Book of Common Prayer
12 Kaya't huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang huwag na ninyong sundin ang mga hilig nito. 13 Huwag na rin ninyong ialay sa kasalanan ang anumang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Diyos, bilang namatay na at muling binuhay, at ialay sa kanya ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid. 14 Hindi na kayo dapat pang pagharian ng kasalanan, yamang wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.
Mga Alipin ng Katuwiran
15 Ano ngayon? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala dahil hindi na tayo sakop ng Kautusan kundi ng kagandahang-loob ng Diyos? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na kaninuman ninyo ialay ang inyong sarili bilang alipin, kayo'y alipin ng inyong sinusunod, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o pagsunod na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating alipin ng kasalanan ay buong-pusong sumunod sa aral na doo'y ipinagkatiwala kayo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayon ay mga alipin na kayo sa pagiging matuwid. 19 Nagsasalita ako ayon sa pananaw ng tao dahil sa kahinaan ng inyong pagkatao. Kung paanong inialay ninyo bilang alipin ang mga bahagi ng inyong pagkatao sa karumihan at sa kasamaang nagdudulot pa ng lalong kasamaan, ngayon naman ay ialay ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng pagiging matuwid na humahantong sa kabanalan. 20 Sapagkat nang alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo sakop ng pagiging matuwid. 21 Ano naman ang naging bunga ng mga bagay na iyon na nasa inyo noon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang kinahinatnan ng mga iyon! 22 Subalit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang bunga nito'y kabanalan, at ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang walang-bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos; ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay dahil hindi kayo nagmula sa Diyos.” 48 Sinagot siya ng mga Judio, “Hindi ba tama kami nang sabihin naming ikaw ay isang Samaritano at sinasaniban ka ng diyablo?” 49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng diyablo. Pinaparangalan ko ang aking Ama, at sinisira ninyo ang aking karangalan. 50 Subalit hindi ako naghahanap ng karangalan para sa sarili; may isang naghahanap nito at humahatol. 51 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumutupad ng aking salita ay hindi kailanman daranas ng kamatayan.” 52 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Ngayon, alam na naming sinasaniban ka nga ng diyablo. Namatay rin si Abraham gaya ng mga propeta; at sinasabi mo na, ‘Sinumang tumutupad ng salita ko ay hindi kailanman makalalasap ng kamatayan.’ 53 Mas dakila ka pa ba kaysa aming amang si Abraham na namatay? Maging ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa palagay mo?” 54 Sumagot si Jesus, “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang saysay. Ang aking Ama ang lumuluwalhati sa akin, siya na sinasabi ninyo na inyong Diyos. 55 Hindi ninyo siya nakikilala, ngunit kilala ko siya. Kung sabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling din ako na tulad ninyo; pero kilala ko siya at tinutupad ko ang salita niya. 56 Ang ama ninyong si Abraham ay nagalak dahil makikita niya ang araw ko. Nakita niya ito at siya ay nagalak.” 57 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang limampung taon, nakita mo na ba si Abraham?” 58 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, wala pa man si Abraham Ako’y Ako na Nga.” 59 Dahil dito pumulot sila ng bato para batuhin siya; subalit nagtago si Jesus, at lumabas ng templo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.