Book of Common Prayer
Awit sa Maharlikang Kasalan
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit; isang awit ng pag-ibig.
45 Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan,
habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal;
ang katulad ng dila ko ay panulat ng maalam,
panulat ng dalubhasang sumulat ng kasaysayan.
2 Sa lahat nga ng nilikha, makisig kang hindi hamak,
kapag nagtatalumpati'y pambihira kung mangusap;
ikaw nga ay pinagpala ng Diyos sa tuwi-t’wina.
3 O ikaw na haring bantog, isakbat mo ang sandata;
sagisag mo'y maharlika, malakas nga't dakila ka!
4 Maglakbay kang mayro'ng dangal tinataglay ang tagumpay,
alang-alang sa matuwid, ipagtanggol ang katuwiran;
tagumpay ay matatamo sa lakas mong tinataglay.
5 Palaso mo'y matatalim, pumapatay ng kaaway;
susuko ang mga bansa at sa iyo'y magpupugay.
6 Iyang(A) tronong tinanggap mo na kaloob ng Diyos,[b]
isang tronong magtatagal at hindi na matatapos;
matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop.
7 Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.
8 Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango,
mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako;
inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo.
9 O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga,
samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna,
palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya.
10 O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin;
ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
11 Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.
12 Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin,
pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.
13 Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda;
sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya.
14 Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta,
mga abay ay kasama, haharap sa hari nila.
15 Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap.
16 Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.
17 Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila,
kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!
Kataas-taasang Hari
Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
47 Magdiwang ang lahat ng mga nilikha!
Pumalakpak kayong may awit at tuwa, bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
2 Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan, ay dakilang haring dapat na igalang;
siya'y naghahari sa sangkatauhan.
3 Tayo'y pinagwagi sa lahat ng tao,
sa lahat ng bansa'y namahala tayo.
4 Siya ang pumili ng ating tahanan,
ang lupang minana ng mga hinirang. (Selah)[a]
5 Lumuklok sa trono si Yahweh na ating Diyos,
sigawan at trumpeta ang siyang tumutunog.
6 Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya'y papurihan!
7 Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa;
awita't purihin ng mga nilikha!
8 Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
9 Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
sasama ang mga pamunuan ng lahat ng bansa sa sandaigdigan.
Ang mga sandata ng lahat ng kawal,
lahat ay sa Diyos na kataas-taasan.
Zion, ang Bayan ng Diyos
Awit na katha ng angkan ni Korah.
48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
2 Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
3 Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bayan.
4 Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
5 Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
pawang nagsitakas at nahintakutan.
6 Ang nakakatulad ng pangamba nila
ay pagluluwal ng butihing ina.
7 Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.
8 Sa banal na lunsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[b]
9 Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11 Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.
12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13 ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14 na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
sa buong panahon siya ang patnubay.
Ang Plano Laban sa Lunsod ng Ai
8 At sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob. Tipunin mo ang lahat mong mga kawal at salakayin ninyo ang lunsod ng Ai. Ibibigay ko sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga tauhan, lunsod at mga lupain. 2 Gagawin ninyo sa Ai ang ginawa ninyo sa Jerico. Ngunit maaari ninyong kunin ang kanilang mga alagang hayop at mga ari-arian. Maghanda kayo at salakayin ninyo ang lunsod buhat sa likuran.”
3 Inihanda nga ni Josue ang lahat niyang kawal upang salakayin ang Ai. Pumili siya ng tatlumpung libong magigiting na kawal, at kinagabiha'y pinalabas ng kampo. 4 Ganito ang tagubilin niya sa kanila: “Magtago kayo sa dakong likuran ng lunsod, sa di kalayuan, at humanda kayong sumalakay sa anumang oras. 5 Kami ng mga kasama ko ay sasalakay sa harapan. Kapag hinabol kami ng mga taga-lunsod, aatras kami gaya ng ginawa natin noong nakaraan. 6 Aakalain nilang natakot kami tulad noong una, kaya hahabulin nila kami hanggang sa sila'y mapalayo sa lunsod. 7 Lalabas naman kayo sa inyong pinagtataguan at papasukin ninyo ang lunsod. Ito'y ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 8 Kapag nasakop na ninyo ang lunsod, sunugin ninyo ito, gaya ng sinabi ni Yahweh. Tandaan ninyo ang mga tagubilin kong ito.” 9 Pinalabas nga sila ni Josue, at sila'y nagtago sa dakong likuran ng Ai—sa pagitan nito at ng Bethel. Samantala, nanatili si Josue sa kampo kasama ng ibang tauhan ng Israel.
Ang Pagsakop sa Lunsod ng Ai
10 Kinabukasan, maaga pa'y bumangon na si Josue at tinipon ang buong hukbo. Siya at ang mga pinuno ng Israel ang nanguna patungo sa Ai. 11 Pumunta sila sa gawing bukana ng lunsod at nagtayo ng kampo sa harap niyon, sa gawing hilaga. Isang libis ang nasa pagitan nila at ng lunsod ng Ai. 12 Nagbukod si Josue ng limanlibong mandirigma na pinakubli niya sa kanluran ng lunsod—sa pagitan nito at ng Bethel. 13 Ganito ang hanay ng mga kawal sa simula ng labanan: ang pinakamalaking bahagi ay sa harapan sa dakong hilaga ng lunsod at ang mga nakakubling mandirigma, sa gawing kanluran naman. Sa libis na iyon nagpalipas ng gabi si Josue. 14 Hindi nag-aksaya ng panahon ang hari at ang mga taga-Ai nang makita ang pangkat ni Josue. Lumabas sila ng lunsod at nilusob ang hukbo ng Israel sa Kapatagan ng Jordan, sa dating pinaglabanan nila. Wala silang malay na may sasalakay sa kanilang likuran. 15 Si Josue naman at ang mga kasama niya'y nagkunwaring natatalo at umatras patungo sa ilang. 16 Kaya't hinabol sila ng lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa mapalayo sila sa lunsod. 17 Lahat ng lalaki sa Ai at sa Bethel ay sumama sa paghabol sa mga Israelita at naiwang walang bantay ang lunsod.
18 Noon sinabi ni Yahweh kay Josue, “Ituro mo sa Ai ang iyong sibat. Ito'y ibinibigay ko sa inyo ngayon.” Ganoon nga ang ginawa ni Josue. 19 Pagkataas ng kanyang kamay, naglabasan ang mga tauhan niya sa kanilang pinagtataguan. Pinasok nila ang lunsod at sinunog iyon. 20 Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nilang abot sa langit ang usok na nagmumula sa lunsod. Hindi naman sila makasulong o makaurong; bigla silang hinarap ng mga Israelitang hinahabol nilang patungo sa ilang. 21 Sapagkat nang makita ni Josue at ng mga Israelita na ang mga kasama nilang nakakubli'y pumasok na sa lunsod at ito'y nasusunog na, bumalik sila at pinagpapatay ang mga taga-Ai. 22 Dumagsa rin buhat sa lunsod ang mga Israelitang pumasok doon, kaya't ganap na napalibutan ang mga taga-Ai. Namatay silang lahat, at walang nakaligtas o nakatakas ni isa man.
Huwag Hatulan ang Inyong Kapatid
14 Tanggapin(A) ninyo ang mahihina sa kanilang paniniwala, at huwag makipagtalo sa kanya tungkol sa kanyang kuru-kuro. 2 May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman, ngunit gulay lamang ang kinakain ng mahina sa kanyang paniniwala. 3 Huwag hamakin ng taong kumakain ng anuman ang taong kumakain ng gulay lamang. At huwag namang hatulan ng kumakain ng gulay lamang ang taong kumakain ng anuman, sapagkat siya'y tinatanggap din ng Diyos. 4 Sino ka upang humatol sa lingkod ng iba? Ang panginoon lamang niya ang makahahatol kung siya'y karapat-dapat o hindi. At ituturing naman siyang karapat-dapat sapagkat kayang gawin iyon ng Panginoon.
5 May nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang mga araw. May naniniwala namang pare-pareho ang lahat ng araw. Dapat tiyakin ng bawat isa kung ano ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito. 6 Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga rito alang-alang sa Panginoon. Ang kumakain ng anuman ay kumakain niyon alang-alang sa Panginoon, sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ng ilang uri ng pagkain ay gumagawa ng ganoon alang-alang din sa Panginoon, at nagpapasalamat din siya sa Diyos. 7 Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. 8 Kung tayo'y nabubuhay, para sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, para sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon. 9 Sapagkat si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. 10 Ngunit(B) ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. 11 Sapagkat(C) nasusulat,
“Sabi ng Panginoon, ‘Dahil ako'y buháy,
ang lahat ay luluhod sa harap ko,
at ang bawat isa'y magpupuri sa Diyos.’”
12 Kaya't bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos.
Ang Pagdakip kay Jesus(A)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas, na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at pamalo; isinugo sila ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan. 48 Bago pa sila dumating doon, sinabi na ng taksil sa kanyang mga kasama, “Kung sinong hahalikan ko, siya ang dakpin ninyo.”
49 Nilapitan niya agad si Jesus at binati, “Magandang gabi po, Guro,” saka hinalikan.
50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.”[a] At siya'y nilapitan nila at dinakip.
51 Bumunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Jesus at tinaga ang utusan ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon.
52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan! Ang nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay. 53 Hindi mo ba alam na kung hihingi ako ng tulong sa aking Ama ay papadalhan agad niya ako ng higit sa labindalawang batalyon ng mga anghel? 54 Ngunit paano matutupad ang mga Kasulatan na nagsasabing ito'y dapat mangyari?”
55 Pagkatapos(B) sinabi niya sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may mga tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw, nakaupo akong nagtuturo sa Templo, ngunit hindi ninyo ako dinakip.
56 Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.”
Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.