Book of Common Prayer
15 Kaya't tayong mga nasa hustong gulang ay dapat magkaroon ng gayunding pananaw. At kung hindi ganito ang inyong pananaw, ito man ay ipahahayag sa inyo ng Diyos. 16 Gayunman, magpatuloy tayong mamuhay ayon sa pamantayang naabot na natin.
17 Mga (A) kapatid, sama-sama ninyong tularan ang aking halimbawa, at bigyan ninyo ng pansin ang mga lumalakad nang ayon sa huwarang ibinigay namin sa inyo. 18 Sapagkat maraming namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo gaya ng madalas kong sabihin sa inyo noon, at ngayo'y muli kong sinasabi na may kasama pang luha. 19 Ang wakas nila ay kapahamakan; ang diyos nila ay ang sarili nilang tiyan; ang ipinagmamalaki nila ay mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at ang tanging iniisip nila ay ang mga bagay na makalupa. 20 Ngunit tayo'y mamamayan ng langit at naghihintay tayo ng Tagapagligtas mula roon, ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Babaguhin niya ang kalagayan ng ating mga hamak na katawan upang maging katulad ng kanyang maluwalhating katawan, sa pamamagitan ng kapangyarihang kumikilos sa kanya upang maipailalim niya sa kanyang sarili ang lahat ng bagay.
20 May mga Griyego ang kabilang doon sa mga nagpunta sa pista upang sumamba. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida ng Galilea at nakiusap sa kanya, “Ginoo, gusto sana naming makita si Jesus.” 22 Pinuntahan ni Felipe si Andres at sinabi ang tungkol dito. Pagkatapos, magkasama silang pumunta at sinabi ito kay Jesus. 23 Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Tandaan ninyo ito, malibang mahulog sa lupa at mamatay ang isang butil ng trigo, ito ay mananatiling butil; subalit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 (A)Ang nagmamahal sa kanyang buhay ay mawawalan nito at ang mga napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay mag-iingat nito tungo sa buhay na walang hanggan. 26 Ang sinumang naglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung nasaan ako ay naroon din ang aking lingkod. Ang sinumang naglilingkod sa akin ay pararangalan ng Ama.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.