, itong Panginoon,
sa malalim na tubig, ako'y iniahon.
17 Iniligtas ako sa kapangyarihan
ng mga kaaway na di ko kayang labanan;
18 Sinalakay nila ako noong ako'y naguguluhan,
ngunit si Yahweh ang sa aki'y nagsanggalang.
19 Nang nasa panganib, ako'y kanyang tinulungan,
ako'y iniligtas sapagkat kanyang kinalulugdan!
20 Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid,
binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis.
21 Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod,
hindi ko tinalikuran ang aking Diyos.
22 Lahat ng utos niya ay aking tinupad,
mga batas niya ay hindi ko nilabag.
23 Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan,
paggawa ng masama ay aking iniwasan.
24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya,
sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala.
25 Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo,
at napakabuti mo sa mabubuting tao.
26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,
ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
27 Ang mapagpakumbaba ay inililigtas mo,
ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo.
28 Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw;
inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman.
29 Pinapalakas mo ako laban sa kaaway,
upang tanggulan nito ay aking maagaw.
30 Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa,
at maaasahan ang kanyang salita!
Siya ay kalasag ng mga umaasa,
at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
31 Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay;
tanging Diyos lamang ang batong tanggulan.
32 Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas,
sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.
33 Tulad(B) ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
34 Sinasanay niya ako sa pakikipagdigma,
upang mabanat ko ang pinakamatigas na pana.
35 Iniingatan mo ako at inililigtas;
sa iyong pagkalinga, ako ngayo'y tanyag,
sa iyong pagtulong, ako'y naging matatag.
36 Inalalayan mo sa bawat paghakbang,
ang mga paa ko'y ni hindi nadulas.
37 Mga kaaway ko'y aking hinahabol,
di ako tumitigil hanggang di sila nalilipol.
38 Di sila makabangon kapag ako'y sumalakay;
sa paanan ko'y bagsak sila at talunan.
39 Pinapalakas mo ako para sa labanan,
at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
40 Mga kaaway ko'y pinapaatras mo,
mga napopoot sa akin ay pinupuksa ko.
41 Humihingi sila ng saklolo ngunit walang tumutulong,
tumatawag rin kay Yahweh ngunit hindi siya tumutugon.
42 Dinurog ko sila, hanggang sa matulad
sa pinong alikabok na ipinapadpad;
aking itinapon, niyapak-yapakan kagaya ng putik sa mga lansangan.
43 Sa mapanghimagsik na bayan ako'y iniligtas mo,
sa maraming bansa'y ginawa mo akong pangulo.
Ang aking nasasakupan ngayo'y marami na,
kahit na nga sila ay hindi ko kilala.
44 Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod,
maging mga dayuhan, sa aki'y yumuyukod.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
nanginginig papalabas sa kanilang muog.
46 Buháy si Yahweh, Diyos ko't Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat!
Ang kanyang kadakilaa'y ating ipahayag!
47 Pinagtatagumpay niya ako sa mga kaaway,
mga bansa'y ipinapailalim niya sa aking paanan;
48 at inililigtas niya ako sa aking mga kalaban.
Laban sa mararahas, ako'y pinagtatagumpay,
sa aking kaaway, ika'y aking kalasag at patnubay.
49 Sa(C) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
ang karangalan mo'y aking aawitin,
ang iyong pangalan, aking sasambahin.
50 Dakilang tagumpay ibinibigay ng Diyos sa kanyang hari;
tapat na pag-ibig ipinadarama niya sa kanyang pinili,
kay David at sa lahat ng kanyang salinlahi.
18 “Sinabi(A) ko sa kanila noon: ‘Ang lupaing ito ang ibinibigay sa inyo ni Yahweh na ating Diyos, ngunit ang lahat ng mandirigma ay makikipaglaban munang kasama ng ibang Israelita. 19 Maiiwan dito ang inyong mga pamilya at ang inyong mga hayop sapagkat alam kong marami kayong alagang hayop. 20 Hindi kayo babalik dito hanggang ang mga kapatid ninyong Israelita ay hindi napapanatag sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh.’
21 “Ito naman ang sinabi ko kay Josue: ‘Nakita mo ang ginawa ni Yahweh sa dalawang haring Amoreo; ganoon din ang gagawin ni Yahweh sa mga hari ng lupaing pupuntahan ninyo. 22 Huwag kang matatakot sa kanila sapagkat si Yahweh ang siyang nakikipaglaban para sa inyo.’
Hindi Pinapasok sa Canaan si Moises
23 “Nakiusap(B) ako noon kay Yahweh. Ang sabi ko, 24 ‘Panginoong Yahweh, pinasimulan mo nang ipakita sa akin ang iyong kapangyarihan. Sinong diyos sa langit o sa lupa ang makakagawa ng iyong ginagawa? 25 Hinihiling ko sa iyong patawirin mo ako sa ibayo ng Jordan upang makita ko ang maganda at masaganang lupaing iyon, ang kaburulan at ang Bundok Lebanon.’
26 “Ngunit hindi niya ako pinakinggan sapagkat nagalit nga siya sa akin dahil sa inyo. Ang sagot niya sa akin: ‘Tumigil ka na! Huwag mo nang mabanggit-banggit sa akin ang bagay na ito. 27 Umakyat ka na lamang sa tuktok ng Pisga at tanawin mo ang paligid sapagkat hindi ka makakatawid ng Jordan. 28 Ituro mo kay Josue ang dapat niyang gawin, at palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop sa lupaing matatanaw mo.’
Ang Poot at Habag ng Diyos
19 Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Tao(A) ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” 21 Wala(B) bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik?
22 Kaya,(C) kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. 23 Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. 24 Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. 25 Ganito(D) ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas,
“Ang dating hindi ko bayan
ay tatawaging ‘Bayan ko,’
at ang dating hindi ko mahal
ay tatawaging ‘Mahal ko.’
26 At(E) sa lugar kung saan sinabing ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buháy.”
27 Ito(F) naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang ang matitira sa kanila na maliligtas. 28 Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig.” 29 Si(G) Isaias din ang nagsabi, “Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y naging katulad ng Sodoma at Gomorra.”
Ang Israel at ang Magandang Balita
30 Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel naman, na nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, ay nabigo. 32 Bakit? Dahil sinikap nilang kalugdan sila ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 tulad(H) ng nasusulat,
“Tingnan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng batong katitisuran,
isang malaking bato na sa kanila'y magpapabuwal.
Ngunit ang sumasampalataya sa batong ito ay hindi mapapahiya.”
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)
24 Lumabas si Jesus sa Templo. Paalis na siya nang lumapit ang mga alagad at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Templo. 2 Sinabi niya sa kanila, “Nakikita ba ninyo ang mga gusaling iyan? Tandaan ninyo! Darating ang araw na wala riyang matitirang bato sa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ay iguguho!”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)
3 Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Kailan po ba mangyayari ang mga sinabi ninyo? Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?”
4 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! 5 Maraming paparito sa pangalan ko at magpapanggap na sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. 6 Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba't ibang dako. Ngunit huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama't hindi pa iyon ang katapusan ng mundo. 7 Maglalaban-laban ang mga bansa at gayundin ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa maraming lugar. 8 Ang lahat ng mga ito'y pasimula pa lamang ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak.
9 “Pagkatapos(C) ay kapopootan kayong lahat dahil sa inyong pagsunod sa akin. Isasakdal kayo upang pahirapan at patayin, 10 at dahil dito'y marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Mapopoot sila at magtataksil sa isa't isa. 11 Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. 12 Lalaganap ang kasamaan, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami. 13 Ngunit(D) ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 14 Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balitang ito tungkol sa kaharian ng Diyos upang magsilbing patotoo sa lahat ng mga bansa. At saka darating ang wakas.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.