Book of Common Prayer
4 Kaya nga, mga minamahal at pinananabikan kong kapatid, kayo ang aking tuwa at karangalan. Magpakatatag kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.
Mga Pangaral
2 Nakikiusap ako kina Euodias at Sintique, na magkaisa sila ng pag-iisip bilang bunga ng kanilang pagiging isa sa Panginoon. 3 Hinihiling ko rin sa iyo, tapat kong kasama, na alalayan mo ang mga babaing ito. Kasama ko silang nakipaglaban para sa ebanghelyo, kasama rin si Clemente, at iba ko pang mga kamanggagawa. Ang mga pangalan nila ay nasa aklat ng buhay. 4 Magalak kayong lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin: Magalak kayo. 5 Makilala sana ng lahat ng tao ang inyong kahinahunan. Ang Panginoon ay malapit nang dumating. 6 Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, sa halip ay idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan tungkol sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamong may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos, na higit pa sa kaya nating maunawaan, ang magbabantay sa inyong mga puso at mga pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
8 Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kanais-nais, anumang bagay na kahanga-hanga, kung may anumang kahusayan, at kung may karapat-dapat parangalan, ang mga bagay na ito ang isipin ninyo. 9 Ang mga bagay na inyong natutuhan o tinanggap at narinig o nakita sa akin ay patuloy ninyong isagawa; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.
Pasasalamat sa Kaloob ng mga Taga-Filipos
10 Ako'y galak na galak sa Panginoon, na ngayon, pagkalipas ng mahabang panahon, ay muli ninyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin. Sa katunayan, lagi kayong may pagmamalasakit sa akin. Wala nga lamang kayong pagkakataon. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil may pangangailangan ako, sapagkat natutuhan ko na ang masiyahan kahit anuman ang aking kalagayan. 12 Alam ko kung paano maghikahos, alam ko rin kung paano managana. Sa lahat ng bagay at anumang kalagayan ay natutuhan ko ang lihim sa pagkabusog, at sa pagkagutom, at maging sa kasaganaan at sa kasalatan. 13 Ang lahat ay magagawa ko sa pamamagitan ni Cristo na nagbibigay-lakas sa akin.
Ang Pagpapahiwatig ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
27 “Ngayon, ang kaluluwa ko'y nababagabag. At ano'ng sasabihin ko? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito’? Ngunit ang oras na ito ang dahilan kung bakit naparito ako. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.” 29 Narinig ito ng mga taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Ang iba naman ay nagsabing, “May anghel na kumausap sa kanya.” 30 Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, at hindi para sa akin. 31 Ngayon na ang paghuhukom ng sanlibutang ito. Ngayon, ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin. 32 At ako, kapag naitaas na mula sa lupa, ilalapit ko ang mga tao sa akin.” 33 Sinabi niya ito upang ilarawan kung paano siya mamamatay. 34 (A)Sumagot ang mga tao, “Narinig namin mula sa kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing ang Anak ng Tao ay itataas? Sino ba itong Anak ng Tao?” 35 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ang ilaw nang ilang sandali. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang sa gayo'y hindi kayo madaig ng kadiliman. Hindi nalalaman ng lumalakad sa dilim ang kanyang pupuntahan. 36 Habang kasama pa ninyo ang ilaw, sumampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.” Pagkasabi nito, umalis si Jesus at nagtago sa kanila.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.