Book of Common Prayer
Ang Tunay na Katuwiran
3 Kahuli-hulihan, mga kapatid ko, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kalabisan para sa akin ang muli kong isulat sa inyo ang dati ko nang naisulat, sa halip, ito'y upang kayo'y ingatan.
2 Mag-ingat kayo sa mga aso, sa mga gumagawa ng masasama, at sa mga sumusugat sa kanilang katawan. 3 Sapagkat tayo ang mga tunay na tuli, na naglilingkod sa tulong ng Espiritu ng Diyos at ang ating pagmamalaki ay nakay Cristo Jesus, at hindi sa anumang ginagawa sa ating katawan. 4 Bagaman maaari kong gawin iyon. Kung sa palagay ng iba may dahilan silang magmalaki, lalo na ako: 5 tinuli ako (A) nang ikawalong araw, akong mula sa lahi ng Israel, mula sa lipi ni Benjamin, isang tunay na Hebreo, at tungkol sa kautusan, ako'y isang Fariseo. 6 Kung ang pag-uusapan (B) ay sigasig, ako ay naging tagausig ng iglesya; at tungkol naman sa katuwirang ayon sa kautusan, ako ay walang kapintasan. 7 Subalit ang mga bagay na maaari ko sanang pakinabangan ay itinuring kong kalugihan dahil kay Cristo. 8 Sa katunayan, ang lahat ng bagay ay itinuring kong kalugihan dahil sa hindi matatawarang halaga ng pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kanya'y pinawalang-halaga ko ang lahat ng bagay, at itinuring kong basura, upang makamtan ko si Cristo, 9 at ako'y matagpuan na nasa kanya. Wala akong sariling katuwiran batay sa kautusan, kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang buhat sa Diyos na nakabatay sa pananampalataya. 10 Ang naisin ko'y makilala siya at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay at makibahagi sa kanyang mga pagdurusa, at matulad ako sa kanya maging sa kanyang kamatayan, 11 upang hangga't maaari ay makamtan ko ang muling pagkabuhay mula sa kamatayan.
Pagpapatuloy sa Mithiin
12 Hindi sa ito'y nakamit ko na, o ako'y nakarating na sa hangganan; sa halip ay nagpapatuloy ako upang makamit ko ang bagay na ito, yamang ako ay nakamit na ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko itinuturing na iyon ay nakamit ko na; ngunit isang bagay ang ginagawa ko: nililimot ko ang mga bagay na nakaraan, at sinisikap kong abutin ang mga bagay na hinaharap. 14 Patuloy akong tumatakbo patungo sa hangganan para sa gantimpala ng makalangit[a] na pagtawag ng Diyos bunga ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
9 Nang malaman ng napakaraming Judio na naroon si Jesus, pumunta sila roon hindi lamang dahil kay Jesus, kundi upang makita rin nila si Lazaro na muli niyang binuhay. 10 Nagplano rin ang mga punong pari na patayin si Lazaro, 11 sapagkat siya ang dahilan kung bakit marami sa mga Judio ang lumalayo sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.
Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem
12 Kinabukasan, nabalitaan ng napakaraming taong naroon sa pista na si Jesus ay pupunta sa Jerusalem. 13 (A)Kaya kumuha sila ng mga sanga ng puno ng palma at lumabas sila upang salubungin siya. Nagsigawan sila,
“Hosanna!
Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon,
ang Hari ng Israel!”
14 Nakita ni Jesus ang isang asno at sumakay siya rito. Gaya ng nasusulat,
15 (B)“Huwag kang matakot, anak na babae ng Zion.
Narito ang iyong hari,
dumarating na nakasakay sa batang asno!”
16 Noong una, hindi naunawaan ng mga alagad ni Jesus ang mga bagay na ito. Subalit nang siya ay luwalhatiin na, naalala nila na ang mga ito ay nakasulat tungkol sa kanya at ginawa nga sa kanya. 17 Kaya patuloy na nagpatotoo ang mga taong kasama niya noong tawagin niya si Lazaro mula sa libingan at muli itong binuhay. 18 Nabalitaan din nila na gumawa si Jesus ng ganitong himala, kaya't nagpunta sila para salubungin siya. 19 Dahil dito sinabi ng mga Fariseo sa isa't isa, “Wala tayong magagawa. Tingnan ninyo at sumusunod na sa kanya ang buong mundo.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.