Book of Common Prayer
Miktam ni David.
16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
2 Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”
3 Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
sa kanila ako lubos na natutuwa.
4 Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.
5 Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
ang aking kapalaran ay hawak mo.
6 Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
oo, ako'y may mabuting mana.
7 Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
8 Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.
9 Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(A) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.
11 Iyong(B) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.
Panalangin ni David.
17 O Panginoon, pakinggan mo ang matuwid na usapin, pansinin mo ang aking daing!
Mula sa mga labing walang pandaraya, dinggin mo ang aking panalangin.
2 Mula sa iyo ay manggaling ang aking kahatulan,
makita nawa ng iyong mga mata ang katuwiran!
3 Sinubok mo ang aking puso, dinalaw mo ako sa gabi,
nilitis mo ako at wala kang natagpuan,
ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi susuway.
4 Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng mga labi mo,
ang mga daan ng karahasan ay naiwasan ko.
5 Ang aking mga hakbang ay nanatili sa iyong mga landas,
ang aking mga paa ay hindi nadulas.
6 Ako'y tumatawag sa iyo, O Diyos, sapagkat ikaw ay sasagot sa akin,
ang iyong pandinig ay ikiling sa akin, ang aking mga salita ay pakinggan mo rin.
7 Ipakita mong kagila-gilalas ang tapat mong pagmamahal,
O tagapagligtas ng mga naghahanap ng kanlungan
mula sa kanilang mga kaaway sa iyong kanang kamay.
8 Gaya ng itim ng mata, ako ay ingatan mo,
sa lilim ng iyong mga pakpak, ako ay ikubli mo,
9 mula sa masama na nananamsam sa akin,
sa nakakamatay kong mga kaaway na pumapalibot sa akin.
10 Isinara nila ang kanilang mga puso sa kahabagan,
sa kanilang bibig ay nagsalita sila na may kapalaluan.
11 Kinubkob nga nila kami sa aming mga hakbang;
itinititig nila ang kanilang mga mata upang sa lupa kami ay ibuwal.
12 Sila'y parang leong sabik na manluray,
parang batang leon na sa mga tagong dako ay nag-aabang.
13 O Panginoon, bumangon ka, harapin mo sila, ibagsak mo sila!
Iligtas mo sa masama ang buhay ko sa pamamagitan ng tabak mo,
14 mula sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, O Panginoon ko,
mula sa mga tao na ang bahagi sa buhay ay sa sanlibutang ito.
At ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan,
sila'y nasisiyahan na kasama ng mga anak,
at iniiwan nila ang kanilang kayamanan sa kanilang mga sanggol.
15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran;
kapag ako'y gumising, aking mamamasdan ang iyong anyo at masisiyahan.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Usa ng Pagbubukang-liwayway. Awit ni David.
22 Diyos(A) ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
Bakit napakalayo mo sa pagtulong sa akin, sa mga salita ng aking karaingan?
2 O Diyos ko, sumisigaw ako kapag araw, ngunit hindi ka sumasagot man lamang,
at kapag gabi, hindi ako makatagpo ng kapahingahan.
3 Gayunman ikaw ay banal,
nakaluklok sa mga papuri ng Israel.
4 Sa iyo ang aming mga magulang ay nagtiwala,
sila'y nagtiwala, at iyong iniligtas sila.
5 Sa iyo sila'y dumaing at naligtas;
sila'y nagtiwala sa iyo, at hindi nabigo.
6 Ngunit ako'y uod at hindi tao,
kinukutya ng mga tao, at hinahamak ng bayan.
7 Silang(B) lahat na nakakita sa akin ay tinatawanan ako;
nginungusuan nila ako, iiling-iling ang kanilang mga ulo,
8 “Ipinagkatiwala(C) niya ang kanyang usapin sa Panginoon; hayaang kanyang iligtas siya,
hayaang kanyang sagipin siya, sapagkat kanyang kinaluluguran siya!”
9 Ngunit ikaw ang kumuha sa akin mula sa bahay-bata;
iningatan mo ako nang ako'y nasa dibdib ng aking ina.
10 Sa iyo ako'y inilagak mula sa aking pagluwal,
at mula nang ako'y ipagbuntis ng aking ina ang Diyos ko'y ikaw.
11 Sa akin ay huwag kang lumayo,
sapagkat malapit ang gulo,
at walang sinumang sasaklolo.
12 Pinaliligiran ako ng maraming toro,
ng malalakas na toro ng Basan ay pinalilibutan ako.
13 Sa akin ang kanilang bibig ay binuksan nila nang maluwang,
gaya ng sumasakmal at leong umuungal.
14 Ako'y ibinubuhos na parang tubig,
at lahat ng aking mga buto ay nakakalas sa pagkakabit;
ang aking puso ay parang pagkit,
ito ay natutunaw sa loob ng aking dibdib.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang basag na banga,
at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala;
sa alabok ng kamatayan ako'y iyong inihihiga.
16 Oo, ang mga aso ay nakapaligid sa akin;
pinaligiran ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama;
binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Lahat ng aking mga buto ay aking mabibilang,
sa akin sila'y nakatingin at ako'y tinititigan.
18 Kanilang(D) pinaghatian ang aking mga kasuotan,
at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.
19 Ngunit ikaw, O Panginoon, huwag kang lumayo!
O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako!
20 Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo,
ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso!
21 Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas,
sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap!
22 Sa(E) aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan,
pupurihin kita sa gitna ng kapulungan:
23 Kayong natatakot sa Panginoon, magpuri kayo sa kanya!
Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya,
at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel.
24 Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man
ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya;
kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya.
25 Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan;
tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang.
26 Ang dukha ay kakain at masisiyahan,
yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa Panginoon!
Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.
27 Maaalala ng lahat ng mga dulo ng lupa,
at sa Panginoon ay manunumbalik sila;
at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa
ay sa harapan mo magsisamba.
28 Sapagkat sa Panginoon ang kaharian,
at siya ang namumuno sa mga bansa.
29 Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba;
sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok,
at siya na hindi mapapanatiling buháy ang kanyang kaluluwa.
30 Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi,
ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi.
31 Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang,
na dito ay siya ang may kagagawan.
Narinig ni David ang Hamon ni Goliat
17 Sinabi ni Jesse kay David na kanyang anak, “Dalhin mo sa iyong mga kapatid itong isang efang sinangag na trigo at sampung tinapay at dalhin mo agad sa iyong mga kapatid sa kampo.
18 Dalhin mo rin ang sampung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo. Tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at kumuha ka sa kanila ng palatandaan.”
19 Si Saul at lahat ng mga Israelita ay nasa libis ng Ela na nakikipaglaban sa mga Filisteo.
20 Kinaumagahan, si David ay maagang bumangon, iniwan ang mga tupa sa isang tagapag-alaga, at dinala ang mga baon at umalis gaya nang iniutos sa kanya ni Jesse; siya'y dumating sa pinaghihimpilan habang ang hukbo ay sumusulong sa labanan na sumisigaw ng sigaw ng digmaan.
21 Ang Israelita at ang mga Filisteo ay humanay na sa pakikipaglaban, hukbo laban sa hukbo.
22 Iniwan ni David ang kanyang dala-dalahan sa kamay ng tagapag-ingat ng dala-dalahan, at tumakbo sa hukbo, at dumating, at binati ang kanyang mga kapatid.
23 Habang nakikipag-usap siya sa kanila, dumating ang pangunahing mandirigma, ang Filisteo na taga-Gat, na Goliat ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, at sinabi ang gayunding mga salita gaya nang una. At siya'y narinig ni David.
24 Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang lalaking iyon, sila ay tumakas mula sa kanyang harapan, at takot na takot.
25 At sinabi ng mga Israelita, “Nakita na ba ninyo ang lalaking iyan na umahon? Talagang umahon siya upang hamunin ang Israel. Ang lalaking makakapatay sa kanya ay bibigyan ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kanya ang kanyang anak na babae, at magiging malaya sa Israel ang sambahayan ng kanyang ama.”
26 Sinabi ni David sa mga lalaking nakatayo sa tabi niya, “Ano ang gagawin sa lalaking makakapatay sa Filisteong ito, at makapag-aalis ng kahihiyang ito sa Israel? Sapagkat sino ba itong hindi tuling Filisteo na kanyang hahamunin ang mga hukbo ng Diyos na buháy?”
27 At ang taong-bayan ay sumagot sa kanya sa gayunding paraan, “Gayon ang gagawin sa lalaking makakapatay sa kanya.”
28 Narinig ni Eliab na kanyang pinakamatandang kapatid nang siya'y magsalita sa mga lalaki. Kaya't ang galit ni Eliab ay nagningas laban kay David, at kanyang sinabi, “Bakit ka lumusong dito? At kanino mo iniwan iyong kaunting tupa sa ilang? Nalalaman ko ang iyong kapangahasan, at ang kasamaan ng iyong puso; sapagkat ikaw ay lumusong upang panoorin ang labanan.”
29 Sinabi ni David, “Ano bang aking ginawa ngayon? Hindi ba't salita lamang?”
30 At tinalikuran niya si Eliab at tumungo sa iba, at nagsalita sa gayunding paraan; at sinagot siya ng mga tao gaya noong una.
Nangaral si Pedro
34 Nagsimulang magsalita(A) si Pedro at kanyang sinabi, “Tunay ngang nauunawaan ko na walang kinikilingan ang Diyos,
35 kundi sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya.
36 Nalalaman ninyo ang salita na kanyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang magandang balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo—siya'y Panginoon ng lahat,
37 nalalaman ninyo na ipinahayag ang salitang iyon sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan:
38 kung paanong si Jesus na taga-Nazaret ay binuhusan ng Diyos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan; kung paanong naglibot siya na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos.
39 Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng Judea, at sa Jerusalem. Siya'y kanila ring pinatay nang kanilang ibitin siya sa isang punungkahoy.
40 Siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw, at siya'y hinayaang mahayag;
41 hindi sa buong bayan, kundi sa amin na hinirang ng Diyos bilang mga saksi na kumain at uminom na kasalo niya, pagkatapos na siya'y mabuhay mula sa mga patay.
42 Sa ami'y ipinagbilin niya na mangaral sa mga tao at sumaksi na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.
43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawat sumasampalataya sa kanya ay makakatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”
Ipinagkaloob ang Espiritu sa mga Hentil
44 Samantalang sinasabi pa ni Pedro ang mga salitang ito, bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nakikinig ng salita.
45 Ang mga mananampalatayang Judio[a] na dumating na kasama ni Pedro ay namangha sapagkat ibinuhos din maging sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo.
46 Sapagkat narinig nilang nagsasalita ang mga ito ng mga wika at nagpupuri sa Diyos. Nang magkagayo'y ipinahayag ni Pedro,
47 “Maaari bang hadlangan ng sinuman ang tubig upang huwag mabautismuhan itong mga tumanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin?”
48 At kanyang inutusan sila na mabautismuhan sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, siya'y pinakiusapan nilang manatili ng mga ilang araw.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
1 Ang pasimula ng ebanghelyo[a] ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos.
2 Ayon(B) sa nasusulat sa Isaias na propeta,
“Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan,[b]
na maghahanda ng iyong daan;
3 ang(C) tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas,’”
4 si Juan na Tagapagbautismo ay dumating sa ilang at ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
5 Pumupunta sa kanya ang mga tao mula sa buong lupain ng Judea at ang lahat ng mga taga-Jerusalem; at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan, na nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.
6 Si(D) Juan ay nakadamit ng balahibo ng kamelyo, may sinturong balat sa kanyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan.
7 At siya'y nangangaral, na nagsasabi, “Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin; hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas.
8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo.”
Ang Pagbabautismo at Pagtukso kay Jesus(E)
9 Nang mga araw na iyon ay nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Jordan.
10 Pagkaahon niya sa tubig, nakita niyang biglang nabuksan ang kalangitan, at ang Espiritu na bumababa sa kanya na tulad sa isang kalapati.
11 At(F) may isang tinig na nagmula sa langit, “Ikaw ang minamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.”
12 At agad siyang dinala ng Espiritu sa ilang.
13 Siya'y nasa ilang ng apatnapung araw, at tinukso siya ni Satanas. Kasama siya ng mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001