Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, para sa handog pang-alaala.
70 Malugod ka, O Diyos, na iligtas ako;
O Panginoon, magmadali kang ako'y tulungan mo!
2 Mapahiya at malito nawa sila
na tumutugis sa aking buhay!
Maitaboy nawa sila at mawalan ng karangalan,
silang nagnanais na ako'y masaktan!
3 Pangilabutan nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan,
silang nagsasabi, “Aha, Aha!”
4 Lahat nawang nagsisihanap sa iyo
ay magalak at matuwa sa iyo!
Yaon nawang umiibig sa iyong pagliligtas
ay patuloy na magsabi, “Hayaang dakilain ang Diyos!”
5 Ngunit ako'y dukha at nangangailangan,
magmadali ka sa akin, O Diyos!
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
O Panginoon, huwag kang magtagal!
71 Sa iyo, O Panginoon, nanganganlong ako;
huwag nawa akong mapahiya kailanman!
2 Iligtas at sagipin mo ako sa katuwiran mo,
ikiling mo ang iyong pandinig sa akin, at iligtas mo ako!
3 Ikaw sa akin ay maging bato ng tahanan
na lagi kong paroroonan;
sapagkat ikaw ay aking muog at malaking bato.
4 Sa kamay ng masama, O aking Diyos, sagipin mo ako,
mula sa sunggab ng di-matuwid at malupit na tao.
5 Sapagkat ikaw ang aking pag-asa, O Panginoong Diyos,
ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
6 Sa iyo ako sumandal mula sa kapanganakan ko,
ikaw ang kumuha sa akin mula sa tiyan ng aking ina.
Ang pagpupuri ko'y magiging laging sa iyo.
7 Sa marami ako'y naging kagila-gilalas;
ngunit ikaw ang matibay kong kanlungan.
8 Ang bibig ko'y punô ng pagpupuri sa iyo,
at ng iyong kaluwalhatian buong araw.
9 Huwag mo akong itakuwil sa panahon ng katandaan;
huwag mo akong pabayaan kapag nauubos na ang aking kalakasan.
10 Sapagkat nagsasalita laban sa akin ang aking mga kaaway,
silang nagbabantay sa aking buhay ay nagsasanggunian,
11 at nagsasabi, “Pinabayaan na siya ng Diyos:
habulin at hulihin siya;
sapagkat walang magliligtas sa kanya.”
12 O Diyos, huwag kang maging malayo sa akin;
O Diyos ko, magmadali kang tulungan ako!
13 Ang mga kaaway ng aking kaluluwa nawa'y mapahiya at malipol;
matabunan nawa ng paghamak at kahihiyan
ang mga nagnanais na ako'y masaktan.
14 Ngunit ako'y laging aasa,
at pupurihin kita nang higit at higit pa.
15 Ang bibig ko'y magsasabi ng iyong katuwiran,
ng iyong mga kaligtasan buong araw;
sapagkat ang kanilang bilang ay di abot ng aking kaalaman.
16 Ako'y darating na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Diyos,
aking pupurihin ang iyong katuwiran, ang iyo lamang.
17 O Diyos, iyong tinuruan ako mula sa aking pagkabata;
at ipinahahayag ko pa ang iyong kagila-gilalas na mga gawa.
18 Kaya't maging sa pagtanda at pagkakaroon ng mga uban,
O Diyos, huwag mo akong pabayaan;
hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan
sa lahat ng darating na salinlahi.
Ang iyong kapangyarihan sa bawat isa na darating,
19 at ang iyong katuwiran, O Diyos,
ay umabot sa mataas na kalangitan.
Ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay,
O Diyos, sino ang gaya mo?
20 Ikaw na nagpakita sa akin ng maraming matitinding kabagabagan,
ang sa akin ay muling bubuhay;
mula sa mga kalaliman ng lupa,
ay muli mo akong ibabangon.
21 Kadakilaan ko nama'y iyong paramihin,
at muli akong aliwin.
22 Pupurihin din kita sa pamamagitan ng salterio,
dahil sa iyong katapatan, O Diyos ko;
sa iyo'y aawit ako ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa,
O Banal ng Israel.
23 Sisigaw sa kagalakan ang mga labi ko,
kapag ako'y umaawit ng mga papuri sa iyo;
gayundin ang kaluluwa ko na iniligtas mo.
24 At ang dila ko ay magsasalita ng iyong katuwiran sa buong maghapon,
sapagkat sila'y napahiya at napahamak,
sila na nagnanais na ako'y saktan.
Maskil ni Asaf.
74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
2 Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
3 Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!
4 Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
5 Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
sa kagubatan ng mga punungkahoy.
6 At lahat ng mga kahoy na nililok
ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
7 Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
hanggang sa lupa,
nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
9 Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
wala nang propeta pa;
at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!
12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.
18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!
Pinatay si Isboset
4 Nang mabalitaan ni Isboset,[a] na anak ni Saul, na si Abner ay namatay sa Hebron, ang kanyang mga kamay ay nanghina, at ang lahat ng Israel ay nangamba.
2 Ang anak ni Saul ay may dalawang lalaki na mga punong-kawal ng mga pulutong na sumasalakay; ang pangalan ng isa ay Baana, at ang pangalan ng ikalawa ay Recab. Sila ay mga anak ni Rimon na Beerotita sa mga anak ni Benjamin (sapagkat ang Beerot ay ibinilang din sa Benjamin:
3 Ang mga Beerotita ay tumakas sa Gitaim, at nanirahan doon bilang mga banyaga hanggang sa araw na ito).
4 Si(A) Jonathan na anak ni Saul ay may isang anak na pilay ang mga paa. Siya'y limang taong gulang nang dumating ang balita tungkol kina Saul at Jonathan mula sa Jezreel. Kinuha siya ng kanyang yaya at tumakas at habang siya'y nagmamadali sa pagtakas, siya'y nahulog, at napilay. At ang kanyang pangalan ay Mefiboset.
5 At ang mga anak ni Rimon na Beerotita, na sina Recab at Baana, ay humayo at nang kainitan ang araw ay dumating sa bahay ni Isboset, habang siya ay nagpapahinga sa katanghaliang-tapat.
6 Sila ay pumasok sa bahay na parang kukuha ng trigo, at kanilang sinaksak siya sa tiyan. At sina Recab at Baana na kanyang kapatid ay tumakas.
7 Sila ay nakapasok sa bahay, habang siya'y nakahiga sa kanyang higaan sa kanyang silid. Kanilang sinalakay siya, pinatay, at pinugutan ng ulo. Kinuha nila ang kanyang ulo at umalis na tinahak ang Araba buong gabi.
8 Kanilang dinala ang ulo ni Isboset kay David sa Hebron. Sinabi nila sa hari, “Narito ang ulo ni Isboset na anak ni Saul na iyong kaaway na nagtangka sa iyong buhay. Ipinaghiganti ng Panginoon ang aking panginoong hari sa araw na ito kay Saul, at sa kanyang binhi.”
9 Sinagot ni David si Recab at si Baana na kanyang kapatid, na mga anak ni Rimon na Beerotita, “Habang buháy ang Panginoon na siyang tumubos ng aking buhay mula sa bawat kaguluhan,
10 nang(B) sabihin sa akin ng isang tao, ‘Tingnan mo, si Saul ay patay na,’ na nag-aakalang nagdadala siya ng magandang balita, ay aking hinuli siya, at pinatay ko siya sa Siclag na siyang gantimpalang ibinigay ko sa kanya dahil sa kanyang balita.
11 Gaano pa kaya kung pinatay ng masasamang lalaki ang isang taong matuwid sa kanyang sariling bahay sa kanyang higaan, hindi ko ba hihingin ngayon ang kanyang dugo sa inyong kamay, at puksain kayo sa lupa?”
12 Inutusan ni David ang kanyang mga kabataang tauhan, at kanilang pinatay sila, pinutol ang kanilang mga kamay at mga paa, at ibinitin ang mga iyon sa tabi ng tipunan ng tubig sa Hebron. Ngunit kanilang kinuha ang ulo ni Isboset, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.
25 Ngunit nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at sila'y pinapakinggan ng mga bilanggo.
26 At biglang nagkaroon ng isang malakas na lindol, anupa't ang mga pundasyon ng bilangguan ay nayanig, agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nakalag ang mga tanikala ng bawat isa.
27 Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kanyang tabak at magpapakamatay na sana dahil sa pag-aakalang nakatakas ang mga bilanggo.
28 Ngunit sumigaw si Pablo nang malakas, “Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat naririto kaming lahat.”
29 At ang bantay[a] ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob, at nanginginig sa takot na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas.
30 Nang sila'y mailabas ay sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang kailangan kong gawin upang maligtas?”
31 At kanilang sinabi, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.”
32 Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang bahay.
33 Sila'y kanyang kinuha nang oras ding iyon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga sugat, at agad siyang binautismuhan, pati ang buo niyang sambahayan.
34 Sila'y kanyang pinapanhik sa kanyang bahay at hinainan sila ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya siya sa Diyos.
35 Kinaumagahan, ang mga hukom ay nagsugo ng mga kawal, na nagsasabi, “Pakawalan mo ang mga taong iyon.”
36 At iniulat ng bantay ng bilangguan kay Pablo ang mga salitang ito, na sinasabi, “Ipinag-utos ng mga hukom na kayo'y pakawalan; kaya't ngayon ay lumabas kayo at humayo nang payapa.”
37 Subalit sinabi sa kanila ni Pablo, “Pinalo nila kami sa harap ng bayan, na hindi nahatulan, mga lalaking Romano, at kami'y itinapon sa bilangguan at ngayo'y lihim na kami'y pawawalan nila? Hindi maaari! Hayaan silang pumarito at kami'y pakawalan.”
38 Iniulat ng mga kawal ang mga salitang ito sa hukom at sila'y natakot nang kanilang marinig na sila'y mga mamamayang Romano;
39 kaya sila'y dumating at humingi sa kanila ng paumanhin. At sila'y kanilang inilabas at hiniling sa kanila na lisanin ang lunsod.
40 Nang sila'y makalabas sa bilangguan, pumunta sila kay Lydia; at nang makita nila ang mga kapatid, ay kanilang inaliw sila, pagkatapos ay umalis.
Ang mga Tradisyon(A)
7 Nang sama-samang lumapit sa kanya ang mga Fariseo at ang ilan sa mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem,
2 kanilang nakita ang ilan sa kanyang alagad na kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay, samakatuwid ay hindi hinugasan.
3 (Sapagkat ang mga Fariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makapaghugas na mabuti ng mga kamay, na sinusunod ang tradisyon ng matatanda.
4 Kapag nanggaling sila sa palengke, hindi sila kumakain malibang nalinis nila ang kanilang mga sarili. At marami pang ibang bagay ang kanilang sinusunod gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.)[a]
5 Kaya't siya'y tinanong ng mga Fariseo at mga eskriba, “Bakit ang iyong mga alagad ay hindi lumalakad ayon sa tradisyon ng matatanda, kundi kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay?”
6 At(B) sinabi niya sa kanila, “Tama ang pahayag ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagkunwari, ayon sa nasusulat,
‘Iginagalang ako ng bayang ito ng kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
7 At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo bilang aral ang mga utos ng mga tao!’
8 Iniwan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghahawakan ang tradisyon ng mga tao.”
9 Sinabi pa niya sa kanila, “Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon.
10 Sapagkat(C) sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat patayin!’
11 Ngunit sinasabi ninyo na kung sabihin ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang tulong na mapapakinabang ninyo sa akin ay Corban, na nangangahulugang handog,’
12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya pinahihintulutang gumawa ng anuman para sa kanyang ama o ina,
13 kaya't pinawawalang kabuluhan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng tradisyon na inyong ipinamana at marami pa kayong ginagawang mga bagay na katulad nito.
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
14 Muli niyang pinalapit ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain.
15 Walang anumang nasa labas ng tao na pagpasok sa kanya ay nakapagpaparumi sa kanya kundi ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.”
16 [Kung ang sinuman ay may pandinig na ipandirinig ay makinig.]
17 Nang iwan niya ang maraming tao at pumasok siya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga.
18 Sinabi niya sa kanila, “Kayo rin ba ay hindi nakakaunawa? Hindi ba ninyo nalalaman, na anumang nasa labas na pumapasok sa tao ay hindi nakapagpaparumi sa kanya,
19 sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at ito'y inilalabas sa tapunan ng dumi? Sa ganito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.”
20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.
21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpaslang,
22 ang pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan.
23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagmumula at nakapagpaparumi sa tao.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001