Book of Common Prayer
Ang Dakilang Hari
Awit ni David.
24 Ang(A) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
2 Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
3 Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
4 Ang(B) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
6 Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]
7 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
8 Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
si Yahweh, matagumpay sa labanan.
9 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.[a]
8 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
2 Pinupuri(A) ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
3 Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
4 Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan;
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
5 Nilikha(C) mo siyang mababa sa iyo[b] nang kaunti,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
6 Ginawa(D) mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
7 mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
8 lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
at lahat ng nilikhang nasa karagatan.
9 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
8 Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]
9 Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.
10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!
Nagsalita si Josue sa mga Tao sa Shekem
24 Tinipon ni Josue sa Shekem ang lahat ng lipi ng Israel. Pinapunta niya roon ang matatandang namumuno, mga tagapangasiwa, ang mga hukom at ang mga opisyal ng Israel, at sila'y humarap sa Diyos. 2 Sinabi(A) niya, “Ito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Noong una, ang inyong mga ninuno ay nanirahan sa kabila ng Ilog Eufrates. Isa sa mga ito si Terah na ama ni Abraham at ni Nahor. Sumamba sila sa mga diyus-diyosan. 3 Tinawag(B) ko si Abraham buhat sa lupaing iyon at dinala ko siya at pinatnubayan sa buong lupain ng Canaan. Pinarami ko ang lahing nagmula sa kanya. Ibinigay ko sa kanya si Isaac, 4 at(C) kay Isaac ay ibinigay ko si Jacob at si Esau. Ibinigay ko kay Esau ang kaburulan ng Seir bilang bahagi niya. Ngunit si Jacob at ang kanyang mga anak ay nagpunta sa Egipto. 5 Isinugo(D) ko si Moises at si Aaron, at sa pamamagitan ng mga salot ay pinahirapan ko ang mga Egipcio. Pagkatapos ay inilabas ko kayo roon. 6 Inilabas(E) ko sa Egipto ang inyong mga ninuno at nakarating sila sa Dagat na Pula.[a] Hinabol sila ng mga Egipciong sakay ng mga karwahe at kabayo hanggang sa may dagat. 7 Ang inyong mga ninuno'y humingi ng tulong sa akin, at naglagay ako ng dilim sa pagitan nila at ng mga Egipcio. Pinagsama kong muli ang nahating dagat at sila'y natabunan ng tubig. Nasaksihan ninyo ang mga ginawa ko sa mga Egipcio. At matagal kayong nanirahan sa ilang.
8 “‘Pagkatapos,(F) dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan. Nilabanan nila kayo, ngunit pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. Pinuksa ko sila at nasakop ninyo ang kanilang lupain. 9 Nilabanan(G) kayo ng hari ng Moab na si Balac na anak ni Zippor at isinugo niya si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo. 10 Ngunit hindi ko hinayaang gawin ni Balaam iyon, sa halip pinagpala niya kayo. Sa ganoon, iniligtas ko kayo sa kamay ni Balac. 11 Tumawid(H) kayo ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nilabanan kayo ng mga taga-Jerico at ng mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Hivita, at Jebuseo. Ngunit sila'y ibinigay ko sa inyong kapangyarihan. 12 Parang(I) hinabol ng mga putakti na nagtakbuhan ang dalawang haring Amoreo at pinalayas ko sila bago kayo dumating. Walang kinalaman sa pangyayaring iyon ang inyong mga tabak at pana. 13 Binigyan(J) ko kayo ng lupaing hindi ninyo binungkal. Pinatira ko kayo sa mga lunsod na hindi kayo ang nagtayo. Kumakain kayo ngayon ng ubas at olibo na galing sa mga punong hindi kayo ang nagtanim.’
14 “Kaya ngayon, sambahin ninyo si Yahweh at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't katapatan. Alisin ninyo ang mga diyus-diyosang dating sinasamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia at sa Egipto. Si Yahweh lamang ang inyong paglingkuran. 15 At kung ayaw ninyong maglingkod kay Yahweh, pumili kayo ngayon kung sino ang inyong paglilingkuran: ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o ang mga diyos ng mga Amoreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinitirhan. Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, kay Yahweh kami maglilingkod.”
23 Kaya't nagtakda sila ng araw. Marami ngang pumunta sa tinitirhan ni Pablo pagsapit ng araw na iyon. Maghapon siyang nagpaliwanag sa kanila at nagpatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises at ng mga sinulat ng mga propeta, sinikap niyang hikayatin sila tungkol kay Jesus. 24 May naniwala at mayroon din namang hindi naniwala sa kanyang sinabi. 25 Kaya't nang hindi sila magkaisa, sila'y umalis matapos sabihin ni Pablo ang ganitong pangungusap, “Tama ang sinabi ng Espiritu Santo sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias,
26 ‘Pumunta(A) ka sa mga taong ito at sabihin mo sa kanila,
Makikinig kayo nang makikinig ngunit hindi kayo makakaunawa,
at titingin kayo nang titingin ngunit hindi kayo makakakita.
27 Sapagkat naging mapurol ang isip ng mga taong ito,
tinakpan ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
Kung hindi, makakakita sana ang kanilang mga mata,
makakarinig ang kanilang mga tainga,
at makakaunawa ang kanilang mga pag-iisip.
at magbabalik-loob sila sa akin,
at sila'y aking pagagalingin, sabi ng Panginoon.’”
28 Idinagdag pa ni Pablo, “Sinasabi ko sa inyo, ipinahayag na sa mga Hentil ang kaligtasang ito na mula sa Diyos, at diringgin nila ito!” [29 Matapos niyang sabihin ito, ang mga Judio'y umalis at mahigpit na nagtalu-talo.][a]
30 Nanirahan si Pablo sa Roma nang dalawang taon, sa bahay na kanyang inupahan, at tinanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kanya. 31 Siya'y buong tapang at malayang nangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
23 Isang(B)(C) Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus at ang kanyang mga alagad sa triguhan. Habang sila'y naglalakad, ang mga alagad ay pumipitas ng trigo. 24 Sinabi ng mga Pariseo kay Jesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!”
25-26 Sinagot(D) naman sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong panahong si Abiatar ang pinakapunong pari? Nang si David at ang kanyang mga kasama'y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan. Ayon sa Kautusan, ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon.”
27 Sinabi rin ni Jesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. 28 Ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Araw ng Pamamahinga.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.