Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 38

Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap

Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
    O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
    at iyong mga kamay, hinampas sa akin.

Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
    dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
    mabigat na lubha itong aking dala.

Malabis ang paglala nitong aking sugat,
    dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
Wasak at kuba na ang aking katawan;
    sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
    lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
    puso'y dumaraing sa sakit na taglay.

O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
    ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
    ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
    dahil sa sugat ko sa aking katawan;
    lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
    ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
    maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.

13 Para akong bingi na di makarinig,
    at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
    walang marinig katulad ng isang bingi.

15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
    aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
    sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
    mahapdi't makirot ang aking katawan.

18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
    mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
    wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
    dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.

21 Yahweh, huwag akong iiwan;
    maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!

Mga Awit 119:25-48

Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh

(Daleth)

25 Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok,
    sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
26 Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo,
    ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro.
27 Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan,
    iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan.
28 Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot;
    sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
29 Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan,
    pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
30 Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin,
    sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
31 Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko;
    huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo.
32 Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin,
    dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin.

Panalangin Upang Makaunawa

(He)

33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
    at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
    buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
    pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
    higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
    at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
    ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
    sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
    pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.

Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh

(Vav)

41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
    ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
    yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
    pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
    susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
    yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
    hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
    di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
    sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.

Josue 3:1-13

Tumawid ng Ilog Jordan ang mga Israelita

Maagang-maaga pa'y gumising na si Josue at ang buong Israel. Umalis sila sa Sitim patungong Ilog Jordan, at nagkampo sila sa pampang nito bago tumawid.

Paghahanda sa Pagtawid

Pagkalipas ng tatlong araw, naglibot sa kampo ang mga pinuno at sinabi sa mga tao, “Kapag nakita ninyong dala ng mga paring Levita ang Kaban ng Tipan ng Diyos ninyong si Yahweh, lumakad na kayo at sumunod doon. Sa kanila ninyo malalaman kung saan kayo daraan, sapagkat hindi pa kayo nakakarating dito kahit minsan. Ngunit huwag kayong masyadong lalapit sa Kaban ng Tipan; paunahin ninyo ito nang mga 900 metro.”

Sinabi naman ni Josue sa mga tao, “Linisin ninyo ang inyong mga sarili sapagkat bukas ay masasaksihan ninyo ang mga himalang gagawin ni Yahweh.” Pagkatapos ay inutusan niya ang mga paring Levita, “Buhatin na ninyo ang Kaban ng Tipan at mauna kayo sa mga taong-bayan.” At iyon nga ang ginawa nila.

Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Sa araw na ito'y gagawin kitang dakila sa paningin ng buong Israel. Sa gagawin ko'y mababatid nilang pinapatnubayan kita, tulad ng ginawa ko kay Moises. Sabihin mo sa mga paring Levita na magdadala ng Kaban ng Tipan na magtuloy na sila sa Ilog Jordan, ngunit pagdating nila sa tubig sa pampang nito ay huminto muna sila.”

9-10 At tinawag ni Josue ang mga tao at sinabi sa kanila, “Halikayo at pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na inyong Diyos. Dito ninyo malalaman na kasama ninyo ang Diyos na buháy. Pagdating ninyo roon, lilipulin niya ang mga Cananeo, ang mga Heteo, ang mga Hivita, ang mga Perezeo, ang mga Gergeseo, ang mga Amoreo, at ang mga Jebuseo. 11 Ang Kaban ng Tipan ng Panginoon ng buong mundo ay mauunang itatawid ng Ilog Jordan. 12 Pumili kayo ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lipi ng Israel. 13 Kapag tumuntong na sa tubig ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Panginoon ng buong mundo, titigil ng pag-agos ang Ilog Jordan. Ang tubig ay matitipon sa isang lugar.”

Roma 11:25-36

Nahahabag ang Diyos sa Lahat

25 Mga kapatid, isang hiwaga ang nais kong malaman ninyo upang hindi maging mataas ang palagay ninyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng Israel ay sa isang bahagi lamang hanggang sa mabuo ang takdang bilang ng lahat ng mga Hentil na lalapit sa Diyos. 26 Sa paraang ito, maliligtas ang buong Israel; tulad ng nasusulat:

“Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas.
    Papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.
27 At(A) ito ang gagawin kong kasunduan namin
    kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.”

28 Dahil tinanggihan ng mga Israelita ang Magandang Balita, sila'y naging kaaway ng Diyos, at kayong mga Hentil ang nakinabang. Ngunit dahil sa sila ang mga hinirang ng Diyos, sila'y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. 30 Noon, kayong mga Hentil ay hindi sumusunod sa Diyos, ngunit ngayon, kayo ay tumanggap ng habag ng Diyos nang sumuway ang mga Judio. 31 Gayundin naman, dahil sa habag ng Diyos na inyong naranasan, sinusuway naman ngayon ng mga Judio ang Diyos, nang sa gayo'y maranasan din nila [ngayon][a] ang kanyang habag. 32 Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin sa pagsuway ang lahat ng tao upang maipadama niya sa kanila ang kanyang habag.

Papuri sa Diyos

33 Lubhang(B) napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat,

34 “Sino(C) ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon?
    Sino ang maaaring maging tagapayo niya?
35 Sino(D) ang nakapagbigay ng anuman sa kanya
    na dapat niyang bayaran?”

36 Sapagkat(E) ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.

Mateo 25:31-46

Ang Paghuhukom

31 “Sa(A) maluwalhating pagdating ng Anak ng Tao, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Tipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat(B) ako'y nagugutom at ako'y inyong pinakain; ako'y nauuhaw at ako'y inyong pinainom. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y hubad at ako'y inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’

37 “Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y hubad at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’

40 “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’

41 “Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko, kayong mga isinumpa! Doon kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y hubad. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.’

44 “At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, hubad, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?’

45 “At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ 46 Itataboy(C) ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay pupunta sa buhay na walang hanggan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.