Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 18

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ng Panginoon, na iniukol ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng lahat niyang mga kaaway, at mula sa kamay ni Saul. Sinabi niya:

18 Iniibig kita, O Panginoon, aking kalakasan.
Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
    aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
    aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
Ako'y tumatawag sa Panginoon na marapat purihin,
    at naligtas ako sa aking mga kaaway.

Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan
    inaalon ako ng mga baha ng kasamaan.
Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko,
    hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan.

Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
    sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong.
Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig.
    At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig.

Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
    ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig
    at nauga, sapagkat siya'y galit.
Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong,
    at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon,
    at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy.
Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba;
    ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad,
    siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang panakip ang kadiliman,
    ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit.
12 Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya
    ay lumabas ang kanyang mga ulap,
    ang mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon ay kumulog din sa mga langit,
    at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
14 At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila,
    nagpakidlat siya at ginapi sila.
15 Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan,
    at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran,
sa iyong pagsaway, O Panginoon,
    sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.

16 Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako;
    mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
    at sa mga napopoot sa akin,
    sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan,
    ngunit ang Panginoon ang aking gabay.
19 Inilabas niya ako sa maluwag na dako;
    iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.

20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
    ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
    at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
    at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
    at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
    ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.

25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
    sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
    at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
    ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
    pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
    at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
    ang salita ng Panginoon ay subok na;
    siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.

31 Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
    At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
    at ginagawang ligtas ang aking daan.
33 Kanyang(A) ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
    at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya.
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma,
    anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso.
35 Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo,
    at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako,
    at pinadakila ako ng kahinahunan mo.
36 Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko,
    at hindi nadulas ang mga paa ko.
37 Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila,
    at hindi bumalik hanggang sa malipol sila.
38 Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo;
    sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban;
    pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay.
40 Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko,
    at yaong napopoot sa akin ay winasak ko.
41 Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas,
    sila'y dumaing sa Panginoon, subalit sila'y hindi niya tinugon.
42 Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin;
    inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan.

43 Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo;
    at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno,
    ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao.
44 Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako;
    ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko.
45 Nanlulupaypay ang mga dayuhan,
    sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan.

46 Buháy ang Panginoon; at purihin ang aking malaking bato;
    at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko.
47 Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti
    at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko,
48 inililigtas niya ako sa mga kaaway ko.
    Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako,
    inililigtas mo ako sa mararahas na tao.
49 Dahil(B) dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
    at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo.
50 Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay
    at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis,
    kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.

1 Mga Hari 3:16-28

Ang Matalinong Paghatol ni Solomon

16 Pagkatapos ay naparoon sa hari ang dalawang upahang babae[a] at tumayo sa harapan niya.

17 Sinabi ng isang babae, “O panginoon ko, ako at ang babaing ito ay nakatira sa iisang bahay; at ako'y nanganak ng isang batang lalaki nang kasama ko pa siya sa bahay.

18 Nang ikatlong araw pagkatapos na ako'y makapanganak, ang babaing ito'y nanganak din, at kami ay magkasama. Wala kaming ibang kasama sa bahay, liban sa aming dalawa.

19 Ang anak ng babaing ito ay namatay kinagabihan sapagkat kanyang nadaganan ito.

20 At siya'y bumangon nang hatinggabi, at kinuha niya ang anak kong lalaki sa tabi ko, samantalang ang iyong lingkod ay natutulog. Inihiga niya ito sa kanyang dibdib, at inilagay ang kanyang patay na anak sa aking dibdib.

21 Kinaumagahan, nang ako'y bumangon upang aking pasusuhin ang aking anak, nakita ko na siya'y patay na. Ngunit kinaumagahan, nang aking kilalaning mabuti, hindi iyon ang batang aking ipinanganak.”

22 Ngunit sinabi ng isang babae, “Hindi. Ngunit ang buháy ay aking anak at ang patay ay iyong anak.” At sinabi ng isa, “Hindi. Ngunit ang patay ay ang iyong anak, at ang buháy ay siyang aking anak.” Ganito sila nagsalita sa harap ng hari.

23 Nang magkagayo'y sinabi ng hari, “Ang isa'y nagsasabi, ‘Ang aking anak ay ang buháy, at ang iyong anak ay ang patay.’ At ang isa'y nagsasabi rin, ‘Hindi; kundi ang iyong anak ay ang patay, at ang aking anak ay ang buháy.’”

24 Kaya't sinabi ng hari, “Dalhan ninyo ako ng isang tabak.” At sila'y nagdala ng isang tabak sa harap ng hari.

25 At sinabi ng hari, “Hatiin sa dalawa ang buháy na bata, at ibigay ang kalahati sa isa at ang kalahati ay sa isa naman.”

26 Nang magkagayo'y nagsalita ang babae na ina ng buháy na bata sa hari, sapagkat ang kanyang puso ay nahahabag sa kanyang anak, at sinabi niya, “O panginoon ko, ibigay mo sa kanya ang buháy na bata, at sa anumang paraa'y huwag mong patayin.” Ngunit ang sabi ng isa, “Hindi iyan magiging akin ni sa iyo man; hatiin siya.”

27 Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi, “Ibigay ang buháy na bata sa unang babae, at sa anumang paraa'y huwag patayin. Siya ang kanyang ina.”

28 Nabalitaan ng buong Israel ang hatol na iginawad ng hari; sila'y natakot sa hari sapagkat kanilang nakita na ang karunungan upang maggawad ng katarungan ng Diyos ay nasa kanya.

Mga Gawa 27:27-44

27 Nang dumating ang ikalabing-apat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa kabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa lupa.

28 Nang kanilang tarukin ay nalamang dalawampung dipa; at pagkasulong ng kaunti ay tinarok nilang muli at nalamang may labinlimang dipa.

29 Sa takot naming mapapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na.

30 Subalit nang magtangka ang mga mandaragat na makaalis sa barko at ibinaba ang bangka sa dagat, na ang idinadahilan ay maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan,

31 ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, “Malibang manatili ang mga taong ito sa barko, kayo'y hindi makakaligtas.”

32 Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.

33 Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain, na sinasabi, “Ang araw na ito ang ikalabing-apat na araw na kayo'y naghihintay na walang kinakaing anuman.

34 Kaya't ipinapakiusap ko sa inyo na kayo'y kumain; ito ay para sa inyong kaligtasan, sapagkat hindi malalaglag kahit ang isang buhok sa ulo ng sinuman sa inyo.”

35 Nang masabi na niya ito, at makakuha ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Ito'y kanyang pinagputul-putol at nagsimulang kumain.

36 Nang magkagayo'y lumakas ang loob ng lahat, at sila nama'y kumain din.

37 Kaming lahat na nasa barko ay dalawandaan at pitumpu't anim na kaluluwa.

38 Nang makakain na sila nang sapat, pinagaan nila ang barko sa pamamagitan ng pagtatapon ng trigo sa dagat.

Nagpatuloy ang Barko

39 Nang mag-umaga na, hindi nila napansin ang lupa, ngunit nababanaagan nila ang isang look na may baybayin, at sila'y nagbalak na maisadsad doon ang barko.

40 Inihulog nila ang mga angkla at kanilang iniwan iyon sa dagat samantalang kinakalag ang mga tali ng mga ugit. Nang maitaas na nila sa hangin ang layag sa unahan ay nagtungo sila sa baybayin.

41 Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, ay kanilang isinadsad ang barko at ang unahan ng barko ay hindi nakaalis at nanatiling hindi kumikilos, at ang hulihan ay winasak ng lakas ng mga alon.

42 Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo upang ang sinuma'y hindi makalangoy at makatakas.

43 Sa pagnanais na iligtas si Pablo, pinigil sila ng senturion sa kanilang balak. Ipinag-utos niya na ang mga marunong lumangoy ay tumalon, at mauna na sa lupa;

44 at ang mga naiwan ay sumunod, ang ilan ay sa ibabaw ng mga kahoy, at ang iba ay sa bahagi ng barko. Sa gayon ang lahat ay ligtas na nakarating sa lupa.

Marcos 14:12-26

Kumain ng Hapunang Pampaskuwa si Jesus at ang Kanyang mga Alagad(A)

12 Nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, nang kanilang inihahandog ang kordero ng Paskuwa, sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, “Saan mo kami ibig pumunta at ipaghanda ka upang makakain ng kordero ng Paskuwa?”

13 Isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad at sa kanila'y sinabi, “Pumunta kayo sa lunsod at doo'y sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya.

14 At kung saan siya pumasok, sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, na sinasabi ng Guro, ‘Nasaan ang aking silid-tuluyan na kung saan maaari kong kainin ang kordero ng Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?’

15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan at handa na. At doon ay maghanda kayo para sa atin.”

16 Kaya't umalis ang mga alagad, nagpunta sa lunsod, at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. Inihanda nila ang korderong pampaskuwa.

17 Pagsapit ng gabi, naparoon siyang kasama ang labindalawa.

18 Nang(B) sila'y nakaupo na at kumakain, sinabi ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo, ang kasalo kong kumakain.”

19 Sila'y nagsimulang malungkot at isa-isang nagsabi sa kanya, “Ako ba?”

20 Sinabi niya sa kanila, “Isa sa labindalawa, ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok.

21 Sapagkat papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya ay ipinagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”

Ang Banal na Hapunan(C)

22 Samantalang sila'y kumakain, dumampot siya ng tinapay, at nang kanyang mabasbasan ay kanyang pinagputul-putol, ibinigay sa kanila at sinabi, “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.”

23 Siya'y dumampot ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat ay ibinigay niya sa kanila, at mula roo'y uminom silang lahat.

24 At(D) sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng tipan,[a] na nabubuhos para sa marami.

25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom mula sa bunga ng ubas, hanggang sa araw na iyon na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.

26 At pagkaawit ng isang himno, lumabas sila patungo sa bundok ng mga Olibo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001