Book of Common Prayer
19 Bagaman malaya ako, at hindi alipin ng sinuman, nagpaalipin ako sa lahat, upang mas marami akong mahikayat. 20 Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng isang Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng Kautusan, ako ay naging gaya ng isang nasa ilalim ng Kautusan, bagaman ako ay wala sa ilalim ng Kautusan, upang mahikayat ko ang mga nasa ilalim ng Kautusan. 21 Sa mga nasa labas ng Kautusan, ako ay naging tulad sa walang Kautusan, ngunit hindi ibig sabihing hindi ako saklaw ng Kautusan ng Diyos, sa halip ako nga'y napapasakop sa Kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga nasa labas ng Kautusan. 22 Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng bagay ay nakibagay ako sa lahat ng tao, upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng ilan. 23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa ebanghelyo, upang ako'y maging kabahagi sa mga biyaya nito.
24 Hindi ba ninyo nalalaman na tumatakbong lahat ang mga kasali sa isang takbuhan, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Kaya't tumakbo kayo sa paraang kayo'y magkakamit niyon. 25 Ang mga nakikipagpaligsahan sa mga palaro ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila iyon upang sila ay magkamit ng isang koronang nasisira, ngunit tayo'y para sa hindi nasisira. 26 Kaya't ako'y tumatakbo hindi gaya ng walang patutunguhan; hindi ako sumusuntok na parang sumusuntok sa hangin. 27 Sa halip ay sinusupil ko ang aking katawan, at inaalipin ko ito, baka pagkatapos na mangaral ako sa iba, ako mismo ay hindi makapasa sa pagsubok.
Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
31 Mula noo'y sinimulan niyang ituro sa mga alagad na ang Anak ng Tao ay dapat dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng matatandang pinuno, ng mga punong pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y papatayin ngunit pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay. 32 Maliwanag niyang sinabi ang mga ito sa kanila, kaya dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. 33 Ngunit lumingon si Jesus, tumingin sa mga alagad at pinagsabihan si Pedro, “Lumayas ka sa harapan ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi galing sa tao!” 34 Tinawag (B) ni Jesus ang maraming tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Sinumang nais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. 35 Sapagkat (C) sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ang pakinabang ng tao makamtan man niya ang buong sanlibutan kung mapapahamak naman ang kanyang buhay? 37 Ano ang maibibigay ng tao kapalit ng kanyang buhay? 38 Sinumang ikahiya ako at ang aking salita sa mapakiapid at makasalanang salinlahing ito, ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao pagdating niya na taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama, kasama ang mga banal na anghel.”
9 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, may ilan sa inyo rito na hindi daranas ng kamatayan hangga't hindi nila nakikita ang makapangyarihang pagdating ng kaharian ng Diyos.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.