Book of Common Prayer
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
131 Panginoon, hindi hambog ang aking puso,
ni mayabang man ang mata ko;
ni nagpapaka-abala sa mga bagay na lubhang napakadakila,
o sa mga bagay na para sa akin ay lubhang kamangha-mangha.
2 Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa;
gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina,
gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko.
3 O Israel, umasa ka sa Panginoon
mula ngayon at sa walang hanggang panahon.
Awit ng Pag-akyat.
132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
ang lahat ng kanyang kahirapan,
2 kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
3 “Hindi ako papasok sa aking bahay,
ni hihiga sa aking higaan,
4 Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
5 hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Narinig(A) namin ito sa Efrata,
natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
7 “Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
sumamba tayo sa kanyang paanan!”
8 Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
9 Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.
11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”
13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”
Awit ng Pag-akyat.
133 Narito, napakabuti at napakaligaya
kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!
2 Ito'y gaya ng mahalagang langis sa ulo,
na tumutulo sa balbas,
sa balbas ni Aaron,
tumutulo sa laylayan ng kanyang damit!
3 Ito ay gaya ng hamog sa Hermon,
na pumapatak sa mga bundok ng Zion!
Sapagkat doon iniutos ng Panginoon ang pagpapala,
ang buhay magpakailanman.
Awit ng Pag-akyat.
134 Halikayo, purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na lingkod ng Panginoon,
na nakatayo sa gabi sa bahay ng Panginoon!
2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa dakong banal,
at ang Panginoon ay papurihan!
3 Pagpalain ka nawa ng Panginoon mula sa Zion;
siyang gumawa ng langit at lupa!
135 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang pangalan ng Panginoon,
magpuri kayo, mga lingkod ng Panginoon,
2 kayong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon,
sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos!
3 Purihin ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon ay mabuti;
umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig.
4 Sapagkat pinili ng Panginoon si Jacob para sa kanyang sarili,
ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari.
5 Sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila,
at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos.
6 Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan,
sa langit at sa lupa,
sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
7 Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig,
na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan
at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig.
8 Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto,
sa hayop at sa tao;
9 siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan,
ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan
laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod;
10 na siyang sa maraming bansa ay gumapi,
at pumatay sa mga makapangyarihang hari,
11 kay Sihon na hari ng mga Amorita,
at kay Og na hari sa Basan,
at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan,
12 at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain,
isang pamana sa kanyang bayang Israel.
13 Ang iyong pangalan, O Panginoon, ay magpakailanman,
ang iyong alaala, O Panginoon, ay sa lahat ng salinlahi.
14 Sapagkat hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan.
15 Ang(D) mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto,
na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita;
mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita;
17 sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig.
18 Maging kagaya sila
ng mga gumawa sa kanila—
oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila!
19 O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon!
O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon!
20 O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
Kayong natatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon!
21 Purihin ang Panginoon mula sa Zion,
siya na tumatahan sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Pinagsabihan ni Joab si David
19 Sinabi kay Joab, “Ang hari ay tumatangis at nagluluksa para kay Absalom.”
2 Kaya't ang tagumpay[a] sa araw na iyon ay naging pagluluksa para sa buong bayan, sapagkat narinig ng bayan nang araw na iyon, “Ang hari ay nagdadalamhati dahil sa kanyang anak.”
3 Ang taong-bayan ay patagong pumasok sa lunsod nang araw na iyon gaya ng pagpasok ng bayang napapahiya kapag sila'y tumatakas sa labanan.
4 Tinakpan ng hari ang kanyang mukha at siya ay sumigaw ng malakas. “O anak kong Absalom, O Absalom, anak ko, anak ko!”
5 Pumasok si Joab sa bahay, lumapit sa hari at nagsabi, “Tinakpan mo ng kahihiyan ang mga mukha ng lahat ng iyong lingkod na sa araw na ito ay nagligtas ng iyong buhay at ng mga buhay ng iyong mga anak na lalaki at babae, at ng mga buhay ng iyong mga asawa, at ng mga buhay ng iyong mga asawang-lingkod,
6 sapagkat iniibig mo ang mga napopoot sa iyo at kinapopootan mo ang mga umiibig sa iyo. Ipinahayag mo sa araw na ito na ang mga pinuno at mga lingkod ay walang kabuluhan sa iyo. Sa araw na ito ay aking napag-alaman na kung si Absalom ay buháy at kaming lahat ay namatay ngayon, ikaw ay masisiyahan.
7 Ngayon nga'y bumangon ka, lumabas ka, at magsalita na may kagandahang-loob sa iyong mga lingkod. Sapagkat isinusumpa ko sa pangalan ng Panginoon, na kung ikaw ay hindi lalabas, wala ni isang taong maiiwan sa iyo sa gabing ito; at ito'y magiging masahol sa iyo kaysa lahat ng kasamaang sumapit sa iyo mula nang iyong kabataan hanggang ngayon.”
8 Nang magkagayo'y tumindig ang hari at naupo sa pintuang-bayan. At sinabi sa buong bayan, “Tingnan ninyo, ang hari ay nakaupo sa pintuang-bayan;” at ang buong bayan ay pumaroon sa harap ng hari. Samantala, ang lahat ng Israelita ay umalis patungo sa kanya-kanyang tolda.
9 Ang lahat ng mga tao ay nagtalu-talo sa buong lipi ng Israel, na sinasabi, “Iniligtas tayo ng hari sa kamay ng ating mga kaaway; at iniligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo; at ngayo'y tumakas siya papalabas sa lupain mula kay Absalom.
10 Subalit si Absalom na ating hinirang[b] upang maghari sa atin ay namatay sa labanan. Ngayon nga'y bakit hindi kayo nagsasalita ng tungkol sa pagpapabalik sa hari?”
Nagpasimulang Bumalik si David sa Jerusalem
11 Nagpadala ng mensahe si Haring David kay Zadok at kay Abiatar na mga pari, na sinasabi, “Sabihin ninyo sa matatanda ng Juda, ‘Bakit kayo ang dapat maging huli sa pagpapabalik sa hari sa kanyang bahay, gayong ang pananalita ng buong Israel ay dumating na sa hari?
12 Kayo'y aking mga kapatid, kayo'y aking buto at aking laman, bakit kayo ang dapat maging huli sa pagpapabalik sa hari?’
13 Sabihin ninyo kay Amasa, ‘Hindi ba ikaw ay aking buto at laman? Gawin ng Diyos sa akin, at higit pa, kung ikaw ay hindi maging pinuno ng aking hukbo mula ngayon bilang kapalit ni Joab.’”
14 Nahikayat ni Amasa[c] ang puso ng lahat ng mga lalaki ng Juda na parang isang tao; kaya't sila'y nagpasabi sa hari, “Bumalik ka, ikaw at ang lahat mong mga lingkod.”
15 Kaya't bumalik ang hari sa Jordan; at ang Juda ay dumating sa Gilgal upang salubungin ang hari at upang itawid ang hari sa Jordan.
16 Si(A) Shimei na anak ni Gera, na Benjaminita, na taga-Bahurim ay nagmadali upang lumusong na kasama ang mga lalaki ng Juda at salubungin si Haring David.
17 Kasama niya ang may isanlibong lalaki ng Benjamin. At si Ziba na lingkod sa sambahayan ni Saul, at ang kanyang labinlimang anak at dalawampung lingkod ay tumawid sa Jordan sa harapan ng hari.
18 Sila'y tumawid sa tawiran upang itawid ang sambahayan ng hari, at gawin ang kanyang inaakalang mabuti. At si Shimei na anak ni Gera ay nagpatirapa sa harap ng hari nang siya'y malapit nang tumawid sa Jordan.
Nagpakita ng Kabutihan si David kay Shimei
19 At sinabi niya sa hari, “Huwag nawa akong ituring ng panginoon na nagkasala o alalahanin man ang ginawang kamalian ng iyong lingkod nang araw na ang aking panginoong hari ay umalis sa Jerusalem. Huwag nawang isipin iyon ng hari.
20 Sapagkat nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nagkasala; kaya't ako'y naparito sa araw na ito, ang una sa lahat ng sambahayan ni Jose na lumusong upang salubungin ang aking panginoong hari.”
21 Si Abisai na anak ni Zeruia ay sumagot, “Hindi ba dapat patayin si Shimei dahil dito, sapagkat kanyang nilait ang hinirang[d] ng Panginoon?”
22 Ngunit sinabi ni David, “Ano ang pakialam ko sa inyo, mga anak ni Zeruia, na kayo'y magiging mga kaaway ko sa araw na ito? Mayroon bang papatayin sa araw na ito sa Israel? Sapagkat hindi ko ba nalalaman na ako'y hari sa Israel sa araw na ito?”
23 Sinabi ng hari kay Shimei, “Ikaw ay hindi mamamatay.” At ang hari ay sumumpa sa kanya.
Ang Paratang ng mga Judio kay Pablo
24 Pagkaraan ng limang araw, ang pinakapunong pari na si Ananias ay lumusong na kasama ang ilang matatanda, at ang isang Tertulio na tagapagsalita na siyang nagharap ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo.
2 Nang si Pablo[a] ay tawagin, sinimulan siyang paratangan ni Tertulio, na sinasabi,
“Kagalang-galang na Felix, yamang dahil sa iyo'y nagtamo kami ng matagal na kapayapaan, at dumating ang mga pagbabago sa bansang ito dahil sa iyong pagtanaw sa hinaharap.
3 Kinikilala namin ito sa lahat ng mga paraan at sa lahat ng mga dako, na may lubos na pasasalamat.
4 Ngunit upang hindi na kayo maabala pa, hinihiling ko sa iyo sa iyong kagandahang-loob na pakinggan mo kami ng ilang sandali.
5 Natagpuan namin na ang taong ito'y mapanligalig at mapag-udyok ng kaguluhan sa lahat ng mga Judio sa buong daigdig, at isang pinuno sa sekta ng mga Nazareno.
6 Nagtangka pa siya na lapastanganin ang templo ngunit dinakip namin siya.[b]
[7 Ngunit dumating ang pangulong pinunong si Lisias at sapilitang inagaw siya sa aming mga kamay, at inutusan ang mga nagbintang sa kanya na humarap sa inyo.]
8 Sa pamamagitan ng pagsisiyasat ninyo mismo sa kanya, ang lahat ng mga bagay na ito na isinasakdal namin laban sa kanya ay malalaman ninyo mula sa kanya.”
9 At ang mga Judio ay nakisama rin sa pagsasakdal, na sinasabing ang lahat ng mga ito ay totoo.
Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Felix
10 Nang siya'y hudyatan ng gobernador upang magsalita, si Pablo ay sumagot:
“Yamang nalalaman ko na ikaw ay naging hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, ay masigla kong gagawin ang aking pagtatanggol.
11 Tulad ng nalalaman mo, wala pang labindalawang araw buhat nang ako'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba.
12 Hindi nila ako natagpuang nakikipagtalo sa kanino o kaya'y nanggugulo sa maraming tao sa templo man o sa mga sinagoga, ni sa lunsod,
13 ni hindi rin nila mapapatunayan sa iyo ang mga bagay na ngayo'y kanilang ibinibintang sa akin.
14 Ngunit ito ang inaamin ko sa iyo, na ayon sa Daan, na kanilang tinatawag na sekta, ay sinasamba ko ang Diyos ng aming mga ninuno, na pinaniniwalaan ang lahat ng bagay na alinsunod sa kautusan o nasusulat sa mga propeta.
15 Ako'y may pag-asa sa Diyos, na siya rin namang inaasahan nila, na magkakaroon ng muling pagkabuhay ng mga matuwid at ng mga hindi matuwid.
16 Dahil dito'y lagi akong nagsisikap na magkaroon ng isang malinis na budhi sa Diyos at sa mga tao.
17 Nang(A) makaraan ang ilang taon ay naparito ako upang magdala sa aking bansa ng mga limos at mag-alay ng mga handog.
18 Samantalang ginagawa ko ito, natagpuan nila ako sa templo na ginagawa ang rituwal ng paglilinis, na walang maraming tao ni kaguluhan.
19 Ngunit may ilang Judio roon na galing sa Asia—na dapat naririto sa harapan mo at magsakdal, kung mayroon silang anumang laban sa akin.
20 O kaya'y hayaan ang mga tao ring ito na magsabi kung anong masamang gawa ang natagpuan nila nang ako'y tumayo sa harapan ng Sanhedrin,
21 maliban(B) sa isang bagay na ito na aking isinigaw habang nakatayo sa gitna nila, ‘Tungkol sa pagkabuhay ng mga patay ako'y nililitis sa harapan mo sa araw na ito.’”
22 Ngunit si Felix, na may wastong kaalaman tungkol sa Daan, ay ipinagpaliban ang pagdinig, na sinasabi, “Paglusong ni Lisias na punong kapitan, magpapasiya ako tungkol sa inyong usapin.”
23 At iniutos niya sa senturion na siya'y bantayan at bigyan ng kaunting kalayaan at huwag pagbawalan ang kanyang mga kaibigan na tulungan siya sa kanyang mga pangangailangan.
Ang Pangunahing Utos(A)
28 Lumapit(B) ang isa sa mga eskriba, at narinig niya ang kanilang pagtatalo, at palibhasa'y nalalamang mabuti ang pagkasagot niya sa kanila ay tinanong siya, “Alin ang pangunahing utos sa lahat?”
29 Sumagot(C) si Jesus, “Ang pangunahin ay, ‘Pakinggan mo Israel: Ang Panginoon nating Diyos, ang Panginoon ay iisa.
30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.’
31 Ang(D) pangalawa ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili. Wala nang ibang utos na higit pang dakila sa mga ito.’”
32 Sinabi(E) sa kanya ng eskriba, “Tama ka, Guro; katotohanan ang sinabi mo na siya'y iisa; at wala nang iba maliban sa kanya.
33 Ang(F) siya'y ibigin nang buong puso, buong pagkaunawa, buong lakas, at ibigin ang kapwa niya na gaya ng kanyang sarili, ay higit pa kaysa lahat ng mga handog na sinunog at mga alay.”
34 Nang makita ni Jesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, sinabi niya sa kanya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Pagkatapos noon, wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya ng anuman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001