Book of Common Prayer
Ang Panunumbalik ng Israel
25 Mga kapatid, hindi ko nais na kayong mga Hentil ay maging mataas ang tingin sa sarili. Kaya't nais kong maunawaan ninyo ang hiwagang ito. Nagkaroon ng pagmamatigas ang isang bahagi ng Israel, hanggang makapasok ang kabuuang bilang ng mga Hentil. 26 Sa (A) ganitong paraan maliligtas ang buong Israel. Gaya ng nasusulat,
“Magbubuhat sa Zion ang sasagip sa atin;
aalisin niya ang kasamaan mula sa lahi ni Jacob.”
27 “At ito (B) ang aking pakikipagtipan sa kanila,
kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.”
28 Tungkol sa ebanghelyo, naging kaaway sila ng Diyos alang-alang sa inyo. Tungkol naman sa paghirang, sila'y mga minamahal ng Diyos alang-alang sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat hindi maaaring bawiin ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos. 30 Dati kayong mga suwail sa Diyos subalit ngayo'y kinahabagan dahil sa kanilang pagsuway. 31 Ngayon nama'y sila ang naging suwail upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ng habag ng Diyos. 32 Sapagkat ibinilanggo ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang mahabag siya sa lahat.
33 Napakalalim(C) ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi maabot ng isip ng tao ang kanyang hatol, at hindi masiyasat ang kanyang mga paraan!
34 “Sapagkat sino (D) ang nakaaalam sa pag-iisip ng Panginoon,
o sino ang kanyang naging tagapayo?”
35 “Sino (E) ang nakapagbigay sa Diyos ng anuman,
upang siya'y bayaran ng Diyos?”
36 Sapagkat (F) mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
28 Pagkasabi niya nito, bumalik siya kay Maria. Tinawag niya ito at palihim niyang sinabi, “Nandito ang guro at tinatawag ka.” 29 Nang marinig ito ni Maria, nagmadali siyang tumayo at pinuntahan si Jesus. 30 Hindi pa nakararating si Jesus sa nayon, naroon pa lang siya sa lugar na kinasalubungan sa kanya ni Marta. 31 Nakita ng mga Judiong kasama ni Maria sa bahay at umaaliw sa kanya na nagmadali siyang tumayo at umalis. Kaya sinundan nila si Maria sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan para tumangis doon. 32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, lumuhod siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito ka lang, hindi po sana namatay ang aking kapatid.” 33 Nang makita ni Jesus na tumatangis si Maria, maging ang mga Judiong kasama niya, nabagbag ang kanyang kalooban at siya'y nabahala. 34 Nagtanong si Jesus, “Saan ninyo siya inilagay?” Sumagot sila, “Halikayo, Panginoon, at tingnan ninyo.” 35 Tumangis si Jesus. 36 Dahil dito, sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazaro!” 37 Subalit ilan sa kanila ang nagsabi, “Hindi ba ang taong ito ang nagpagaling sa taong bulag? Bakit hindi niya napigilan ang pagkamatay ni Lazaro?”
Binuhay ni Jesus si Lazaro
38 Muling nabagabag si Jesus nang dumating siya sa libingan. Ito’y isang yungib at may batong nakatakip doon. 39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Sinabi sa kanya ni Marta na kapatid ng namatay, “Panginoon, nangangamoy na siya dahil apat na araw na siyang patay.” 40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko na sa iyo na kung ikaw ay sasampalataya, makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” 41 Kaya tinanggal nila ang bato. Tumingala si Jesus at nagsabi, “Ama, salamat dahil dininig mo ako. 42 Alam kong lagi mo akong pinakikinggan, ngunit sinabi ko ito para sa mga taong nakatayo rito, upang sila'y maniwala na isinugo mo ako.” 43 Pagkasabi niya nito, sumigaw siya nang malakas, “Lazaro, lumabas ka!” 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng tela ang mga kamay at paa, gayundin ang kanyang mukha. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at hayaang makaalis.”
Ang Kawalan ng Pananampalataya ng mga Tao
37 Kahit na gumawa si Jesus ng maraming himala sa harap ng mga tao, hindi pa rin sila sumampalataya sa kanya. 38 (A)Ito ay katuparan ng sinabi ni propeta Isaias:
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita,
at kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?”
39 Hindi sila makapaniwala sapagkat sinabi rin ni Isaias,
40 (B)“Binulag niya ang kanilang mga mata
at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang hindi makakita ang kanilang mga mata
at hindi makaunawa ang kanilang puso, o makapanumbalik,
upang pagalingin ko.”
41 Ang mga ito'y sinabi ni Isaias dahil nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at siya'y nagsalita tungkol sa kanya. 42 Gayunman, marami ang sumampalataya sa kanya, maging ang ilan sa mga pinuno. Subalit dahil sa mga Fariseo, hindi nila ito ipinaalam sa iba sa takot na palayasin sila sa sinagoga; 43 sapagkat mas ibig nila ang papuri mula sa tao kaysa papuring mula sa Diyos.
44 At pagkatapos, sumigaw si Jesus, “Ang sinumang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya kundi sa kanya na nagsugo sa akin. 45 At ang nakakikita sa akin ay nakakakita sa kanya na nagsugo sa akin. 46 Ako ang ilaw na dumating sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa sinumang nakikinig sa aking mga salita ngunit hindi sinusunod ang mga ito. Sapagkat naparito ako hindi upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May hukom na hahatol sa sinumang nagbabale-wala sa akin at hindi tumanggap ng aking salita; ang salitang sinabi ko ang hahatol sa kanya sa huling araw. 49 Sapagkat hindi galing sa akin ang sinasabi ko. Ang Ama na nagsugo sa akin ang nagbigay sa akin ng utos kung ano ang aking sasabihin at bibigkasin. 50 At alam kong ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya, ang sinasabi ko ay sinabi sa akin ng Ama.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.