Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kaguluhan!
Ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang magtataas sa iyo!
2 Nawa'y saklolohan ka niya mula sa santuwaryo,
at alalayan ka mula sa Zion!
3 Maalala nawa niya ang lahat mong mga handog,
at tanggapin niya ang iyong mga handog na sinusunog! (Selah)
4 Nawa'y ang nais ng iyong puso ay ipagkaloob niya sa iyo,
at tuparin ang lahat ng mga panukala mo!
5 Kami'y magagalak sa iyong pagliligtas,
at sa pangalan ng aming Diyos ay aming itataas ang aming mga watawat!
Ganapin nawa ng Panginoon ang kahilingan mong lahat!
6 Ngayo'y nalalaman ko na tutulungan ng Panginoon ang kanyang pinahiran ng langis;
sasagutin niya siya mula sa kanyang banal na langit
na may makapangyarihang pagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay.
7 Ipinagmamalaki ng ilan ang mga karwahe, at ang iba ay ang mga kabayo;
ngunit ipinagmamalaki namin ang pangalan ng Panginoon naming Diyos.
8 Sila'y mabubuwal at guguho,
ngunit kami ay titindig at matuwid na tatayo.
9 Bigyan ng tagumpay ang hari, O Panginoon,
sagutin nawa kami kapag kami ay tumatawag.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
21 Ang hari ay nagagalak, O Panginoon, sa iyong kalakasan,
at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
2 Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob,
at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
3 Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala,
pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
4 Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay,
haba ng mga araw magpakailanman.
5 Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian,
ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
6 Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman;
iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
7 Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa Panginoon,
at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
8 Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;
ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay.
9 Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon
kapag ikaw ay lumitaw.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kanyang kagalitan;
at sa apoy sila'y malulusaw.
10 Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo,
at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao.
11 Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan,
kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay.
12 Sapagkat iyong patatalikurin sila,
iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana.
13 Mataas ka, O Panginoon, sa iyong kalakasan!
Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.
Awit ni David.
110 Sinabi(A) ng Panginoon sa aking panginoon:
“Umupo ka sa aking kanan,
hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway.”
2 Iuunat ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion.
Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo!
3 Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan
sa araw ng iyong kapangyarihan
sa kagandahan ng kabanalan.
Mula sa bukang-liwayway ng umaga,
ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya.
4 Sumumpa(B) ang Panginoon, at hindi magbabago ang kanyang isipan,
“Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
5 Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay;
dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot.
6 Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa,
kanyang pupunuin sila ng mga bangkay;
wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa.
7 Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan;
kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas.
116 Minamahal ko ang Panginoon, sapagkat kanyang dininig
ang aking tinig at aking mga hiling.
2 Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin,
kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay.
3 Ang bitag ng kamatayan ay pumalibot sa akin,
ang mga hapdi ng Sheol ay nagsihawak sa akin:
ako'y nagdanas ng pagkabahala at pagkadalamhati.
4 Nang magkagayo'y sa pangalan ng Panginoon ay tumawag ako:
“O Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang buhay ko!”
5 Mapagbiyaya at matuwid ang Panginoon,
oo, ang Diyos namin ay maawain.
6 Iniingatan ng Panginoon ang mga taong karaniwan;
ako'y naibaba at iniligtas niya ako.
7 Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko;
sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng Panginoon.
8 Sapagkat iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan,
ang mga mata ko sa mga luha,
ang mga paa ko sa pagkatisod;
9 Ako'y lalakad sa harapan ng Panginoon
sa lupain ng mga buháy.
10 Ako'y(A) naniwala nang aking sinabi,
“Lubhang nahihirapan ako;”
11 sinabi ko sa aking pangingilabot,
“Lahat ng tao ay sinungaling.”
12 Ano ang aking isusukli sa Panginoon
sa lahat niyang kabutihan sa akin?
13 Aking itataas ang saro ng kaligtasan,
at tatawag sa pangalan ng Panginoon,
14 tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
sa harapan ng lahat ng kanyang bayan.
15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon
ang kamatayan ng kanyang mga banal.
16 O Panginoon, ako'y iyong lingkod;
ako'y iyong lingkod, anak ng iyong lingkod na babae;
iyong kinalag ang aking mga gapos.
17 Ako'y mag-aalay sa iyo ng handog ng pasasalamat,
at tatawag sa pangalan ng Panginoon.
18 Tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
sa harapan ng lahat ng kanyang bayan;
19 sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon,
sa gitna mo, O Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Bilang Pagpupuri sa Panginoon
117 Purihin(B) ang Panginoon, kayong lahat na mga bansa!
Dakilain ninyo siya, kayong lahat na mga bayan!
2 Sapagkat dakila ang kanyang tapat na pag-ibig sa atin;
at ang katapatan ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
51 Ganito(A) nayari ang lahat ng ginawa ni Haring Solomon sa bahay ng Panginoon. Ipinasok ni Solomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kanyang ama, ang pilak, ginto, mga lalagyan, at itinago sa mga silid ng kabang-yaman ng bahay ng Panginoon.
Dinala ang Kaban sa Templo(B)
8 Pagkatapos(C) ay tinipon ni Solomon ang matatanda ng Israel at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng bayan ni Israel, sa harapan ni Haring Solomon sa Jerusalem, upang iakyat ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa lunsod ni David na siyang Zion.
2 Ang(D) lahat ng mamamayan sa Israel ay nagtipon kay Haring Solomon sa kapistahan, sa buwan ng Ethanim, na siyang ikapitong buwan.
3 At ang lahat ng matatanda sa Israel ay nagtipon, at binuhat ng mga pari ang kaban.
4 Kanilang iniakyat ang kaban ng Panginoon, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapan na nasa tolda; iniakyat ang mga ito ng mga pari at ng mga Levita.
5 Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipon sa kanyang harapan ay kasama niya sa harap ng kaban na nag-aalay ng napakaraming mga tupa at mga baka na di matuturingan o mabibilang man.
6 At ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng Panginoon sa kalalagyan nito, sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa dakong kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.
7 Sapagkat nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin sa gawing ibabaw ng kaban, anupa't ang mga kerubin ay kumakanlong sa ibabaw ng kaban at sa mga pasanan niyon.
8 Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa dakong banal sa harap ng panloob na santuwaryo, ngunit hindi nakikita sa labas at nandoon ang mga iyon hanggang sa araw na ito.
9 Walang(E) anumang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises doon sa Horeb, na kung saan ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto.
10 Kapag(F) ang mga pari ay lumabas sa dakong banal, ang bahay ng Panginoon ay napupuno ng ulap,
11 kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang mangasiwa dahil sa ulap; sapagkat napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.
Nagsalita si Solomon(G)
12 Pagkatapos(H) ay nagsalita si Solomon, “Sinabi ng Panginoon na siya'y maninirahan sa makapal na kadiliman.
13 Ipinagtayo kita ng isang marangal na tahanan, isang dako na iyong tatahanan magpakailanman.”
14 Humarap ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, habang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo.
15 At kanyang sinabi, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang ipinangako ng kanyang bibig kay David na aking ama, na sinasabi,
16 ‘Mula(I) nang araw na aking ilabas ang aking bayang Israel mula sa Ehipto, hindi pa ako pumili ng isang lunsod sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; ngunit aking pinili si David upang maghari sa aking bayang Israel.’
17 Nasa(J) puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
18 Ngunit sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, ‘Nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na iyon ay nasa iyong puso.
19 Gayunma'y(K) hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang magiging anak mo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’
20 Ngayon ay tinupad ng Panginoon ang salitang kanyang sinabi, sapagkat ako'y bumangong kapalit ni David na aking ama, at nakaupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
21 At doo'y aking ipinaghanda ng isang lugar ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon na kanyang ginawa sa ating mga ninuno, nang kanyang ilabas sila sa lupain ng Ehipto.”
17 Pagkaraan ng tatlong araw, tinipon niya ang mga pinuno ng mga Judio at nang sila'y matipon na, ay sinabi niya sa kanila, “Mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anuman laban sa bayan, o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga-Roma.
18 Nang ako'y kanilang nasiyasat na, ibig sana akong palayain ng mga taga-Roma,[a] sapagkat walang anumang kadahilanang marapat sa kamatayan na natagpuan sa akin.
19 Subalit(A) nang tumutol ang mga Judio, napilitan akong dumulog kay Cesar, bagaman wala akong paratang laban sa aking bansa.
20 Kaya't sa dahilang ito, tinawag ko kayo upang makipagkita at makipag-usap sa inyo, yamang dahil sa pag-asa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito.”
21 At sinabi nila sa kanya, “Kami'y walang natanggap na mga sulat na galing sa Judea tungkol sa iyo, ni walang pumaritong kapatid na nagbalita o nagsalita ng anumang masama tungkol sa iyo.
22 Subalit ibig naming marinig sa iyo kung ano ang iyong mga iniisip, sapagkat alam namin na maraming nagsasalita ng laban sa sektang ito sa lahat ng mga lugar.”
23 Nang sila'y makapagtalaga ng isang araw para sa kanya, nagtungo sila sa kanyang tinutuluyan at napakarami nila. Ipinaliwanag niya sa kanila ang pangyayari buhat umaga hanggang gabi na nagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos, at sinikap na sila'y mahikayat tungkol kay Jesus, mula sa kautusan ni Moises at mula sa mga propeta.
24 Ang iba'y nahikayat sa mga bagay na sinabi niya at ang iba'y hindi naniwala.
25 Nang sila'y hindi magkaisa, umalis sila pagkasabi ni Pablo ng isang pahayag: “Tama ang Espiritu Santo sa pagsasalita sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni propeta Isaias na sinasabi,
26 ‘Pumaroon(B) ka sa bayang ito, at sabihin mo,
tunay na inyong mapapakinggan, ngunit hindi kailanman mauunawaan,
tunay na inyong titingnan ngunit hindi ninyo mamamasdan.
27 Sapagkat pumurol na ang puso ng bayang ito,
at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
at pumikit na ang kanilang mga mata;
baka sila'y makakita sa kanilang mga mata,
at makarinig sa kanilang mga tainga,
at makaunawa sa kanilang puso, at magbalik-loob,
at sila'y aking pagalingin.’
28 Maging hayag nawa sa inyo na ang kaligtasang ito ng Diyos ay ipinadala sa mga Hentil at sila'y makikinig.”
[29 At nang masabi na niya ang mga salitang ito'y nagsialis ang mga Judio, at sila-sila'y nagtalong mabuti.]
30 Nanirahan siya roon ng buong dalawang taon sa kanyang sariling inuupahang bahay, at tinatanggap ang lahat ng sa kanya'y nagsasadya,
31 na ipinangangaral ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay na tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo, na may buong katapangan at walang sagabal.
Ang Pagdakip kay Jesus(A)
43 Kaagad, samantalang nagsasalita pa siya, dumating si Judas na isa sa labindalawa. Kasama niya ang maraming tao na may mga tabak at mga pamalo, na mula sa mga punong pari, sa mga eskriba at sa matatanda.
44 At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, “Ang aking halikan ay iyon na; hulihin ninyo siya at dalhin siyang may bantay.”
45 Kaya't nang dumating siya, lumapit siya agad sa kanya at nagsabi, “Rabi,” at siya'y kanyang hinalikan.
46 Siya'y sinunggaban nila at siya'y kanilang dinakip.
47 Ngunit ang isa sa nakatayo roon ay bumunot ng kanyang tabak, tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinigpas ang kanyang tainga.
48 Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Kayo ba'y lumabas na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako na parang isang tulisan?
49 Araw-araw(B) ay kasama ninyo ako sa templo na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuhuli. Ngunit nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan.”
50 Iniwan siya ng lahat at tumakas sila.
51 Sinundan siya ng isang binata na walang suot kundi isang telang lino lamang at siya'y kanilang sinunggaban.
52 Ngunit kanyang binitawan ang telang lino at tumakas na hubad.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001